ALIGAGA ang lahat sa paligid, nagmamadali silang ayusin at ipasok ang kani-kanilang paninda habang ang mga mamimili ay unti-unting nagsisiuwian. Tiningala ko ang kalangitan—sobrang dilim, nagbabadya ang malakas na pagbuhos ng ulan. Napayakap ako sa sarili nang dumampi ang malamig na hangin sa aking balat.
"Ney!" Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Sa wakas, dumating na rin ang kanina ko pa hinihintay—si Claudine.
Patakbo siyang lumapit sa akin, habol-hininga at pinupunasan ang namumuong pawis sa katawan. "Kanina pa kita hinihintay," sabi ko.
"Sorry na, hindi ko akalain na gano’n kalala ang traffic papunta dito," sagot niya sa pagitan ng hingal. "May inaaayos na kalsada sa amin," dagdag pa niyang reklamo.
"Na naman?"
"Na naman," sagot niya sabay irap. "Nasobrahan na ata sa talino ang namamahala sa lugar namin—maski maayos na daan, inaayos pa. Ang lakas ng mga saltek!"
"Wala na tayong magagawa d’yan," sagot ko habang umiiling, saka niya hinawi ang buhok niya. "Saan mo siya nakita, Jes?" pag-iiba ko ng usapan—ang tunay na pakay kung bakit ako nakipagkita.
Umayos siya ng tayo, at sa huling pagkakataon ay pinunasan ang mukha bago seryosong tumingin sa akin. "Ipangako mo sa ’kin na hindi ka gagawa ng kahit anong gulo."
Sandali akong natahimik saka umiling. "Hindi ko maipapangako ’yan hangga’t hindi ko nalalaman kung saan at ano ang kalagayan ng kapatid ko, Jes." Siya na lang ang natitira kong kakampi sa buhay, ayaw kong maski ang nag-iisa kong kapatid ay mawala pa sa akin.
"Wala na akong magagawa," bulalas niya bago mariing pumikit. Hinawakan niya ang magkabila kong kamay at marahang nagsalita. "Nasa poder siya ng mga Parrenas."
Huminga siya nang malalim saka ito marahas na ibinuga, kasabay ng mas mahigpit na hawak niya. "Ney, si Jessica… ibinigay siya ni Tita Amelia sa mga Parrenas para magserbisyo bilang bayad sa pagkakautang niya sa kanila."
Nanigas ako sa kinatatayuan. Ang magulong isip ay lalo pang nagulo sa narinig ko. Paano? Ibig sabihin, magmula nang magbakasyon si Jessica ay—kumuyom ako ng mga palad.
Gusto kong sumigaw at magwala. Sumasakit ang dibdib ko sa naipong galit, inis, at problema. Hindi pa ba kulang ang lahat ng sakripisyong ginawa ko para sa pamilya? Iniwan ko ang pag-aaral para saluhin ang responsibilidad na iniwan ni Papa, para kahit papaano ay maiahon kami mula sa kahirapan.
Kulang pa ba? Kulang na kulang pa ba ang lahat ng pinaghirapan ko para sa pamilya na ’to—para kay Mama na maski ang kapatid ko ay nais pang ipagpalit sa kapahamakan? Pakiramdam ko, lahat ng ginawa ko ay nauwi lang sa wala.
"Huwag ka nang umiyak." Nabigla ako sa pagpahid ni Jessica ng luha sa gilid ng aking mata. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ito.
"Ayos lang ako," sagot ko saka kinuha ang kamay niya mula sa pagkakapit at pinunasan ang luha. "Bawiin na natin si Jessica," dagdag ko.
Tumango siya. "Mabuti pa nga." Marahan niya akong hinila pasakay sa humintong jeep sa harap namin. "Kailangan na nating mabawi ang kapatid mo sa lalong madaling panahon. Hindi maganda ang imahe ng mga Parrenas sa mga kasambahay nila—dahil sa dami ng nagrereklamo tungkol sa pananakit. Baka si Jessica… huwag naman sana."
"Alam mo ba kung magkano ang pagkakautang ni Mama sa kanila?" Sana kasya ang ipon ko para mabawi ang kapatid ko. Hindi ko maatim na isipin na nagpapakahirap siya sa pamilyang iyon.
Pinangako ko sa sarili na hangga’t makakaya ko, gagawin ko ang lahat para hindi siya mahirapan—na makapagtapos ng pag-aaral nang hindi kinakailangang magtrabaho. Bilang nakatatandang kapatid, handa akong igapang siya. Pero hindi ko akalain na mismong magulang namin ang magpapahirap sa kanya—sa aming dalawa.
"Hindi ko sigurado. Walang nabanggit ang napagtanungan ko," sagot niya habang nagkibit-balikat. "Pero sigurado akong malaking halaga ang kinuha ni Tita Amelia. Ilang buwan nang nagtatrabaho si Jessica doon at hindi pa rin tapos bayaran ang pagkakautang."
Tumango ako at muling natulala. Binuksan ko ang cellphone at tiningnan ang savings account. Sakto na sana ang ipon ko para sa unang semester niya sa kolehiyo at maibili ng mga gamit na kakailanganin niya sa pag-aaral.
Mukhang babalik na naman ako sa umpisa.
Makalipas ang isa’t kalahating oras, narating namin ang bahay ng mga Parrenas. Mula sa gate ay tanaw ang malawak na hardin, tatlong palapag na bahay na malayo pa lang ay nagpapakita na ng karangyaan.
"Jessica!" sigaw ko mula sa gate, nagbabakasakali na may makarinig. "Jessica, lumabas ka riyan!"
"Kumalma ka muna, Ney," gulat na saway ni Claudine, sabay hila sa aking braso. "Huwag tayo gumawa ng eskandalo dito, nakakahiya sa mga kapitbahay."
"Pero ang kapatid ko—" Hindi ko pa natatapos ang sasabihin nang bumukas ang pinto at bumungad si Jessica, suot ang uniporme ng kasambahay at hawak ang basurang itatapon niya.
Kinagat ko ang ibabang labi, hindi maalis ang tingin ko sa kaniya. Malaki ang ipinayat niya sa loob ng halos tatlong buwan na hindi kami nagkita.
"Jessica," tawag ko.
Napalingon siya, nabitawan ang hawak na basura nang makita ako. "A-ate..." bulalas niya bago dali-daling dinampot ang nahulog at lumapit sa akin. "B-bakit ka andito? S-si Mama?" bakas ang kaba sa kanyang tinig.
"Ako ang dapat magtanong niyan sa iyo," pilit kong pinakalma ang sarili. "Ano ang ginagawa mo rito? Hindi ba’t ang paalam mo ay uuwi ka sa probinsya—"
"Sorry, ate..." Isa-isang bumagsak ang luha niya sa pisngi, hindi na pinansin ang basurang nagkalat mula sa hawak niyang plastic. "G-gusto ko lang makatulong."
"Ayusin mo ang gamit mo, uuwi na tayo," mariin kong sabi.
"Pero ate—" kontra niya.
"Eula, kung ayaw mong mas lalo akong magalit, gawin mo ang sinasabi ko. Ayusin mo ang gamit mo at uuwi na tayo," ulit ko.
"Sige po," wala na siyang nagawa.
Ngunit bago pa siya makalayo, bumukas muli ang pinto at umalingawngaw ang sigaw ng isang babae.
"Put*ng ina naman, Eula! Magtatapon ka lang ng basura, inaabot ka pa ng ilang oras! Bilisan mo at marami ka pang lilinisin dito sa loob—" Naputol ang bulyaw niya nang mapansin ako sa gate. "At sino ka naman, aber?!"
"Magandang hapon po," si Claudine ang sumabat. "Ako po si Claudine, at siya po si Renee—nakakatandang kapatid ni Jessica at anak ni Amelia."
"Oh, isa pang anak ni Amelia," taas-kilay na sagot niya. "Diretsuhin niyo na ako, anong ginagawa niyo rito? Kung pinapunta kayo ng nanay niyo para mangutang, wala kayong mapapala. Umuwi na kayo!"
"Ang kakapal ng mukha! Hindi nga makabayad, balak pang dagdagan. At itong anak na ipinadala rito para manilbihan, ang kupad pa gumalaw!"
"Sandali lang po, wala po kaming balak mangutang," pigil ko sa kanya. "Ang pinunta namin ay para kunin ang kapatid ko at bayaran kayo ng buo."
Muli niya akong nilingon. "Bayaran ng buo?" natawa siya, saka mabagal na lumapit. "Sixty thousand ang utang ni Amelia, bawas na rin doon ang dalawang buwan na pagtatrabaho ng kapatid mo. May pangbayad ka?"
Tumango ako at inilabas ang perang winithdraw ko bago pumunta rito. "Heto po."
Tinignan niya ito. "Hindi mo ’to ninakaw?"
"Nakuha ko po ito sa malinis at marangal na paraan," mariin kong sagot, saka tumingin kay Eula na nakayuko pa rin. "Pwede ko na po ba siyang maiuwi?"
"Buweno, maupo muna kayo rito sa labas at kukunin ko ang kontrata na pinirmahan ng nanay niyo," sagot ni Aling Parrenas at binuksan ang gate. Binalingan niya si Jessica. "Ayusin mo na ang gamit mo, makauuwi ka na."
"Salamat po," bulong ni Jessica saka patakbong pumasok.
Naiwan kami ni Jessica sa labas, naghihintay. "Saan mo kinuha ang ganoong kalaking halaga? Hindi mo sinabi sa akin."
"Inipon ko iyon para sa pagpasok ni Jessica sa kolehiyo," sagot ko, nakatingala sa madilim na langit. "Hindi ko akalaing ’yong perang matagal kong pinag-ipunan ay ibabayad ko rin lang sa utang."
Mahina akong natawa at nailing. "Ang purpose na lang ata ng buhay ko ay magbayad ng utang."
Tahimik lang si Claudine, saka marahang inalalayan ako. "Ney, kailangan mo ring isipin ang sarili mo. Tingnan mo ang sarili mo sa salamin—maski bagong damit, hindi ka makabili. Lahat napupunta sa pagbabayad ng utang ni Tita Amelia. Bakit hindi na lang kayo umalis? Kayang-kaya mo."
"Nanay ko pa rin siya—siya pa rin ang nagluwal sa akin," sagot ko saka bumuga ng buntong-hininga. "At alam mo kung bakit naging ganyan si Mama."
Hindi na siya umimik. Alam niyang kahit anong pilit, hindi magbabago ang desisyon ko.
Maya-maya lumabas na si Jessica, dala ang isang malaking bag. Agad ko siyang tinulungan. "Ate..."
"Mamaya ka na magpaliwanag," putol ko. Masyado pang magulo ang isip ko.
Pagkaraan, bumalik si Aling Parrenas dala ang kontrata. "Nakalista lahat d’yan—mula sa kapital hanggang sa interes," sabi niya.
Inabot ko ang pera. "Heto po ang kabuuang bayad sa lahat ng utang ni Mama."
Binilang niya ito at nang masigurong kumpleto, ngumisi siya. "Mabuti na lang at nakabayad ka, kundi baka napilitan akong magsampa ng kaso."
"Pasensya na po. Isa na lang pong pabor—huwag niyo na po ulit pautangin si Mama, kahit ano pa ang sabihin niya. Dahil sa susunod, hindi ko na po kayang magbayad."
"Kahit hindi mo sabihin, hindi ko na siya pauutangin," sagot niya sabay irap.
Kinuha ko ang kamay ni Jessica. "Maraming salamat po," sabi ko at nag-aya nang umalis.
At kasabay ng pagbagsak ng malakas na ulan, iniwan namin ang bahay ng mga Parrenas.
LUBOG na sa baha ang buong lugar; bawat dinaanan ng jeep na sinasakyan ay winawalis ng mataas na tubig sa kalsada. Inabot pa ng apat na oras bago kami makarating sa bahay, at kanina pa humiwalay si Claudine para umuwi sa kanila.
Dere-derecho akong pumasok sa loob, kasunod si Jessica na kanina pa tahimik at panay ang sulyap sa akin. Hindi ko siya pinansin; dumiretso ako para kumuha ng bagong labang tuwalya saka iniabot sa kaniya.
“Maligo’t mag-ayos ka na. Magastos ang magkasakit sa panahon ngayon.”
“Ate…”
“Jes, mamaya na.” Pigil ko sa kaniya. “Mag-ayos ka na muna. Bilisan mo, nilalamig na rin ako.”
Nakayuko siyang tumango at nagpunta sa banyo. Sinundan ko ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang makapasok sa loob. Bumagsak ako sa kahoy na sofa at napasabunot sa sarili. Ayaw kong isipin niyang galit ako, pero sa kabilang banda, ayaw ko ring maging emosyonal sa harap niya.
Sigurado ako, mula nang dumating siya sa bahay na iyon, puro hirap ang pinagdaanan niya. Hindi siya sanay na wala ako sa tabi niya kapag natutulog o paggising. Kapag inaalala ko ang mga panahong iyon, hindi ko mapigilang maawa sa kapatid ko.
Kung alam ko lang. Kung maaga ko lang nalaman ang ginawa ni Mama.
Abala ako sa pagsusulat, isa-isang inililista ang mga kailangan at utang na babayaran, nang ilapag ni Jessica ang isang tasang kape sa mesa at naupo sa tabi ko.
“Ate, kausapin mo na ’ko. Hindi ko gustong magtago at magsinungaling sa iyo, pero iyon lang talaga ang naisip kong paraan para makatulong. Nakikita kong hirap na hirap ka na, samantalang ako, nakatunganga lang at naghihintay ng ibibigay mo.”
“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” Hindi kailanman nagtago si Jessica ng kahit anong bagay sa akin. Lumaki kami at namulat sa buhay na tanging sandigan ay ang isa’t isa. Malaki ang tiwala ko nang magpaalam siyang uuwi ng probinsya.
“Ayaw ni Mama ipaalam. Alam ko ring hindi ka papayag.” Nag-umpisa na siyang humikbi. “Ate, alam ko na hirap na hirap ka na sa amin ni Mama. Sinalo mo at pilit pinupunan ang responsibilidad na iniwan nila. Ate Renee, malaki na ako—ayaw ko nang maging pabigat. Gusto kong tulungan ka. Hati tayo sa problemang dinadala mo—”
“Eula, ang mag-aral at makapagtapos ang pinakamagandang maitutulong at maibibigay mong regalo sa akin. Nawawala ang pagod ko kapag nakikita kong mataas ang mga grado mo. Dahil alam ko, kahit ganito man ang pamilya natin—si Mama—may nagagawa ako. Nakikita kong nagsusumikap ka.” Wala nang ibang mas masarap sa pakiramdam kundi ang makita siyang umaakyat sa entablado at tumatanggap ng diploma. Diploma na minsan kong inasam ngunit alam kong hindi ko makukuha.
“Paano kung huminto muna ako sa pag-aaral?” tanong niya, saka mabilis dinugtungan, “Isang taon lang. Tutulungan muna kita at mag-iipon para makabalik ako sa pag-aaral.”
“Hindi ka hihinto, Jes.” Mariin kong pagkontra. “Hayaan mo na sa akin ang problema. Igagapang ko ang pag-aaral mo hanggang sa makapagtapos ka.”
“Ate…” pagpupumilit niya.
“Palalagpasin ko ang nangyari ngayon, pero hindi puwedeng maulit pa.” Pag-iiba ko ng usapan, saka ko siya pinakatitigan.
Doon ko lang napansin ang pamumutla ng kaniyang mukha at ang malaking ipinayat niya sa loob ng dalawang buwan na nagtrabaho siya.
“Maayos ba ang pakikitungo sa iyo ng mga naging amo mo sa bahay na iyon?”
Napaiwas siya ng tingin. Walang namutawing salita mula sa kaniyang labi. Napailing na lang ako at hinawakan ang braso niya.
“Nilalagnat ka.” Hinipo ko ang noo niya.
“Okay lang ako,” mabilis niyang sagot. “Nanibago lang ang katawan ko dahil sa pabago-bagong panahon,” paliwanag niya.
Tumayo ako mula sa kinauupuan, kinuha ang gamot para sa lagnat at iniabot sa kaniya.
“Wala na akong pera. Ang ibinayad ko kanina ay lahat ng ipon ko. Kaya inumin mo agad ang gamot, dahil wala na akong mailuluwal kung sakaling lumala pa ’yan.”
Tahimik siyang tumango at sumunod, habang ako nama’y nakamasid lang sa bawat kilos niya.
Hindi na bale kung hindi ako magkaroon ng asawa o magandang buhay—maitaguyod ko lang ang kapatid kong may mas malaking potensyal kaysa sa akin.
Iyon na yata ang tadhana ko. Kailangan ko na lang tanggapin.
G.R. 🌻