Chapter 4 - Violet
Kalina’s POV
Manghang-mangha ako habang pinapanuod si Kuya Eldridge na inaapuyan ang niluluto niyang manok. Nandito kami ngayon sa hardin ng bahay namin at napagplanuhan naming kumain ng masasarap na pagkain para i-celebrate ang first day school namin dito sa bayan ng Chestara. Napapatitig ako kay Kuya Eldridge na parang kalan na patuloy ang pagpapa-apoy sa iniihaw niyang manok. Amoy pa lang ay alam ko nang napakasarap niyon. Dahil din sa kapangyarihan niyang apoy ay mabilis siyang nakakaluto ng mga pagkain.
“Ang galing mo talaga Kuya Eldridge,” puri ni Guzman na pumapalakpak pa sa tabi niya. Tumayo ako sa pagkakaupo para tulungan si kuya na hanguin ang mga manok na luto na sa bakal na nilutuan niya. Handa na ang lahat ng pagkain sa hapagkainan kaya pumasok na rin kami sa loob.
Habang masaya kaming kumakain ay maya’t maya namang naglalabas ng pagkain si mama, gamit ang kapangyarihan niya. Busog na busog kami dahil sa dami ng aming nakain. Sari-saring kwentuhan din ang nangyari tungkol sa first day school namin. Mas marami silang tawa kapag si Ada ang kinukwento ko sa kanila. Sa sobrang tuwa nila ay gusto na rin nilang makilala ito.
“Ginugulo ka ba niya?” tanong bigla ni Kuya Eldridge. Sinundan niya ako dito sa hardin namin. Tapos na kasi akong kumain dahil busog na busog na talaga ako. Kaso may dala siyang saging na inabot naman sa akin kaya mukhang hindi mawawala ang kabusugan ko. Dahil nagtatakaw nga ako prutas ay kinain ko pa rin ‘yun kahit busog na busog na ako.
“Si Clement po ba?” Naupo kami sa harap ng mga puno nila. Gustong gusto ko kasing nakikita ang mga puno dito kaya’t dito talaga ako pumunta kapag nagmumuni-muni ako. Sabay naming kinain ang saging na dala niya. “Nabalitaan ko kasing sinupladahan mo daw ito sa coffee shop nila kanina. Balitang-balita ka kanina sa Chestara Academy. Sikat ka na agad, Kalina,” biro pa niya. Hindi ko inaakalang magiging trending ang ginawa kong ‘yon. Ganoon pala talaga kasikat ang Clement na ‘yun.
“Huwag kang mag-alala, sa susunod, hindi lang ‘yon ang aabutin niya. Hindi uubra sa akin ang pagpapa-cute niya!” Nakita kong natawa siya. Alam kong iniingatan lang ako ni Kuya Eldridge. Saka, hindi ko naman sila bibiguin. Habang pinagmamasdan ko ang mga puno ay biglang nag-apoy ang mga balat ng saging na kinain namin. Sobrang astig talaga ng kapangyarihan niya. Sinunog niya ang mga balat ng saging para hindi na niya itatapon sa basurahan. Natawa tuloy ako bigla.
“Hindi lang siya basta si Clement Dadonza lang. Kilala ko siya. Naging kaibigan ko siya dati at alam ko ang sikreto ng pamilya nila. Gaya natin ay may tinatago rin silang kapangyarihan. Witch sila. Witch ang pamilyang Dadonza.” Nagulat ako sa sinabi niya. Alam kong dito lumaki si kuya, kaya’t hindi na ako magtataka kung bakit kilala niya si Clement. Pero ang hindi ko inaasahan ay alam niya rin pala ang sikreto nito. Napatayo tuloy ako bigla at saka ako humarap sa kanya. “Kaaway ba sila?” tanong ko. Gusto kong malaman. Baka kasi sila ang kumuha kina Lolo at Lola. Kapag tama ang hinala ko ay lalo ko siyang kaiinisan. Lalabanan ko agad siya. Hindi ko siya uurungan kahit wala pa akong kapangyarihan.
“Hindi. Ang totoo ay kakampi sila. Tulad natin ay kaaway rin nila ang mga Black Witch. Sila ang mga mortal nilang kaaway. Isa pa, malalakas din ang Dadonza Family kaya isa ang pamilya nila sa kinatatakutan ng mga Black Witch. Hindi namin gaya na mahina lang. Walang-wala sa kapangyarihan nila ang mayroon sa amin nila papa at mama. Kaya naman inaasahan namin na isa na sainyo nila Ayana at Guzman ang magtaglay ng malakas na kapangyarihan para mayroon na sa atin na magtatanggol sa kanila. Hindi kasi natin alam kung kailan sila puwedeng umatake. Ano mang oras ay pupuwede nila kaming kunin. Sisirain nila ang mga puno namin at kapag wala na ang puno na pagmamay-ari namin ay doon nila hihigupin ang kapangyarihan na pinagkaloob sa amin ng puno namin. Ganoon ang ginawa nila sa lolo at lola natin.” Napanganga ako sa mga kinuwento ni Kuya. Dumadami na ang nalalaman ko. Unti-unti na akong natatakot. Ito pala ang dahilan kung bakit tinatago nila sa amin ang tungkol sa pamilya namin. Alam kasi nila na matatakot at mai-stress lang kami. Tulad na lang nang nararamdaman ko ngayon. Bigla akong natakot. Hindi pala biro ang mga magiging kalaban ko.
Tumayo si Kuya at saka niya ako tinapik sa likod ko. “Huwag kang mag-alala, gagawin naman namin ang lahat para walang mapahamak sa atin. Hindi man kami kasing lakas nila ay pipilitin naming ipagtanggol kayo habang wala pa kayong kapangyarihan.”
“Salamat, kuya,” ang tanging nasabi ko na lang. Natameme kasi ako sa mga nalaman ko. Alam kong paunti-unti nilang sinasabi sa akin ang mga dapat kong malaman. Alam kong marami pa silang tinatago. Hindi muna siguro nila binubuhos lahat dahil baka mabaliw ako sa kakaisip.
Nagpaalam si kuya na matutulog na siya kaya mag-isa na ako ngayon dito sa hardin namin. Tumingin ako sa mga puno nila mama, papa at Kuya Eldridge. Malaki pala ang halaga nito sa kanila. Nandyan pala ang buhay at kaligtasan nila. Tumayo tuloy ako at kumuha ng isang timbang tubig sa loob ng banyo namin. Kahit bigat na bigat ako ay pinilit ko ‘yong dalhin sa hardin namin. Isa-isa kong diniligan ang mga puno nila. Dapat healthy sila. Hindi dapat sila tinutuyot para hindi malanta ang mga dahon nila.
“Hindi mo naman kailangan gawin 'yan, anak,” dinig kong sabi ni mama. Biglang siyang sumulpot sa likod ko.
“Bakit naman po? Hindi ba’t tubig ang kailangan ng mga puno?” tanong ko sa kanya habang nagpupunas ako ng pawis ko. Pinawisan agad ako sa kakadilig sa mga puno nila. Ang lalaki kasi nila.
“Hindi na kailangan, anak, dahil kahit walang tubig ay hindi basta-basta masisira ang mga puno namin. Makapangyarihan ang mga ‘yan,” nakangiting sagot ni Mama. Nagulat ako sa ginawa niya dahil gamit ang kapangyarihan niya ay ginawa niya ako ng orange juice. Alam niya kasing pinagpawisan at nauhaw ako kaya’t binigyan niya ako nang maiinom. Pinaka-astig talaga sa lahat ang kapangyarihan niya.
“Salamat po, mama!” Niyakap ko siya pagkatapos kong maubos ang juice na ginawa niya para sa akin.
“May tanong ako, anak,” biglang niyang sabi matapos akong bumaklas sa yakapan namin.
“Ano po ‘yon?”
Naupo kami sa ilalim ng puno niya. Mukhang seryoso ang itatanong niya kaya medyo kinabahan ako.
“Nakita mo na ba minsan na nagpalit ng kulay ang mata mo?” tanong niya bigla.
“Yes po. B-bakit niyo po natanong?” Kita ko sa mata ni mama ang pagka-excited niya. Bakit kaya?
“Dahil may kinalaman ang kulay ng mata mo sa magiging puno at kapangyarihan mo. Maganda kung gold, silver, black, white or violet. Kapag isa sa nabanggit kong kulay ang nagiging kulay ng mata mo ay labis ko ‘yung ikasasaya,” aniya na bigla kong kinakaba. Sa pagkakatanda ko ay nagiging kulay violet ang mata ko kung minsan.
“Bakit po?” patuloy ko pa ring tanong. Binibitin kasi ako ni Mama. Lalo tuloy akong ninenerbyos.
“Kapag isa sa kulay na nabanggit ko ang nagiging kulay ng mga mata mo ay magiging kasing lakas ng kapangyarihan mo ang isang black witch. Rare ang mga kulay na gold, silver, black, white at violet. Kaya sana isa sa mga ‘yan ang nakita mong kulay ng mata mo. Kaya ang tanong ko? Anong nagiging kulay ng mga mata mo?”
Tumayo ako. Gusto ko munang isikreto ‘yun sa kanila. Gusto ko—sa birthday ko na ‘yun sasabihin sa kanila. “Sa ngayon ay puwede bang sikreto po muna?” Medyo naiba ang timpla ng mukha ni mama nang hilingin ko iyon. Tumayo siya. Hinawakan niya ng buhok ko. Sinuklay niya iyon gamit ang kamay niya.
“Kung ‘yan ang gusto mo ay irerespeto ko. Pero sana ay huwag mong pagtagalin dahil nasasabik na kami ng papa at kuya mo na malaman kung anong kulay ang mayroon ka.”
Nagpaalam na siyang matutulog na kaya naiwan na ulit akong mag-isa sa hardin namin. Pero bago pa man siya umalis ay pinangako ko sa kaniya na sasabihin ko ‘yon sa araw ng birthday ko. Gusto kong maging masaya sila sa araw ng kapanganakan ko dahil natupad na ang inaasam nila. Violet ang nagiging kulay ng mata ko, kaya ibig sabihin ay malakas ang magiging kapangyarihan ko. Lalo akong naging excited, pero namumuo pa rin ang takot sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit, pero natatakot akong humarap sa mga black witch na sinasabi nila. Pero dahil sa alam kong malakas na kapangyarihan ang tataglayin ko ay lalakasan ko ang loob ko. Pinapangako ko sa sarili ko na ibabalik ko sa pamilya namin sina lolo at lola. ‘Yun ang magadang regalo na maibibigay ko sa kanila. Ipapakita ko sa mga lahi namin na hindi lang basta-basta ang pamilyang Flower, lalo na ngayon pa’t alam ko na isa na ako sa pamilyang Flower ang magtataglay ng malakas na kapangyarihan. Humanda sa akin ang mga black witch na 'yan dahil pinanganak na ang tatapos sa kanila.
Nang gabing ‘yun ay natulog ako ng nakangiti. Hindi na nga ako nakaakyat sa kwarto ko dahil napasarap ang higa ko sa damuhan ng hardin namin kung saan nasa ilalim ako ng mga puno nila papa, mama at Kuya Eldridge. Doon na ako dinapuan ng antok kaya tuluyan na akong nakatulog doon.