Chapter 7 - Kalinang suplada
Kalina’s POV
Maaga akong umalis ng bahay para pumasok sa school. Ewan ko ba, ayoko munang makasabay sa sasakyan si Kuya Eldridge. Nagtatampo talaga ako sa kanya. Sarado pa ang Chestara Academy kaya pumunta muna ako sa coffee shop nila Clement para tumambay. Wala pang masyadong estudyante. Dito na ako nag-almusal dahil hindi rin ako kumain sa bahay.
“Ang aga mo ata?” Kahit hindi ako lumingon ay kilala ko na agad ang boses niya.
“Please, layuan mo muna ako ngayon,” mahinahon kong sabi sa kanya. Alam kong nagulat siya, pero ‘yun na ang dapat na mangyari para hindi na ako napapagalitan ng pamilya ko.
“Oh, akala ko ba’y okay na tayo?” umupo pa siya sa table ko. Hindi niya pinansin ang sinabi ko. Pakiramdam siguro niya ay nakikipagbiruan lang ako. Sinamaan ko siya ng tingin. Napatingin naman ako sa buhok niya. Ngayon ko lang nakita na wet ang buhok niya. Bagong ligo siya. Bagay sa kanya ang ganyan. Bad boy ang look. Pero teka, bakit ba pinapansin ko pa ‘yon? Dapat ko nga pala siyang sungitan para layuan na niya ako.
“Please, Clement, layuan mo muna ako para hindi sila nagagalit sa akin.” Ako na ang umalis dahil mukhang hindi naman niya ako titigilan. Sayang tuloy ang in-order kong kape at tinapay.
“Ang moody mo, Kalina. Wala naman akong ginagawang mali sa’yo, ha?” Hinabol talaga niya ako hanggang sa labas ng coffee shop nila. Saktong-sakto pa na nakita ko si Kuya Eldridge kaya natigil ako sa paglalakad.
“Bro, please, layuan mo na lang muna ang kapatid ko,” sabi ni Kuya Eldridge kay Clement. Iniwasan ko siya ng tingin. Gusto kong iparamdam sa kanya na nagtatampo ako.
“O-okay,” ‘yun na lang ang nasabi ni Clement kaya nilayasan na agad niya kami. Ngayon ay kami na lang dalawa ni Kuya Eldridge ang magkasama. Teka, bakit ba siya nandito? Hinanap ba niya ako?
“Alam kong nagtatampo ka. Sorry na,” biglang sabi ni Kuya Eldridge. Bukas na ang gate ng school kaya naglalakad na kami papasok doon. Gumaang ang pakiramdam ko ng humingi siya ng tawad. Dahil dun ay hinarap ko na tuloy siya.
“Okay lang ‘yun. Ang ayaw ko lang ay ‘yung pakiramdam na tila wala kayong tiwala sa akin.” Alam kong nabigla siya sa sinabi ko. Pero, mabuti nang malaman niya para hindi ako nagkakaganito.
“Kalina, nagkakamali ka. Ang sa amin lang naman ay ginagabayan ka namin. Huwag mong isipin na wala kaming tiwala sa’yo. Ayaw lang kasi namin na mabalewala ang lahat.” Siguro nga ay nagkamali lang ako nang pagkaka-intindi. Bigla tuloy akong nakonsensya. Nahiya ako sa inasta ko kahapon at kanina.
“Sorry, Kuya Eldridge.” Hindi tuloy ako makatingin sa kanya. Nahihiya talaga ako.
“Naiintindihan ko naman. Ang mahalaga ay ayos na tayo ngayon. Sige na, papasok na ako sa room ko, pumasok ka na rin.” Pag-alis ni Kuya Eldridge ay dumating naman si Ada kaya sabay na kaming pumasok sa room namin.
“Invited ka sa debut ko.” Inabutan ko si Ada ng invitation ko para sa aking debut. Agad niyang binulatlat ang papel at lalo siyang natuwa nang makita niyang sinali ko siya sa program. Isa siya sa napili kong eighteen gift ko.
“Wow! Birthday mo na pala sa saturday?”
“Okay lang ba na sinali kita?” tanong ko.
“Yes, okay na okay. Bibili ako ng pinakamagandang regalo para sa’yo. Thank you at sinali mo’ko, BFF,” aniya na sumisigaw-sigaw pa kaya medyo nahihiya ako. Pinagtinginan tuloy kami ng iba naming mga kaklase.
“Aba, kami ba ay wala?” biglang tanong ng isa kong kaklase.
“Siyempre, mayroon din,” sagot ko at isa-isa ko na silang inabutan ng invitation card ko.
Sa coffee shop nila Clement kami nag mirienda ni Ada. Dito na talaga ang favorite naming puntahan ni Ada. Ewan ko nga ba’t tila ginagayuma nila kami at hinahanap-hanap namin ang lasa ng kape at mga tinapay nila rito.
“May himala ata! Bakit si Clement ang nasa counter ngayon?” sabi ni Ada kaya napatingin ako sa counter. Nagtama ang mga mata namin ni Clement kaya agad akong umiwas ng tingin sa kanya.
“Ikaw na ang um-order para sa akin,” utos ko sa kanya. Inabot ko ang pera ko kay Ada at siya na ang pumunta sa counter. Kailangan kong umiwas kay Clement para wala na kaming nagiging problema ni kuya. Baka kasi makita na naman niya ako. At para mas maganda, hindi lang ako kay Clement iiwas, kundi pati na rin sa iba pang mga lalaki. Pagbalik ni Ada ay kilig na kilig ang gagang nerd. Nakuryente raw siya nang madikit ang kamay niya kay Clement nang inabot niya ang bayad namin dito.
“Sabi nga pala niya ay may libre tayong cake. Wala daw ‘yung bayad kaya magpasalamat ka sa kanya,” ani Ada na kinagulat ko. For what? Hindi naman kami nanghihingi niyon ah. Saka, ayokong lumapit sa kanya. Umiiwas nga ako, e.
“Ayoko, ikaw na lang,” pagtatanggi ko sa kanya. Nainis naman agad si Ada.
“Ano ba naman ‘yan! Magpapasalamat ka lang naman e,” pamimilit niya. Ang kulit niya rin e. Minsan tuloy ang sarap niyang pektusan ng isang malakas sa ulo para magtino siya.
“Puwes, hindi ko na lang kakainin ang cake na ibinigay niya, kaya okay lang na hindi ako magpasalamat.” Hindi ako napilit ni Ada kaya nakasibangot ang gaga.
Hinigop ko na ang kape at tila sinadya ni Ada na sungguin ako kaya natapunan ako ng konting kape sa uniform ko. “Hindi nakakatuwa, Ada! Nalibagan tuloy ang uniform ko!”
“Sorry, “ sabi niya na tila natakot sa akin.
Tumayo ako para pumunta sa comport room. Hindi ako tumitingin kay Clement. Madadaanan ko kasi siya dahil sa gilid ng counter ang daan patungo sa comport room nila.
“Suplada!” dinig kong sabi niya pagkalagpas ko sa kanya. Nakukunsensya tuloy ako sa ginagawa ko sa kanya. Sa totoo lang ay wala naman siyang maling ginagawa sa akin. Talagang kailangan ko lang umiwas sa kanya para sa ikakabuti ko.
Nagtagal ako sa banyo dahil mahirap tanggalin ang mansya na dumikit sa puting kong damit. Nakailang tubig na ako, ngunit ayaw pa rin mawala ang mansya rito. Kapit na kapit ang kulay nito sa damit ko. Mayamaya ay biglang sumulpot si Clement kaya nagsisigaw tuloy ako. Hindi niya ata alam na banyo ito ng mga babae.
“What the hell are you doing here?! Pang babae ‘to kaya lumabas ka!” sigaw ko. Ginamitan niya ako ng kapangyarihan niya kaya bigla na lang nawala ang boses ko.
“Mahirap tanggalin niyan kaya tutulungan na kita,” saad niya. Hindi na ako nakasabat dahil hindi ako naman na makapagsalita. Hinayaan ko na lang siya dahil wala na rin naman akong magagawa. Wala akong laban sa witch na gaya niya. Nakita kong pumitas siya ng isang dahon sa halaman na nasa loob ng banyo at bigla na lang itong naging liquid. Nilagay ni Clement ang liquid na ‘yun sa damit kong may mansya. Umilaw bigla ang damit ko at mayamaya ay nagulat na lang ako na malinis na malinis na ang uniform ko at amoy mabango pa. Para siyang bagong labang damit.
“Okay na,” maikli niyang saad at pagkatapos niyon ay binalik na niya ang boses ko.
“T-thank you,” sabi ko na mahiya-hiya pa. Ang bango tuloy ng damit ko. Mas mabango pa ata ito sa laba ni mama. Tinulungan man niya ako ay tuloy pa rin ang pag-iwas. Aalis na dapat ako nang biglang niya akong hinila.
“Bakit bigla kang umiiwas?” tanong niya.
“Utos nila, e. Bawal akong lumapit sa kahit na kaninong lalaki,” tugon ko. Narinig kong tumawa siya ng mahina. Tila hindi niya sineryoso ang sinabi ko.
“Walang halong biro. Totoo ang sinasabi ko,” sabi ko sa tono na seryoso kaya sumiryoso na rin siya.
“Pero, bakit? Anong dahilan?” patuloy pa rin niyang pagtatanong. Sa puntong ‘yun ay humarap na ako sa kanya.
“Dahil baka mapurnada ang kapangyarihan ko. Hangga’t hindi ako nagbi-birthday ay hindi muna ako dapat lumalapit o nakikipag kaibigan sa kahit na kaninong lalaki.” Sandali siyang natahimik at tila may iniisip. Natitigan ko tuloy ang mukha niya. Nakakainis dahil minsan ang landi ng mata ko. Seryoso. Bigla na lang kasi itong tumititig sa mukha ni Clement na minsan ay mahirap iwasan.
“Naintindihan ko na. Naalala ko noon si Eldridge. Napagdaanan niya ‘yan noong malapit na siyang magbinata. Iwas na iwas siya sa mga babae. Napakahirap ng sitwasyon niya dahil may isa siyang babae na iniibig noon. Hindi natuloy ang pagmamahalan nila dahil pinaghiwalay sila ng papa at mama niyo. Matagal naming hindi nakita si Eldridge. Kinukulong siya ng mga magulang niyo. Hanggang sa isang araw ay nagulat nalang ako na may kapangyarihan na siya. May fire magic siya. Doon niya sinabi ang dahilan kung bakit siya nawala ng matagal.” Ang dami na rin niyang alam sa pamilya ko. Nagpapasalamat na lang din ako at hindi niya ‘to pinagsasabi kahit kanino. Alam kong mabait si Clement. Minsan ay sadyang sira lang talaga ang ulo niya.
“So, ngayon alam mo na kung bakit iniiwasan kita.”
“Bakit? Sa tingin mo ba ay ma-I-inlove ka sa akin?” Nasamid ako sa tinanong niya.
“H-hindi. Ang kapal ng mukha mo! Excuse me, hindi kita type,” Tinulak ko siya at saka ako tuluyang lumabas doon. Nakahinga na rin ako ng maluwag paglabas ko roon. Dapat lang talaga na iwasan ko na siya. Ang kapal ng mukha. Guwapong-guwapo siya sa sarili niya.
Pagbalik ko sa table namin ni Ada ay nagtaka siya kung bakit nakasibangot ako.
“May problema ba? Galit ka pa rin ba?” Hindi ko pinansin ang sinabi niya dahil nagulat ako na nakasunod pala sa akin ang makulit na si Clement. “Ano na naman ba?” inis kong tanong sa kanya.
“Nakalimutan mo ‘yung panyo mo, oh,” aniya saka inabot ang panyo sa akin. Padabog kong kinuha ‘yon sa kanya.
“Thank you, Miss Kalina, ha! Thank you!" panunukso pa niya pero hindi ko na lang pinansin. Umalis na lang siya dahil hindi ko na talaga siya pinansin pa.
“Uso ang mag-thank you, Kalina. Si Clement ‘yon, oh, ang swerte mo kaya,” wika ni Ada na natulala sa nangyari.
Kotang-kota na sa akin ang lalaking ‘yun. Hindi siya mawala-wala sa landas ko. Unti-unti na talaga akong nababanas sa kanya. Dapat lang talaga na iwasan ko siya at baka kapag hindi ako nakapagpigil ay ilabas ko ang sikreto niya. Tignan ko lang kung ‘di pa niya ako tigilan.
“Simula ngayon ay hindi na tayo kakain dito.” Tumayo na ako sa pagkakaupo at saka ko siya hinila kahit hindi pa kami tapos kumain.
“Why o why?!” nagtatakang tanong ni Ada.
“Dahil kailangan nating iwasan ang lalaking ‘yon,” sagot ko sa kanya pero tinawanan niya lang ako. Bigla siyang bumaklas sa pagkakahawak ko.
“Hindi puwede, Kalina. Crush na crush ko si Clement kaya imposibleng pagbigyan kita sa gusto mong mangyari. Kung gusto mong umiwas sa kanya, ikaw na lang! Huwag mo akong isama. Ang guwapo-guwapo kaya ni Clement. Siya ang inspirasyon ko sa school na ‘to, kaya sorry, hindi kita mapagbibigyan sa gusto mo," mahabang sabi ni Ada kaya napanganga na lang ako. Patay na patay talaga siya sa lalaking ‘yun. Sabihan ko kaya siya ng sikreto ni Clement? Tignan ko lang kung gustuhin pa niya ito.
“Kapag nalaman mo ang sikreto niyan, isusuka mo rin ang clement na’yan,” saad ko at saka ko siya nilayasan.
Nauna na akong umuwi sa kanya. Akala ni Ada ay tuluyan akong nagalit dahil nang nakasakay na ako sa kotse namin ay tinawagan pa niya ako. Tinawanan ko na lang siya dahil sineryoso niya ang pag walk-out ko sa kanya kanina. Nagpaliwanag naman na ako sa kanya kaya okay na kami ng gaga. Pagbalik ko ng phone ko sa bulsa ng palda ko ay biglang nalaglag ang panyo ko. Napansin kong tila may kulay berde na mansya doon kaya binuklat ko ang loob nito. Pagkita ko sa panyo ko ay may nakasulat na kulay berde doon. Nag-init ang ulo ko sa nakalagay sa panyo ko.
"Kalinang suplada," basa ni Ayana. Nakita niya rin kasi ang panyo nang buklatin ko ito.
Punong-puno na ako sa Clement na’yun. Maghapon nang kumukulo ang dugo ko sa kanya. Humanda siya sa akin bukas. Malilintikan talaga siya sa akin.