Kabanata VIII

2238 Words
Mabilis kong iminulat ang aking mga mata at tila ba naghabol ng hangin. Nakita kong nakaluhod si Nox sa aking harapan at tila ba gumagamit ng mahika ng lupa upang ako’y kanyang bigyan ng lunas. “Elex…” mabilis akong umupo nang marinig ang boses ni Niyebe, napansin kong nakatayo siya sa tabi ni Nox. Mabilis siyang tumalon sa kandungan ko na tila ba nakahinga ng maluwag nang mapansing maayos na ako. Totoo iyon. Hindi ko na rin ramdam ang sakit na kanina lang ay natamo ko mula sa pakikisagupa sa mga Ikugan. “Maraming salamat, Nox,” mababa ang boses na saad ko, mabilis naman siyang umiling sa sinabi ko. “Kami ang dapat na nagpapasalamat sa ‘yo, Elex, kahit pa hindi mo pa alam kung paano gamitin ang iyong mahika ay buong tapang ka pa ring humarap sa mga Ikugan upang iligtas kami, kaya maraming salamat,” mahabang sagot naman niya. Natahimik naman ako dahil doon. Hindi ko na alam ang isasagot ko. Dahil ang totoo ay nagdalawang isip ako na iligtas siya, inisip ko pa nga na iwan na lang sila. Masyado akong ginagambala ng kaisipang iyon. Masyado akong nagpalunod sa aking galit gayong hindi pa naman ako sigurado kung ano ang ibig sabihin ng aking bangungot. At isa pa, kagaya ng aking sinabi ay ilang beses na rin nila akong iniligtas mula sa kapahamakan. “Nox,” sabay sabay kaming napalingon kay Siria na naglalakad palapit sa amin, hawak niya sa kanyang mga kamay ang maraming mga Mariposa na tila ba nanghihina. Nakaramdam naman ako ng pag-aalala dahil doon. Batid ko na nanghihina sila dahil sa mahikang ginamit nila upang matulungan kami. Lumuhod naman si Siria sa harap ni Nox habang hawak pa rin ang mga Mariposa, itinapat naman ni Nox ang kanyang palad sa mga munting nilalang at marahang ipinikit ang kanyang mga mata. “Kapangyarigan ng lupa, muli akong humihingi ng tulong na sana’y tulungan at bigyang lunas niyo ang aming mga munting kaibigan na sinubukang magsakripisyo ng buhay upang kami’y mailigtas mula sa kapahamakan…” saad niya. Nakakamangha ang kulay kayumangging enerhiyang lumabas mula sa kamay niya, tapos ay parang nagsayaw ito sa paligid ng mga Mariposa at napangiti ako nang mapansing dahil doon ay unti unting bumalik ang sigla ng mga ito. Nang mawala na ang kulay kayumangging enerhiya na mula sa kapangyarihan ng lupa ay isa isa na ring nagsiliparang muli ang mga Mariposa na tila ba nanumbalik na ang kanilang mga lakas. “Mga kaibigang Mariposa, nais ko kayong pasalamatan sa kadakilaang inyong ipinakita. Kung hindi dahil sa tulong niyo, marahil hanggang ngayon ay hawak pa rin kami ng mga Ikugan,” saad ko. Nagsiliparan ang mga makukulay na Mariposa sa paligid naming lahat. “Masaya raw silang makatulong, Elex,” saad naman ni Niyebe. “Babalik na raw sila sa kanilang tahanan upang makapagpahinga, ngunit hangad daw nila ang ating kaligtasan. Atsaka umalis na raw tayo dahil ano mang oras ay magigising na ulit ang mga Ikugan,” marahan naman akong tumango sa idinagdag ni Niyebe at ngumiti. “Maraming salamat ulit, mga munting kaibigan,” pagkatapos kong sabihin iyon ay nagsiliparan na sila paalis. Tumingala naman ako upang tignan ang mga Ikugan, nakita kong tulog pa rin ang tatlong dambuhalang halimaw. “Sa tingin ko ay kailangan na nating magpatuloy sa ating paglalakbay,” saad ni Siria, tumango naman ako bilang pagsang ayon. Hindi naman na kami nag-aksaya ng oras na lisanin ang lugar. Sa katunayan, habang naglalakad ay hindi pa rin mawala sa aking isipan ang nangyaring pakikisagupa namin kamina sa mga halimaw na iyon. Nakakatakot. Ngunit nagkaroon ako ng pag-asa sapagkat nakaligtas kami, alam kong dininig ng May Likha ang aking dasal. Mabuti na lamang at marami pa ring mabubuting nilalang sa Majica na handang tumulong sa amin. “Maayos ka na ba, Elex? Wala na bang masakit sa ‘yo? Maaari muna tayong huminto sa paglalakad upang humingi ng lunas sa kapangyarihan ng lupa,” saad ni Nox habang naglalakad kami. Kagaya kanina ay nasa unahan siya, nasa likod niya ako habang nasa kaliwang balikat ko si Niyebe, at nasa likod naman namin si Siria. Nilingon pa ako ni Nox nang sabihin iyon kaya tipid na lang akong ngumiti at umiling. “Maayos na ako, salamat ulit,” sagot ko naman. “Tunay na dumadaloy sa iyong dugo ang pagiging isang hari, Elex,” saad ni Siria na nasa aming likod kaya napalingon ako sa kanya, ngumiti naman siya sa akin bago nagsalitang muli. “Isang kadakilaan ang ginawa mong pagliligtas sa amin kahit pa alam mong hindi pa lumalabas ang iyong kapangyarihan, gawa ng isang bayani ang pagsasakripisyo upang mailigtas ang iba, kaya maraming salamat,” dagdag pa niya, pilit na lang ulit akong ngumiti at marahang tumango. “Ginawa ko lang ang nararapat, atsaka kayo ang tunay na kailangan kong pasalamatan dahil alam kong kung hindi dahil sa inyo ay hindi ako aabot dito, alam ko na mahaba pa ang ating lalakbayin, ngunit nagagalak akong makasama kayo,” sagot ko. Sa pagkakataong ito ay totoo na ang sinabi ko. Pagkatapos kong gawin kanina ang isang bagay na hindi ko naman dapat na ginawa ay marami akong naisip na mga bagay. At isa na roon ay ang… kung magiging hari ako sa hinaharap, dapat ay hindi lamang ang sarili ko ang aking iniisip. Kailangan ko ring isaalang-alang ang kapakanan ng mga nasasakupan ko. Nagpatuloy naman kami sa paglalakad. Mayamaya lang ay nakaramdam na ako ng pagod, ngunit hindi ako nagsalita dahil ayaw ko naman na tumagal kami sa aming paglalakbay dahil lang nais kong magpahinga. Hindi kami maaaring mag-aksaya ng oras, kailangang matapos na agad ang paglalakbay na ito, lalo pa’t batid ko rin na hindi naman din agad na lalabas ang aking kapangyarihan sa oras na makaharap na namin ang mga salamangkerong guro. May mga pagsubok pa akong haharapin. At hindi kami maaaring abutan ng pagkakataon kung saan pareho na ang haba ng araw at gabi dahil iyon ang oras na magtatalaga ang dalawang kaharian ng digmaan. Ilang sandali lang ay huminto si Nox sa paglalakad kaya napatigil din kami. Hindi ko alam kung bakit siya huminto pero hinayaan ko lang dahil pagkakataon ko na ito upang mapahinga ang aking mga paa na tila ba naninigas na dahil sa sakit at pagod mula sa mahabang paglalakad. “Paumanhin sa biglaang paghinto, ngunit kukuha lang sana ako ng prutas ng Pitaya, makakatulong ito sa ating pagpapahinga mamaya,” saad ni Nox at agad kaming nilingon. Sinundan ko naman ang sinasabi niyang prutas at marahan akong tumango nang matanaw ang isang makulay na pagkain. Isa sa mga kilalang prutas ang Pitaya, sapagkat matamis ang lasa nito. “Tutulungan na kita,” sagot ko naman. Iyon naman ang ginawa namin. Agad kaming umalis sa dinadaanan namin at naglakad patungo sa halaman ng Pitaya na maraming bunga. “Marang! Marang! Marang!” paulit ulit na sigaw ni Niyebe na nasa balikat ko kaya napalingon ako sa kanyang itinuturo. Napangiti naman ako nang makita ang isa pang klase ng prutas na kung tawagin namin ay Marang. Isa ito sa mga paborito ni Niyebe kaya alam kong nagagalak siya. “Kukuha rin tayo no’n, Niyebe, huwag kang mag-alala,” sagot ko naman. Tinulungan din kami ni Siria na pumitas ng maraming Pitaya, nang halos kalahati na ang nailulan namin sa takuyan ay nagpasya kaming kumuha naman ng prutas ng Marang na siyang paborito ni Niyebe. Napapangiti ako dahil kumakanta pa si Niyebe habang pumipitas kami nito, napakaliit ng kanyang boses na siyang masarap pakinggan sa tenga. “Mukhang natutuwa ka sa prutas ng Marang kaibigang, Niyebe, maaari ko bang malaman kung bakit?” nakangiting tanong ni Nox. “Paborito ko ang Marang! Paborito ko ang Marang! Paborito ko ang Marang!” paulit ulit na sagot niya sa isang matinig na boses kaya natawa kaming lahat. Ang kasiyahang pinapakita ni Niyebe ay pinapawi ang aking pag-aalala at takot mula sa nangyari kanina lang. Ito ang dahilan kung bakit ayaw ko rin siyang nalulungkot, dahil nakakaramdam ako ng saya kapag masaya siya. “Kung gano’n ay ikukuha ka namin ng marami, kaibigan,” nakangiting sagot naman ni Siria. Napalingon ako kay Niyebe at nakita kong mas lumapad ang kanyang mga ngiti dahil sa narinig. Mas nilakasan pa niya ang maliit niyang boses sa pagkanta. Ni hindi ko nga maintindihan ang kinakanta niya, iyon bang para lang siyang ibon na humuhuni. Gayon pa man ay masarap pa ring pakinggan sa tenga. Nang mapuno na ng prutas ang takuyan ay nagpasya na kaming bumalik sa daang itinuturo ng mahiwagang mapa, napangiti pa ako nang lumipad si Niyebe patungo sa takuyan at doon umupo. Kahit na hirap dahil sa liit niya ay nagbukas siya ng isang Marang upang kainin iyon. Ayos lang naman sa akin ang ginawa niya, wala naman akong balak na ipagkait sa kanya ang kanyang paboritong prutas lalo pa’t dinamihan namin ang aming kinuha. Bagkos ay pabor pa nga sa akin iyon upang mabawasan ang bitbit ni Nox dahil alam kong mabigat ang takuyan na ngayon ay puno ng laman. Hindi ko maintindihan ngunit maayos na ako sa ideyang malapit si Niyebe kay Nox, pagkatapos ng nangyaring sagupaan namin kanina sa mga Ikugan ay gumaan na rin ang loob ko sa kanya kahit na papaano. Nang medyo malayo na ulit ang aming nilalakad ay ramdam ko na ulit ang pagsakit ng aking mga paa at binti. Pero kagaya kanina ay pinigilan ko. Pakiramdam ko ay nanginginig na ang aking mga tuhod dala ng pagod. Ilang sandali lang ay hindi ko napigilan pa at tila ba kusa nang sumuko ang aking mga tuhod dahil napaluhod ako sa kalagitnaan ng aming paglalakad. “Elex!” ang nag-aalalang tawag ni Siria sa pangalan ko at agad akong dinaluhan, napalingon naman sa amin si Nox at mabilis din akong dinaluhan. “Ano ang nangyari? Ayos ka lang ba?” tanong niya, napabuntong hininga naman ako at marahang tumango. “Paumanhin, medyo nakaramdam lang ako ng pagod at p*******t sa mga paa ngunit kaya ko pa namang magpatuloy,” sagot ko at sinubukang tumayo ngunit napangiwi ako nang maramdaman na naman ang sakit na tila ba nanunuot sa aking mga ugat at buto. “Sandali lang, Elex,” ang pagpigil naman sa akin ni Nox. Pinanuod ko siya at nakita kong ipinikit niya ang kanyang mga mata. Tapos ay marahan niyang hinaplos ang aking mga paa gamit ang magkabila niyang kamay. “Mula sa kapangyarihan ng lupa, ang elemento na may kakayahang magbigay ng lunas, humihingi ako ng tulong upang mawala ang sakit at pagod ng mga paa na ang nais lamang ay makarating ng ligtas sa aming patutunguhan…” bulong niya. Kagaya kanina ay may kayumangging enerhiya na lumabas mula sa kanyang mga kamay, at naramdaman ko na tila ba niyakap ng enerhiyang iyon ang aking mga paa. Napakagaan sa pakiramdam. Ilang beses ko nang nakita ang mga enerhiyang nagmumula sa kapangyarihan ng apat na elemento ngunit patuloy pa rin akong namamangha sa mga ito. Napakagandang pagmasdan… Nang imulat ni Nox ang kanyang mga mata ay naglaho na rin ang kayumangging enerhiya, hindi ko na rin maramdaman ang sakit. Tila ba naglaho na. “Subukan mong tumayo,” saad ni Nox. Ginawa ko naman iyon at napangiti ako nang mapansing wala na ang sakit at pagod sa aking mga paa. “Maayos na ako, maraming salamat, Nox,” ngumiti naman siya at marahang tumango sa sinabi ko. “Walang ano man, Elex,” sagot niya at tumalikod na ulit at nagsimulang maglakad. Marahan pa akong natawa nang mapansing nasa takuyan pa rin si Niyebe at kumakain ng Marang. “Abala ka pa rin sa pagkain ng Marang, Niyebe? Hindi ka man lang nag-aalala sa akin?” ang nagbibirong tanong ko, marahang natawa sina Nox at Siria dahil doon, si Niyebe naman ay nilingon lang ako at nginisian. “May tiwala ako sa kapangyarihan ng lupa, at huwag mo akong pansinin. Abala ako rito,” ang maliit na boses na sagot naman niya. Hindi ko naman na napigilan ang mapailing at mapahalakhak dahil doon. Kahit kailan talaga ay hindi maabala ang isang ito sa tuwing may Marang na prutas siyang kinakain. “Teka lang,” saad ko nang marinig ang tila ba daloy ng tubig na nanggagaling sa hindi kalayuan, natigilan naman din sila sa paglalakad at napalingon sa akin. “May problema ba?” tanong ni Siria, umiling naman ako. “May naririnig akong daloy ng tubig,” sagot ko at agad na inilabas ang mahiwagang mapa. Napangiti ako nang makita ang unang ilog na tinutukoy nito. Ibig sabihin ay kailangan na lang naming tawirin ang ilog at malapit na kami sa tahanan ng unang salamangkerong guro. “Ano ang meron sa tubig?” tanong naman ni Nox. “Malapit na tayo sa tahanan ng unang salamangkerong guro, kailangan na lang nating tawirin ang unang ilog sa mapa,” sagot ko at itinuro sa kanila ang tinitignan ko. Napangiti naman sila sa nakita. “Kung gano’n, sa palagay ko ay ay kailangan na nating magpalipas na muna ng dilim dito. Hindi tayo maaaring tumawid sa ilog kapag kumagat na ang dilim dahil hindi natin alam kung ano ang ating makakasagupa,” tumango naman ako sa sinabi ni Nox. Tama siya. Kailangan na muna naming magpahinga rito lalo pa’t kumakagat na ang dilim. Hindi na ako makapaghintay na sumikat muli ang araw, dahil bukas, alam kong makakaharap ko na ang unang salamangkerong guro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD