I

1439 Words
“Please, Ariadne... Huwag mo naman akong iwan...” Napapikit na lamang siya at marahang inalis ang pagkakahawak nito sa braso niya. “This isn’t going to work out anymore, Damon. Kaya ako nakikipaghiwalay sa’yo.” He laughed in disbelief. “Bakit, may nahanap ka na bang iba? Bakit gusto mo akong iwan, Ariadne? Anong dahilan bakit ka nakikipaghiwalay? May nasabi ba akong mali? May problema ba tayo?” Iling at paglaglag lamang ng luha mula sa kanyang mga mata ang tanging naisagot niya. “Just let me go, Damon...” “Ano, itatapon mo na lang nang gano’n ‘yon? Wala man lang dahilan? Wala man lang valid na rason? Bakit mo ako iiwan, Ariadne? Tell me so I’ll know if I can still fix it! Hindi naman solusyon ang pakikipaghiwalay, e!” Bubuka na sana ang kanyang mga labi upang sabihin dito ang rason niya ngunit kaagad iyon naputol ng tatlong katok sa pinto ng kanyang silid. “Ariadne, Ariadne! Gumising ka na d’yan! Kailangan mo pang magtrabaho at sinisingil na ako ni Susan sa mga utang ko sa kanya!” Pupungas-pungas pa na napabalikwas ng bangon ang dalaga. Heto na naman tayo,bulong ng isipan niya. Kaagad siyang bumangon at kinuha ang tuwalya at uniporme niya bago lumabas ng silid. Hindi na siya nagulat nang salubungin siya ng malakas na sampal sa pisngi. “Piste kang bata ka! Kahit kailan talaga, napakatamad mo!” nanggagalaiting saad ni Jimuel, ang kanyang amain. Halatang lango na naman ito sa alak kahit na papasikat na ang araw dahil amoy na amoy niya sa hininga nito ang serbesa. ‘Ni hindi na nito halos maidilat ang mga mata nito at pasuray-suray na habang dinuduro-duro siya. “Ewan ko ba kung bakit no’ng namatay ang nanay mo, hindi ka pa sinama! E ‘di sana, wala nang buwisit sa buhay ko!” Araw-araw nang rutinaryo ng buhay ni Ariadne ang ganoon. Gigisingin siya ng pamimisikal ng kanyang lasing na amain. Pagkatapos ay maliligo siya at maghahanda para sa kanyang trabaho sa isang fastfood chain malapit sa kanila. Pagkauwi ay matitikman niya muli ang sampal at sabunot ng kanyang lasenggong amain. Tapos ay magdadahilan siya sa mga pinagkakautangan nitong siya ang hinahabol. Matutulog. At bukas uli ng umaga, muling mangyayari ang rutinaryo ng buhay niya. Hindi na bago sa kanya ang pumasok na may pasa sa mukha, o sabog na labi. Kung mamalasin ay may kasama pang black eye. Nagagawa naman niyang itago sa make up ngunit hindi naman iyon ang ikinagagalit niya kung hindi ang ginagawa sa kanya ng hayup na iyon. Kung paano siya tratuhin na parang hayop at kung paanong hilingin nito na sana ay namatay na lamang siya katulad ng kanyang ina. She just sighed and went in the bathroom. Inumpisahang linisin ang katawan. Nang makalabas ng banyo ay nakabulagta na ang kanyang amain sa lapag dala ng sobrang kalasingan. Hindi niya ito pinakialamanan. Dire-diretso niyang kinuha ang backpack niyang nakasabit sa isang gilid, sinukbit iyon sa kanyang balikat, at lumabas ng kanilang giray na na barung-barong. Mabilis niyang iniwasan ang mga maton at tambay na sa tuwing lalabas siya ay sumisipol o hindi naman kaya ay sinusubukang kuhanin ang atensyon niya. Dala na rin siguro ng madalas na pagmamalaki ng kanyang amain kung gaano siya kaganda ay kaya tuloy pati ang ibang mga kalalakihan sa kanilang lugar, bastusin ang tingin sa kanya. Konting tiis pa, Ariadne... Makakaalis ka rin sa impyernong ‘to, pagpapasaya niya sa sarili. Mula sa kanyang kinikita na palaging napupunta sa kanyang amain ay nag-umpisa na siyang mag-impok ng kaunti para may magagastos siya kapag naglayas siya. Kahit kasi sa edad na bente-sais ay kontrolado pa rin siya ng kanyang Tito Jim. Minsan na niyang sinubukang tumakas mula sa mga kamay nito ngunit kinaladkad lang siya nito pauwi. Mas lalo pang binugbog. Kaya naman sa susunod niyang plano na maglayas, magiging maingat na siya at planado ang kaniyang mga susunod na galaw. Upang matiyak na hindi na siya makukuha pa ulit ng kanyang hayup na amain. Kaagad niyang inayos ang makeup niyang bahagyang humulas dahil sa init at pawis nang makarating sa fastfood chain. Pagkatapos ay mabilis niyang isinuot ang hair net at dumiretso sa counter upang kuhanin ang mga order ng mga customers. Mabilis na lumipas ang araw para sa dalaga. Sa pagkahapo ay naisipan niyang maglakad-lakad muna sandali. Nang mapadaan sa tapat ng isang prestihiyosong unibersidad sa loob ng siyudad ng X ay hindi niya napigilang alalahanin ang dati niyang nobyong doon niya nakilala. Isa itong college student noon habang crew siya sa fast food joint sa tapat ng nasabing institusyon. Noong una ay hindi niya pinapansin ang madalas na pagbisi-bisita nito sa oras ng kanyang shift at palagi pang tumatapat kapag siya ang kahera. Hanggang sa unti-unti nitong nakuha ang loob niya. Nakapalagayan sila. At dumating sa punto na nagkagustuhan. Nasaan na kaya si Damon ngayon? bulong ng kanyang isipan. Tatlong taon na rin simula noong nakipaghiwalay siya, at minsan ay hindi niya maiwasang alalahanin kung paano niya ito iniwan sa gitna ng ulanan noong gabing iyon. Ikalimang anibersaryo nila noon ngunit iyon na rin ang naging huli. Bagaman nagtatanong at naghahanap ng dahilan ay hindi niya na nagawa pang sabihin dito ang totoo. Nang makapag-isip-isip ay naglakad siya patungo sa kanilang barung-barong. Hindi pa man nararating ang kaniyang tirahan ay kaagad na siyang hinila ni Dara, ang kanyang matalik na kaibigan na nagtatrabaho rin sa fast food joint katulad niya. Punong-puno ang mukha nito ng pag-alala na dahilan para mapakunot ang noo niya. “O, Dara, bakit--” “G*go ka ba? Hindi mo ba alam? Binebenta ka na ni Mang Jimuel! Sabi niya, ibibigay ka raw sa kung sinong makakapagbayad sa kanya ng malaking halaga para naman daw mapakinabangan ka niya! Hype na hype nga ‘yong mga manyak sa atin, lahat sila naghahanap ng malaking pera para lang makuha ka! ‘T*ngina, Ariadne! Huwag ka nang umuwi sa inyo! Doon ka na muna sa amin nina Tere, ligtas ka do’n! Baka mamaya, kung ano pang gawin sa’yo ng hayup na stepfather mo!” Dahil sa takot sa kung anong gagawin sa kanya ng kanyang amain ay nagpakaladkad na si Ariadne patungo sa tirahan ng kaniyang mga kaibigan. Pagkarating roon ay walang ibang nagawa ang dalaga kung hindi ang mapasalampak sa upuan at masapo ang ulo. Bakit ba siya inaabuso ng hayup na iyon? Hindi pa ba ito nakuntento na siya ang nagbabayad ng utang nito, na pati ngayon ay gusto pa siya nitong ibenta sa mga manyak sa kanilang lugar? Marahan siyang niyakap nina Tere at Dara. “Ariadne, hayaan mo, hinding-hindi ka namin ibibigay do’n kay Mang Jim. Kung gusto mo, lalapit kami sa pulis--” ani Tere. “Maraming kilala sa hanay ng pulis si Tito Jim,” saad niya. Nang makilala kasi ito ng kanyang ina ay dati itong informant at sangkot sa mga malalaking kalakaran ng droga at krimen sa kanilang lugar. Dahil na rin sa tulong nito sa mga iyon at kaunting pagpapadulas ay palagi itong nakakatakas sa mga kaso na isinasampa rito. Isa pa, kilala rin kasi ng kanyang amain ang mga korap sa hanay ng mga pulis kaya naman kapalit ng pananahimik nito ay ang pagbubulag-bulagan ng mga iyon sa mga pinaggagagawa nito. “Wla akong takas, baka patayin pa ako no’n. Ayokong madamay kayo ni Dara.” Inutusan siya ni Dara na magpahinga na sa silid ng mga ito. Dahil sa pagkahapo ay sumunod si Ariadne. Pagkapasok niya sa silid ay tuluyang naglaglagan ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Tahimik ang silid maliban sa mga hikbi niyang nakulong sa kanyang bibig. Patuloy lamang ang pagdaloy ng mga iyon. Walang hinto. Bakit ba ganito ang mundo sa kanya? Matapos maulila ay heto at inaabuso siya ng kanyang amain. Walang matakbuhan, ‘ni malapitan. Pakiramdam ng dalaga ay lugmok na lugmok siya. Kung totoo lang sana na may tagapagligtas ang bawat tao sa mundo... Nang mahimasmasan ay binuksan niya ang kanyang smartphone at kaagad niyang nakita ang isang imbitasyon para sa pagiging beta tester ng isang bagong labas ng dating app. May kapalit na halaga iyon kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip pa. Isa pa, kailangan niya ng pera. At ng makakausap. Nang matapos ilagay ang mga pinakapangunahing impormasyon tungkol sa kanya ay kaagad siyang binigyan ng match ng mismong dating app. Demon lamang ang tanging nakarehistro sa username nito. Hindi niya maipaliwanag ang pagririgodon ng kanyang dibdib nang mg-umpisang mag-ring ang kanyang smartphone na hawak. Tumatawag ito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD