CHAPTER 15: PainFul Past.
Written by: CDLiNKPh
SUNDAY noon kaya wala silang pasok ni Ivy. Naroon lang sila sa sala at nanonood ng movie.
Masayang nagke-kwentuhan ang mama niya at mama ni Ivy. Siya naman ay sobrang natutuwa sa pinanonood niya habang si Ivy naman ay nakatitig lang sa kawalan. Nakatingin din ito sa TV pero parang wala naman roon ang utak nito.
Napailing na lang siya. Sigurado siya na si Cane na naman ang nasa isip nito. Wala naman itong ibang iniisip kung hindi ang lalaki lang na iyon. Obsessed talaga si Ivy kahit na kailan. Tsk.
Nang bigla na lang tumunog ang telepono sa gilid ng TV. Napilitan siyang sagutin iyon dahil binato na siya ng mama niya ng unan dahil naghahantay lang daw siya na may ibang sumagot doon kahit siya naman ang pinakamalapit sa telepono.
"Hello?" iritadong tanong niya sa kabilang linya. Istorbo sa panonood, e.
"Hi, nandyan po ba si Ivy? Si Cane po ito, pwede ko po ba siyang makausap?" Halatang masaya ang tinig ng lalaking nasa kabilang linya. Hindi rin niya alam kung bakit pero parang may kumabog na kung ano sa dibdib niya nong narinig niya ang boses nito. Weird. Ni hindi nga niya kilala ang nasa kabilang linya. Mukhang nasosobrahan na talaga siya sa pag-inom ng kape. Nagiging nerbiyosa na siya.
"Ivy, si Cane raw!" pagtawag niya sa walang kagana-ganang babae.
Para namang biglang nagkaroon ng buhay ang mukha nito. Pero pinigilan ang sarili dahil marahil sa pagtatampo. Ilang taon ba namang hindi nagparamdam ang kababata nito, e.
"Cane, mukhang ayaw ka nang kausapin ni Ivy. Mas maganda siguro kung huwag nang tatawag ulit kahit na kailan—"
"Huwag! Akina iyang telepono, kakausapin ko na siya!" Halos mabingi siya sa lakas ng sigaw ni Ivy. Hindi pa ito magkumahog sa pagtayo at halos matumba pa huwag lang niyang maibaba ang telepono.
Kakausapin din pala, pakipot pa, lihim na sabi niya sa isip.
"Hello?" Halatang kinakabahan si Ivy nang tingnan niya ito at mukhang pinipilit pa nitong pagmukhaing nagtatampo ang himig ng boses nito. Pero kahit ganoon, halatang-halata naman na excited itong makausap iyong lalaking nasa telepono.
Pero maya-maya lang ay naging masigla na rin ang boses ni Ivy. Masayang-masaya ito habang nakikipagkwentuhan kay Cane na para bang nakalimutan na nito ang lahat ng lungkot at tampong naramdaman nito ng dahil sa lalaki.
Halos mangiyak-ngiyak naman si Tita Mildred habang nakatingin ito kay Ivy. Sa loob ng ilang taon ay ngayon na lang ulit nito nakitang tumawa ng ganoon ang anak nito.
Nang matapos ang tawagan na iyon ay masayang-masaya na ibinalita sa kanila ni Ivy na bukas na raw ang dating ni Cane mula sa Japan. Kasalukuyan na nga raw itong nasa eroplano at nakitawag lang daw para sabihan ito. Uuwi na raw ito ng Pilipinas!
Pinilit na lang niyang ngumiti kahit ang totoo ay diskumpyado siya sa sinabi at pinangako na naman ng Cane na iyon. Sana lang ay hindi umasa sa wala si Ivy.
TODO ang ginawang pagpapaganda ni Ivy kinabukasan. Nag-ayos ito ng husto kaya lalo pa itong naging maganda. Sinuot nito ang pinakamaganda at pinakamahal na damit nito at marami rin itong ginawang kwintas na gawa sa mga bulaklak para ibigay kay Cane pagdating nito.
Ang usapan ng mga ito ay sa playground pa rin magkikita ang mga ito kung saan unang nagkakilala ang dalawa. Kaya naman kahit gustong sumama ng mama ni Ivy dito ay hindi pumayag si Ivy. Gusto nitong salabunging mag-isa si Cane.
Pero siya ay hindi malaman kung bakit may nase-sense siyang hindi maganda sa pagkikita ng dalawa. O kung magkikita nga ba talaga ang mga ito?
Dala ng kutob niya ay palihim niyang sinundan si Ivy. Pero halos hiningal siya nang kung saan-saang shop ito pumasok at kung ano-ano rin ang pinagbibili! Hindi naman masyadong halata na excited ito, ano? Mukhang andami nitong gustong ibigay kay Cane. Punong-puno na nga ang bag na dala nito.
Sobra nang sumasakit ang mga paa niya sa kakasunod dito at bigla pa siyang nakaramdam ng tawag ng kalikasan kaya umuwi na lang muna siya.
Paglabas niya ng CR ay bigla niyang nakitang nag-aalala na ng husto ang mama niya at si Tita Mildred.
"Ano pong problema?" nagtatakang tanong niya.
"Si Ivy. Hindi namin siya makita kahit kanina pa namin siyang hinahanap. Pumunta kami roon sa meeting place na sinabi niyang pagkikitaan nila ni Cane pero wala naman siya roon. Biglang tumawag si Cane at sinabing hindi na raw siya matutuloy ngayong araw dahil biglang naaksidente ang mama niya. Hindi ko naman nasabihan si Ivy dahil kanina pa siyang nakaalis. Ang lakas-lakas na ng ulan sa labas, ni wala siyang dalang payong. Baka mamaya napaano na ang batang 'yun," sobrang pag-aalalang sabi ni Tita Mildred niya.
"Teka, ma, tita, pwede bang huwag kayong magpanic? Ako nang bahalang humanap sa kanya, okay? Sinusundan ko siya kanina kaso biglang sumakit ang tiyan ko kaya umuwi muna ako. Hahanapin ko na lang siya ulit.." sabi niya saka hindi na nag-aksaya ng panahon kaya agad na siyang lumabas para hanapin si Ivy.
Sa totoo lang ay kahit siya ay kinakabahan. Iba ito kung mag-isip at kanina pa itong asang-asa na makikita na nito si Cane. Kung ano-ano na nga ang ginawa at binili nito para lang kay Cane pagkatapos ay bigla na lang na hindi naman pala nito makikita ang lalaki.
Ang lakas-lakas pa naman ng ulan at kumukulog pa. Napakalakas din ng hangin kaya kahit sino'ng maligo roon ay magkakasakit.
Pinuntahan niya ito sa playground na pinuntahan din ng mama niya at mama nito pero wala na ito roon. Tinawagan niya sa payphone ang mama nito pero wala pa rin daw sa bahay si Ivy. Pumunta siya sa mga shop na pinasukan nito kanina pero wala rin ito roon.
Hanggang sa may bigla siyang naalala. Ang ilog! Baka naandon si Ivy!
Agad siyang tumakbo papunta roon at nakita nga niya roon ang hinahanap niya. Gaya ng inaasahan ay basang basa nga si Ivy at nanginginig pa. Pero ang hindi niya gustong makita ay ang mga luha nito na alam niyang tumutulo kahit pa malakas ang ulan!
Mukhang may hinahanap ito sa ilog. Marahil ay iyong hikaw na tinapon nito roon noong nakaraan araw.
"Ivy, umuwi na tayo. Umalis ka na riyan, nag-aalala na sa 'yo ang mama mo," pagtawag niya rito.
"Hindi! Kailangan ko pang hanapin iyong hikaw na binigay noon ni Cane. Hahanapin niya iyon sa akin kapag nagkita kami. Ang sabi niya ay huwag ko raw tatanggalin sa tenga ko iyon pero tinapon ko. Ayoko siyang magalit. Baka nga alam na niya ang ginawa ko kaya hindi niya ako sinipot sa playground. Kailangan kong makita ang hikaw para bumalik si Cane!" Damang-dama niya ang pagdadalamhati sa tinig ni Ivy. Mukhang sarili pa nito ang sinisisi nito kung bakit hindi ito sinipot ni Cane.
"Nagpunta ako sa playground kanina pero hindi siya dumating. Baka nakita niya ako na hindi ko suot iyong hikaw kaya nainis siya at hindi na nagpakita sa akin. Kaya kailangan ko iyong hanapin kahit pa ano'ng mangyari. Kailangang mawala ang galit sa akin ni Cane!" Patuloy pa rin ang pagdaloy ng luha sa mga mata ni Ivy. Halatang hinang-hina na ito at namumutla na pero patuloy pa rin nitong hinahanap ang hikaw sa ilog.
Hindi niya alam kung bakit pero kahit siya ay nasasaktan sa nakikitang kalagayan nito. Ni wala itong pakialam kahit magkasakit ito basta makita lang nito ang hikaw na itinapon nito.
"Ivy, pwede ba, tama na iyan! Hindi mo na makikita ang hikaw na iyon dahil na sa akin na!" Napilitan na siyang aminin ang ginawa niya dahil kahit siya ay umiiyak na rin.
Doon na niya inilabas ang hikaw sa bulsa niya na kinuha niya noong mismong araw din na itinapon ni Ivy ang hikaw sa ilog.
"Ang hikaw ko. Nakita mo na rin. Salamat, Alexa!" Umiiyak man ay nagawa ring ngumiti ni Ivy.
"Pwede bang itigil mo na ito? Kahit ibigay ko pa ang hikaw na ito sa 'yo ay wala na rin namang kwenta! Hindi na darating si Cane! Hindi na raw siya makakabalik pa rito sa Pilipinas!" Sinabi na niya ang totoo kahit alam niyang masasaktan lang ito sa sinabi niya.
At hindi nga siya nagkamali dahil bumakas ang matinding sakit sa mukha ni Ivy.
Umahon ito sa ilog saka unti-unting lumapit sa kanya. Pero bago pa man ito tuluyang makalapit ay unti-unti nang nanlabo ang paningin nito at nawalan na ito ng malay!
"Ivy! Ivy!" natatarantang pagtawag niya sa pangalan nito nang tumakbo siya palapit dito.
Pero hindi na ito sumasagot.
Agad siyang tumawag sa kanila para humingi ng tulong sa mama niya at kay Tita Mildred na dalhin sa ospital si Ivy.
Sobrang lakas ng lagnat nito at nagdedeliryo na ito. Hirap na hirap na rin itong huminga dahil noon pa man ay mahina na talaga ang puso nito.
Iyak nang iyak si Tita Mildred dahil sa pangyayaring iyon. Hindi nito hinahayaang masyadong maglaro si Ivy sa labas dahil mabilis itong mapagod dahil sa sakit nito sa puso pero hinayaan nitong umalis ng mag-isa si Ivy ng araw na iyon dahil gusto nitong maging masaya ang anak sa pangalawang pagkakataon para makita si Cane pero ganoon pa ang nangyari.
Masyadong napagod ang katawan ni Ivy sa buong hapon na paglalakad sa mall at pag-upo sa playground. Pinalala pa niyon ang matinding pagkabasa nito sa malakas na ulan at ang pagpipilit nito na hanapin ang hikaw sa ilog.
Marahil para sa ibang tao ay napakasimple lang ng mga ginawa nito pero ang mga bagay na ganoon ay mabigat na para sa mahinang katawan ni Ivy. Pinagsabihan na nga rin noon ng mga doktor si Tita Mildred na bawal mastress at magdamdam nang husto ang anak nito dahil maaari iyong ikasama ng kalusugan ni Ivy. Kaya naman wala itong bagay na hindi ibinibigay sa anak. Naspoiled nito si Ivy. Si Cane lamang ang kaisa-isahang bagay na hindi nakuha ni Ivy.
Nasa kritikal na kalagayan si Ivy ngayon dahil hindi lang basta ang katawan nito ang pagod kundi maging ang puso nito. Halos doon na sila sa ospital natulog hanggang sa lumabas mula sa loob ng ER ang doctor at sinabing nasa mabuting kalagayan na raw si Ivy.
Masyado raw natrauma si Ivy dahil sa nangyari rito kaya hangga't maari raw ay iwasan daw nilang mastress ulit nang ganoon si Ivy dahil kung hindi raw ay maaaring mas malala pa ang mangyari sa susunod.
Pagpasok nila sa loob ng kwarto ay tulog na si Ivy pero naroon pa rin ang bakas ng kalungkutan sa mukha nito. Nakita pa nga niya na may bakas pa ng luha sa gilid ng mga mata nito kahit nakapikit ito.
"Cane..." pagsasalita pa nito sa pagtulog.
Hinawakan niya ang kamay nito.
"Ivy. Pangako ko sa 'yo hindi ka na niya masasaktan ulit," pangako niya rito kahit alam niya na hindi rin naman siya maririnig nito.
Doon siya sumumpa sa sarili na aalagaan at po-protektahan niya si Ivy na parang isang nakababatang kapatid. Ilalayo niya ito sa mga katulad ni Cane na walang ibang ginawa kundi ang magpaasa ng mga babae!
KINABUKASAN
Unti-unting nagising si Alexa dahil sa tumatamang sinag ng araw sa mukha niya magbuhat sa nakabukas na bintana.
Napatingin siya sa nakahawak niyang kamay kay Ivy. At pagkatapos ay iniangat niya ang ulo at nakita niya ang nakangiti nitong mukha.
"Ivy! Ayos ka na ba? Wala bang masakit sa 'yo?" nag-aalalang tanong niya rito.
Tumango ito nang nakangiti sa kanya. Nakahinga naman siya ng maluwag.
"Alexa, salamat, ha?"
"H-ha? Para saan?"
"Sa lahat. Salamat kasi palagi kang nandyan kahit na palagi kitang inaaway. Salamat kasi hindi mo ako pinabayaan kahit madalas ay hindi kita pinapansin. Hindi mo pa rin ako sinukuan at palagi mo pa rin akong inaalala," malumanay na ang pagsasalita nito. Para itong anghel sa bait nito sa kanya ngayon, taliwas sa pinapakita nito noon sa kanya.
Walang anuman iyon, Ivy. Ginagawa ko talaga iyon para sa mga kaibigan ko," nakangiting sabi niya. "Ah, siya nga pala!" Bigla siyang may naalala.
Inilabas niya ang hikaw sa bulsa niya at iaabot sana niya iyon dito pero umiling ito.
Itapon mo na lang ang hikaw na 'yan, Alexa. Dahil simula ngayon ay kakalimutan ko na ang lahat tungkol kay Cane. Alam mo ba na habang inaatake ako sa puso ay nakita ko na umiiyak kayong lahat pati si mama? Ako na lang ang mayroon siya kaya ayaw ko siyang makitang malungkot kaya simula ngayon ay pipilitin ko na palaging maging masaya para hindi na ako atakihin ulit sa puso."
"Pero paano na si Cane?"
Natahimik ito saka maya-maya ay bumuntong-hininga.
"Aalisin ko na siya sa buhay ko. Pinaasa niya lang ako, e. Kaya kung maaari lang sana, Alexa ay huwag mo na sana siyang babanggitin ulit."
Doon napaangat ang isang kilay niya. Sigurado ba talaga si Ivy sa sinasabi nito?
Pero nang tingnan niya ang mukha nito ay napansin niya na bumakas ang galit sa cute na mukha nito.
"Pero, Ivy, hindi naman ginusto ni Cane na hindi maka--"
"Alexa, pwede bang mag-usap muna tayo?" Hindi na niya naituloy ang sasabihin pa sana niya dahil parehas na silang napalingon ni Ivy sa biglang nagsalita. Nang mapatingin sila sa labas ng pintuan ay nakita niya na si Tita Mildred ang tumatawag sa kanya.
Lumabas siya para kausapin si Tita Mildred at ang mama naman niya ang naiwan para bantayan si Ivy.
"Alam kong kung tutuusin ay hindi naman talaga kasalanan ni Cane kung bakit hindi siya nakarating dito dahil naaksidente ang mama niya. Pero kung pwede lang sana ay huwag mo na lang sabihin ang totoo kay Ivy. Hayaan na lang nating kalimutan niya si Cane. Nakakangiti na ang anak ko. Ayaw ko siyang umasa na naman ulit siya sa wala. Masyado ng abalang tao ang pamilya ni Cane. Mayaman na sila. Alam ko na masasaktan lang ang anak ko sa kanya pagdating ng panahon at ayoko na namang maulit ang nangyari ngayon. Sa totoo lang ay hindi naman siya nakakatulong sa ikabubuti ng kalusugan ng anak ko, e. Malaki pa ang perwisyong idinudulot ng obsession ni Ivy sa kanya. Kaya kung pwede lang sana, kung anuman ang nalalaman mo tungkol sa nangyari ay ilihim mo na lang sa kanya. Please, Alexa? Para sa akin," nagsusumamong sabi ng may edad na babae.
Hindi siya makapagsalita. Kung siya ang tatanungin ay unfair para kay Ivy na hindi nito malaman ang totoo pero naiintindihan naman niya si Tita Mildred. Gusto lang nitong mapabuti ang kalagayan ni Ivy. Hindi rin siya magaling magsinungaling pero kung para naman sa ikabubuti ni Ivy ay handa siyang magsinungaling.
Pagpasok niya sa silid ay ang nakangiting mukha na ulit ni Ivy ang nakita niya. Kumakain na ito ng orange na binalatan ng mama niya para rito.
"O, nandito na pala ang prinsepe mo, Ivy! " natatawang pagbungad sa kanila ng mama niya.
Luh? Prinsepe raw?
"Ano'ng prinsepe?" nagtatakang tanong niya sa mga ito. Mukhang napagkakaisahan na siya, e.
"Dahil palagi mo akong inaalala, inaalagaan at pinagtatanggol, simula ngayon ay ikaw na ang bagong prinsepe ko, Alexa!" Sobrang lambing ng boses ni Ivy. Ibang-iba sa tono ng pananalita nito noong una niya itong makilala na akala mo e, langgam lang siya sa sobrang liit.
"Ako? Prinsepe?! Hindi mo ba nakikita na babae rin ako, Ivy?!" Parang gusto niyang maduwal sa tinawag nito sa kanya. Gosh, ha. Hindi naman yata siya mukhang lalaki!
Nag-anyong nalungkot si Ivy. Parang maiiyak. Puppy eyes.
At nang mapatingin siya sa dalawang may edad na babae ay nagbabantang tingin lang ang ibinigay sa kanya. Para bang sinasabi ng mga ito na hindi niya pwedeng palungkutin si Ivy dahil baka atakehin na naman ito sa puso.
"Sige, sige Ivy, pwede na akong maging prinsepe mo!" labag sa loob na sabi niya na nilapitan pa ito.
"Talaga? I love you, Alexa!" Biglang naexcite si Ivy kaya bigla na lang siya nitong sinugod ng yakap kaya bumagsak sila sa kama.
Pero tinawanan lang sila ng dalawang may edad na babae. Mukhang wala na siyang magagawa dahil sa ayaw at sa gusto niya ay prinsepe na raw siya.
At simula no'ng araw na iyon ay nabalik muli ang ngiti at sigla sa mukha ni Ivy.