"Felicidad!"
Tumigil ako sa pagtatahi at nilingon ang tumawag sa akin. Napatayo ako sa gulat. Nakita ko si Tiyo Ronaldo na nakatayo sa harap ng pintuan ng aking kuwarto. Hawak niya ang kaniyang sumbrero sa kanang kamay. Nakasuot na uniporme ng mga sundalo at mukhang kararating niya lang galing gyera.
"Nakabalik na po kayo Tiyo, mabuti naman at ligtas ka. Si Antonio ho?"
Yumuko siya at hindi kumibo. Kinabahan ako sa ginawa niyang iyon. Hindi niya sinagot ang tanong ko.
"T-Tiyo? A-Asan ho si A-Antonio?" Nauutal na aking tanong. Nagsimula ng humikbi si Tiyo Ronaldo dahilan upang mangilid ang mga luha ko at walang dalawang isip na tumakbo palabas ng bahay. Hindi puwede. Hindi. Hindi pa siya patay.
Pabilis ng pabilis ang aking takbo papunta sa bahay ng mga Hidalgo. Alam kong una niyang bibisitahin ang kaniyang pamilya. Mahilig niya akong sorpresahin kaya hindi na ako magtataka kung bakit hindi niya pa ako binibisita. Pinipigilan ko ang mga luha ko dahil nais naming dalawa na masaya ko siyang babatiin sa pagbalik niya.
Napatigil ako ng makita ang maraming tao sa labas ng bahay ng Hidalgo. Mga taong palabas labas sa bahay. Mga nakikiusyoso. Nakarinig ako ng mga hikbi. Lumabas ng bahay si Ate Maria na umiiyak. Nakita niya ako at tumakbo siya palapit sa akin.
Agad agad niya akong niyakap habang umiiyak. Tama nga. Nakaramdam ako ng mabigat sa aking puso. Mga luhang di ko na napigilan pa. Dire-diretso ang agos sa aking mga pisnge. Yumakap ako ng mahigpit kay Ate Maria at tuluyang nilabas ang sakit na nararamdaman ko.
Antonio, bakit mo ko iniwan?
----
"Fey, uminom ka muna ng tubig." Inabutan ako ni Ate Maria ng isang basong tubig. Ngayon ang araw na inilibing namin ang labi ni Antonio. Nakaupo ako sa malaking bato. Tinabihan naman ako ni Ate Maria at ininom ko ang tubig na binigay niya sa akin.
"Bago siya umalis, binilinan niya na agad kami," tahimik lang akong nakikinig sa kaniya habang nakatulala sa puntod ni Antonio Hidalgo.
"Ang dami niyang sinabi sa amin. Iyon na pala ang huling araw na makikita namin siya." Iyong araw rin na iyon ang araw na huli kami nagkita. Sa ialim ng puno, hatinggabi, kaming dalawa lang at wala ng iba pa.
"Nagbilin siya sa akin. May iniwan siyang sulat para sayo." Napatingin ako sa kaniya dahil hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko.
Kinuha niya ang isang puting sobre sa kaniyang supot na gawang abaka. Inabot niya ito sa akin. Tinignan ko ang sobre, may nakasulat na pangalan ko sa likod. Nangilid ang mga luha ko ng makita ko ang sulat niya. Napakaganda.
Felicidad Concepción
"Maraming salamat Ate Maria." Tinanguan at nginitian niya ako bago niya ako iwan para lapitan ang kaniyang mga magulang na nagluluksa rin. Tumayo ako at lumapit sa puntod ni Antonio para umupo sa tapat nito. Hinaplos ko ang pangalan niyang nakaukit sa lapida niya. Nagsisimula nanamang mamuo ang mga luha sa mga mata ko, nagbabadyang tumulo.
"Mahal kong Antonio, hindi ko alam kung ako ba'y maiinis o matutuwa dahil parang alam mong mangyayari ang lahat ng ito kaya gumawa ka na agad ng sulat para sa akin. Natatakot akong buksan ito at basahin." Tumigil ako para huminga ng malalim. Kahit gusto ko mang hindi ito buksan, mas lalo lang akong hindi makakatulog ng mahimbing. Kung gusto niya na basahin ko ito, gagawin ko alang alang sa kaniya bilang isang huling habilin.
Binuksan ko ang sobre at kinuha ang isang papel na nakatupi sa loob nito. Binuklat ko ito at halos lumuwa ang mga mata ko ng mabasa kung ano ang nilalaman nito. Paanong...
Agad akong tumayo at walang paalam na umalis. Tumakbo ako papuntang daungan at napatigil nang makita ko ang lalaking naka-amerikano na pananamit na itim at nakasuot ng itim na sumbrero. May hawak siyang bagahe at isang batang lalaki na mestizo, mukhang amerikano. Nang makita niya ako, nginitian niya ako at lumapit sa akin, hawak hawak ang batang lalaki na nasa dalawang taon na sa aking hula.
"Finally, you're here. Mabuti at nakarating kami sa tamang oras. Ikaw ba si Binibining Felicidad?" naguguluhan man, pero tumango ako bilang sagot.
"Sino ka? Asan si Antonio?"
"Ako si Juan, kaibigan ko si Antonio at heto siya." Binulungan niya ang bata at tumingin ito sa akin. Tinignan ako, ngumiti, tumakbo papunta sa akin at biglang sinabi,
"Mama!"
Kumunot ang noo ko at naguguluhang tinignan ang lalaking nasa harapan ko. Ano ito? Sino itong batang ito? Bakit niya ako tinawag na 'mama'? at marami pang ibang tanong ang gumugulo sa isipan ko ngayon.
"A-Ano...? Hindi ko maintindihan. Hindi ko siya anak."
"Felicidad Concepcion, nobya ni Antonio Hidalgo. Binilinan kami ni Antonio na kapag namatay siya sa gyera ay ibibigay niya sayo ang batang ito na inampon niya at kikilalanin ka niyang ina."
Heto ang ibig sabihin niya na regalo? Akala ko buhay siya at binibiro niya lang kami na patay na siya ngunit hindi pala. Binigyan niya ako ng isang batang aalagaan bilang anak naming dalawa. Hindi ko siya maintindihan.
"Kung nagaalala ka sa mga papeles, naayos na ni Antonio ang mga iyon at matagal ka ng nakarehistro bilang ina ng batang iyan. Nawa'y alagaan mo siya at tratuhin bilang sariling anak. Dahil iyon ang gusto ni Antonio, ang magkaroon ng sariling pamilya."
Hindi ko na napigilan ang pag-iyak. Matagal na naming pinagusapan na kapag bumalik siya ay papakasalan niya ako at bubuo kami ng sarili naming pamilya. Hindi ko aakalain na ako na lang pala ang tutupad sa usapang iyon, kasama ang batang ito.
Binuhat ko ang bata at tuwang tuwa itong niyakap ako. Napakagwapo at napakalambing na bata. Tuwing tinitignan ko siya, lumalambot ang puso ko at naiisip ko si Antonio dahil parehas sila ng kulay ng mga mata, kulay kayumanggi.
"Anong pangalan niya?"
"Antonio Hidalgo Jr.," napangiti ako dahil sa isinunod pala ng mahal kong nobyo sa pangalan niya ang pangalan ng anak namin.
"Maraming salamat, Ginoong Juan. Huwag ka mag-alala dahil aakuin ang bata. Kung iyon ang huling habilin ng aking mahal na nobyo, gagawin ko." Niyakap ko ang aking anak at pumikit, iniisip na niyayakap rin kami ni Antonio. Iniisip ang masayahin niyang mukha.
Tama ka nga, mahal ko. Naalala ko ang sinabi mo sa akin noong nagpapaalam ka bago umalis para sumabak sa gyera, "Tandaan mo, mahal, na kapag may umalis, may darating. Sakali mang dumating ang panahon na iiwan kita sa mundong ito, asahan mo na may darating para sagipin ang iyong puso. Tanggapin mo kung ano man iyon dahil ayokong makita kang malungkot."
Maraming salamat, Antonio. Nawa'y mamayapa ka na kung saan ka man pupunta. Habangbuhay kitang mamahalin, kasama ng ating anak.