┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
Ngayon na mismo ang flight ni Madel papuntang Amerika. Mag-isa lang siyang sasakay ng eroplano, pero hindi niya maiwasang mapansin ang bigat ng tingin ng ilang pasahero sa paligid. Pakiramdam niya ay hindi siya basta-basta makakalaya. Hindi man niya sigurado pero alam niyang may mga tauhan si Orion na binabantayan ang bawat kilos niya. Kung sino man sila sa mga pasahero na makakasama niya sa loob ng eroplano ay hindi niya alam. Pero sigurado siyang hindi siya nag-iisa, at hindi rin siya malayang makakakilos o makakalapit kahit na kanino.
Sa buong buhay niya, ngayon lang siya nakarating sa airport. Hindi niya akalain na ang unang pagkakataon niyang makakita ng departure gates at boarding areas ay hindi dahil sa isang masayang bakasyon o sariling pangarap na makarating ng ibang bansa, kung hindi dahil sapilitan siyang pinapapunta sa isang lugar kung saan magsisimula ang isang buhay na hindi naman niya ginusto. Dapat ba siyang matuwa? O dapat ba siyang matakot? Hindi niya alam. Pero ang tanging alam niya na kapag nakarating na siya ng America ay magiging asawa siya ng isang lalaking hindi niya gustong maging asawa.
Pero inaamin niya sa kanyang sarili na kahit papaano ay hindi niya maitatangging may kaunting excitement siyang nararamdaman sa pagsakay niya ng eroplano. First time kasi niyang sasakay ng eroplano, kaya gusto niyang malaman kung totoo nga bang masarap sa pakiramdam ang paglipad, kung totoo ba ang sinasabi ng iba na parang lumulutang ka sa alapaap. Ngunit kasabay ng bahagyang kasabikan ay ang bigat sa kanyang loob dahil alam niyang hindi ito isang simpleng biyahe lang. Ito ay simula ng isang buon taon ng buhay na para sa kanya ay parang nasa impyerno, at ang haring si Satanas ay walang iba kung hindi si Orion.
Pagpasok niya sa eroplano ay nakita niya agad na business class ang kinuha sa kanya ni Orion. Mamahalin, maluwag, at komportable ang upuan, malayo sa siksikan sa economy class. Gusto sana niyang ikatuwa ito, pero sa ngayon ay wala siyang ibang nararamdaman kung hindi isang matinding pangamba. Kahit gaano pa kaganda ang upuan niya at ang lugar ay hindi pa rin niya magawang pakalmahin ang sariling damdamin. Pakiramdam niya ay pinapalibutan pa rin siya ng mga matang hindi niya nakikita, hindi niya matukoy kung sino sa mga pasaheros ang tauhan ni Orion. Pero alam niyang nandiyan sila, nagbabantay, nagmamasid, siguradong siguradong hindi siya makakatakas.
Mabigat ang kanyang paghinga nang sumandal siya sa upuan. Idinantay niya ang kamay sa kanyang tiyan, pinipilit pakalmahin ang sarili kahit alam niyang mahirap dahil natatakot siya sa buhay na naghihintay sa kanya. Pumikit siya sandali, pilit na iniisip kung ano ang naghihintay sa kanya sa oras na maging asawa na siya ni Orion. Isang taon lang daw silang magiging mag-asawa... isang taon lang. Pero para sa kanya, parang habang-buhay na impyerno ang naghihintay.
Napaluha siya nang hindi sinasadya, pero agad din niyang pinunasan ang mga iyon. Hindi siya pwedeng magpakita ng kahinaan. Hindi siya pwedeng magpatalo sa emosyon. Ang totoo ay gusto niyang tumanggi, gusto niyang ipaglaban ang sarili niya, pero paano? Kung hindi siya papayag, mawawalan ng lupa ang kanyang pamilya. Wala silang ibang paraan para maisalba ang kabuhayan ng kanilang pamilya maliban sa kasunduang ito sa pagitan nilang dalawa ni Orion. At kung kailangan niyang isakripisyo ang kanyang sariling kalayaan para sa kanila, wala siyang ibang magagawa kung hindi ang gawin ito.
Pero ang pinaka masakit sa lahat ay ang katotohanang hindi niya mahal si Orion. Wala siyang kahit anong nararamdaman para dito maliban sa takot, galit, at pandidiri sa ideyang magiging asawa niya ito. Isang estrangherong may hawak ng kanyang buhay, isang lalaking hindi niya kilala pero may kapangyarihang kontrolin ang lahat ng nasa paligid niya. At ang hindi niya alam, si Orion ay hindi lang isang mayamang negosyante o isang tagapagmana ng isang makapangyarihang pamilya. Ang lalaking ito... ang pakakasalan niya ay isang pinuno ng mafia organization. Isang malupit na pinuno.
Wala siyang ideya kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa kanya sa Amerika. Wala rin siyang kasiguraduhan kung paano matatapos ang isang taong kasunduang ito. Pero isang bagay lang ang siguradong sigurado siya... hindi siya kailanman papayag na mabuntis ng lalaking ‘yon. Wala 'yon sa kanyang plano kaya gagawin niya ang lahat upang hindi siya magbuntis.
"Oh God..." Mahina niyang bulong habang muling tumulo ang kanyang mga luha. Mabilis niyang pinunasan ang mga luha niya gamit ang kanyang kamay at itinakip sa kanyang mukha, at pilit na pinapakalma ang kanyang damdamin dahil parang sasabog na ang puso niya sa sobrang lakas ng pagtibok nito. Pagkatapos ay tumingin siya sa bintana, pinagmamasdan ang unti-unting paggalaw ng mga sasakyang pangserbisyo sa labas ng eroplano. Ngunit kahit anong gawin niya, hindi niya maialis ang bigat sa kanyang dibdib. Parang may mabigat na tanikala na nakapulupot sa kanya, hinahatak siya pababa sa isang realidad na hindi niya kailanman ginusto, pero pumayag siya para sa kanyang mga magulang.
"Isang taon lang naman ito..." Mahina niyang bulong sa sarili, pilit na pinapalakas ang kanyang loob.
"Pagkatapos ng isang taon, makakalaya na rin ako sa kanya. Pagkatapos ng isang taon ay sisiguraduhin ko na hinding-hindi na niya ako makikita pa." Muli niyang bulong habang sa bintana siya nakatingin.
Ngunit kahit gaano pa niya ulit-ulitin iyon sa isip niya na isang taong lang ang kasunduan nila, na mabilis lang ang isang taon ay hindi pa rin nito kayang tanggalin ang takot na namamahay sa puso niya. Pumikit siya nang mariin, pero sa halip na mapanatag ang kanyang kalooban ay lalo lang lumakas ang pagkabog ng kanyang dibdib. Tumulo muli ang luha niya, ngunit tulad ng dati, mabilis din niya itong pinunasan. Hindi siya pwedeng magpatalo. Hindi siya pwedeng magpakita ng kahinaan, dapat ay maging matatag siya at isipin na isa lamang ito sa pagsubok sa kanyang buhay.
Napukaw ang kanyang pag-iisip ng marinig niya ang kalmadong boses ng piloto ng eroplano, isang magalang at malinaw na anunsyo na nagpapahayag na ano mang sandali ay lilipad na ang eroplano na sinasakyan niya. Ipinaalala rin nito sa mga pasahero ang ilang mahahalagang impormasyon para sa kanilang kaligtasan. At ilang sandali pa ay ang mga stewardess naman ang nagsimulang magbigay ng safety precautions... ipinapakita ang tamang pagsusuot ng seatbelt, ang paggamit ng oxygen mask sakaling kailanganin nila ito, at kung paano ang tamang paglabas sa eroplano kung sakaling may emergency.
Tahimik lang si Madel habang nakikinig, pero ang isipan niya ay wala sa loob ng eroplano. Malayong-malayo ito sa kasalukuyang nangyayari sa paligid niya. Habang ang ibang pasahero ay mukhang excited sa kanilang flight... siya naman, ang pakiramdam niya ay parang isang bilanggo na dinadala sa isang lugar kung saan hindi siya sigurado kung makakabalik pa siya.
Humugot siya ng malalim na paghinga. Isang taon. Isang taon lang naman ito, paulit-ulit niyang pinapaalala sa sarili. Pero bakit parang hindi niya magawang paniwalaan ang sariling mga salita? Bakit pakiramdam niya na ang isang taon na 'yon ay magiging bangungot para sa kanya?
Nang lumipad na ang eroplano ay tahimik pa rin siya. Nakatingin sa bintana at pinagmamasdan ang ibaba, ang malaking ciudad ng Manila at katulad ng naririnig niya, napakaganda nga ng tanawin kung nakasakay siya ng eroplano.
Lumipas pa ang mga oras, at kahit anong pilit ni Madel na huwag matulog ay hindi na kinaya ng pagod niyang katawan. Masyado nang bugbog ang kanyang isipan sa kakaisip sa kinabukasang naghihintay sa kanya, at hindi niya namalayan na unti-unti nang bumibigat ang kanyang talukap. Napapikit siya, at bago pa niya namalayan ay tuluyan na siyang ginupo ng antok.
╰┈➤ Naalimpungatan siya nang marinig ang ingay sa loob ng eroplano... mga boses ng pasahero, tunog ng overhead compartments na binubuksan, at ang bahagyang pagbunggo ng katabi niyang pasahero sa kanyang braso. Napadilat siya, at sa kanyang gulat ay napansin niyang nakalapag na pala ang eroplano. Tapos na ang biyahe. Wala nang atrasan. Nandito na siya sa lugar ni Orion.
Agad siyang tumayo mula sa kanyang upuan, mabilis na isinukbit ang kanyang bag sa balikat, at walang pag-aaksaya ng oras na sumunod sa agos ng mga pasaherong naglalakad papalabas ng eroplano. Habang lumalakad sa makitid na aisle, napansin niya ang mga crew na nakangiti at magalang na bumabati sa kanilang lahat. Ngunit hindi niya magawang ngumiti pabalik. Ang utak niya ay puno ng pangamba.
Pagdating niya sa arrival area, bigla siyang natigilan. Hindi niya alam kung saan siya pupunta o kung ano ang susunod niyang gagawin. bago lang ang lahat ng ito sa kanya kaya talagang nangangapa siya sa dilim. Saglit niyang inikot ang paningin sa paligid at hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Ang mga taong lumabas ng eroplano ay dalwang direksyon ang pinuntahan kaya hindi niya alam kung sino ang susundan sa mga ito.
Pero nagulat siya ng bigla na lang may isang boses ng lalaki ang nagsalita mula sa kanyang likuran kaya natigilan siya. Pagkatapos ay nilingon niya ito at makikita ang malaking tanong mula sa kanyang mga mata.
"This way. Sumunod ka lang sa akin." Sabi nito. Napakunot ang kanyang noo. Isang lalaking may edad na, pormal ang suot at may malamig na ekspresyon sa mukha ang nakatingin sa kanya. Halatang hindi ito basta ordinaryong tao dahil may pagmamalaki ang tindig at pananalita nito.
"Ako ang abogado ni Orion." Dugtong nito, nakatitig lang kay Madel.
"Huwag kang magtatangkang tumakbo dahil may mga tauhan siya dito na nakamasid." Muli pa niyang sabi. Nanlamig ang katawan ni Madel sa narinig. Napatitig siya sa lalaki, para tuloy gusto na lang niyang tumakbo at takasan ang lahat ng ito, pero nang lingunin niya ang paligid ay lalo lang siyang kinabahan. May ilang lalaking nakatayo sa hindi kalayuan, pormal ang ayos pero halatang siya ang sinusulyapan. Humugot siya ng malalim na paghinga at isang pilit na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi at bahagyang tumango sa abogado ni Orion.
"Let's go. Nakuha na ang bagahe mo. Sumunod ka lang sa akin at pupunta na tayo sa sasakyan." Sabi nito. Tahimik namang sumunod si Madel, walang salita at hindi na rin siya kumontra pa. Alam niya na wala na talaga siyang kawala pa.
Pagkarating nila sa labas ng airport ay isang magarang sasakyan ang huminto sa harapan nila. Binuksan agad ng abogado ang pintuan at iginiya si Madel sa likurang parte ng sasakyan. Pero pagkapasok ni Madel ay ganuon na lamang ang gulat niya ng makita niya na may nakaupong lalaki sa likurang bahagi. Hindi siya nito nililingon, at pagkaupo sa unahan ng abogado ay sumenyas ang kamay ng lalaking katabi ni Madel sa likuran kaya umusad na ang sasakyan.
"O-Orion?" Gulat na tanong ni Madel. Pagharap ni Orion sa kanya ay tila ba kinilabutan si Madel sa lamig ng pagkakatitig sa kanya ni Orion.
"I’m not asking you to say anything, nor do I need to hear a single word from you. So do yourself a favor and keep your mouth shut."
Malamig, walang bahid ng simpatya ang boses ni Orion. Diretso, matigas, at puno ng awtoridad. Napasinghap si Madel. Hindi niya alam kung dahil sa pagkabigla o sa takot na nararamdaman niya sa pagkatao ng lalaking katabi niya. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig, at tila naumid ang kanyang dila. Gusto niyang magsalita, gusto niyang sabihin dito na ayaw na niya, pero parang may kung anong pumipigil sa kanya. Sa halip ay nilingon na lang niya ang bintana ng sasakyan at hinayaan ang mga luhang pumatak sa kanyang pisngi.
Gusto niyang pagsisihan ang pagtanggap sa kasunduang ito. Gusto niyang isigaw na nagsisisi siya, na gusto niyang umatras, na gusto niyang bawiin ang lahat. Gusto niyang buksan ang pintuan ng sasakyan, tumakbo, kahit tumalon sa kalsada kung kinakailangan... kahit masaktan, kahit mahirapan basta lang makalayo sa lalaking ito. Pero paano? Paano kung sa isang maling galaw niya ay tuluyang mawala sa kanyang ama ang lupain nila. Paano kung ang pagtakas niya ay maging dahilan ng pagkawala ng lahat sa kanila? Napapikit siya, mahigpit na kinuyom ang kanyang kamay. Wala siyang ibang magagawa kung hindi ang sumunod sa kagustuhan ni Orion.
"Mamayang gabi ay ikakasal tayong dalawa kaharap ang abogado ko." Tahimik naman si Madel, nakikinig lang habang sa bintana pa rin nakatingin.
"May mga pipirmahan kang dokumento na nagsasaad na wala kang makukuha sa akin ni isang kusing, maliban na lamang sa huling perang ibibigay ko sa’yo kapag napawalan na ng bisa ang ating kasal. No sharing of properties, no conjugal rights. You don’t get anything from me. Naiintindihan mo ba ‘yan?" Wika nito.
"At huwag kang mag-ilusyon na magiging parte ka ng buhay ko. Hindi 'yan mangyayari." Dagdag niyang sabi.
"So, I suggest you do what you’re told. Pumirma ka ng maayos sa prenuptial agreement, at pagkatapos ng isang taon ay may matatanggap ka sa aking pera, iyon lang ang makukuha mo. After that, you walk away, and I don’t ever want to see you again." Pagtatapos niya sa kanyang mga sinabi at hindi na niya pinansin pa si Madel.
Napalunok si Madel. Hindi niya alam kung paano niya tutugunan ang sinabi nito. Ang nais lamang niyang gawin ngayon ay magising mula sa bangungot na ito. Ngunit hindi na ito bangungot... ito na ang realidad ng buhay niya na hindi na niya matatakasan pa, dahil sa ayaw at sa gusto man niya ay magiging asawa siya ng isang mabagsik na mafia leader.