Natameme ako sa sinabi nito. Di ko maipaliwanag ang kabang naramdaman ko. Buti na lang dumating na si Apol kasunod si Amanda.
Nagpareserve na pala si Ian para sa kanilang dalawa. Pero dahil apat sila ay lumipat na lamang sila ng upuan. Pinaghila ako ni Ian ng upuan. Pero agad sumingit si Amanda at ito ang naupo doon. Kaya mas pinili ko na maupo na lamang sa tabi ni Apol. Habang kami ni Ian ay magkatapat ng silyang inuupuan.
" So Ian, ang tagal mo rin pala nagtrabaho abroad," si Amanda.
Halatang nagpapacute base sa tono ng boses nito.
" Ah, oo!" maikling sagot ni Ian.
" Ang dami mo na sigurong ipon Sir sa tagal mo abroad. Makakabuhay na ng pamilya," singit naman ni Apol.
" Hindi naman. Sapat lang," mapagpakumbabang sagot ni Ian kay Apol.
Tahimik lang akong kumakain habang panaka-nakang sumusulyap sa mga ito. Hindi ko magawang tumingin ng deretso sa harap ko. Kaya sa tuwing makakasalubong ko ang titig ni Ian ay napapayuko ako. Inaabala ko na lang ang sarili sa pagkain.
" So now that your back here in the Philippines, are you planning to settle na? I mean, get married and have a family," si Amanda na ipinatong pa ang isang kamay sa balikat ni Ian. I rolled my eyes. Tss! So touchy! Napakacheap! Halatang-halata na nagpapakita ng motibo.
" Uy! Bakit naman napunta sa pagpapamilya Amanda. Bakit papakasal na ba kayo ni Sir Orly?" baling dito ni Apol.
Naubo ako bigla sa sinabi nito. Si Sir Orly kasi ang isa sa mga engineer sa opisina. Balitang-balita na madalas magkasamang lumalabas ang dalawa. Pero biglang nalipat si Sir Orly. Dahil raw pinalipat ni Amanda sa Davao Branch. Senior Architect kasi ito. Ito raw ang maghahandle sa isang building na itinatayo roon na si Amanda mismo ang nagdesinyo. Pero iba ang naiisip namin ni Apol sa nangyari. Gawain na ito ni Amanda matagal na. Lalo pag may bagong kursunadang engineer.
" Break na kami ni Orly. Matagal na. Almost a month na," paliwanag ni Amanda habang sumisimsim ng juice.
"Ows?" tila hindi kumbinsidong sagot ni Apol. Pasimpleng kinurot ko ito sa tagiliran para patigilin. Ngunit tinabig lang nito ang kamay ko at hindi nagpaawat.
" Okay naman si Sir Orly ah! Bakit inayawan mo?" nang-iintrigang tanong pa ni Apol.
" He's not my type. I'm eyeing someone else. At sana siya na talaga," nakangiting sagot ni Amanda sabay tingin ng malagkit kay Ian na tahimik na nakikinig lang din.
" Aba't! Bruhang 'to mukhang balak ka pang agawan ng lovelife," gigil na bulong ni Apol sa akin. Pinandilatan ko ito ng mata. Pero mukhang hindi talaga ito maawat sa katabilan dala na rin siguro ng inis kay Amanda.
" Well, lahat naman tayo may ideal kind of person na gustong makasama for life. And for Sir Orly, he's not my ideal guy. Like for example, ikaw Miss Marsha? What's your ideal type of guy?" walang prenong bigkas ni Amanda sabay baling sa akin.
" A-ako?" nagugulumihanang tanong ko.
" Oo, ikaw. Ano bang type mong lalaki na makasama habang buhay?" muling tanong ni Amanda.
Tinignan ko muna isa-isa ang mga kasalo sa hapag. Panghuli kong tinapunan ng tingin si Ian na ngayon ay matiim na nakatitig sa akin. Wala itong kurap na nakatitig habang naghihintay ng isasagot ko. Na para bang gustong marinig ang sasabihin ko.
" Ahm... Simple lang. Mahal ako. Kayang mahalin ang pamilyang meron ako. At kayang tanggapin ang lahat ng meron ako, pangit man o maganda," nakangiting sagot ko.
" Ang generic naman ng sagot mo Miss Marsha. Lakas maka oldies!Halos lahat 'ata ganyan ang hanap, Eh kahit n'ung panahon pa ni Maria Clara, ' yan na ang hanap ng karamihan." may halong pambabarang puna ni Amanda. At talagang pinagdidiinan ang pagtawag ng Miss Marsha sa akin na para bang kamag anak ko si Miss Minchin. Bruhang 'to! Pagbalatin ko kaya 'to ng patatas o ikulong sa tsimineya?
" Wala ka bang standards man lang. Tulad ng physical aspects, looks or kahit estado sa buhay," inip at tila ba bored na bored na dugtong pa ni Amanda.
" Meron din naman. Sa physical aspects, ayoko sa lalaking mahaba ang buhok at akala mo miyembro ng banda kung manamit. Okay lang kahit di kagwapuhan basta hindi babaero. Okay lang din kahit na hindi mayaman o kahit walang ipon sa bangko, basta masipag at madiskarte. Madaling kumita ng pera kung madiskarte na ay masipag pa. Okay lang din kahit na mukhang barumbado basta hindi bastos at igagalang ako. Okay lang din kahit na seloso kasi selosa naman ako, it's a tie! At okay lang din kung umiinom para may katagayan na ang tatay! Pero ang pinakagusto ko sa lahat, ay 'yong kayang magtiyaga at marunong manligaw." Napapalakpak si Apol sa tabi ko. Hindi ko napansin na ang haba na pala ng sinabi ko.
" Manliligaw? Uso pa ba 'yon?" Nakaismid na tanong ni Amanda.
" Mutual understanding with labels na ang uso ngayon. Good luck naman kung may mahahanap ka pang ganyan!"
" Alam ko! Kaya kapag nakatagpo ako ng ganun pakakasalan ko agad," tumatawang biro ko pa.
Napatingin ako kay Ian. Nakangiti rin ito habang namumungay ang matang nakatitig sa akin.
Pinagpatuloy ko na lang ang pagkain.
***
"Totoo ba 'yon? Lahat ng sinabi mo kanina?" tanong ni Ian. Nasa labas na kamo ng restaurant. Hinihintay namin si Apol at Amanda na nagpaalam na pupunta munang restroom.
" Ang alin?" balik tanong ko.
"Yong tungkol sa ideal guy mo. Na kapag niligawan ka ay pakakasalan mo na agad,"
Napatingala ako sa direksyon niya. He was standing beside me with both his hands slid to his pocket. My heart is beating so fast inside my chest.
Bakit pakiramdam ko interesadong-interesado siya sa isasagot ko? I sighed before I answer.
" Oo. Nasa hustong gulang naman na ako. Lampas na nga sa kalendaryo. Kaya kapag nakilala ko 'yong ideal guy na hinahanap ko at maramdaman ko ang tunay at sinserong pagmamahal niya, bakit hindi? Pakakasalan ko na!" Nakangiti pa ako ng bigkasin ko ang tungkol sa pagpapakasal.
Samantalang siya nanatiling nakatitig sa akin. Hinagod niya ng isang kamay pataas ang buhok bago muling nagsalita. And damn, the way he did that, looks so damn hot.
" Paano kung ligawan kita?" seryosong tanong nito.
Kanina ang mabilis na t***k puso ko lang ang iniinda ko. Ngayon pati ang tila paglipad ng mga mumunting kulisap sa tiyan ko ay ginagambala na din ako.
Nanatili kaming nakatitig sa isa't isa. Pilit kong inaarok ang sinseridad sa sinabi nito sa pamamagitan ng kanyang mata.
Ngunit hindi ko maaninag ang nais kong makita. At ng muling bumuka ang labi nito, alam ko ng walang halong biro ang sasabihin nito.
" Please...let me court you," sa namamaos at tila nagsusumamong tinig na bigkas nito.