Nakakahiya man dahil sa sandaling nakita niya ang bahay namin ay pinahintulutan ko pa rin siya na makapasok. Kahit naman nakatira kami sa squatter area ay malinis ang lugar namin dahil maayos ang pamamalakad ng aming barangay chairman. Maaaring hindi naging maganda ang aming unang pagkikita pero sa ngayon ay nakikita ko sa kaniyang mabuti siyang tao.
Paniguradong hindi maniniwala sila Dela kapag nalaman nila ito.
Nadatnan kong nag-uusap na sila ni Papa nang makalabas ako ng banyo.
"Alam mo, hijo, mabait na bata 'yang si Jeerah at isa pa ay nasa wastong gulang na siya para mag-asawa. Mahal mo ba ang anak ko?" Napaubo naman ako sa narinig ko, dahilan para mapalingon silang dalawa sa akin.
"Ah! Jeerah, pasensya ka na, napagkwentuhan ka lang namin ni tito."
"Jeerah, tama naman ako, ‘di ba? Na'i-kwento ko lang dito kay Jerson kung gaano ka kabuting anak." Na nakadama naman ako ng kaunting hiya dahil sa kaninang narinig ko.
"Pa naman, e, ah-- Jerson sumabay ka na sa'kin paglabas ah!” pag-iiba ko ng usapan.
"Sige, Jeerah," nakangiti niyang sabi. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang siya kung makangiti.
Matapos kong mag-asikaso ay nagpaalam na kami kay Papa.
"Pa, alis na po kami. 'Yung bilin ko sa'yo, ha. Kung may kailangan ka nasa lamesa lang hindi mo na kailangan tumayo at kung naiihi ka, sa diaper mo na lang muna ha? Huwag magpasaway, okay? I love you, pa." Hinalikan ko siya sa noo kagaya nang nakasanayan ko.
"Mag-iingat kayo, anak. Mahal din kita." Doon ay nakaramdam na naman ako ng kalungkutan dahil iiwan ko na namang mag-isa si Papa.
"Nakakatuwa ang pagmamahalan ninyong mag-ama, nga pala salamat at hinayaan mo ako na makilala ka." Tila may kaunting dulot na kilig ang huling salitang sinabi niya.
"Ah, kailangan ko nang umalis. Sige ah!" pag-iiba ko ng usapan.
"Teka lang, gusto mo ihatid na kita?" Ano bang nakain ng lalaking 'to at bigla na lang bumait?
"Hindi na, kaya ko naman na, magko-commute na lang ako. Sige na.”
"Ingat, Jeerah," pahabol pa niya at binigyan ko naman siya ng ngiti bago pa ako tuluyang umalis.
Jerson.. Jerson..
Pangalan niya ang naaalala ko nang makasakay ako ng tricycle, na kung hindi pa dahil kay Papa ay hindi ko malalaman ang pangalan niya. At dahil sa nangyari ngayong umaga ay hindi ko alam, pero tila awtomatikong gumanda na kaagad ang mood ko sa araw na ito.
"Oh, Jeerah, anong nginingiti-ngiti mo riyan?" pang-aapila na naman ni Dela.
"Ayan ka na naman, Dela! minsan na nga lang maging maganda ang bungad ng umaga ko, e, hahadlangan mo pa." Tiningnan niya ako ng nakakaloko na tila pinag-aaralan ang buong mukha ko.
"Well.. Jeerah, hindi ko alam kung anong sumapi sa'yo at kakaiba ang ngiti mo. Baka naman.." Tumaas ng bahagya ang kilay niya. "May nagpapasaya na sa'yo. Ha-ha-ha!" natatawang aniya sabay sundot niya sa tagiliran ko dahilan para mapangiti ako.
"Hindi 'yon dahil 'don, okay? Kaya shut up, Dela!"
"Naku.. naku.." Napalingon kami sa pagsingit ni Mallow sa usapan.
"Hoy! Kayong dalawa, wala kayong ibang ginawa kung hindi ang tuksuhin si Jeerah, e, malay ba naman natin kapag nagka-lovelife 'yan.." singit naman ni Elinor.
"Edi masaya! hindi na siya tatandang-dalaga!" hagalpak na namang tawa ni Dela. Pero agad siyang natigilan sa pagtawa nang hindi ako nakaimik. "Uy, Jeerah! biro lang, 'to naman parang hindi mabiro, siyempre love ka namin ng mga kaibigan mo." Napapoker-face na lang ako hanggag sa may pumasok na customer na hindi namin inaasahan lahat. “Uy!" Inginuso pa ni Dela ang customer na papasok pero hindi ko nagawang lumingon dahil abala ako sa pag-aayos ng mga gamit na hindi nailigpit kahapon. "Hi, sir, magpapagupit ka ulit?" Narinig kong sabi ni Dela.
"Ah hindi, may sinadya lang talaga ako." Hinarap naman siya ng mga kaibigan ko at halos matutop ko ang bibig nang makita ko si.. Jerson.
"Ako ba ang ipinunta mo?" malanding tugon pa ni Dela.
"Si Jeerah,” mabilis na sagot nito at tila napahiya naman si Dela sa isinagot ni Jerson. Namuhay ang kaba sa dibdib ko, sobrang bilis.
Bakit ba kasi siya nagpunta rito? Kailan lang naman kaming nagkita, ah!
"Oha! assumera ka rin kasing bakla ka!" natatawang sabi ni Mallow. Nagbatukan pa silang dalawa sa harapan ni Jerson kaya hindi maiwasang mabaling doon ang tingin namin at pagkalingon kong muli kay Jerson ay natatawa na rin siya sa dalawa.
Ngayon ko lang napuna na ang g’wapo niya lalo kapag tumatawa.
Hays! Ano ba ang nangyayari sa akin?
Bago pa man maibaling ang atensyon sa aming dalawa nila Dela ay agad ko nang hinila si Jerson papalabas ng salon.
"Ano bang kailangan mo? Nasa oras ako ng trabaho, e."
"Ang sungit naman nito, akala ko ba, friends na tayo?" Tila nagpa-cute pa siya nang sabihin niya 'yon.
"Friends? Sigurado ka bang kaibigan na ang turing mo sa'kin?-- kasi ako, hindi ko basta-basta ibinibigay ang friendship ko, pasensya na."
"Okay, akala ko lang naman." Napasinghap siya at biglang nawala ang ngiti niya kanina nang harapin ko siya.
Napapikit ako sa isipin na baka na-offend ko siya.
"Okay, pasensya na, pero ano ba talagang ipinunta mo rito?"
"Hihingi lang sana ako ng permiso kung p'wedeng maulit ang pagpunta ko sa inyo?" Agad na nagsalubong ang kilay ko.
"Ano?!" Saglit siyang natigilan. "Bakit naman? Nakakahiya naman kasi hindi ganoon kaganda ang bahay namin." Pagkasabi ko no'n ay iniharap niya ako sa kaniya.
"Jeerah, hindi ka maniniwala pero-- gusto kitang maging kaibigan lalo na nang malaman ko ang buhay mo.." Tila nadala ako sa sinabi niya at kapagkuwa'y napayuko ako at nagkunwaring hindi nagpapa-apekto.
"Jerson, kailan lang tayo nagkakilala kaya imposible 'yang sinasabi mo.."
"Jeerah, maniwala ka sa'kin."
Napabuntong-hininga ako bago pa man sumagot, "Sige na, baka makita pa tayo ng amo ko." Sumilay naman ang isang matamis na ngiti sa labi niya.
"Pumapayag ka na?"
Bakit ba ang kulit ng lalaking 'to?
"O-oo na! Sige na." At tila napalundag naman siya sa pagsagot ko.
Bago pa man may dumating na mga customer ay nakaalis na si Jerson. Subalit hindi ako nakaligtas sa mga katanungan ng mga kaibigan ko.