Chapter 5

1106 Words
NAGING MAINIT ang pagtanggap sa akin ng magulang ni Jerson sa unang araw na idinala niya ako sa kanilang bahay. At para sa akin ay good points iyon sa akin bilang manliligaw, ang sa magulang muna magpaalam kung gusto mong ligawan ang isang babae. Ewan ko ba, simula nang makilala ko si Jerson ay parang mabilis niyang natugunan ang pangarap kong makatagpo ng isang lalaking mamahalin ako ng buong-buo. Hindi ko pa kasi nararanasan ang umibig simula no'n dahil puro pag-aaral at trabaho lang ang inaatupag ko. Masaya ako na nakilala ko siya pero parang nagtatalo ang isip at puso ko dahil ayaw kong maniwala sa happy ending, gayong maagang iniwan ni mama si papa. Siguro ngayon ay ayoko munang madaliin ang sa aming dalawa ni Jerson dahil gusto ko pa siyang kilalanin. Matapos ang hapunan kasama ang kaniyang magulang ay nagpaalam na rin akong umuwi at nagpresinta si Jerson na ihatid ako. Nagmamadali rin kasi akong umuwi dahil inaalala ko si Papa. Hindi pa kasi iyon kumakain. Kaya naman habang nasa biyahe ay sandali kong tinapik si Jerson. "Jerson," pagtawag ko at sandali niya naman akong nilingon mula sa may side mirror. Nakita ko ang pagtaas ng kilay niya habang hinihintay ang sasabihin ko. "Ahm, p'wede bang dumaan na muna tayo sa bilihan ng mami? Hindi pa kasi iyon naghahapunan si papa at iinom pa siya ng gamot," nag-aalalang sabi ko. "Ganoon ba, oo nga pala at nagmi-maintenance si tito, o, sige, bibili tayo ng mami para sa kaniya." Sandali akong napangiti sa sinabi niya. At pagkatapos nga naming bumili ay agad kaming dumiretso sa bahay. Nadatnan naming gising pa si Papa at mukhang hinihintay ang pagdating ko. "Pa, pasensya na po kung medyo na-late ako ng uwi." "Ayos lang, anak, o, kasama mo pala si Jerson," pagbigay pansin niya. Samantala'y sinalubong naman siya nang pagmano ni Jerson. "Magandang gabi po, tito. Galing po kami sa bahay at official ko na pong nililigawan si Jeerah." Nakita ko ang malapad na ngiti ni Papa pagkasabi lang niyon ni Jerson. Habang ako naman ay isinasalin ang mami sa may mangkok. Subalit hindi namin inaasahan ang sasabihin ni Papa. "Ganoon ba? Mabuti naman at magiging panatag na ang kalooban ko, kapag nawala na ako." Ramdam ko ang lungkot sa sinabing iyon ni Papa at sa sandaling iyon ay nagkatinginan lang kami ni Jerson. Gusto nang pumatak ng luha ko pero pinigilan ko lang iyon. "Pa, kumain ka na po, kung anu-ano naman pong sinasabi mo, e," sabi ko at inilatag sa lamesa na malapit sa papag. Habang kumakain si Papa ay pinagmamasdan lamang namin siya ni Jerson hanggang sa painumin ko na rin siya ng gamot. Nang makatulog na si papa ay doon lang nagpaalam na umuwi si Jerson. "Jeerah, dito na ako." Saglit ko pang nilingon si Papa na mahimbing nang natutulog. "Sige, samahan na kita sa paglabas," sabi ko nang hindi nakatingin sa kaniya. Gusto na kasing lumabas ng luha ko. "Ang sweet naman ng future wife ko, pero bakit hindi ka makalingon sa akin?" Sandali akong nakaramdam ng kilig sa sinabi niya kaya naman naudlot ang luhang papatak na sana. Kaya naman nagawa kong humarap sa kaniya. "Paano ka naman nakasisigurong ako ang magiging asawa mo, hah?" pabiro kong sabi kahit nalulungkot ang puso ko sa nangyayari ngayon kay Papa. "E, iyon ang nararamdaman ko, e." Sandali akong napangiti pero agad din iyong napawi kaya naman napatanong siya, "O, bakit parang malungkot ka pa rin, birthday na birthday mo, e." "Ewan ko ba, kahit birthday ko ngayon ay parang hindi ko magawang maging totoong masaya." Nanatili siyang nakikinig sa sinasabi ko kaya naman nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Sa totoo lang ay hindi ko maiwasang isipin kung paano na ako kapag wala na si papa. Siya na lang ang mayroon ako ngayon dahil may sariling pamilya na rin ang ate ko. Hindi ko alam kung paano ako masasanay mabuhay ng wala siya." Doon na nagsimulang pumatak ang aking luha kaya naman inilapit niya ang sarili sa akin at naramdaman ko ang pagpi-presinta ng balikat niya para tandayan ko 'yon. "Ano ka ba, matagal pa 'yon. Makikita pa ni tito ang magiging anak natin." Doon ako sandaling natawa sa sinabi niya. "Itsura mo, hindi pa nga tayo ay anak na kaagad ang nasa isip mo," nakangising sabi ko. "Biro lang, pinapatawa lang kita, e. Masyado ka kasing seryoso." Napangiti ako at hinarap siya. "Pero thank you, hah. Thank you dahil ginawa mong memorable ang birthday ko." "So, dagdag points na ba ako sa'yo?" napapakamot na aniya. Bahagya akong napangiti. "P'wede." "O, sige na, magpahinga ka na, may pasok pa tayo bukas, e. Goodnight." Doon ko lang naalala na Monday na pala ulit bukas. "Sige, goodnight din." At bago pa man ako tumalikod ay nagsalita siya ulit, "Happy birthday ulit." Napangiti ulit ako pero hindi pa rin pala siya tapos sa sasabihin kaya halos matameme ako sa sumunod na sinabi niya, "Saka baka makalimutan ko lang sabihin na, lalo kang gumanda sa suot mo ngayon." Anong kiliti ang naramdaman ng puso ko sa sinabi niya. "Salamat," tanging nasabi ko bago pa man siya tuluyang umalis. Mahimbing pa rin ang pagkakatulog ni Papa kaya naman sandali kong nakalimutan ang lungkot na naramdaman ko kanina. Hindi maalis ang ngiti ko hanggang sa makapasok ako ng aking kuwarto. Para ba akong nililipad sa ulap sa sobrang kasiyahan. Hindi ko mawari kung paano kabilis ang lahat para sa amin ni Jerson. Ganito pala ang feeling kapag may isang tao kang nagugustuhan, at oo, aminado akong gusto ko na siya. Mabilis man kung iisipin pero iyon ang sinisigaw ng puso ko. Kinabukasan ay maaga akong gumising para bumili ng pandesal at tsaa para kay Papa. Pero sandali akong natigilan nang makita ko ang puwesto kung saan kami nag-usap kagabi ni Jerson. Animo'y sariwa pa rin sa akin ang naging pag-uusap namin kagabi. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa hindi ko namalayan na nasa bakery na pala ako. "Ang lalim naman ng iniisip mo, baka mabangga kita at tamaan ka sa'kin." Napalingon ako sa pamilyar na boses na iyon at unti-unting sumilay ang ngiti ko nang makita siya sa harapan ko. May dala-dala siyang supot ng pandesal na ipinagtaka ko. "Jerson? Ganitong oras ka rin bumibili ng pandesal? At bakit dito ka pa bumili, e, may malapit namang bakery sa inyo?" magkasunod kong tanong na ikinangiti niya. "Oo, at isa pa ay hindi lang naman pandesal ang sinadya ko rito." Napaangat ako ng tingin sa kaniya. "Dahil sasabay akong mag-almusal sa inyo ni tito." Napaawang ang labi ko at laking pasasalamat na rin na hindi pa ako nakabibili ng pandesal dahil madodoble lang. Itutuloy..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD