“Linisin mong mabuti ito, Myrna, uuwi raw ngayon si Vera at kasama niya ang apo ko,” ani Rose na ang tinutukoy ay ang konting bakas ng dugo na hindi niya mapigilan na isuka kanina. Pinagulong niya ang wheelchair at tinungo ang dresser table. Kinuha niya ang make up kit sa loob ng drawer nito saka nagpahid ng manipis sa kanyang mukha upang takpan ang pamumutla noon. “Tingin mo, Myrna, hindi na ba matatakot sa akin ang apo ko kapag nakita niya ako?” Dagdag niya habang inaayos ang suot niyang turban na nagtatakip sa naglalagas niyang buhok. “Bakit naman matatakot sa ‘yo ‘yon, Ate Rose? Tingnan mo, konting make up lang pero ang ganda mo pa rin. Hindi halata na may iniinda kang sakit. Tingin ko nga tuluyan ka nang gagaling kaya dapat ganyan ka lagi, ‘yong laging masaya at maganda ang aura,”

