Naka-park na sila sa ibababa ng condo pero hindi niya pa rin magawang gisingin ang dalaga. Masarap kasi sa pakiramdam niya na nakadikit ito sa kanya. Bahagyang gumalaw ang dalaga kaya ginising niya na rin. “Nandito na tayo,” aniya. Dahan-dahang nagtaas ng ulo si Thea. Doon na siya bumaba at umikot sa gawing pintuan ng dalaga. Binuksan niya ang pinto atsaka niya ito inalalayang bumaba. Nangingiti si Cedric habang nasa elevator sila. Pipikit-pikit pa kasi itong si Thea. “Daming antok, ah!” aniya. Napamulat nang mata ang dalaga atsaka siya sinimangutan. Nang magbukas ang elevator nagpatiunang lumabas ang dalaga at sumunod naman siya. “Mukhang gawa na ang pinto mo,” ani Cedric nang mapansing maayos na ang pagkakalapat ng pinto. Pinindot ni Thea ang code sa pinto atsaka siya pumasok. “Bye!”

