***Garett POV***
UMAALINGAWNGAW sa loob ng work out room ang bawat suntok ko sa punching bag. Ito ang work out ko tuwing umaga bago pumasok sa opisina.
"Nice jab."
Napatigil ako sa pagsuntok nang marinig ang pamilyar na boses ng kaibigan. Lumingon ako at napangisi nang makita si Strike. Nakasandal ang balikat nya sa gilid ng sliding door habang nakasuksok sa bulsa ng cargo pants ang dalawang kamay. May nakakaloko ding ngisi sa kanyang labi.
"You're back." Saad ko habang inaalis na ang gloves sa mga kamay at sinabit yun sa hook. Hinugot ko rin ang maliit na tuwalya at pinunasan ang pawis sa aking mukha, leeg at dibdib.
"Yeah, I just got back." Nakangising turan nya.
"So how's Europe?"
"Still Europe." Pilosopong sagot nya na ikinangisi ko lalo.
"At talagang dito ka sa bahay ko unang pumunta?"
"Mas malapit ang bahay mo."
Natawa na lang ako sa sinabi nya at lumabas na ng work out room. Sumunod naman sya sa akin hanggang sa makarating kami sa lanai. Inutusan ko ang kasambahay na ipaghanda kami ng kape.
Galing sa London si Strike dahil pumanaw ang abuelo nya. Isang buwan din syang nanatili roon at ngayon lang bumalik.
"So how's you and Ciella?" Tanong ni Strike matapos humigop ng kape.
Nagkibit balikat ako at humigop muna ng kape.
"We're friends." Kaswal lang na sabi ko.
Ngumisi naman sya. "Friends lang? You mean di mo nasungkit ang matamis nyang oo?"
Nginisihan ko rin ang kaibigan. "May gusto na syang iba. Si Alexander Cortez."
"Oh, I feel bad for you, man." Sarkastikong sabi nya.
Tinawanan ko lang sya at muling humigop ng kape.
Hindi naman masama ang loob ko na may ibang gusto si Ciella. Nanghihinayang lang ako dahil may pagkakataon na sanang mapasaakin ang dalaga. Pero meron syang ibang gusto at wala na akong magagawa roon kundi ang maging masaya para sa kanya. Magkaibigan pa rin naman kami at yun ang importante. Meron pa naman akong ibang babaeng makikilala.
Biglang sumagi sa isip ko ang magandang barista sa coffee shop nila Ciella. Her name is Tala. Bagay na bagay sa kanya ang pangalan nya dahil nagniningning ang ganda nya lalo na kapag nakangiti sya. Maamo ang kanyang magandang mukha. Maliit ang matangos nyang ilong at may nangungusap na mga mata na kapag tumingin sa akin ay para akong hinihipnotismo. Marami na akong nakilalang magandang babae. Pero iba ang dating sa akin ni Tala. May damdamin syang pinapakilala sa akin na ngayon ko lang naramdaman sa isang babae. Kahit kay Ciella ay hindi ko yun naramdaman. Kagaya ngayon, naiisip ko pa lang sya ay nasasabik na akong makita sya ulit.
"Garett." Untag sa akin ni Strike.
Nalilitong lumingon naman ako sa kanya.
"Are you saying something?"
Tumawa sya. "Damn, pare. Kanina pa ako nagsasalita hindi ka naman pala nakikinig." Naiiling na wika nya.
"Oh, I'm sorry. May.. iniisip lang ako."
Gumuhit ang nakakalokong ngisi sa kanyang labi. "What's on your mind, par? Let me guess, babae yan no?"
Umawang ang labi ko at hindi agad nakasagot.
"Of course not." Tanggi ko at dinaan na lang sa tawa ang hula nya. Inisang lagok ko na rin ang kape na medyo lumalamig na.
Naningkit naman ang mga mata ng kaibigan habang matamang nakatingin sa akin. "Why do I feel like you're hiding something?"
Ngumisi ako. "And it seems like you're becoming paranoid, par."
Tumawa sya. "I know you, pare. Yung pagkakatulala mo kanina, kakaiba eh. May pangisi ngisi ka pa nga. But anyway, hindi mo man sabihin ay malalaman ko rin yan."
Umiling iling ako at nginisihan na lang ang kaibigan. Masyado syang keen observer. Kung ano ano ang napapansin.
.
.
***Tala POV***
BUMABA ako sa matarik na hagdan. Hindi ako makatulog dahil sa walang tigil na buhos ng ulan. Kung ang iba ay nasa kasarapan na ng tulog ng mga oras na ito — kami naming nasa tabing ilog na prone sa baha ay hindi. Ilang araw na kasing walang tigil ang ulan. At kapag ganitong panahon ng tag ulan ay panahon din ng baha. Tumataas ang level ng tubig sa ilog at kapag hindi pa tumigil ang ulan ay malaki ang posibilidad na umapaw ang ilog at bumaha. Kaya kapag ganitong ilang araw ng umuulan at walang tigil ay hindi ako makatulog ng maayos sa gabi dahil sa pangamba.
Hindi ko nakita si Lola Puring sa kanyang papag. Ang nakita ko lang ay si Maki na mahimbing ang tulog sa lapag ng sala. Napansin ko namang bukas ang pinto at may naririnig akong mga boses sa labas. Tumungo ako sa pinto at sumilip. Nakita ko si Lola Puring na nililigpit ang mga basahan namin na nakasampay sa terrace. Nakita ko rin ang ilan naming mga kapitbahay na naguumpukan at nag uusap tungkol sa tumataas na level ng tubig sa ilog. Gaya ko ay hindi rin sila makatulog.
"O apo, bakit gising ka pa? Anong oras na." Untag sa akin ni Lola Puring nang makita ako.
"Hindi po ako makatulog, 'la. Kamusta na po ang ilog? Tumataas pa rin po ba?" Tanong ko.
"Oo daw. Yun ang sabi nila. Sana nga ay bumaba na." Ani Lola Puring.
Napabuntong hininga naman ako at napagpasyahang lumabas para makibalita. Kinuha ko ang payong at nagpaalam kay Lola Puring. Hindi na ganun kalakasan ang ulan at bahagya ng humina. Paglabas ko sa maliit naming terrace ay nakasalubong ko si Aling Aida — ang ina ni Sol. Nakasukob sya sa payong na dala. Mukhang makikiusyoso din sya sa mga kapitbahay. Binati ko sya.
"Si Sol po?" Tanong ko.
"Hayun, naghihilik na. Alam mo naman ang kaibigan mo na yun kahit bumabagyo o nariyan na ang baha ay di patitinag sa pagtulog."
Natawa ako sa sinabi ni Aling Aida. "Baka po pagod sa trabaho."
"Kuh, kahit di naman pagod sa trabaho ang babaeng yun ay takaw tulog talaga."
Napapailing na lang ako at lumapit na sa mga kapitbahay namin. Mabuti pa ang kaibigan ko, masarap na ang tulog. Samantalang ako heto, hindi makatulog dahil sa pangamba. Eh paano ba naman kapag bumaha ay kami lang tatlo nila lola sa bahay. Wala kaming katulong sa pagtaas ng mga gamit namin kapag nariyan na ang baha at kapag humupa naman ay wala din kaming katulong sa paglilimas. Hindi gaya ng kaibigan na marami silang magtutulungan dahil naroon ang mga magulang nya at mga kapatid.
"Sana naman ay tumila na ang ulan. Kapag ito ay hindi pa tumigil at inabot pa ng kinaumagahan ay paniguradong babahain na tayo."
"Aba'y panigurado yan. Yung mga nasa baba nga ng dike ay lumikas na dahil pinasok na ng tubig ang loob ng bahay nila."
Malalim akong napabuntong hininga habang nakikinig sa pag uusap ng mga kapitbahay namin. Sanay na kami sa baha dahil halos taon taon ay binabaha kami sa tuwing sasapit ang panahon ng tag ulan. Pero kahit sanay na kami ay naroon pa rin ang pangamba lalo na kung sa mismong dis oras pa ng gabi babaha. Nangyari na kasi sa amin dati na binaha kami ng hating gabi at nasa gitna kami ng kasarapan ng tulog. Talagang nabulabog kami noon lalo pa at mabilis na tumaas ang tubig. Wala na kaming naisalbang gamit noon nila lola at lumabas na lang kami ng bahay bago pa kami ma-trap sa loob. Umabot nga ng lampas tao ang baha noon at paghupa ay katakot takot na linisin ang hinarap namin. Basa ang lahat ng gamit namin pati mga damit at ang aming sahig ay nalalatagan ng makapal na putik. Kaya simula noon ay nagpagawa na si Lola Puring ng taas na pwedeng pagtaasan namin ng gamit sakaling bumaha. Naging alerto na rin kami sa tuwing tataas ang level ng tubig sa ilog at kapag malapit na itong umapaw ay nagtataas na kami ng gamit. Last year ay binaha rin kami pero hanggang tuhod lang yun. Sana nga ay hanggang doon lang kung sakaling bahain ulit kami.
Nakita ko ang isa kong kababata kasama ang mga kabarkada nya na galing sa libis kung nasaan ang ilog. Mukhang sumilip sila doon.
"Tanley, kamusta ang ilog? Hanggang saan na?" Tanong ko.
"Hanggang binti ng pato." Gagong sagot nya sabay ngisi.
Nagtawanan naman ang mga kabarkada nya at kapitbahay namin.
Sinimangutan ko sya. "Nagtatanong ng maayos, eh."
Tumawa sya. "Bumababa na."
"Talaga?"
"Oo nga."
Mayamaya ay may nakita pa kaming ilang kapitbahay namin na paparating din at galing sa ilog. Nagsabi na rin ang mga ito na hindi na tumataas pa ang tubig at mukhang bababa na. Kahit papaano ay napanatag ako.
Iniwan ko na ang mga kapitbahay at bumalik na ako sa loob ng bahay. Sinarado ko na ang pinto at ni-lock na. Sinabihan ko naman si Lola Puring na magpahinga na. Umakyat na rin ako sa taas kung saan ako natutulog sa gabi. Pero hindi muna ako natulog at nag antabay sa social media. Oras oras kasi ay nag po-post ang page ng municipality sa lagay ng level ng ilog. Nag hintay muna ako ng update nila. Ngunit habang naghihintay ay hindi ko na nalabanan ang antok..
Kinabukasan ay mag a-alas otso na ako nagising. Agad naman akong bumangon para mag asikaso na sa pagpasok. Hindi ko na nga naabutan si Maki na pumasok na sa school. Si Lola Puring na ang nagbigay dito ng baon.
Pagkatapos ng mabilisang ligo ay mabilisang almusal at kape din ang ginawa ko. Agad na rin akong nagbihis dahil kung hindi ako magmamadali ay siguradong ma-le-late ako. Medyo maliwanag na ang langit pero may panaka-naka pa ring ambon kaya sinigurado kong baon ko ang payong.
"La, alis na po ako." Paalam ko kay Lola Puring na dinidiligan ang mga halaman nya sa paso na nasa harap ng bahay namin.
"Mag iingat ka, Tala."
"Opo."
Malalaki ang hakbang na naglakad ako paalis. Patingin tingin pa ako sa suot kong relo. Sana lang ay hindi ako maipit sa trapik Para hindi ako ma-late. Pero sa bandang huli ay na-late pa rin ako ng ten minutes at hindi na umabot sa pagbubukas ng shop.
"Sorry po ma'am, na-late po ako." Hinging paumanhin ko kay Ma'am Ciella.
"Bakit ka na-late? May problema ba?" Tanong nya.
"Eh kasi po ma'am, tumaas po kagabi yung level ng tubig sa ilog. Nagbantay po kami ng lola ko sa banta ng baha. Mga ala una na po bumaba kaya doon lang po kami nakatulog. Pasensya na po." Paliwanag ko.
"Ganun ba. Sa tabi pala kayo ng ilog nakatira."
"Opo ma'am, malapit po kami sa ilog at prone po kami sa baha kapag tag ulan."
Tumango tango si Ma'am Ciella at ngumiti na. "Naiintindihan ko. Kung sakaling bumaha sa inyo ay pwede ka namang um-absent. Magsasabi ka lang."
"Opo ma'am. Salamat po." Nakangiting turan ko.
Nag excuse na ako at pumasok na sa coffee shop. Wala talaga akong masabi sa kabaitan ng amo.
"O, late ka day." Wika ni Ethel ng mag pang abot na kami sa counter.
"Oo nga eh. Muntik na kasing bumaha sa amin kagabi. Napuyat kami ng lola ko kakabantay. Ang hirap kasi na abutin ng baha tapos gabi pa."
"Danas kita, day. Binabaha din kami sa dati naming tinitirhan. Kaya nga kami lumipat sa mataas ng lugar, eh. Bakit kaya hindi kayo lumipat para di kayo nangangamba sa tag ulan?" Suhestiyon nya.
"Hindi pa namin kaya ni lola. Wala pa kaming budget sa mahal na upa tapos may two months advance deposit pa. Doon kasi sa tinitirhan namin mura lang ang upa. Matagal na kami roon — di pa ako pinapanganak. Kaya pa naman naming magtiis. Saka sanay na rin kami sa baha basta huwag lang grabe na abot bubong na."
"Kunsabagay, ang mahal na ngang mangupahan ngayon tapos maliit pa ang space."
Napahinto kami sa pagdadaldalan ni Ethel ng may pumasok ng tatlong customer at lumapit sa amin. Magiliw naman namin silang binati at in-estima hanggang sa sunod sunod na ang mga customer na pumasok.
Hindi ko napigilang mapahikab habang may papalapit na customer. Medyo kinulang kasi ako sa tulog at inaantok pa talaga.
"Good morning."
Natigilan ako at napatakip ng kamay sa nakaawang na bibig nang makita si Sir Garett. Sa antok na nararamdaman ko ay hindi ko namalayan na sya pala ang papalapit na customer.
*****