Tinuring kong biro ang sagot ni Don Lario sa tanong ko sa kanya tungkol sa magiging trabaho ko.
Tulad ng pangako nito ay kinabukasan din may mga taong dumating at inasikaso ang kapatid ko.
May dumating na mga espesyalistang doktor upang sumuri sa kapatid ko. Sila rin ang nag-take-over sa operasyong mabilis na itinakda.
Agad na nailipat si Ate Weng sa pinakamalaking hospital at VIP treatment ang ibigay sa'min.
Sa bilis ng mga pangyayari ay nawalan ng pagkakataon si Nanay Berna na usisahin ako.
Ang tangi kong nasabi sa kanya ay may nag-sponsor para sa pagpapagamot ni Ate Weng.
Mabilis na naisagawa ang operasyon kay Ate Weng na sa awa ng Diyos ay tagumpay nitong nalampasan ang mga inaasahang pangamba.
Ngayon ay kinakailangan na lang na ipagpatuloy ang gamutan para sa inaasahang tuluyang paggaling ni Ate Weng. Sino ba ang mag-aakalang may chance pa pala itong gumaling basta sumailalim sa session ng mga gamutan na hindi rin biro ang halaga at mabuti na lang ay sponsored ni Don Lario lahat.
Tunay ngang makapangyarian ang pera dito sa lupa at idagdag pa ang taimtim naming panalangin ni Nanay ay wala talagang imposible.
Salamat talaga at hindi kami pinabayaan ng Diyos kahit na hindi ko masabing hindi kami gano'n kabuting tao.
Ilang beses ko na ring narinig noon kay Nanay na parusa raw siguro ng langit para sa kanya itong dinaramdam na sakit ni Ate Weng dahil sa marumi niyang trabaho pero sana raw ay hindi na dinamay si Ate.
Lagi ko na lang pinagdarasal na kung gano'n nga ay sana naman bigyan ng ligtas points voucher si Nanay dahil taos puso nitong inalagaan at pinalaki ang isang tulad ko.
Abot-abot ang pasasalamat ko kay Don Lario pero dahil wala akong paraan upang makontak ito ay hihintayin ko na lang na magkita ulit kami para personal akong makapagpasalamat.
Pareho kami ni Nanay Berna na halos maiyak sa saya dahil sa posibilidad na tuluyang gagaling si Ate Weng.
"Tapatin mo nga ako, Lolita. Paano ka nakakuha ng sponsor para sa kapatid mo?"
Napatingin ako sa seryosong mukha ni Nanay nang marinig ang tanong niya. Kasalukuyan kaming nagbabantay kay Ate Weng na kasalukuyang nasa ilalim ng induced coma pagkatapos ng surgery at inaasahang unti-unting magkakamalay anumang oras mula ngayon.
Sa ilang araw na nagdaan ay alam kong matagal nang hinintay ni Nanay ang pagkakataong komprontahin ako.
"Lolita, sinasabi ko sa'yo kapag may ibang kapalit itong lahat ay pipingutin talaga kita."
May pagbabantang sa tono ni Nanay pero halata sa mukha niya ang pag-alala.
Sa halip na sagutin ay umusod ako sa tabi niya upang bigyan siya ng mahigpit na yakap.
"Oy, huwag mo akong pakabahin," reklamo niya pero mahina ko lang siyang tinawanan bago pinakawalan.
"Mahal ko po kayo, Nay," buong-puso kong pahayag.
"Anak," pumiyok ang boses na tugon niya. "Kinakabahan ako," maluha-luha pa niyang dugtong.
"Wala po kayong dapat ikabahala. Wala pong ibang hiniling na kapalit itong tumulong sa'tin kundi ay ang magtrabaho ako sa kanya."
Naging mapanuri ang tingin niya sa mukha ko na para bang hinahanap ang katotohanan sa mga sinabi ko.
"Baka, illegal ang trabahong ibibigay sa'yo," may pag-alala niyang wika.
"Mukhang imposible naman pong ganoon si Don Lario Vraganza," natatawa kong tugon.
"V-Vraganza?" maang na tanong ni Nanay. "I-iyong Vraganza na may-ari ng V-Tower at mayroong oil mine sa iba't-ibang bahagi ng mundo?"
"Tumpak po! Si Don Lario Vraganza ang sponsor ni Ate Weng at sa kanya na ako magtatrabaho."
Napakurap-kurap muna si Nanay habang inaanalisa ang mga pinagtatapat ko.
Sa edad na forty-two ay batam-bata pa ring tingnan ang Nanay ko at sopistikadang-sopistikada pa rin na para bang ilang taon lang ang agwat naming dalawa.
Puhunan niya ang kagandahan at katawan kaya alagang-alaga niya ito. Marami pa ring nababaliw sa alindog ni Nanay at hindi lingid sa kaalaman kong sumasama ito sa piling mga customer.
Sino ba ako para husgahan ang taong nagpapakain at nag-aalaga sa'kin simula pa noon? Mahal ko si Nanay at idol ko ang pagiging praktikal niya.
"Anak baka mamaya niyan ay gusto ka lang gawing parausan ng matandang iyon," walang prenong pahayag ni Nanay matapos makahuma sa gulat.
"Ay, grabe ka, Nay! Hindi gano'n si Don Lario," natatawa kong giit. "May instinct ako sa mga gano'ng tao. Wala akong nasasagap na masamang hangarin mula kay Don Lario."
"Siguraduhin mo lang, Lolita, dahil maraming mga demonyo ngayong nagbabalat-kayo," pangaral niya sa'kin.
"Ramdam ko po, Nay, na hindi gano'n si Don Lario. Alam ni'yo po, ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya."
Lalong naging mapanuri ang tinging pinukol sa'kin ni Nanay.
"Ganyan din ang naramdaman ko noon sa tatay ni Ate Weng mo," nandidilat niyang wika.
"Kilabutan nga kayo, Nay!" pairap kong saway sa kanya. "Ang tanda na no'ng tao at isa pa mabait lang talaga si Don Lario. Ni minsan ay hindi naman napabalitang pumatol iyon sa mga nagpapansing mga batang starlet."
"Aba malay natin, 'no! Sa yaman ng taong iyon ay tiyak hawak nito ang media."
Minsan talaga itong nanay ko masyadong judgemental.
"Tingin ni'yo talaga, Nay, ay may ibang habol si Don Lario kaya niya tayo tinutulungan?"
"Gano'n naman palagi iyon. Wala nang libre ngayon sa mundo."
"Paano naman kung talagang malinis ang intensiyon ni Don Lario?" giit ko.
Saglit munang napaisip si Nanay. Talagang pinag-iisipan niya... malaki talaga ang pagdududa niya sa ginawang ito ni Don Lario.
"Kung bukal sa loob niya itong pagtulong at walang ibang kapalit ay talagang malaki ang pasasalamat ko sa kanya," seryosong pahayag ni Nanay.
"You're welcome," bigla ay sabat ng pamilyar na boses sa may pintuan.
Sabay kaming napatingin doon ni Nanay.
Agad gumuhit sa mga labi ko ang ngiti nang makitang nakatayo roon si Don Lario habang nasa likod pa rin nito ang pamilyar na mga bodyguard.
Masasanay rin ako na mukhang laging may nakapamburol sa paligid kapag nariyan si Don Lario.
"The door is open," muwestra ni Don Lario sa nakabukas na pinto pero nanatili itong labas at hinintay pa yatang anyayahan.
"Pasok po kayo," anyaya ko rito
Mabilis akong tumayo sa pagkakaupo upang sumalubong dito nang humakbang na ito papasok sa silid.
Nakalimutan ko yatang isara kanina ang pinto nang may kinuha ako sa visitor's area na karugtong lang nitong pribadong silid ni Ate Weng.
Sa ilang araw kong pagbabantay rito kay Ate Weng ay nakampante na akong laging gano'n dahil nasa mamahaling silid kami at walang ibang nangangahas pumasok dito maliban sa mga doctor at nurse.
Naiwan sa labas ng silid ang mga bodyguard ni Don Lario at ito lang iyong pumasok.
"Magandang hapon po," bati rito ni Nanay.
Katabi ko na ngayong nakatayo si Nanay habang hinaharap ang bisita namin.
"I'm Lario Vraganza," pakilala nito kay Nanay sabay lahad ng palad.
"Ako po si Berna, nanay po ako nina Lolita at Weng," magalang na pakilala ni Nanay.
Akala ko ba nagdududa siya sa intensiyon ni Don Lario pero bakit mukha siyang nakakita ng artista habang nakaipagkamay rito.
"You've done well, raising Lolita... and Weng," sinserong puri ni Don Lario kay Nanay.
"Pinagsisikapan ko po... medyo may kulang lang at hindi ko talaga kayang maibigay ang nararapat sa kanila pero nakakaraos naman kami," medyo nahihiyang tugon ni Nanay.
Napantastikohan akong napatingin sa nanay ko. Ngayon ko lang siyang nakitang pabebe kung sumagot. Nasasanay kasi akong mabunganga siya.
"But still, you did your best," pahayag ni Don Lario. "Don't worry, simula ngayon ay tutulungan kitang ibigay sa kanila ang buhay na gusto mo para sa kanila."
"P-po?" panabay naming usal ni Nanay.
Nagkatinginan pa kaming mag-ina at parehong nagtataka sa pahayag ni Don Lario.
"Bibigyan ko ng full scholarship ang dalawa mong mga anak at bibigyan din kita ng trabaho na mas may malaking kita sa trabaho mo ngayon. Ililipat ko kayo ng bahay upang pagkalabas ng anak ni'yo sa hospital ay mas maaliwalas iyong uuwian niya environment. Habang nag-aaral ay magtatrabaho sa'kin si Lolita."
Wala akong nabanaag na pangungutya sa boses nito patungkol sa kasalukuyang trabaho ni Nanay. Kung pakikinggang mabuti ay para pa ngang isang marangal na trabaho ang binanggit nito at hindi pagpopokpok.
Iyong mga kapitbahay nga naming dukha ring katulad namin ay grabe kung mangutya pero si Don Lario na nakahiga sa salapi ay wala kaming nakuhang panghuhusga.
"Bakit po?" naguguluhang tanong ni Nanay.
Maging ako ay iyon din ang gustong itanong. Akala ko ba ay ako lang iyong bibigyan ng trabaho?
Hindi naman sa ayaw ko na isama niyang ambunan ng grasya si Nanay pero nakakapagtaka namang ganito siya kabait sa'min.
Huwag niyang sabihing na-love at first sight siya rito sa Nanay ko?
Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang dalawa. Pwede... pwede nang pagtiyagaan ni Nanay itong si Don Lario, kahit naman matanda na ito ay makisig pa rin.
Kinakailangan lang todo kayod si Nanay dahil baka hindi na kayang sumabay nitong si Don Lario kapag nag-aanuhan sila.
"Lolita," nakangiting bumaling sa'kin si Don Lario.
Agad akong napatuwid nang tayo at mabilis na inalis ang maruming iniisip.
"Pwede bang iwanan mo muna kami ng Nanay mo?"
Tumingin muna ako kay Nanay upang hingin ang pahintulot niya.
Nang bahagyang tumango si Nanay ay tahimik akong lumabas ng silid at iniwan sila ni Don Lario sa loob.
Napaisip ako kung ano kaya ang posible nilang pag-usapan na silang dalawa lang at kailangan ko pa talagang lumabas.
Hindi kaya magtatapat ng pag-ibig si Don Lario sa Nanay ko?
Ang bilis naman yata!
Nang maisara ko ang nilabasang pinto ay malalim pa rin akong nag-iisip.
"Miss Lolita—"
"Jusko ko po!" Gulat akong napahawak sa tapat ng puso ko dahil sa pabigla-biglang pagsasalita no'ng di ko napansing bodyguard ni Don Lario na nasa gilid ko. "Huwag naman kayong nanggugulat."
"Sorry po, Miss L-"
"Lolita na lang po. Kinikilabutan ako sa Miss," putol ko sa sasabihin sana nito. "Ano pong pangalan ni'yo?"
Mukha niya lang kasi iyong kilala ko dahil siya iyong sumundo sa'kin papunta sa mesa ni Don Lario no'ng gabing naging kliyenti ko iyong huli.
"Edgardo Lopes po, head bodyguard ni Don Lario," magalang nitong sagot.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Tantiya ko ay halos kaedad lang niya si Nanay pero kung maka-po sa'kin ay parang ako iyong matanda sa'ming dalawa.
Alam kong paggalang iyon pero hindi ako sanay dahil kalimitan naman sa nakakasalamuha kong mga kalalakihan ay mas una pang tingnan ang katawan ko kaysa igalang ako.
"Kuya Edgardo, pakibawasan po iyong pag-po sa'kin. Minamadali ni'yo arthritis ko eh," wika ko.
"Bilin po iyon ni Don Lario, Miss."
Napangiwi ako sa sagot niya. Oo nga naman, dapat lang na lagi niyang sinusunod ang kagustuhan ng taong nagpapasahod sa kanya.
"Magtatrabaho rin ako kay Don Lario kaya pareho lang tayo," giit ko.
Hindi na ito nagkomento pa sa halip ay nakipagsukatan lang ito ng tingin sa'kin.
Pasimple akong napakamot habang nakaramdam ng pagkaasiwa sa ilalim ng pormal nitong mga titig.
Nang sulyapan ko iyong ilang mga kasamahan nito ay seryosong nakamasid ang mga ito sa paligid na para bang kahit anong oras ay biglang ay lalabas mula sa mga pader na kalaban na maging banta sa buhay ng amo nila.
"Kung gusto ni'yo pong lumabas ay pasasamahan ko po kayo."
Nabalik kay Kuya Edgardo ang atensiyon ko dahil sa sinabi nito.
"Huwag na po, jusko! Baka bigla akong mapagkamalang mapera dahil may buntot na bodyguard at bigla akong dukutin," mabilis kong tanggi.
"Bilin po iyon ni Don Lario," magalang nitong sagot.
Napantastikuhan akong napatitig sa seryoso nitong mukha.
Hindi ko ito kakitaan ng pagbibiro. Talagang pasasamahan niya ako ng bodyguard kung lalabas ako.
Tumuon ang atensiyon ko sa mahabang couch sa harapan namin.
Nakakailang na maupo roon habang sila ay nakatayo rito sa mga pintuan pero mas nakakailang naman kung bubuntutan ako ng isa sa mga narito.
Mukhang kinakailangan ko yatang makigaya sa pagtayo nila. Kung matatagalan pa ang pag-uusap nina Nanay at Don Lario sa loob ay tiyak tutubuan na ako ng ugat nito.