1985, Cavite
Nakahanap na ng mauupahang bahay si Conrado sa sentro ng General Trias. Tamang-tama ang garahe nito para sa kanyang sasakyan. Malapit-lapit rin siya sa headquarters. Agad siyang nagbigay ng paunang bayad upang makalipat na siya agad.
“Toy, papalilinisan ko muna itong bahay. Bukas e maari ka nang lumipat.” Saad ng landlady habang binibilang ang bayad ni Conrado. “Huwag kang mag-alala sa seguridad dito. Hindi pa nakakarating ang masamang loob ay nai-tsismis na ng mga kapitbahay. Mahihiya na siyang magnakaw.”
“Sige po. Maraming Salamat.”
Inabot na sa kanya ang susi. “Wala namang kailangang sundin na rules dito, `Toy. Basta magbayad ka lang sa tamang araw at hindi ka gagawa ng masama. Mahalin mo ang mga kapitbahay. Sila ang magtatanggol sa o magtatago sa`yo kung may pinagtataguan kang babae,” tawa pa ng landlay. Wari nag-echo ito sa buong sala.
Nahihiyang tumango at ngumiti si Conrado. “Wala naman po akong pagtataguan. Saan po ang pinakamalapit na may telepono dito Manang?” Kailangan niyang magbigay update sa Philippine Daily Express.
“Mayroon payphone sa ibaba kung kailangan mong tumawag. Dahil nagre-renta ka naman dito ay libre ang pagtawag pero hindi pwede ang telebabad.”
“Salamat po.”
Agad siyang bumaba. Hindi siya nagsayang ng oras. Tinawagan niya ang kanyang boss, si Krisanto Fernando. Kinuha niya sa kanyang wallet ang nakatuping papel. Nakasulat dito ang numero ng kanilang opisina.
Tatlong beses pa lang ang pagri-ring ng telepono ay sinagot na ito agad.
“Hello. Sino `to?”
“Sir! Conrado po ito.”
“Oh! Conrado! Anong balita diyan? May progreso ba? May ibabalita na ba tayo?”
“Mayroong kaunting progreso, Sir. Ang mga biktima ay pawang mga wala nang magulang. Ibig kong sabihin ay nasa puder sila ng kamag-anak. Tatlo sa kanila ay pawing mga nagtatrabaho sa beerhouse. Bagito pa lamang ang suspect, Sir.”
“Paano mo ito nasabi? Kailangan ay maging maingat tayo sa ibabalita, Conrado. Nakatutok ang President sa kaso.”
“Kutob ko lamang ito, Sir. Sasarilinin ko muna. At sa tingin ko ay mayroong pumoprotekta sa kanyang mas nasa mataas na katungkulan.”
“Huwag mong ilalathala ang mga palagay mo lamang, Conrado. Nagkakaintindihan ba tayo? Reputasyon ng PDE ang nakasasalalay sa bawat artikulong ilalathala natin.”
“Malinaw po, Sir. Ibababa ko na. Tatawag ulit ako kapag mayroon na akong bagong update.”
Napunta sa kalendaryo ang pansin ni Conrado pagkababa niya ng telepono. Mayroon pang labing-anim na araw bago magkatapusan ng buwan.
“Sana ay hindi na masundan ang mga biktima…”
---
Naghahanda na sina Favio para sa pagro-ronda. Inubos niya ang natitirang kape sa tasa. Tinampal-tampal niya ang kanyang pisngi. Gawain niya ito upang gisingin ang kanyang inaantok na diwa.
“May karilyebo naman tayo mamaya, Favs. Huwag mong sabihing balak mong manatiling gising hanggang umaga,” biro sa kanya ni PO2 Lucio. “Bayani ka namang tunay.”
“Kung `yon ang dapat e gagawin ko. Lumipas na naman ang isang araw. Baka gumagala na siya para maghanap ng bagong biktima.”
Nag-aalala rin siyang baka sa katapusan ng buwan ay mayroon na namang papatayin ang killer.
“Redentor, si Favio muna ang kasama mo ngayong gabi sa pagro-ronda,” utos ni Tinyente. “Mag-ronda ha? Baka kung saan-saan kayo magsususuot. Mainit ang mata sa atin ng mga nasa itaas. Maging ang media ay binabatikos na ang kapulisan.”
Sumaludo si Redentor kay Tinyente bago bumaling kay Favio.
“Aalis na ba tayo?”
“Pakihintay si Conrado,” dagdag ni Tinyente. “Maging mabuti kayo sa kanya. Nakasalalay sa kanya kung paano niya pababanguhin ang departamento natin. Favio, kung mayroon siyang negatibong komento ay iparating mo sa akin. Maliwanag ba?”
Tumango si Favio kahit ang totoo ay wala siyang balak ipagkanulo ang kaibigan kung sakali.
---
Hindi naman nagtagal ay dumating na si Conrado. May dala siyang thermos at isang plastic na naglalaman ng mga tasa at garapon ng kape.
“Mukhang handang-handa ka ah,” biro ni Favio. “Baka naman ibenta mo pa yan sa amin.”
“Kailangang manatiling dilat,” pagrarason niya. “Hindi pa ba tayo aalis? Padilim na. Baka masalisihan ulit kayo.”
Naunang tumungo sa kinaroroonan ng police mobile si Conrado. Hindi niya alam kung paano maso-solve ng kapulisan itong kaso. Sa lawak ng Cavite ay maliit na porsyento lang ang mayroon sila para magkaroon ng kalinawan ang serial killing. Suntok sa buwan kung tutuusin talaga.
“Loko-loko ka talaga, Con. Kung nakita mo lang itsura ni Tinyente kanina. Baka pwedeng itikom mo nang kahit konti ang bibig mo?” natatawang puna sa kanya ni Favio.
“Hindi ba’t napabalitang na-promote lamang si Tinyente dahil sa mga padreno niya?”
“Hoy! Hinaan mo ang boses mo. Sumakay ka na nga. Mamaya mapag-initan ka pa.” Pigil sa kanya ni Favio. “Diyan ka na sa likuran.”
“Hindi ko alam na may ganoong kontroberysa si Tinyente. May katotohanan ba `yon?” Usisa agad ni Redentor pagkasakay sa frontseat. “Wala ring pagkakaiba sa Maynila.”
“Iyon ay mga haka-haka lamang.” Paglalahad ni Favio saka niya pinaandar ang kotse. “Ang sabi ay nagregalo daw siya ng ilang mga baka sa mga nakakataas. Sabi naman ng iba ay babae naman ang pinang-areglo niya. Mayroon ding nagsasabi na pera.”
“Ikaw? Naniniwala ka ba doon?” tanong ulit ni Redentor.
“Ewan ko. Basta ang alam ko ay inosente ang tao hangga’t hindi napapatunayan sa korte.”
“Ako ay naniniwala. Pero sa akin na lamang ang rason kung bakit,” sabad ni Conrado. “Hindi na rin ako magtataka kung mayroon na siyang alam sa hawak niyong kaso at may pinagtatakpan lamang siya.”
“Tigil-tigilan mo ang kakanood ng mga pelikula, Con. Hindi `yan makakatulong sa kaso.” Saway ni Favio sa kanya. “Kaya nga kami nagpupursige para malutas `to at makulong ang dapat makulong.”
Para kay Conrado, malaking tulong sa kanya ang panonood niya ng mga pelikula na may temang suspense. Hinuhulaan din niya kung sino ang tunay na maysala. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit siya napapayag na maging eksklusibong tagapagbalita ng nagaganap na serial killing. Pakiramdam niya ay nasa loob siya ng pelikula at mahuhulaan niya kung sino ang gumagalang mamamatay-tao.
“Saan tayo magroronda ngayon?” tanong ni Redentor. “Susuyurin ba natin ang buong Gentri?”
Umiling si Favio. “Ilang barangay lang ang nakatoka sa atin. Pupuntahan natin ang mga barangay hall.”
Pinasadahan ni Conrado sa kanyang isip ang mga detalye na nakalap niya sa kanyang hiwalay na pag-iimbestiga tungkol sa mga biktima.
“Fav, pumunta tayo sa Sabado Knights.” Isa iyong bahay-aliwan sa siyudad. Malapit ito sa boundary patungong Rosario.
“Gago ka ba? Duty tayo bakit ka magbi-beer house?”
“Doon namamasukan ang pangatlong biktima, si Myrna Soriano. Baka mayroon tayong makukuhang impormasyon doon.”
“Bakit ngayon mo lang sinabi P`re? De sana napagbigay alam din sa mga kasamahan natin.”
Hindi na umimik si Conrado. Nadismaya siya dahil nakulangan sa pag-iimbestiga ang kaibigan. Isa ito sa mga natutunan niya sa mga pelikulang nakahiligan niyang panoorin—na hindi nagtatapos sa pangalan ng mga biktima ang imbestigasyon. Kailangan ng mas malalim na pag-iimbestiga sa pamumuhay ng mga biktima bago sila pinaslang. Maaring nandito ang mga ebidensyang magpapalinaw sa kaso.
“May ibubuga pala itong kaibigan mo, Favio. Akala ko ay hanggang salita lang.”
Nagpanting ang tainga ni Conrado. Gusto niyang murahin ang lalaki pero kailangan rin niyang makisama kaya hinayaan na lang niya. Hindi rin naman sila permanenting magkakatrabaho kaya’t hahabaan na lang niya ang kanyang pasensya.
“Nangunguna sa batch namin `yan si Conrado. Pero hindi talaga pagpupulis siguro ang nasa puso niya.” Paglalahad ni Favio. “Pero kita mo naman. Hindi nawala ang kisig at talino.”
“Hindi lang ako pabaya sa sarili ko at ayoko sa linya ng trabaho niyo.”