KABANATA 2

1239 Words
Hindi ko halos madilat ang mga mata dahil sa sinag ng araw na tumama sa aking mukha. Medyo nararamdaman ko rin ang init sa katawan na tila ba nakabilad ako sa ilalim ng araw. Nang mailagay sa huwesyo ang sarili ay napagtanto ko na literal akong nakabilad sa tirik na tirik na araw at nakahiga sa silya ng kapilya sa labas. Wala itong masilungan kaya'y tutok na tutok sa akin ang init. "Ano ang ginagawa ko rito?" tanong ko sa sarili. Bakit nasa labas ako, gayong ang huling pagkakatanda ko ay nasa kwarto na ako at natutulog sa sariling kama? Nang sipatin ko ang sarili ay napansin ko rin ang suot na pulang bestida. Labis ang patataka at hindi ko alam ano ang nangyayari. I could only feel the stinging pain at my back, near to my nape. Parang may kung anong sugat sa parteng iyon at hindi ko alam bakit nagkasugat ako. Bigla kong naalala na may pasok pala ako at exam namin ngayon. Kahit medyo sumasakit ang ulo at katawan ay agad akong bumangon at patakbong pumasok sa loob ng kumbento. Dumeritso ako ng banyo at hinubad ang damit na suot. Sinipat ko muna ang mahapding bahagi ng aking likod at laking gulat ko nang makitang hindi sugat ang nanghahapdi, kung hindi isang tattoo. Imahe ito ng isang paruparu. Alam kong kakaguhit lang nito dahil sa medyo mamula-mula pa ang balat ko na natusukan marahil ng karayom. Paanong nagkaroon ako nito? Ang bestidang suot? Kanino iyon? Napasinghap na lamang ako nang bigla naalala ang isang taong posibleng gumawa nito sa akin. Si Mutya… Wala na akong magagawa. Nakabakat na sa balat ko ang tattoo. Ang gagawin ko na lang ay itago ito sa mga madre upang hindi ako mapagalitan. Hindi pa naman alam ng mga ito ang tungkol kay Mutya at hindi nila maiintindihan ang lahat. Ang inaalala ko, ano na naman ang ginawa ng aking kapatid habang wala akong kaalam-alam? Matapos magbihis ay nagpaalam na ako sa mga madre at tumungo na ng unibersidad. Hindi pa naman ako late dahil alas onse ang klase ko ngayon kaya't may oras pa ako. Pasado alas diyes pa lang kaya ay tutungo muna ako sa library upang magbasa-basa at mag-review na rin. Ngunit, sa patio ng building papuntang silid-aklatan ay nakaharang ang isang grupo ng estudyanteng puro kababaihan, mga nasa lima sila. May problema ba? Bakit tila ako ang hinihintay ng mga ito dahil sa akin nakapukol ang kanilang mga tingin? Pero hindi ko naman kilala ang mga estudyanteng ito. Nakakasalubong ko sila pero hindi nakakausap. At wala naman akong ginawan na kahit anong atraso sa loob ng unibersidad kaya baka nagkakamali lang din ako. Inayos ko ang salamin sa aking mga mata at nagpatuloy sa paglalakad. Baka masiyado lang malabo ang aking paningin kaya akala ko ay ako ang tinitingnan ng mga ito. Subalit, nang makalapit na ako ay hinarangan ako at tinaasan pa ng mga kilay ng mga estudyanteng kababaihan. Nagtataka man pero binalewala ko ang mga ito, dahil nga hindi ko sila kilala. "E-Excuse me. Dadaan ako," mahinhin ko pang sabi kahit kinakabahan na. Pumalatak ang nasa gitna at nakakalokong ngumisi sa katabing babae. "Dadaan daw siya, girls?" sabi pa ng babaeng may mahabang buhok at may makapal na make-up sa mukha. At hindi ko inaasahan ang sumunod na ginawa niya. Isang malutong na sampal sa magkabilang pisngi ang ginawa ng babae sa akin. Hindi ko pa naramdaman ang sakit no'ng una kung hindi ang matinding init sa pagdampi ng palad ng babae sa mukha ko. Hanggang sa mayamaya ay humahapdi na ang aking dalawang pisngi. Kahit hindi ko iyon nakikita ay alam kong namumula na ito. Nanlaki ang mga mata ko sa ginawa ng babae at narinig ko pa ang hiyawan ng mga estudyanteng nakasaksi. "Ang akala mong hindi makabasag ng pinggang babae rito, malandi ka! Haliparot kang hayop ka!" Hindi pa siya nakuntento at hinila pababa ang buhok ko dahilan ng aking pagkaluhod. "Ano ba ang problema mo?" mangiyak-ngiyak na tanong ko dahil sa sobrang sakit ng pagkakahila niya. "Ano'ng problema ko? Ang problema ko ay ang mga malalanding katulad mo. Punyeta ka! Mang-aagaw ka ng boyfriend!" tugon niya na mas hinila pa lalo ang buhok ko. Halos mahiga na ako sa sobrang pagdidiin niya sa ulo ko pababa at kahit ano’ng gawin kong pagpipigil sa kanya ay ‘di ko siya mapigilan sa sobrang lakas niya. "Ano ba ang pinagsasabi mo? Hindi kita kilala. Hindi ko nga kilala ang boyfriend mo!" sagot ko na hawak ang hila-hila niyang buhok. "Hindi pala! Pwes, paalala ko lang. Lumapit ka sa akin dahil gusto mo magpa-tattoo. "Sige... Inerekomenda ko ang boyfriend ko dahil sabi mo magbabayad ka ng magandang presyo. Hayop ka, tumalikod lang ako saglit, kahalikan mo na ang kasintahan ko!" galit na galit na litanya ng babae at mas lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa buhok ko. "Ano? Nagkakamali ka yata, Miss. Hindi ako lumapit sa iyo upang magpa-tattoo," sabi ko sa kanya na namimilipit sa sakit ng aking anit. Bigla akong pinatayo ng babae na 'di binibitawan ang buhok. "Ano? Eh... Ano ito?" Sabay bukas sa likuran ng damit ko. Naalala ko bigla ang nakitang tattoo kaninang umaga. "Putcha ka! Binibilog mo pa ako..." At doon, halos kalbuhin na niya ako sa sabunot. Dahil sa malaking kaguluhan. Pare-pareho kaming napatawag sa Dean's office. Dahil ayaw ko na ng gulo ay nagka-aregluhan na lamang kami. Nalaman ito ng mga madre at ipinagtapat ko na rin ang lahat. "Bakit ngayon mo lang sinabi sa amin iyan, anak?" nag-aalalang usisa ni Sister Lisa akin. "Pasensya na po. Ayaw ko po kayong mag-alala," tugon ko sabay pahid sa mga luha. "Anak, Maria. Pamilya ka na namin. Kaya lahat ng problema mo ay sabihin mo sa amin. Handa kaming tumulong sa loob ng aming makakaya," pahayag ni Mother Evelyn. Mahigpit akong niyakap ng mga madre. Upang makaiwas sa gulo ay lumipat na lang ako ng paaralan. At hindi pa natatapos doon ang panggugulo ni Mutya. Nasundan pa ito at dahil na rin sa hiya ay ilang beses akong palipat-lipat ng mapapasukan... DINAMPOT ko ang pulang bestida at matalim itong tinitigan. Grabe ang paghihirap na dinanas ko no'ng mga panahong iyon. Hindi lang isang beses iyong nangyari, ilang beses din akong sinugod ng mga kaklase dahil sa pang-aaway o hindi kaya ay page-eskandalo. At ang kadalasan, sa issue ng pang-aagaw ng boyfriend. Ako nga, na hindi kailanman nagka-boyfriend o nagka-interes sa mga lalaki, mang-aagaw pa? Wala kasing pinagkaiba ang mga hitsura namin. Sa maliit na hugis ng mukha, sa mahahabang pilik-mata at sa maninipis na mga labi ay hindi maikakaila na ako ay si Mutya at si Mutya ay ako. Pati kulay ng balat at buhok ay walang pinagkaiba. Mas lalo na ngayon na may tattoo na rin ako. Ang tanging magkaiba sa amin ay ang ugali sa isa't isa. Mahinhin ako at masyadong pili sa mga sasabihin dahil takot akong makasakit ng iba o magkamali ng sasabihin. Habang si Mutya naman ay prangka, parang pariwara at hindi muna iniisip kung tama ba o mali ang sasabihin o komento sa isang bagay o tao kaya minsan, palagi ako ang napapahamak dahil sa kanya. "Okay ka lang anak?" puna ni Mother Evelyn sa biglaang pananahimik ko. Tumingin ako sa mga ito sabay hagis ng bestida sa loob ng basurahan at saka tumingin ulit sa mga madre. "Hindi na niya ako magugulo pa. Wala nang sisiraing buhay si Mutya. Sinisiguro ko 'yan..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD