11

1228 Words
ALAM NI Jenna na napasubo lang siya pero haharapin na niya iyon kaysa naman tanggapin ang alok ni Jaime na gumamit ng ibang sasakyan nito. Isang bloke pa lang ang nalalakad niya pero pakiramdam niya ay nag-a-Alay Lakad siya sa kahabaan ng Roxas Boulevard dahil sa kainitan ng sikat ng araw. Ilang pagbuga na ang ginawa niya pero tila parang lalo lang nanunuyo ang kanyang lalamunan doon. Tagaktak na ang pawis niya. Nakakahiya man, tila bumubula na ang pawis niya sa kilikili at iba pang singit-singitan ng kanyang katawan. Puwede nang palipitan ang suot niya sa labis na pawis. Saglit siyang huminto at inamoy ang sarili. Napangiti siya. At least, naliligo man siya sa pawis ay hindi naman nakakahiya ang amoy niya. Mabuti na lang at hindi siya likas na acidic. Nagpasalamat din siya na ang cologne na ginamit niya kanina ay compatible sa body chemistry niya. Sa halip na bumaho ay tila mas bumango pa ang cologne na humalo sa kanyang pawis. Isang buntong-hininga ang ginawa niya. Hindi niya alam kung para iyon makaluwag sa kanyang paghinga o para madagdagan ang willpower niya na tawirin ang matinding sikat ng araw. Pasado alas diyes pa lang sa kanyang relo pero bakit ang pakiramdam niya ay katanghaliang-tapat na gayong wala naman siyang alam na panahon ngayon ng El Niño? Lumiko na siya pagdating sa dulo ng bloke. At least, nakadalawang bloke na siya. Buhat doon at tanaw na niya ang gate ng village. Iyon nga lang, tatlong mahahabang bloke pa ang bubunuin niya. Napapikit siya nang mariin. Matutuyo na yata siya bago niya marating ang gate. Nakadarama na rin siya ng pagkahilo. Bakit ba hindi niya naisip na manghingi ng isang bote ng tubig para sana may baon siyang inumin. Tinatagan niya ang sarili. Itinanim sa isip na makalagpas lang siya sa gate ay may masasakyan na siyang taxi. Busy road naman iyon. Maraming nagdadaang taxi kaya hindi siya mahihirapang mag-abang. Muntik na siyang mapatalon sa gulat nang bigla na lang may nagpreno nang malakas sa tapat niya. “Stop your foolishness, Jenna. Get in!” ani Jaime. Napanganga siya. At pagkatapos ay wala na siyang kasunod pang namalayan. “OBVIOUSLY, hinimatay ka.” Bago pa man ganap na maidilat ni Jenna ang mga mata ay ang tinig na iyon ang agad nang pumasok sa kanyang kamalayan. Tila alam na alam ni Jaime na nagising na siya bagaman nanatili pang nakapikit ang kanyang mga mata. At dahil doon ay panibagong inis na naman ang nadama niya para sa binata. Ano ang akala nito sa sarili, Mr. Know-It-All? Bigla siyang dumilat. At kasabay ng pagsigid ng lamig na buga ng gumaganang aircon ay ang pagkagulat din niya. “Nasaan ako? Ano ang ginawa mo sa akin?” may pag-aakusa agad na tanong niya. Bumangon siya sa malambot na couch na hinihigaan at tumuwid ng upo. Pumikit siya uli nang maramdaman ang panibagong liyo. Gusto niyang isipin na dahil alng iyon sa bigla niyang pagbangon. Tumawa naman nang marahan si Jaime na lalo pang naggatong sa inis na nararamdaman niya. “Akalain mo, may nerbiyos na sa boses mo pero nakukuha mo pa ring magtaray?” tila tudyo nito. Isang matalim na irap ang pinukol niya dito at iginala ang tingin sa paligid. It was a bachelor’s pad. Nadodominahan ng mapusyaw na blue gray at earth green ang mga gamit sa paligid. Wala siyang nakitang gamit na walang pakinabang. Every single thing indicated functionality. Tila eksaktong larawan ng karakter ni Jaime. “Bakit ako narito?” gayunman ay mataray pa ring tanong niya. “Bakit mo ako dinala dito?” Tila isang pilyong ngiti ang itinugon sa kanya ni Jaime bago ito tumayo at nilapitan ang munting dining/kitchen area. Pawang kitchen convenience ang nakikita niya roon. At gaya ng ibang bahagi ng silid, malinis na malinis din ang lugar na iyon. “Uminom ka muna nang mabawasan ang katarayan mo,” sa wari ay biro nito nang iabot sa kanya ang isang baso ng malamig na tubig. May pagdududang tinitigan niya ang baso at pagkuwa ay lumipad ang tingin sa binata. “Kung may balak akong masama sa iyo, hindi na kita hihintayin pang magkamalay. Iyang taray mo na iyan? Imposibleng hindi ka magwawala kung gagawan ka nang hindi maganda. Come on, Jenna, drink,” may diing utos nito. “Dehydrated ka na. Tingnan mo iyang mga labi mo, nanunuyo na.” Alam niya iyon dahil nararamdaman niya. Ang totoo, bahagya lang naghahatid sa kanya ng ginhawa ang lamig na dulot ng aircon. Sa loob ng katawan niya ay ramdam pa rin niya ang pumasok na init sa kanya. Hindi lang mga labi niya ang nanunuyo kundi maging loob ng bibig niya at lalamunan mismo. Nang sumayad sa mga labi niya ang malamig na tubig, tila ayaw na niyang bitiwan ang baso maliban sa masaid ang likidong laman niyon. Sa matagal na panahon ay parang ngayon lang niya muling na-appreciate ang kahalagahan ng tubig sa katawan ng tao. “Salamat,” mahinang sabi niya nang ibaba ang baso. “Want more?” kaswal namang wika ni Jaime at hindi na rin hinintay ang sagot niya. Tumayo na ito at nang bumalik ay isang pitsel na puno ng malamig na tubig ang dala. Sinalinan nito ang baso niya at muling naupo sa tapat ng kinauupuan niya. At palibhasa ay uhaw pa rin, walang kibong kinuha niyang muli ang baso at ininom ang laman niyon. “Naririto ka sa pad ko,” sabi naman ni Jaime. “Dito kita naisip dalhin since hindi ko naman alam kung saan ang bahay mo. Ayoko namang dalhin ka sa wedding shop mo na wala kang malay at baka mamaya ay pag-isipan pa ako ng masama ng mga taong dadatnan ko doon. And of course, lalong hindi kita ibabalik sa mansyon gayong pinaka-ideal na lugar itong pad ko para piliin. Alam ko namang dahil sa init ng araw kaya ka hinimatay kaya alam ko ring maliban doon ay wala nang masamang nangyari sa iyo. Of course, kung hindi ka pa rin nagkamalay pagkatapos ng limang minuto, ang balak ko ay tumawag na rin ng doktor para matingnan ka,” mahabang paliwanag nito. “Salamat,” wika naman niya. Ano pa ba ang dapat niyang sabihin kundi ang magpasalamat? Bigla niyang naisip na kung hinimatay siya kanina at nagkataong walang Jaime na malapit sa kanya, malamang ay mas masama ang mangyayari sa kanya. Mukhang wala pa namang ibang taong naglalakad sa village kanina maliban sa kanya. Baka tusta na siya doon ay wala pang nakakakita sa kanya. “Aalis na rin ako,” dagdag niya at tumayo na. Maraming salamat uli.” “Just like that?” malakas na sabi ni Jaime na tila kapwa nila ikinagulat. “Bakit hindi muna tayo mag-usap?” biglang-kambiyo nito sa mas pinababang tinig. “Ano ang pag-uusapan natin?” kaswal na sagot niya. Ipinaalala niya sa sariling nagawan siya ng pabor ng binata kaya hindi siya dapat na basta-basta na lamang magtaray. “You know what I want from you, Jenna.” “At alam mo rin ang sagot ko sa alok mo. I’m sorry, Jaime. Totoong nagpapasalamat ako sa tulong na ginawa mo sa akin kani-kanina lang pero hindi ibig sabihin ay papayag na ako sa gusto mo. I better go. May ibang mga bagay pa akong dapat na asikasuhin. Maraming salamat uli.” At tinungo na niya ang pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD