CHAPTER FOURTEEN
"SINUWAY ko ang ate ko para lang sa baboy na 'yon?" Huminga nang malalim si Sonja at napatingala sa langit. Dumampi ang malamig na hangin sa balat niya. Napayakap siya sarili. Kung bakit naman kasi hindi siya nagdala ng blazer? Talagang lalamigin siya sa suot niyang pulang backless dress.
Ang tagal niyang nag-ayos para magmukhang presentable. Ang akala niya ay pipirma na siya ng kontrata bilang recording artist nang gabing iyon. Ang gagong producer, dinampot na ng mga pulis dahil sa patong-patong na kaso ng r**e.
"Bakit ba ang tigas ng ulo mo, Sonja? Hayan tuloy ang napala mo." Napapadyak siya sa sidewalk. Gusto niyang maiyak pero ayaw lumabas ng mga luha niya. Hindi niya alam kung maaawa o matatawa siya sa sarili. "Ang taas kasi ng pangarap mo, e. Anak ng—" Mariing napamura si Sonja nang may basang pumatak sa ulo at balikat niya. Napatingala siya uli para lang salubungin ng mga patak ng ulan.
Napalinga-linga siya sa paligid. Wala na siyang jacket, wala pa siyang dalang payong. Sa halip na magmadaling maghanap ng masisilungan o pumara ng masasakyan ay nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Hindi niya alam kung nakikiramay ba ang langit sa kanya o gusto lang siyang asarin.
Bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging singer. Masipag siyang sumali sa mga singing contest sa school nila o kung saan man. Hindi nga lang siya nananalo sa maraming pagkakataon pero ganoon naman talaga ang buhay, 'di ba?
Kaya sa halip na magkaroon ng regular na trabaho dahil nagtapos naman siya ng hospitality management ay mas pinili niyang maging singer sa mga event at mga hotel. Meron naman silang family business. Doon na lang siya tumutulong kapag wala siyang raket.
Kaya nang lapitan siya ng gagong producer na iyon sa isa sa mga gig niya, hindi niya pinalagpas ang alok nito. Siguro magpapasalamat na lang din siya na hindi siya natulad sa mga kawawa nitong biktima.
"Heto ako... basang-basa sa ulan..." wala sa sariling pagkanta niya.
Napatingin siya sa mga nagdaraang sasakyan. Wala man lang bang taxi o jeep na gusto siyang hintuan? Kailangan na niyang makasakay o baka maholdap pa siya sa kalagayan niyang iyon.
"Nilalamig na 'ko..."
Huminto siya sa tabi ng kalsada kung saan may lamp post at saktong huminto ang isang itim na sasakyan sa tapat niya. Hindi na sana iyon papansinin ni Sonja kung hindi lang bumaba ang driver n'on at nilapitan siya.
"Ano bang ginagawa mo?" tanong nito sa kanya, na parang sinesermunan siya.
Napatitig si Sonja sa lalaking driver. Ilang sandali pa ay napakurap-kurap siya. Ang taas, ang pangangatawan, ang mukha pati ang peklat ng lalaki ay pamilyar na pamilyar sa kanya. Siya iyon! Hindi siya pwedeng magkamali.
Pero bakit umaakto ito na parang kilalang-kilala siya nito?
Hinubad ng lalaki ang coat nito at itinalukbong sa ulo niya.
"Are you okay?"
"H-hindi," sagot niya sa garalgal na boses. Nagbaba siya ng tingin para hindi nito makita ang namamasa niyang mga mata.
"Are you drunk?"
"Nakainom lang," napasinghot na tugon niya. Walang salitang iniyakap niya ang mga braso sa baywang nito at idinikit ang pisngi niya sa dibdib nito. Bahala na ang lalaki kung ano ang gusto nitong isipin. Kailangan na kailangan talaga niya ng yakap ngayon.
Naramdaman niya ang pagtugon ng lalaki sa yakap niya nang mas mahigpit pa.
"Huwag mo na uli akong iiwan," bulong nito. "Hindi ko na kakayanin kapag umalis ka uli."
"WHAT have I done?"
Napahilamos sa mukha nito ang lalaki habang nakauklo sa harap ni Sonja. Nakaupo siya sa sofa, sa condo nito, habang balot na balot ng comforter. Para bang kinukwestiyon nito ang naging desisyon sa pagsama sa kanya sa tinitirhan nito. Tama nga si Sonja. Mukhang napagkamalan siya nitong ibang tao.
"Hindi ka ba natatakot sa 'kin?" tanong pa nito.
Umiling naman siya.
"Nagugutom ka ba?"
Umiling uli siya.
"May iba ka pa bang kailangan?"
Umiling lang si Sonja.
"Ayos lang. Hindi mo kailangang mahiya."
"W-wala na talaga."
"Okay."
Tumayo si Jared at sinilip ang glass-panelled wall sa likod ng mga kurtina. Mas malakas na ngayon ang buhos ng ulan kumpara kanina at mukhang wala iyong balak tumila agad. Isa pa, malalim na ang gabi. Mahihirapan na siyang mag-commute pauwi.
May paghangang sinundan ng tingin ni Sonja ang bawat kilos ni Jared. The living room was semi-darkened. Isang ilaw lang ang nakabukas. Iba ang epekto n'on sa background ng lalaki. Mas lalo itong naging gwapo at misteryoso sa mga mata niya.
"Halika na. Kailangan mo nang magpahinga," anito habang tinatanggal ang pagkakabutones ng long-sleeved polo nito.
Tumayo naman si Sonja. Nang humakbang si Jared ay sumunod siya rito. Pumasok sila sa madilim na kwarto nito. He turned the lights on and walked towards his closet.
"P-pwede ba 'kong makigamit ng banyo?" tanong niya.
"Yeah, sure," tugon nito habang naghahalungkat at iminuwestra ang isang pinto na malapit sa closet nito.
"S-salamat." Iniwan niya ang comforter sa kama at tinungo ang banyo.
Hindi na nagtaka si Sonja kung mukha na siyang payaso matapos humulas ang make up niya dahil sa ulan. Mabilis siyang naghilamos at siniguradong mabura ang lahat ng kolorete sa kanyang mukha.
Tuwalya. Wala pa nga pala siyang tuwalya. Lumabas siya ng banyo at nakita niyang naghuhubad ng damit ang lalaki. Napalunok siya nang makita niya ang tiyan nito. Parang ang sarap haplusin ng mga pandesal nito sa magdamag.
"E-excuse me," sabi niya nang lapitan ito.
"Yes?" seryosong anito matapos makapagpalit ng damit.
"P-pwede ba 'kong humiram ng tuwalya?"
"Oh. Of course. How could I forget?"
Mabilis na kumuha ng tuwalya ang lalaki at ibinigay sa kanya.
"Pagtiyagaan mo na muna ang mga damit ko," sabi nito habang nagpupunas siya ng mukha. "Magpahinga ka na."
"Saan ka matutulog?"
"Sa labas. Good night." Akmang tatalikuran na siya nito nang pigilan niya ito sa braso. Bahagyang kumunot ang noo nito nang humarap sa kanya. "What is it?"
"Samahan mo 'ko," sabi niya habang hindi inaalis ang tingin sa mukha nito.
Nakatitig lang sa kanya ang lalaki na para bang hindi makapaniwala. Napalunok si Sonja bago tinawid ang maliit nilang distansiya nila. Tumiyad siya at inilapat ang mga labi niya sa mga labi nito. She trembled when she felt his soft, warm lips.
She didn't know how to kiss alright. But if he's more than willing, maybe he could teach her.
Biglang inilayo ng lalaki ang mukha nito sa kanya. Ang akala niya ay tuluyan na siya nitong itutulak at sisigawan sa kapahangasan niya. Handa na sanang magpalamon si Sonja sa lupa kapag nagkataon. Pero malakas siyang napasinghap nang hapitin siya nito sa baywang. Napahawak siya sa dibdib nito. Napalunok uli siya habang kumakabog nang malakas ang kanyang puso.
Hinawakan nito ang likuran ng kanyang ulo at inangkin nito ang mga labi niya nang mariin. Hindi iyon napaghandaan ni Sonja. Hindi niya alam ang gagawin. Gumalaw ang mga labi nito at naliyo siya sa nakakakiliti at estrangherong sensasyong bigla na lang gumapang sa kanyang katawan.
But his patience surprised her. His kisses became gentle, as if teaching her lips how to kiss him back. Ang kamay niyang nasa dibdib nito ay umakyat papunta sa batok nito. She needed to hold on to him or else, she will melt.
Hindi makapaniwala si Sonja na tinutugon na nga niya ang mga halik nito. Every part of her felt alive and sensitive. The coldness of the night was replaced by the heat within her that's becoming familiar.
Napaatras siya nang humakbang ito habang magkahinang pa rin ang kanilang mga labi. Naramdaman ni Sonja ang malambot ng kama sa kanyang likuran.
"Huwag mo na uli akong iiwan," paanas na bulong ng lalaki sa pagitan ng paghalik. Nawawala na naman yata ito sa sarili.
ISANG malaking kagagahan para sa iba ang ginawang iyon ni Sonja. Imagine, giving herself to a stranger she met twice. Pero sino ba ang taong walang ginawang kagagahan ni minsan sa buhay niya? Pinili niya iyon at wala siyang ibang gustong sisihin. He was the most beautiful mistake she committed.
"Napag-usapan n'yo na ba ni Jared ang kasal?"
Mula sa pakikipagtitigan sa kisame ng kwarto habang nakahiga ay nalipat ang tingin ni Sonja kay Sanya. Nakapasok na pala ito ng kwarto niya.
"May sinasabi ka?" tanong niya kahit na ang totoo, narinig naman talaga niya ang kapatid.
Lumapit si Sanya at umupo sa tabi niya.
"Nag-propose na ba si Jared?"
"Ate..." ingos niya.
"Huwag mong sabihing hindi pa? Sonja, dapat gamitin n'yo ng bata ang apelyido niya."
"Ate, ayoko namang mag-propose si Jared dahil lang siya ang tatay ng anak ko. Gusto kong mag-propose siya na may kasamang sincere na 'I love you'."
Halatang naguluhan si Sanya sa sinabi niya.
"Hindi ba siya in love sa'yo? Imposibleng hindi."
"Wala naman siyang sinasabi, e." Napakamot siya sa baba niya habang nakanguso. "Saka, Ate, ang daming pwedeng kahulugan ng kinikilos ng tao. Actions speak louder than words but a confirmation is sometimes necessary to avoid assumptions."
"Ang dami mong sinasabi," pakli nito. "Paano nga 'yon? Hindi naman talaga kayo dahil nagmamahalan kayo, gano'n? s*x lang ang habol niya sa'yo, gano'n?"
"Uhm... ako talaga 'yong naghahabol sa katawan niya."
"Ano nga, Sonja?" Seryoso na si Sanya. "Gaano mo na ba katagal kakilala ang lalaking 'yon?"
"Six months."
"Six months at nag-s*x na kayo kaagad? Ang galing! Kung hindi ka lang buntis, tutuktukan na kita, e," ngitngit pa ng kapatid niya. Iniamba nito sa kanya ang kamao nito na pinalis naman niya.
Iniikot ni Sonja ang mga mata.
"Hindi lang talaga showy si Jared, Ate. Huwag ka nang magalit sa kanya," sabi na lang niya. Ayaw niyang mapasama si Jared sa mga mata nito. Hindi nga niya alam ang totoong pinagdaanan ni Jared, e di lalo naman si Sanya. "He came from a relationship that didn't last. Maaga siyang nabiyudo. Ayoko siyang i-pressure na pakasalan ako. Kung ayaw niya akong pakasalan, kaya ko namang palakihin nang mag-isa ang anak ko."
"Hindi ko alam na may ganyan ka palang mindset."
"Sabihin na lang nating maraming paraan para matuto tayo sa pag-ibig."
"Sana lang hindi gago 'yang lalaking pinili mong mahalin. Hindi mo kailangang magpakasal sa lalaking maraming itinatago at hindi ka pinagkakatiwalaan. Kahit mahal na mahal mo pa siya. Pahinga ka na diyan." Hinalikan siya ni Sanya sa gilid ng kanyang noo. "Magtatrabaho na 'ko."
"Salamat, Ate," tugon naman niya. Basta na lang siyang naging emosiyonal sa simpleng kilos na iyon ng kapatid niya.
"Kapatid kita, e," nakangiting tugon naman nito.
"HINDI na 'ko sexy. Pagkatapos ng ilang buwan, lalong lalaki ang tiyan ko. 'Tapos papangit ako, 'tapos—"
"Sino'ng pangit? Ha?" putol ni Jared sa sasabihin niya sa pag-emote niya. Nakahiga silang dalawa sa sofa. 'Hiniram' kasi siya ni Jared sa mga kapatid niya para makasama raw siya nito at ni Jamie.
"Ako." Hindi niya napigilang mapasimangot. "Ang hirap magbuntis. Masarap lang kapag ginagawa ang baby."
Natawa si Jared nang mahina. Noong una ay nagpipigil pa ito pero nauwi rin sa malakas na tawa.
"Ano'ng nakakatawa?" salubong ang kilay na tanong ni Sonja.
Tatlong buwan na ang tiyan niya at humupa na ang morning sickness niya. Hindi pa halata ang umbok sa tiyan niya pero napansin na niya ang paglapad ng baywang niya. Naii-stress siya kung minsan at nagkakaroon ng moodswings. Gaya na lang nang mga sandaling iyon.
"Ikaw. Kahit nagsusungit ka na, nakakatuwa ka pa rin. Buti na lang, hindi ako ang pinaglilihian mo."
"Dapat nga ikaw ang naglilihi, e."
"I don't care about the changes in your body, Sonja. I am after your health and our baby's health. Don't stress yourself too much. You're still sexy as hell."
"Bolero," pakli niya at isinubsob ang kanyang mukha sa leeg nito. Napangiti na rin siya. He's really good for her ego. Hindi siya nahihirapan sa kondisyon niya dahil dito. "Buti na lang gwapo ang tatay ng anak ko."
"Buti na lang, ikaw ang nanay," he said with a smile. "Hindi ka kaya magsawa sa amoy ko? Hmm?"
"Hindi, 'no. Ikaw kaya ang pinakamabangong lalaking naamoy ko sa buong buhay ko. Mabango si Senator Keith Clark pero..."
"Forget about him. Just smell me." Humigpit ang pagkakayakap sa kanya ni Jared.
Siya naman ngayon ang napabungisngis.
"Ano ang nanyari sa pagpunta ni Keith Clark sa inyo kahapon?"
"Hayun, kilig na kilig na naman ang ate ko," natawang sagot niya. "Niyaya lang naman siya ni Keith na maging date sa birthday party nito. Medyo nagtampo si Ate dahil akala niya, kinalimutan na siya ni Keith pagkatapos ng blind date nila pero nanaig pa rin ang pagiging marupok niya. Pumayag siya."
"I wish they would end up together."
"'Yan din ang gusto kong mangyari."