Tahimik lang si Maxene nang oras na iyon. Nasa hardin sila noon ng ospital. Naghihintay siya sa kung anuman ang sasabihin sa kan'ya ni Don Zandro Brillante, magkaganoon man ay nasisiguro niyang may kinalaman iyon sa sitwasyon ni Calyx. Matamang nakatingin din lang sa kan'ya ang mayamang abuelo ni Cleo, pangyayaring walang takot na sinalubong niya ang mga tingin na iyon. Hindi siya natatakot o kinakabahan man lamang sa kapangyarihan ng matanda. "Hindi naman lingid sa ating pareho ang kalagayan ni Calyx," pasimula nito. "Hindi na rin ako magpapatumpik-tumpik pa. Layuan mo si Calyx!" may katatagan ang utos na iyon ni Don Zandro Brillante kay Maxene. Napangiti nang may pagkapakla ang dalaga. "Alam mong ikakasal siya kay Cleo." "Hindi po ako tututol sa kasalang iyan, kung iyon ang inaalal

