By Michael Juha
getmybox@h*********m
“Paano ko kaya gagawin ito, Ricky!”
“Desperada na talaga ang demonya no? Kung anu-ano na lang ang ipinapagawa sa iyo!”
“Oo nga eh.”
“Sabagay, maganda iyan sa iyo kasi, matututo ka talaga. At kung hindi mo naman magawa... kasalanan niya! May accounts department naman ang kumpanyang ito, may mga accounts staff, kung bakit sa isang crew lamang niya ipinapagawa iyan. Maselan iyan, ni hindi nga ipinapakita iyan sa amin dahil nand’yan ang mga financial na detalye ng kumpanya. Gaga talaga!”
“Oo nga, maselan. Pero binigay sa akin eh. At hindi ko alam kung paano gagawin, kung paano sisimulan.”
“Binigay niya iyan sa iyo dahil iniisip niya na wala ka naman talagang alam at kahit ano ang gagawin mo, hindi mo talaga kayang gawin iyan!”
“Kaya nga,” ang sagot ko. Ngunit napagtanto ko rin na kung ganoon nga ang iniisip ni Sophia sa akin, na isang bobo at hindi kayang gawin ang ibinigay niyang trabaho, doon ko naramdaman ang challenge. “Pero kung ganyan pala ang iniisip ni Sophia sa akin, mas kailangan kong gawin ito, Ricky, upang maipakita sa kanya na hindi ako ganyan kabobo.”
Napahinto si Ricky at nanlaki ang mga matang nginitian ako. “Wow! That’s my friend! Bilib ako sa fighting spirit mo igan! Kung ganoon, I’ll help you to the best of my ability,” ang sagot niya. “Hm… tingnan nga natin.” Sinilip ni Ricky ang computer at pinag-aralan ang nakalagay na files.
Ngunit pati si Ricky ay wala ring ideya kung paano gagawin. Hindi raw niya maintindihan ang mga nasabing files. “English kasi igan! Atsaka ba’t ba ang daming rows at columns? Ano ba ang ilalagay na data riyan? Wala pa ngang figures ang mga iyan nahihilo na ako igan eh. Maghanap na lang kaya tayo ng iba pang mga tambakan upang iyon na lang uli ang linisin mo! Kahit isangdaang tambakan pa! Mas madali pa iyong linisin kaysa budget na iyan. Ang hirap-hirap niyan!”
“Ikaw talaga, puro ka biro.”
“Totoo namang mahirap iyan igan, ‘di ako makatulong sa iyo. Gusto mo, lagyan ko na lang ng virus iyang computer para masira ang lahat ng mga files d’yan at may dahilan ka kung bakit hindi mo nagawa.”
“Tange!”
“O kung gusto mo, itakin na lang natin ang computer na iyan kasama na ang may-ari ng opisinang ito. Malaking tulong ata ang itak na iyon sa unang ipinagawa niya sa iyo. Baka mas makatulong iyon dito...”
Napangiti na lang ako sa sinabi ni Ricky. “Sige na... balik ka na sa work mo. Sayang ang oras. Pag-aralan ko na lang itong maigi”
“Takutin mo na lang kasi si Sophia, igan! Lumaban ka. Sabihin mong huwag ka nang apihin pa kasi, kapag ganyang inaapi ka niya, aalis ka nga ngunit isusumbong mo siya kay Sir Marlon na siguradong sasama sa iyo. Tayong tatlo ang magsama, sa isang bubong, igan! Ako ang maghahanapbuhay para sa inyo ni Sir Marlon! Magmahalan tayong tatlo,” sabay tawa.
“Gagi! Baliw! Sige na... sayang ang oras ko.”
“Hay naku. Kapag ako ang naiinis d’yan sa Sophiang iyan, ako na mismo ang magsumbong sa mga pinapagawa ng bruhang iyan sa iyo kay Sir! Makikita niya!” sabay talikod at dumiretso na sa kanyang area.
Ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa format at procedures kung paano gumawa ng budget. Sa pag-analyze ko, napagtanto ko na dapat kong isa-isahin ang mga categories at i-break ang mga ito. Kagaya ng sa salary; kung magkano ang average na sweldo ng lahat ng empleyado from top positions, regular at contractual, hanggang sa pinaka-mababa, at kukunin ko ang average. I-break ko ito per month, per branch, at kunin ang total na sweldo at i-reflect sa summary page kung saan ay may comparative na figures ng actual at previous budget. At ganoon din ang gagawin ko sa overtime, sa allowances, sa SSS contributions, sa power, rent, miscellaneous, etc.
Agad kong sinimulang i-break ang category sa salary. Ang problema pala ay wala akong reference sa mga sweldo ng mga tao; kung saan ako kukuha ng data. Ganoon din ang sa overtime, sa mga allowances, kung sinu-sino ang mayroon nito, gawa ng housing allowance, transportaiton allowance, food allowance, lahat ng mga data lalo na sa actual ay wala ako. Ang hirap pa, nasa 35 ka restaurants mayroon sila at ang lahat nang iyon ay gagawin ko isa-isa at i-consolidate.
Dali-dali kong tinawagan ang HRD upang hingiin kung maaari ba nila akong mabigyan ng data ng mga sweldo ng tao sa lahat ng branches.
“Sino to?” sagot ng nasa kabilang linya.
“Si Jassim Castro po.”
“Ikaw na ba ang bagong accounts staff d’yan?”
“H-hindi po. Contractual service crew lang po ako. Pero ako po ang pinagawa ng budget.”
“Contractual Service Crew na pinagawa ng budget?” ang malakas niyang sagot sanhi ng pagkagulat sa aking sinabi. Dinig na dinig ko ang malakas na tawanan sa kabilang linya. Sigurado, iniisip niyang nagbibiro lang ako. “How come?” dugtong niya.
“H-hindi ko rin po alam. Basta b-binigay lang ito sa akin ni Ma’am Sophia.”
“Sure ka na budget ang ipinapagawa sa iyo? Baka salad o di kaya ay cheeseburger lang ang ipinagawa sa iyo pero budget ang pandinig mo?” At nagtawanan na naman sila.
“Hindi po. Budget po talaga.”
“Puwes kay Ma’am Sophia ka na lang manghingi ng data Jassim.”
“Si Ma’am Sophia nga po ang nag-utos sa akin na gumawa ng budget eh...”
“Pwes, kailangan namin ng memo na ino-authorize ka niyang kumuha ng data ng sweldo ng mga tao!” sabay bagsak ng telepono.
“Patay!” sa isip ko lang. Syempre, isang malaking dagok iyon sa aking paggawa ng assignment. Tinawagan ko na rin ang accounts at ganoon din ang sagot nila. Hindi sila pwedeng magbigay ng kung anong data sa mga taong walang authorization at wala sa mataas na katungkulan.
Tinawagan ko si Sophia at sinabi sa kanyang kailangan ko ng authorization galing sa kanya bago ako mabigyan ng access sa mga data na kailangan ko. Ngunit mas matindi pa ang isinagot niya sa akin. “Punyeta! Gamitin mo ang utak mo! Bobo! Gago! Kung hindi mo kaya, lumayas ka na d’yan! Letche! Tangina mo!!!”
Mangiyak-ngiyak akong lumabas ng opisina at sa isang sulok ng dining hall ay umupo na lamang, nagmuni-muni kung kakagatin na lang ba ang sinabi ni Ricky sa akin na takutin na lamang si Sophia, lagyan ng virus ang computer, o di kaya ay isusumbong ko na lang kay Marlon. Ngunit nag-alala naman akong baka lumala pa ang sitwasyon at gagawa ng masama si Sophia sa akin o sa pamilya ko. Alam ko, sagad sa buto ang pagmamahal niya kay Marlon at gagawin ang lahat kahit pumatay pa ng tao upang huwag lamang mawala sa kanya ang taong minamahal.
“Igan! Anong ginagawa mo d’yan!” Si Ricky. Nakita niya akong halos iiyak na at malalim ang iniisip.
“Suko na yata ako, Ricky. Hindi ko na yata kaya eh. Wala akong data, ang mga tinatanong ko ay hindi naman nakikipag-cooperate sa akin kasi wala nga ako sa posisyon upang gumawa ng ganitong assignment.”
“Ano bang data ang kailangan mo?”
“Mga sweldo ng tao, overtime, mga allowances, mga contributions ng kumpanya, lahat ng expenses ng MCJ chains, at mga actual na data.”
“Ang dami pala.” Nag-isip si Ricky. “S-sandali... ang computer ba na ginamit mo ay iyon din iyong kay Sophia?”
“Hindi. Spare iyong ginamit ko,” ang sagot ko.
“Tingnan nga natin uli.” At bumalik kami sa opisina. Tiningnan niya ang computer ko atsaka binuksan ang computer ni Sophia. Nagbukas ng mga files. “Tingan mo... Ito ba iyon?”
Sinilip ko ang computer, pinag-aralang maigi ang mga nakasulat. “Iyan nga ang kailangnan ko Ricky!!!”
“O... sabi ko sa iyo eh...” ang pagmamayabang ni Ricky. “Dito tayo sa opisinang ito hanggang ngayong gabi. Tingnan natin kung hindi matatapos iyan.”
“E paano iyan, hindi ba niya malalaman na binuksan natin ang computer niya?”
“Walang alam iyon sa computer. Pero para magawa mo sa computer na gamit mo ngayon ang mga kailangan mo, d’yan natin bubuksan. Naka-link kasi iyan sa computer ni Sophia eh. Nababasa ng computer mo ang laman ng computer niya.” Sambit ni Ricky. IT kasi ang kurso ni Ricky kung kaya alam niya ang pasikot-sikot sa computer.
“H-hindi ba tayo sisitahin ng guwardiya kapag nandito tayo hanggang gabi?”
“Manliligaw ko kaya ang guwardiyang iyan. Kahit madaling araw pa tayo rito, ok lang iyan. Sasabihin ko lang d’yan na payag akong makipagdate sa kanya, bibigay na iyan. Patay na patay iyan sa akin.” Napahinto siya. “At ano ka ba? Legal ang gagawin natin dito ano! Sasabihin nating ipinagawa sa atin ang budget preparation ng kumpanya at nagpaalam na tayo kay Sir Marlon. At mas mahalaga pa ang gagawin nating ito no kaysa pagpapacute ng guwardiyang iyan at paghawak niya sa kanyang baril. Hmpt!” sambit ni Ricky. “Pero mamaya habang abala ka rito, puwede ko rin namang bahagihan iyon ng kaunting kaligayahan.”
Natawa na lang ako. Pero at least, nagpasalamat ako na kahit gabi ay puwede kaming magtrabaho. Pursigido kasi akong tapusin ang pinagawang trabahoi ni Sophia. At wala rin si Marlon, may seminar daw sila sa ibang lugar kung ay kaya wala rin siya upang sa kanya sana kami magpaalam.
Nag-absent ako sa aking klase sa gabing iyon at pinagpuyatan ko talaga ang assignment na ibinigay ni Sophia. Maselan kasi ang paggawa nito at hindi lang mabusisi, kailangan pang magtugma ang budget na pinapagawa sa actual na mga figures at sa previous budget. Ibig sabihin, halimbawang sa sweldo, dapat ay hindi magkalayo ang gagawin kong budget sa actual o previous na budget kung wala namang masyadong movement sa manpower at increase sa sweldo ng mga tao. Ganoon din ang sa overtime. Kung walang projected na malaking overtime, hindi dapat lalayo ang figure sa dating budget. At kung magkalayo man, dapat ay may justification. Iyon ang natutunan ko sa isang buong gabing ginawa namin ni Ricky ang assignment na iyon. Pati si Ricky ay laking pasalamat din kasi, may natutunan daw siya sa paggawa ng budget preparation. At malaki rin ang pasasalamat ko kay Ricky. Kumbaga, parang perfect partner kami dahil siya ang tumutulong sa akin sa mga data at computer works at ako naman ang nagdala sa buong proseso, nag-aanalyze, nagko-compute, at gumawa sa buong budget.
“Hayyyy... kahit papaano, may natutunan din naman tayo sa hirap natin sa gabing ito. Salamat sa domonyang iyon!” ang sarcastic na sabi ni Ricky.
Madaling araw na kaming nakauwi ni Ricky. At noong dumaan na kami sa guard house, huminto muna siya sandali at pinasalamatan ang guard, biniro pang yakap-yakapin niya ito. “Payag na akong magdate tayo bukas...” sambit ni Ricky sa guwardiya sabay bigay ng flying kiss. Hindi ko naman naiwasang hindi sumiksik sa aking alaala si James noong nag-guwardiya pa siya sa burol. Lalo akong nasabik sa kanya, sa mga ginagawa namin.
Kinabukasan ng umaga, nagreport pa rin kami ni Ricky sa restaurant. Noong dumating na si Sophia, nagkunyaring abala ako sa paggawa sa assignment na binigay niya. Ang hindi niya alam, natapos ko na ito sa nakaraang gabi.
“O nasimulan mo na ba? Remember, bukas ng umaga ko na kukunin iyan sa iyo! Kapag hindi mo natapos iyan, malintikan ka sa akin!”
“N-nakapagsimula na po ako Miss Sophia. Kaso po, iyong ibang data ay hindi ko po mahanap.”
“Gamitin mo ang utak mo! Ang laki-laki ng ulo ang liit-liit naman ng laman! May laman ba talaga iyan?”
Hindi na lang ako umimik. Sa pagkatapos ng lunch ko kasi naisipang ibigay ang report upang may time pa akong mag double-check. Sinabihan ko rin si Ricky na after lunch ko na siya i-submit.
“Sabihin mo sa akin friend ha? Papasok ako sa opisina niya kapag naibigay mo na. Gusto kong makita ang reaksyon niya. Sigurado, lalaki na naman ang mga mata noon na dati nang malaki. Imagine, isang contractual service crew lang ang gumawa ng budget ng kumpanya niya... hah!” pagmamayabang pa ni Ricky. “Huwag nilang mamaliitin ang isang upcoming ‘summa c*m laude’ sa darating na graduation. Akala niya...” dugtong din ni Ricky. Nasabi ko kasi kay Ricky ang sinabi sa akin ng Dean ko sa college na kapag namaintain ko raw ang aking grades hanggang sa finals ay hindi malayong summa c*m laude nga ang matatamo kong karangalan sa graduation.
Pagkatapos na pagkatapos ng lunch, hayun, ibinigay ko na ang report kay Sophia. Naroon din si Ricky, nagkunyaring may ibinigay sa akin na mga dokumento.
At kitang-kita namin ang paglaki ng mga mata ni Sophia noong iniabot ko na sa kanya ang spreadsheet kung saan plantrsado na ang lahat ng mga data at detalye ng budget.
Tiningnan niya ito ng maigi. “Saan ka kumuha ng mga data? At sino ang nagbigay sa iyo ng access?”
“Eh...” ang nasambit ko lang, hindi agad nakasagot. Hindi ko kasi inaasahan na itatanong pa niya iyon. Patago kasi ang pag-access namin ng mga data sa computer niya. “E-estimate ko lamang po... at iyong iba ay sa mga hard copy files natin,” ang naisagot ko na lang.
Tiningnan niya uli ang aking report. Tiningnan niya ang summary at ang comparative na analysis na pahina ng mga data. Dito pa lang kasi, malalaman na kung may discrepancies ang budget.
Habang nagbabasa siya, tyempo ring pumasok si Marlon sa opisina ni Sophia. “O ano yan? Mukhang budget na yan ah!” ang excited na sambit ni Marlon noong nakita si Sophia na tutok na tutok sa kanyang binabasang spreadsheet.
“Opo Sir. Tapos na pong gawin ni Jassim ang budget,” ang pagsingit naman ni Ricky.
“Huwag ka ngang makialam sa usapan!” ang bulyaw ni Sophia kay Ricky. Nainis siya na pinangunahan ni Ricky ang pagsabi na ako ang gumawa noon.
Halatang nagulat si Marlon. “What? Si Jassim ang pinagawa ng budget? At natapos agad ito? Owwww... Ambilis naman! Mahigit isang linggong ginagawa ng staff namin iyan ah, wala pang tulugan!” sambit naman ni Marlon na hindi makapaniwala sa nalaman.
“Nonononono! Marami pang mali-mali ito!” ang antipatikong sagot naman ni Sophia. Halatang hindi matanggap-tanggap ng kanyang kalooban na ganoon kabilis na natapos ni Jassim ang ipinagawa niya. At baling niya kay Jassim, “Itong data sa previous budget na ginawa mong basehan sa comparative analyis, saan mo kinuha ang mga ito? Nasaan ang reference na ginamit mo?”
“Eh... E-estimate lang din po.
“Anooooo? Ginawa mong biro ang budget natin?” at baling kay Marlon, See hon??? Gumawa ito ng compatarive analysis ng actual data at budget ngunit puro estimate lang pala? Kaya nga actual, ‘di ba? Tapos na, may mga supporting document na iyan na nagpapatunay na nagamit na ang mga figures na iyn. Bakit naging estimate na lang, at ikaw pa talaga ang nag-estimate? Anong klaseng budget ito? Pati suweldo ng mga tao estimate din? Hindi! Hindi ko matatanggap ito! Budget na puro estimate? Huh!” ang sigaw ni Sophia, gumawa ba ng eksena.
At doon, hindi ko na napigilan ang sarili. Bagamat may takot akong nadarama, isiniwalat ko na ang totoong nangyari sa harap mismo ni Marlon. “Puro estimate lang po iyan kasi po... noong tinawagan ko ang accounting at HRD ayaw nilang magbigay ng figures at access kasi daw po, confidential ang mga data at hindi naman daw ako manager o may katungkulan para bigyan nila ng access. At noong sinabi kong kayo po ang nagpagawa sa akin ng budget, pinagtawanan nila ako na para bang ang akala nila ay niloloko ko lang sila. Ayaw po nilang maniwala na isang contractual crew lang ang pinagawa ng budget. At sinabi nila sa akin na kung totoo ngang ako ang pinagawa ninyo nito, manghingi ako sa inyo ng letter of authorization o di kaya ay sa iyo na lang daw ako manghingi ng data dahil mayroon naman daw kayo noon. Ngunit Noong tinawagan ko naman po kayo, ang sabi mo lang sa akin ay maghanap ako ng paraan. At bobo ako, gago ako, punyeta ako, letche ako, at tangina mo!” Inimphasize ko pa talaga ang “tangina mo,” pahiwatig na iyon ay para sa kanya. “Kaya, iyan ang paraang naisip ko,” ang dugtong ko. Alam ko, nanginginig ako sa magkahalong kaba at galit.
Kitang-kita ko naman ang lihim na pagngiti ni Ricky at lihim pang nag thumbs up sa akin. Iyon bang tuwang-tuwa sa sinabi ko. At parang nanunulsol pa ng, “Sige pa Jassim! Sige pa!”
Si Sophia naman ay biglang napatakip sa kanyang nakabukang bibig at tiningnan si Marlon. “Nonono honey. Noong tumawag si Jassim, pinagalitan ko ang driver ko. Nagtravel ako noon patungo sa seminar natin kung kaya hindi ko rin siya masyadong narinig. Akala ko hindi pa kunektado ang line niya kaya ang galit ko sa driver ay narinig din niya!”
Tiningnan ko si Ricky na tuwang-tuwa pa rin at ang mukha ay parang may sinabi sa isip niya na, “Hmmmm, palusot!”
Sinagot ko uli si Sophia. “Kung gusto niyo po, ibigay niyo sa akin ang actual at previous budget data para mai-kumpara ko kung may mga mali-mali na figures at nang mai-revise ko kung mayroon mang dapat i-revise.”
Walang imik na hinugot ni Sophia ang susi sa kanyang bag at binuksan ang drawer sa gilid ng kanyang mesa. May kinuha siyang file box. Tiningnan niya ito at tiningnan din ang aking ginawang budget. Kinumpara ang mga figures.
“Sandali...” sambit ni Marlon. Tumabi si Marlon kay Sophia sa harap ng table kung saan nakalatag ang spreadsheet. Tiningnan din niya ito at pinag-aralan, kinumpara ang mga data. Marahil ay iyon ang previous budget at data ng mga actual figures kung saan nandoon sa files ng kanyang computer na ginamit namin ni Ricky. Tutok na tutok si Marlon sa pag-analisa sa mga data sa ginawa kong report.
Maya-maya, “Mukhang ok naman ang figures niya hon. Wala naman akong nakitang mali sa mga actual at previous budget data natin. Excellent!” ang sabi ni Marlon na nakangiti pa sa akin. “Pinahanga mo talaga ako Jassim! Paano mo nagawa ito ng ganito kabilis, ganito kagaling?”
Na siya namang pagsingit ni Sophia. “Tinulungan ko iyan hon. Ako pa nga ang nagturo sa kanya eh. Kung kaya ganyan kaayos iyan,” at baling sa akin, “Sandali Jassim, ibigay ko sa iyo ang iba pang data para ma double check mo pa ha? Pareho lang iyan sa soft copy na ibinigay ko sa iyo na may mga entries na, iyong kinupya mo lang para ma-kumpleto ang report,” at baling naman kay Marlon, “Actually hon, more on encoding lang ang ginawa niya. Ako ang nag-provide ng mga data sa kanya at ako na rin ang gumawa sa mga calculations. Ako ang gumawa sa lahat na nasa spreadsheet na iyan.”
“Totoo ba, Jassim? Encoding lang ang ginawa mo rito?”
Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti at sinagot siya. Feeling ko ay hindi ko na talaga masikmura pa ang kasinungalingan ni Sophia. Kung kaya ang naisagot ko ay, “’Di ba sabi ko, mga estimate lang ang figures na entry niyan kasi noong tinawagan ko po kayo, ang sabi mo lang sa akin ay maghanap ako ng paraan. At sabi mo pa, bobo ako, gago ako, punyeta ako, letche ako, at tangina mo!” Inimphasize ko uli ang “tangina mo” sa sobrang pagkainis ko na talaga. At baling kay Marlon, “Ngayon lang po niya ibinigay sa akin iyan Sir. Nagsinungaling po siya! At paano po niya magawa ang budget samantalang pareho po kayong nag-attend ng seminar?”
Naging seryoso ang mukha ni Marlon. Parang nagalit. At baling niya kay Sophia. “Totoo ba Sophia? Nagsinungaling ka?” tanong niya kay Sophia.
At doon na kami nagulat ni Ricky noong ngumiwi ang mukha ni Sophia at biglang umiyak. At humikbi pa. Humagulgol. Parang hindi ako makapaniwala na ang isang matapang at tuso na si Sophia ay iiyak ng ganoon, tila isang batang nagsisigaw, “Ganyan na ba ako ngayon? Naging sinungaling? Dumating lang ang hapas-lupang iyan!” turo sa akin “Ganyan na ang pagtingin mo sa akin? Sinungaling ako?! Hindi ko na kaya ito! Hindi ko na kayaaaaaaa!!! Arrrgggghhh!!!” at parang isang batang nagtatakbo palabas sa kanyang opisina.
Humabol naman si Marlon. Pareho kaming napako sa aming kinatatayuan ni Ricky. Parang mga tuod na hindi makapagsalita sa sobrang pagkabigla sa eksenang ginawa ni Sophia.
Maya-maya, lumingon si Ricky sa akin. “Wow!!! Pang FAMAS award ang drama niya igannnn!!” sabay tawa ng malakas.
“N-natatakot ako sa mga piangsasabi ko, Ricky.”
“Huwag kang matakot igan. Manalig ka. Nasa iyo ngayon ang makapangyarihang salita ng bertud!”
“Ano?”
“Bobo ako, gago ako, punyeta ako, letche ako, at TANGINA MO!!!” ang paggagad ni Ricky sa sinabi ko kay Sophia, kung saan isinigaw pa talaga niya ang “tangina mo”. Hindi naman siya maawat sa kanyang pagtawa.
Natawa na rin ako. Ngunit sa loob-loob ko, matindi ang takot na nadarama ko. Alam ko, gagantihan ako ni Sophia.
(Itutuloy)