By: Michael Juha
Email: getmybox@hotmail.com
------------------------------------------
Marami kaming napag-usapan habang nasa biyahe. Kahit si Sophia at ang nangyaring pag-akusa niya na ako ang dahilan ng food poisoning ay napag-usapan din namin. At alam din daw niya na inapi-api ako ni Sophia.
“Tiisin mo lang muna. Kasi, malapit na akong umalis sa poder niya,” ang sambit ni Marlon. Parang nakikinita kong may nabuo na siyang plano bagamat hindi naman niya sinabi kung ano ba talaga ito.
“Saan ka naman pupunta kapag nakaalis ka na sa poder niya?”
“Uuwi sa atin eh. At doon maghanap ng trabaho. Bakit, sa tinign mo ba ay hindi ako makahanap ng trabaho?”
Hindi na ako umimik. Syempre, kapag pamilya na niya ang pinag-uusapan, wala akong kaalam-alam. Ayokong madagdagan pa ang mga kasinungalingan ko o kaya ay may masabi akong nakakaduda na. Ang ikinakakaba ko lang ay ang sabi niyang “uuwi sa atin.” Wala naming amin eh. Magkaiba an gaming pamilya. Kaya nakakatakot kung malaman niya ang totoo. Baka magalit siya sa akin.
Habang palapit nang palapit kami sa aming lugar, palakas nang palakas naman ang kabog ng aking dibdib. Hindi ko kasi alam kung saan siya dadalhin.
“Excited na ako Yak... sabik na akong makita ang mga pinsan natin,” ang sambit ni Marlon, bakas sa kanyang mukha ang labis na kagalakan.
Wala akong planong magpakita sa bahay na kasama siya. Baka mamaya madagdagan lamang ang aking problema kapag nalaman ng aking mga magulang na nagpanggap akong kapatid ni Marlon.
“P-pero di ba ang sabi mo ay nasa Mindanao ang pamilya natin?” ang dugtong din niya.
“Ah, eh…” natigilan ako sandal. “O-Oo, s-sa Mindanao nga sila. Sinabi ko na iyan, ‘di ba?” ang naisagot ko.
“Oo. Pero kailan tayo pupunta roon? Sabik na akong makita ang mga magulang natin Yak.”
“Saka na iyon... Basta darating na lang iyon,” ang naisagot ko na lang. Palapit nang palapit na kasi kami sa lugar ng mga pinsan at naturete na ang utak ko kung ano ba talaga ang aking gagawin at saan ko siya daldalhin.
Noong nakarating na kami sa bayan, giniyahan ko siya upang baybayin ng kotse niya ang daan patungo sa bodega ng kopra na nasa burol kung saan si James nagtatrabaho dati bilang isang security guard.
“D-dito na ba?” ang tanong niya noong sinabi kong ihinto na ang kotse.
“Oo. Ito na nga.”
“Bodega ito ah!”
“Bodega nga ng kopra... dito ka dati nagtatrabaho bilang isang security guard.”
“T-talaga?”
“Oo... ikaw ang siga diyan dati.” Binuksan ko ang pinto ng kotse at lumabas ako. “Tara...”
Lumabas na rin siya. “D-dito ba talaga ako dating nagtatrabaho?” ang tanong niya uli.
“Oo nga. Kung gusto mo, itanong pa natin sa...” napahinto ako. Naalala ko kasi si Badong, iyong kapalit niyang guwardiya na nakaniig ko rin noong wala na siya. Para tuloy akong nagdadalawang-isip na ipakilala pa siya. “Sabagay, baka wala na siya. Antagal na kasi noon,” sa isip ko lang.
“Kanino natin itanong?”
“S-sa may ari ng bodega, nitong koprahan...”
“Saan ko kaya ito dadalhin pagkatapos naming dito?” ang tanong ng isip kong litong-lito kung ano ang sunod kong gagawin.
“Ah... mag-hotel na lang kami!” ang planong pumasok sa isip ko. Maganda ang planong iyon kasi, safe ako kapag nasa hotel kami, hindi ako mahuli. At habang naroon siya, lihim akong sasaglit sa bahay, kukunin ang mga kailangan ko, at magpaalam sa mga magulang ko.
Ngunit nasira ang lahat nang plano kong iyon noong mula sa aming likuran ay may biglang tumawag sa aking pangalan. “Jassim! Anak! Nakauwi ka na pala?”
“Nalintekan na!” ang sigaw ng utak kong biglang nagpanic. Noong nilingon ko ang kinaroroonan ng boses, para akong nakakakita ng multo. Ang inay ko, sabik na nagtatakbo patungo sa akin at sa ‘di kalayuan ay ang itay na naglalakad, nakatupi ang pantalon, nakapaa, na mistulang galing pa sa pag-aararo. At sa gilid naman ng kanyang baywang ay nakalaylay ang itak!
“Diyos na mahabagin! Baka kapag nagulat ang itay ay maitak niya si Marlon!” ang sigaw ng natataranta kong isip.
Hindi ko talaga alam ang aking gagawin sa sandaling iyon. Parang gusto ko na lang tumakas at iwanan si Marlon na nakatayo sa harap ng bodega o takpan na lang ang aking mukha upang hindi mahalata na ako pala iyon. Ngunit huli na ang lahat. Nakita na ako ng aking inay.
Dahil sa sobrang kaba, hindi ako nakasagot sa pagtawag niya sa akin. Pati si Marlon ay pansin ko ang kanyang pagkagulat.
“Anak... ang tagal mo nang hindi nakauwi. Kumusta ang pag-aaral mo? Sabik na sabik na kami ng itay mo na Makita ka!” ang sambit ng aking ina noong niyakap na niya ako.
“Eh...” ang nasambit ko na lang, ang aking mga kamay ay hindi maiyakap nang diretso sa kanya, nag-aalangan dahil nga nandoon si Marlon.
Kitang-kita ko naman sa mukha ni Marlon ang matinding tuwa sa pagkakita niyang niyakap ako ng aking inay.
At nang bumitiw na sa pagkayakap sa akin ang inay, halos mawindang naman ang inay noong siya naman ang niyakap ni Marlon. “Inayyyyyy! Matagal ko na po kayong hinahanap! Salamat at sa wakas ay nagkita muli tayooooo!” ang sigaw ni Marlon.
Kitang-kita ko ang panlalaki ng mga mata ng aking inay. Iyong bang gusto niyang itulak ang tao at tumiwalag sa kanyang pagyakap ngunit hindi magawa-gawa dahil sa nakitang mukhang mabait naman iyong tao kung kaya ay hinayaan na lang niya ito bagamat bakas sa kanyang mukha ang ibayong pagkalito.
“Sandali! Sandali! Ano ba ang nangyari?! Jassim, magpaliwanag ka nga! Ang sambit ng inay nang pinakawalan na siya ni Marlon.
“Ako na ang magpaliwanag inay... nagka amnesia po ako! Nawala po ang aking alaala!” ang biglang pagsingit ni Marlon.
Ako naman ay natulala, hindi makapagsalita dahil sa bilis ng mga pangyayari. Parang gusto kong sampalin si Marlon at bulyawan ng, “Hindi iyan ang ibig sabihin ng inay! Tinatanong niya kung bakit mo siya niyakap at tinawag na inay! Tanga!”
Napatingin ang inay sa akin na ang mukha ay lalo pang naguluhan sa narinig na paliwanag ni Marlon.
Ngunit bago pa man ako nakapagsalita, sumingit naman ang itay na noon ay nakalapit na rin sa amin, “Ano ba ang nangyayari rito Jassim?! Kailan ka pa dumating anak!”
At hindi pa man ako nakaimik muli, ang itay naman ang biglang niyakap nang mahigpit ni Marlon. “Itayyyyyyy! Sabik na sabik na po akong makita kayoooo!”
Hindi ko malaman kung matawa ako o sasampalin pa rin siya at sigawan ng, “Ano ka ba! Yakap ka nang yakap sa mga taong hindi nakakakilala sa iyo!”
Gusto ko ring matawa sa postura ng itay. Kasi ba naman, mabilis siyang sumugod sa aming kinaroroononan, nagmamadali sa pagkakita sa akin at siguro ay naguluhan din noong nakita niyang niyakap ang inay ng isang taong kasama ko, na naka-long-sleeves pa. At mabilis ang kanyang pagsulpot ngunit noong bigla siyang niyakap ni Marlon ay tila ring biglang nakasagi ng live wire ng Meralco at hindi nakagalaw, ang mukha ay tila sa isang taong nakoryente. Ang kulang na nga lang sa kanya ay ang pag-usok ng kanyang ilong at bibig. At hindi na rin niya nagawang hawakan ang kanyang itak. Ang kanyang dalawang kamay ay nakalaylay lang sa gilid, naipit sa mahigpit na pagyakap ni Marlon.
Noong pinakawalan na siya ni Marlon, kitang-kita ko sa mukha ng itay ang pagkabigla. Para siyang natulala. Kung hindi ko nga lang siya itay ay parang gusto ko na rin siyang biruin ng, “O ngayong natikman mo na ang yakap ng isang guwapong lalaki, ano ang masasabi mo? Masarap tay, ‘di ba?” Ngunit syempre, ayokong maitak kung kaya silent na lang ako.
“N-nagkaroon ako ng amnesia Tay, Nay... kung kaya ngayon lang ako nakasipot. M-mabuti na lang at nahanap ako ni Jassim...” Ang sambit ni Marlon. Para siyang nagsusumbong.
Nagkatinginan ang aking mga magulang. Syempre, wala silang pakialam kung na-amnesia ba iyong tao, na-dengue, nagka-typhoid o nababaliw. Hindi naman nila ito kilala. Lalo nang hindi close.
Tiningnan nila ako. Naghanap ng kasagutan ang kanilang mga tingin.
Dali-dali kong hinila sina inay at itay sabay sabi kay Marlon ng, “S-sandali lang k-kuya ha... mag-usap muna kami ng Inay at Itay.” At noong medyo malayo-layo na kami, doon ko na ipinaliwanag ang lahat. “Nay... tay, natandaan niyo pa ba siya? Siya iyong dating guwardiya sa bodega na iyan sa burol,” ang turo ko sa bodega.”
Tumingala sandali ang inay sa taas at pagkatapos, “Oo nga! Namukhaan ko siya!” ang sambit niya.
“Tama nay!” ang sagot ko. “Nang umuwi iyan sa kanila, ang bus na kanyang sinakyan ay nahulog sa bangin at milagrong siya lang ang nakaligtas! Ngunit nagka-amnesia siya!”
“Ngayon, paanong naging nanay at tatay kami niyan?”
“Ganito nga... nasagip iyan ng isang anak-mayamang babae na may ari ng malaki at sikat na restaurant, iyang MCJ Restaurant?” ang sambit ko. Sikat din kasi ang restaurant na ito n may branch sa aming bayan. “...at ayaw na siyang pakawalan noong babae. Parang ginayuma ba, o kinulam upang hindi na manumbalik pa ang kanyang ala-ala. Gusto ng babaeng iyon na angkinin nang lubusan si Marlon pati na ang kanyang buong pagkatao. Noong nakita ko siya sa restaurant na iyon na pag-aari ng mayamang babaeng gustong umangkin sa kanya, doon ko na naisipang iligtas siya, na matulungan siyang maibalik ang kanyang alaala.”
“Hindi mo pa nasagot kung bakit naging anak namin iyan,” ang pagsingit pa rin ni itay.
“Ganito nga iyon... Noong sinabi ko na sa kanya na kilala ko siya, tinanong niya ako kung sino ako sa buhay niya, doon ko na sinabing kapatid ko siya. Kuya ko siya. Alangan naman kasing ang palusot ko ay kapitbahay lang o kaibigan. Parang ambabaw kasi. Baka hindi ako paniwalaan o baka itaboy pa ako lalo na ng babaeng iyon. Kaya inangkin ko na lang siyang kuya.”
Natahimik silang dalawa. Nagkatinginan. Tila nag-uusap ang kanilang mga mata.
Tumingala uli ang inay sa langit. Marahil ay nababasa niya roon ang kasagutan. Maya-maya, “Aywan ko ba sa iyo, Jassim. Hindi ba malaking gulo iyan? Baka biglang sumulpot dito ang babaeng iyan at tayo naman ang mapapahamak?”
Na sinagot ko naman ng, “Hindi makarating dito iyon inay.” Syempre, dinepensahan ko ang aking ginawa bagamat doon ko lang naisip na maaari ngang makarating doon si Sophia. Sa yaman ba naman niya, walang lugar sa mundo na hindi niya kayang abutin.
“Eh, mayaman pala ang babaeng iyon, bakit hindi mon a lang hinayaan na yumaman din iyan? Baka naman gusto rin niya,” ang pagsingit ng itay.
“Ayaw nga niya, ‘Tay eh. Kasi naman, pakiramdam niya ay nasasakal na siya. Sobrang sama ng ugali ng babae. Lalayas na nga iyang si Marlon eh.”
“Maganda ba iyong babae”
“Naku, ampangit po. Ang tanda-tanda pa!”
“E, iyan...” palihim na turo ng inay kay Marlon. “Paano kung matauhan iyan?”
“E ‘di, huwag na rin nating gamutin!” ang sagot ko. Ngunit dali-dali ko namang binawi. “Joke!”
“Puro ka kalokohan!” ang pagsingit ng itay.
“E, ‘di mas mabuti kung matauhan na siya. Ang mahalaga lang naman ay makauwi siya sa kanyang tunay na pamilya eh,” ang sagot ko.
“Bahala ka nga! Ngunit huwag mo kaming sisihin ng itay mo kung pumalpak kami sa drama ha? Hindi kami sanay magkunwari,” ang tila nayayamot na sagot ng inay sabay talikod at tinumbok na ang kinaroroonan ni Marlon.
Sumunod naman ang itay pagkatapos niyang bitawan ang isang tingin na tila nanumbat, “Ikaw ha? Nagdadala ka ng gulo!”
Parang gusto ko tuloy suklian ang tingin ng aking itay ng isang tingin din na nagtatanong. “Tay naman... nayakap ka lang ng isang guwapong nilalang ganyan ka na!” Ngunit di ko na ginawa iyon. Tumingala na lang ako sa langit. Baka mahanap ko rin doon ang kasagutan sa kung ano ang tamang gagawin.
Anyway, natuwa na rin ako. Alam ko naman ang ugali ng mga magulang ko. Minsan pakipot. Minsan sobrang OA. Ang cute kaya ni Marlon. Kahit naman sino sigurong mga magulang ay hindi aayawan si Marlon na maging anak nila. “Hmpt. Pakipot pa kayo,” sa isip ko lang.
Nagtatakbo akong sumunod sa kanila. Sa loob-loob ko lang, sobrang happy ako na sumakay ang aking mga magulang sa aking drama.
“M-may problema ba Nay? Tay?” ang tanong kaagad ni Marlon noong nilapitan na siya ng aking mga magulang.
“W-wala naman,” ang sagot ni inay. “O siya, mabuti at nakabalik ka na rito. Umuwi na tayo...” sabay tumbok sa direksyon ng kalsada pauwi sa bahay namin, pansin ang pagmamadali niya, halatang natakot na paulanan ng tanong ni Marlon.
Sumunod ang itay.
“Nay, dito na tayong lahat sumakay,” sabay turo ni Marlon sa kanyang bagong biling pulang lexus.
Nanlaki ang mga mata ng aking inay sa pagkakita sa magarang kotse ni Marlon. Si itay rin ay hindi maitago ang paghanga.
“S-sa iyo ba iyan?” ang tanong ng inay.
“Opo. Dito na po tayo sumakay.” Binuksan niya ang kotse at umupo sa driver’s seat.
Binuksan ko naman ang pinto sa likurang upuan upang makapasok sila. “Ay dyaske. Ngayon lang ako makakasakay ng kotse!” biro ng itay noong nakapasok na. “Baka hindi ako makatulog nito. At ang bango-bango pa! At ang lamig ng aircon!” dugtong pa niya.
Susunod na sana si inay ngunit sinabihan kong, “Sa kabila pong pinto ang pasukan, nay. Hindi ito tricycle na isa lang ang pasukan,” sambit ko.
Umikot naman ang inay. Nang binuksan ko na ang pinto, gusto kong matawa. Tinanggal ba naman niya ang kanyang tsinelas at binitbit ito bago pumasok.
“Nay isuot niyo po ang inyong tsinelas,” ang sambit ko, nilakasan ko talaga upang marinig ni Marlon. “Kahit madumihan po natin ang kotseng ito, ayos lang kasi hindi naman ito atin,” sambit ko sabay tawa.
“Loko ka ah!” ang sagot naman ni Maron. “Tinira ba ako!” Tumawa rin siya. At baling niya kay inay, “Isuot niyo po ang tsinelas ninyo Nay... madali naman itong linisin eh. At hindi naman ito basta-basta nadudumihan. Kaya ok lang iyan, Nay,” dugtong pa ni Marlon.
“Ay pasensya na! Ngayon lang ako nakakasakay ng kotse! At ganito pa kaganda! Diyos ko nakasakay rin ako ng ganito!”
Noong nakasakay na sila, tumabi na ako kay Marlon sa harap.
Ang saya-saya ko habang naglakbay na ang kotse patungo sa bahay namin. Tuloy nangarap ako na sana ay palagi na lang ganoon si Marlon; na hindi na manumbalik pa ang kanyang alaala. Kasi, tanggap naman siya ng aking mga magulang bagamat bilang kapatid ko nga lang. Pero ang sarap ng feeling na hayun, nagkasundo kami, buo kami bilang pamilya, at nabigyan pa niya ng saya ang aking mga magulang sa simpleng pagsakay lamang nila sa kanyang kotse. Para bang, “Wow... Lord, sana ito na. Sana ganito na lang palagi.” Parang gusto ko na ring tumingala sa langit at maghanap ng kasagutan doon. Kaso nakaharang pala ang bubong ng kotse.
Naputol ang aking pag-iilusyon nang nagsalita si Marlon, “Sabi ni utol Jassim Nay ay na stroke daw po kayo?”
Kahit nasa likuran ko ang aking inay, nakikinita kong parang feeling niya ay nauntog ang kanyang ulo sa narinig na tanong. Siguro napaisip siya ng, “Punyeta itong Jassim na ito ah! Ang lakas-lakas ko pa tapos na-stroke pala?” Natameme ang inay. Siguro gusto niyang tumingala uli sa langit upang maghanap ng isasagot. Ngunit nakaharang ang bubong ng kotse. Kaya, “Eh...” na lang ang kanyang nasabi.
Kaya to the rescue na ako. “Na-stroke nga ang inay ngunit naka-recover na,” sabay lingon ko sa mga magulang ko na nakaupo sa likod. “Di ba Inay, ‘Tay?” Grabe. To the max na talaga ang pagkasinungaling ko. Parang normal na gawain na lang ito sa akin.
“A, oo nga. Tama si Jassim. Gumaling na ako,” ang maiksi na sagot ng inay.
“Ah, mabuti naman po. Pero di ba sa Mindanao po tayo nakatira?” ang bigla ring pagsingit ni Marlon. Tama nga naman siya. Ang alibi ko nga lang sa biyahe naming iyon ay ang bisitahin ang mga pinsan.
“Oo... pero lumipat na kami, er... tayo rito. Matagal na. May sampong taon na siguro ang nakalipas,” ang sagot ni itay na nahawa na rin sa kasnungalingan ko.
“S-sampong taon? Ganyan na ba katagal simula noong ako ay naamnesia?”
“H-hindi sampong taon tay ah!” ang pagkontra ko rin sa sagot ni itay. At baling kay Marlon, “Nalimutan lang ni itay. May anim na taon pa lang iyon...” ang dugtong ko. “S-saan pala kayo nanggaling ‘Nay?” ang paglihis ko sa usapan.
“Ah... dumayo kami ng itay mo kina Tita Berta mo! Malala ang sakit niya at nakakaawa.”
“S-sino ba si Tita Berta nay?” pagsingit uli ni Marlon.
(Itutuloy)