Chapter 2

1616 Words
Hinihingal na ibinaba ko na sa gilid sa storage room nila ang panghuling jug na binuhat ko. Grabe talaga! Bigla talagang nawala si Sergio. Sisingilin ko ‘to ng isang libo. Umaabuso na eh. Pinagpag ko ang balikat ko at naglakad na papalabas ng kwarto. Katabi lang ng kusina iyon kaya nadaanan ko na naman sila Brenda. Hindi na sila makausap kasi nagkaroon na ng mga custumer ang restaurant. Sumenyas na lang ako sa kanila na aalis na ako. Bumalik na ako sa truck at hinubad ang polo shirt ko bago umakyat sa truck. Inilapag ko ang damit ko sa dashboard at kinuha ang mga papel at muling bumaba sa truck. “P’re! Tapos ka na?” Napalingon ako sa kanan ko noong may narinig akong magsalita. Nakita ko si Sergio na nakangising naglalakad papalapit sa akin. Sinamaan ko siya ng tingin at pinamaywangan. “Saan ka na naman galing? Ikaw, nakakahalata na ako sa ‘yo, ah?” Tumawa siya. “Ano ka ba? Dumelehensya lang ako pangkain natin.” Humugot ito sa bulsa niya at may inilabas na card. “Ano ‘yan?” “Ito? Black card ni Teresita. Ipinahawak na niya sa akin!” masayang sabi niya. Kulang na lang ay maghugis puso na ang mga mata niya. Napailing ako. “Grabe ka talaga. Wala kang awa,” mahina kong sabi at ibinato sa kanya ang papel. Hindi tuloy ito magkamayaw sa pagsalo niyon. “Papirmahan mo na ‘yan doon kay Nito at nang makaalis na tayo!” “Ito na,” anito at nakangisi pa ring naglakad papasok sa loob. Muli akong napailing at naglakad sa may unahan banda ng restaurant. Marami na ang nakaparada sa tapat niyon. Sa ikalawang palapag ay mayroong mga taong nag-aayos doon. Mukhang may event nga sa loob ng restaurant. Marami kasi akong nakikitang mga lobo sa kisame niyon. Salamin kasi ang dingding kaya kita ko nang kaunti ang dingding. Kinuha ko na ang stick ng sigarilyo sa bulsa ng pantalon ko at lighter. Saka sinindihan iyon at nag-umpisang humithit sa sigarilyo. Agad akong nakaramdam ng ginhawa noong malasahan ko ang usok. Sumandig ako sa dingding ng restaurant at tumitig sa kalsada. Hindi gano’n karami ang dumadaan na mga sasakyan dito. Muli akong humithit ng usok sa sigarilyo na hawak ko. Napatingin ako sa entrance ng restaurant noong may lumabas mula roon. Napalunok ako at natigilan sa babaeng lumabas mula sa loob. Nakasuot siya ng pulang bestida na hapit sa katawan niya. Kaya naman ay kitang-kita ko ang hulma ng kanyang malagitarang katawan. Muli akong napalunok noong mapatingin ako sa dulo ng bestida niyang winawagayway ng hangin. Napakakinis ng maputi niyang binti. Artista ba siya? Parang oo. Inilipat ko ang mga tingin ko sa mukha niya at muli akong napalunok. Noon, nawiwirduhan ako sa mga palabas kapag dini-describe nila ang isang babae na una nilang nakita. Pero ngayon? Parang biglang bumagal ang oras at may nahuhulog na talulot ng mga bulaklak sa may ulo niya. Napahinga ako nang malalim at sinapo ang aking dibdib. Ang bilis nang pagtibok niyon na para bang nakikipaghagaran ako. Tang!na! Tinamaan na ata ako! Marahan siyang naglakad papalapit sa isang pulang vios sa tapat ng restaurant. Hindi ko alam kung galing iyon sa kanya pero noong makalapit siya sa kotse na iyon ay may naamoy akong matamis na prutas. Mansanas? Strawberry? Natawa ako nang kaunti sa isip ko– hindi pa kasi ako nakakakita o nakakatikim manlang ng strawberry. Lahat ay flavorings lang na parang asukal lang. At isa pa, ilang dipa lang kasi ang layo niya sa akin kaya lalong nagwala ang puso ko. OA na kung OA. Pero hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Parang mapapakanta ako ng kolehiyala mamaya kahit mukha naman siyang mas matanda sa akin. Oo, napaka ganda niya. Mukha na siyang artista, pero kitang-kita ko pa rin na may katandaan na siya. Pero bakit ba? Hindi nama iyon importante. Bahagya akong napapikit noong biglang lumakas ang hangin. Pagdilat ko ay natigil din siya sa pagpasok sa loob ng kotse niya dahil may nilipag na papel mula sa loob. Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Hinabol ko ang papel at kinuha iyon. Pagkatapos ay lumapit ako sa kanya at nakangiting inabot iyon. “Miss! Ito ‘oh.” Tumingin siya sa akin at ngumiti. Lintik na! Parang natunaw ang puso ko dahil sa ginawa niya. Pulang-pula ang labi niya na bumagay sa mamula-mula niyang pisngi. “Naku, thank you.” Kinuha niya iyon at tinitigan ako sa mga mata. “W-Walang anuman.” Tumango siya sa akin at akma nang papasok sa loob ng sasakyan. Pero hinawakan ko ang pinto ng kotse at binuksan iyon nang malaki para makapasok siya nang maayos. “Thank you talaga,” sabi niya ulit. Ngumiti lang ako nang malapad at tumango sa kanya. Saka marahan iyong isinara at bahagyang gumilid. Napaka lamyos ng boses niya. Buhay pa naman siguro ako pero para siyang anghel na kumakanta kahit kausap lang ako. Pinanood ko lang siya at hinintay na paandarin ang kotse. Pero bago pa siya makaalis sa parking lot ay ibinaba niya ang bintana ng kotse at kumaway sa akin. Kumaway rin ako sa kanya na parang batang nahihiya. Pagkatapos niyon ay muli niyang itinaas ang bintana at umalis na. Nakahinga lang ako nang maluwag noong hindi ko na nakita ang kotse niya. Muli kong sinapo ang dibdib ko at pilit na kinalma ang sarili. Grabe! Sino kaya siya? Hindi ko masabi kung artista ba siya dahil palagi naman merong mga artista rito. Hindi na bago sa akin na makakita ng mga kagaya nila. Pero ewan ko ba. Siguro nga tinamaan na ako. “Bonjing!” Napatingin ako sa gilid ko noong marinig kong may tumawag sa akin. Si Sergio pala na nakakunot na ang noo. Muli akong tumingin sa kalsada. Wala na siya. Makita ko pa kaya siya ulit? Huminga ako nang malalim at napangiti nang malapad. Naglakad na ako papalapit kay Sergio habang sumisipol-sipol pa. “Ano’ng nangyari sa ‘yo?” nagtatakang tanong ni Sergio sa akin. Tumingin lang ako sa kanya at tumango. “P’re. Nakakita ako ng anghel kanina.” Puno nang pagtatakang tiningnan ako ni Sergio. Yung ekspresyon niya ay kulang na lang mabasa ko na ang tanong na ‘seryoso ka ba?’ Pero ngumiti lang ako nang malapad sa kanya at tinapik-tapik ang balikat niya. “Kailan ba ang sunod na deliver natin dito? Sa makalawa? Teka. Sabihan ko nga sila Brenda na ubusin na agad ang tubig para makabalik tayo bukas,” masayang sabi ko at iniwan na si Sergio na nakanganga. Kung siya ay excited bumalik dito dahil sa sugar mommy niya. Ako hindi. Sisiguraduhin ko na makikita ko siya ulit! *** “Saan mo gustong kumain, p’re? Libre ko,” magiliw na sabi ni Sergio. Nasa loob na kami ng truck at nagbabyahe na pabalik sa water station. “Hmm?” iyon lang ang naisagot ko sa kanya. Abala ako sa panonood sa mga nadadaanan namin. Pero sa totoo lang, ang babaeng nakita ko kanina ang nasa isip ko. Paulit-ulit ko siyang nakikita sa isipan ko. Sino kaya siya? Sana makita ko pa siya ulit. “Ano bang nangyayari sa 'yo? Mapupunit na 'yang pisngi mo kakangit eh!” puna ni Sergio. Napakunot ang noo ko. Sasalungat sana ako sa kanya pero natigilan ako noong makita ko ang repleksyon ko sa side mirror ng sasakyan. Mabilis kong na iikom ang bibig ko at pasimpleng tinakpan iyon. “Hindi ah,” tanggi ko. Hindi ko namalayan na ang lapad na pala ng ngiti ko kakaisip sa babaeng nakita ko kanina. Sayang! Sana pala ay tinanong ko kung ano ang pangalan niya. “Sus! Ano? Saan mo gustong kumain? Ako'ng bahala sa 'yo!” Napaingos ako at diskumpyadong tiningnan siya. “Grabe ka talaga, 'no? Ano kayang nakita sa 'yo ni Aling Teresita?” Ngumisi nang malapad si Sergio at sandali akong tiningnan. “Ako pa? Ang gwapo ko kaya!” pagmamayabang niya. “Ulól!” protesta ko. “Bahala ka! Ikaw naman may pera eh,” sabi ko na lang at tumingin muli sa labas ng bintana. “Sige. Doon tayo sa loob ng mall. Kain tayo sa pinaka mahal na restaurant!” mayabang na sabi ni Sergio. Napailing na lang ako. Sandaling nawala ang pananaginip ko nang gising dahil sa kanya. “Diyan na lang tayo sa karenderya. Doon pa sa mall, edi sana roon na lang tayo sa restaurant ni Teresita kumain.” “Karenderya? Ano ka ba? Hindi sila tumatanggap ng black card!” “Bahala ka. Hindi ako sasama sa 'yo kung doon sa mall. Mamaya hindi ko alam paano kainin pagkain nila.” “Hay naku, Bonjing! Kawawa ka talaga!” Napakunot ang noo ko at nalilitong tiningnan siya. “Paano akong naging kawawa?” Umarko ang gilid ng labi niya at umiling-iling. “Gusto mo ireto kita sa kaibigan ni Teresita? Para naman magkaroon ka nang kaunting kaalaman sa magandang buhay.” Naningkit ang mga mata ko at biglang nag-init ang ulo dahil sa sinabi niya. Hindi rin ako nagsalita at matiim lang siyang tiningnan. Oo, mahirap lang kami. Wala akong kaalam-alam sa marangyang buhay. Pero ni minsan ay hindi ko na isipan na gumawa ng mali sa kapwa ko. Sa huli ay bumuntonghininga ako at muling tumingin sa labas. Hindi ko na siya sinagot at inisip na lamang ang babaeng nakita ko kanina. Kung magkaroon man nang pagkakataon na makausap ko siya ulit. Hinding-hindi ko gagawin sa kanya ang ginagawa ni Sergio kay Aling Teresita. At isa pa, dapat ay makausap ko na nga siya. Lalo tuloy ako nagtaka kung sino ba si Aling Teresita. Kailangan mabalaan ko siya tungkol kay Sergio. © 01/05/2022
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD