Amelia's POV:
"Huwag mo nga akong sigawan, pwede ba! Naririnig kita at hindi ako bingi! Nakakaramdam ako kaya huwag mo akong saktan! Kahit manhid ako sa ibang bagay, tao lang ako at nasasaktan din! At kung iyan ang hinihimutok ng buchi mo edi babalik ako sa loob at babawiin ko ang pasya ko!" sigaw ko kay Equinox.
Umiiyak na ako at hindi napigilan ang aking emosyon. Tumutulo na ang aking mga luha mula sa aking pisngi. Talaga namang hindi ko na siya matiis eh! Nagbago na si Equinox at kailangan ko iyon na tanggapin. Baka hindi naman talaga siya nagbago, bumalik siya sa dati.
Iniwanan ko si Equinox na nakaawang ang bibig dahil sa malakas kong paghablot sa aking braso. Pinunasan ko ang aking luha bago pumasok sa pinto.
"Binabawi ko ang aking pasya. Pag-uusapan muna naming lahat ang desisyong gagawin. Kailangan namin ang mga ebidensiya para suriin at gusto kong bigyan niyo kami ngayon ng kalayaan dahil nakakulong na pala ang Novachrano na iyon. Oras na may labagin kayong batas at pasukin ang aming pribadong pagpupulong ay makakaapekto iyon sa aming magiging desisyon," matigas kong sabi sa harap nilang lahat.
Napangiti naman si Dra. Yen. Alam kong masaya siya dahil pinagbigyan namin ng pagkakataon ang kaniyang proposal. Gusto ko man siyang yakapin dahil sa kaniyang sinapit ngunit baka may hindi magandang reaksyon ang iba. Ipagdadasal ko na lamang na makamit niya ang hustisya.
Matapos ng pagpupulong ay hinayaan nila kaming magpalit ng damit at binigyan ng makakain. Binigyan din nila kami ng pribadong silid kung saan pwede kaming makapag-usap. Kaya naman naming tiyakin kung walang camera sa loob.
Binigyan na kami ng sari-sariling kwarto. Inabutan din kami kanina ng dyaryo. Kamakailan lang pala lumabas ang leaked videos ni Novachrano na demonyo na iyon kaya nito pa lamang siya nadakip. Nasa ilalim niya pa kami nitong mga nakaraan kaya hindi kami makakalabas.
Matapos kong magpalit ng binigay nilang fitted blue dress ay pumunta na ako sa sinabing silid kung saan kami mag-uusap. May nag-escort naman sa akin na mga kalalakihan.
Nang makapasok ako sa loob ay kumpleto na pala silang lahat. Napakabagal ko talagang kumilos lalo na kapag wala ako sa wisyo. Kapag ganitong maraming bumabagabag sa isip ko.
Umupo ako at naging tahimik ang lahat. Tumikhim si Fire at kinalabit si Reyna. Inirapan naman siya nito.
"Kailangan ba natin itong gawin na pormal? Jusko naman, magkakaibigan na tayo. Ano ba ang say niyo? Payag naman akong tumestigo para mawala na sa pwesto ang hayop na iyon. Tama namang pa-imbestigahan natin si Dra. Yen at ang mga kasama niya ngunit talagang nakakaawa ang sinapit nila. Psychopath yata ang doktor na iyon, dapat siyang itapon sa gitna ng dagat. Durugin ang mga binti tapos–"
"Tama na, masyado kang nadadala ng emosyon," awat naman ni Fire kay Reyna kaya napakagat labi ito at nagpeace sign sa aming lahat.
"Boto rin ako sa pasya ni Amelia kanina," sabi ni Dion na nasa tabi ko at inakbayan ako.
Inis ko naman siyang binalingan ng tingin kaya natatawa niyang tinanggal ang braso sa aking balikat. Baliin ko iyon eh.
"Para sa patas na pagpapasya, sino sa ating lahat ang gustong tumestigo? Itaas ang kamay ng nakabuka. Para naman sa ayaw at may mga bagabag na nararamdaman ay itaas ang kamay habang nakayukom," tanong ni Kuya Gene. Siya minsan ang nagpapahupa ng komosyon sa aming lahat dahil siya ang pinakamatanda.
Nagtaas naman ang lahat ng kamay na nakabuka, sang-ayon sila sa suhestyon ni Dra. Yen na ikinatuwa ko. Nang mapabaling kay Equinox ang tingin ko ay mataman itong nakatitig sa akin. Nag-iwas naman ako ng tingin dahil ayaw ko siyang matitigan. Nasasaktan lang lalo ako.
"Siya nga pala, paano ang ginagawa natin na pag-aaral? Kailan natin iyon maitutuloy? May nasagap pa tayong signal na mula sa labas ng Earth. Kailangan natin iyon na maverify kung galing sa isa sa mga satellite ng Earth o iba na ang nasagap natin. Iba pa man din ang gamit nilang keys at codes," tanong ni Helix.
"Siguro maitutuloy natin iyan pagkatapos litisin si Dr. Novachrano. Sa ngayon ay magpahinga muna tayo," sagot ni Equinox kay Helix.
Maawtoridad ang boses ni Equinox. Hindi man lang ito nabagabag kahit saglit dahil sa nangyari sa aming sigawan kanina. Baka nafall out of love siya gaya ng mga nababasa ko sa nobela. Siguro dapat kong matanong si Helix at Aquafina kung paano ang tamang paghahandle ng relasyon.
May kumatok naman sa silid namin kaya nagtinginan kaming lahat. Ako ang pinakamalapit ngunit si Dion ang tinitigan ko. Bagsak naman ang balikat nitong binuksan ang pinto. Napangisi naman ako, akala niya ha.
"Magandang araw po sa inyong lahat. Ako po ang bagong sekretarya ni Dra. Yen na si Ms. Sheena, ipinapasabi niya po na naghanda siya ng kaunting salo-salo para sa inyo sa isang five star hotel. Na-adjust daw po ang paglilitis ni Dr. Novachrano sa isang araw kaya sinabihan po niya kayong magrelax muna. Maaari din kayong magdala ng mga damit at lumangoy sa Infinity Pool ng Aguaberde Hotel," anunsyo niya matapos pumasok sa aming silid.
Napangiti naman ako sa sinabi nito. Sa wakas, magagawa ko na rin magrelax. Makakatakas kami saglit sa lahat ng responsibildad.
"Siya nga po pala, ito ang numero ng inyong kwarto at brochure. Dalawang tao sa isang silid. May menu na rin po d'yan ng mga pagkain," sabi ni Ms. Sheena at ipinamahagi sa amin ang mga hawak niya.
Nang makita at mabasa ko kung sino ang kasama ko sa kwarto ay agad akong napataas ng kamay. Hindi kami pwedeng magsama!
"Bakit po Ms. Amelia?" tanong sa akin ni Ms. Sheena.
Nakatingin sa akin ang lahat. Kung aalma ako, baka sabihan akong bitter o kaya ay madrama. Nahihiya ko namang ibinaba ang aking kamay.
"Wala, nevermind," nakangiti kong sagot kay Ms. Sheena kaya tinanguhan lamang ako nito.