CHAPTER 2.2

1460 Words
NASA kalagitnaan ng paglalakad si Amarantha nang mamataan niyang parating ang kaibigang si Estella na tila ba namumutla. Dahil medyo katabaan ito, umaalog-alog pa ang katawan nito habang mabilis na naglalakad. Bakas sa bilugang mukha nito at tsinitang mata ang pag-aalala nang makita siya. “Mabuti’t lumusong ka na! Pupuntahan na sana kita sa ilat, eh,” salubong nito sa kanya saka kinuha ang sulong niyang timba bago niya inayos ang pagkipit sa batya na nasa kanyang tagiliran. Bigla siyang sinakluban ng nerbiyos sa tono ng boses ng kaibigan. Bigla tuloy niyang naisip ang mga abuela dahil halos ilang oras siyang wala sa bahay kaya’t agad siyang nag-usisa. “M-may nangyari ba kila lola at inang?” Umismid ito bago sumagot. “Ano ka ba? Mas malakas pa nga sa kalabaw ang mga lola mo, ‘no!” “Pinakaba mo naman ako, eh!” Sinapo niya ang dibdib dahil talaga namang ninerbiyos siya. “Eh, bakit ba naman kasi humahangos ka?” patuloy niya saka nagpasyang magpatuloy sa paglalakad. Sumabay ito sa paglalakad niya saka may pag-aalangan na tumingin sa kanya bago mahinang nagsalita. “Nasa bahay n’yo si Ador. Pinuntahan niya ako sa bahay kanina at nagpasama sa inyo.” Muli siyang napatigil sa paglalakad, hinarap ang ang babae. Pinandilatan niya ang ito saka kinastigo. “Magsabi ka ng totoo. Sinabi mo ba sa kanyang ngayon ko siya sasagutin?” Umirap ito sa kanya saka umiling. “At bakit ko naman gagawin ‘yon, aber? Basta, bilisan na natin at baka prituhing maigi ‘yon ng Lola Agusta mo,” tanggi nito at pagkuwa’y niyakag siyang muling maglakad. May pagdududa niyang tiningnan ang kaibigan habang naglalakad. Nagpakawala ito ng hangin bago tumigil sa paglalakad nang hindi na matagalan ang pagtitig niya. “Hindi ko alam kung ako ba ang marapat na magsabi sa iyo o hayaan ko na lang na si Ador, eh,” may bahagyang hesitasyong saad nito. “Bakit ba? May problema ba si Ador? Aalis ba ulit siya?” May pangambang bumalot sa kanya at tila may kumurot sa isang bahagi ng puso niya. Magsasalita pa sana ito nang magawi ang tingin niya sa may kurbang daan at nakitang paparating si Ador. Kunot-noo niyang hinintay ang paglapit nito dahil may kakaiba sa awra nito. Tumigil ito sa harap niya habang habol ang paghinga. Kinuha nito ang kipit niyang batya at inilapag iyon sa baku-bakong kalsada. Pagkuwa’y walang pagdadalawang-isip na ginagap ng binata ang kamay niya.  “Mara, magtanan tayo! Alam kong mahal mo na rin ako kahit papaano. Nagmamakaawa ako, sumama ka na sa akin! Magpakalayu-layo tayo,” desperadong pagkumbinse nito sa kanya. Napakunot-noo siya. Ipinatong niya ang isa pa niyang palad para ito pakalmahin. “Ano ba ang nangyayari sa iyo, Ador? May problema ka ba? Bakit nagkakaganyan ka’t kung anu-ano ang sinasabi mo?” may pag-aalalang tanong niya. Walang pasabing lumuhod ito sa harapan niya at tumangis. Ni hindi nahiya kahit kaharap pa si Estella. Pilit niya itong pinatayo at iginiya nila ni Estella sa mayabong na puno na nasa may gilid ng daan. Mabuti na lamang at katanghaliang tapat at walang tao sa paligid. Kung hindi ay talaga namang kahiya-hiya ang hitsura ni Ador. “Kumalma ka nga, Ador,” payo ni Estella pagdaka. “Mahal na mahal kita, Mara. Ikaw lang ang minahal at mamahalin ko habambuhay, pangako sa iyo, Mara,” wika nito habang malambong ang mga matang nakatingala sa kanya. “A-ano ba, Ador? Bakit ba?” Nagugulumihanan siya sa inaakto ng binata. Saglit itong tumingin kay Estella saka bumuntong-hininga bago muling bumaling sa kanya at tumitig. Nakita pa niya ang paglunok nito at tila nanginginig ang mga labing muling nagsalita sa mababang tono. “H-Hindi ko sinasadya ang lahat, Mara. N-Nalasing lang ako at hindi ko na alam ang iba pang nangyari.” Nanginginig ang boses nito at ang dibdib naman ay kainaman ang pagtaas-baba habang nagsasalita. “Diretsahin mo na ako.” May sapantaha na siya sa nais nitong ipagtapat ngunit mas gusto niyang marinig iyon mismo galing sa binata kahit pa nga alam niyang masasaktan siya. “N-Nakabuntis ako, Mara. H-Hindi ko sinasadya—” Wala sa loob na nasampal niya ang binata pagkaunawa niya sa mga narinig mula rito. Kaagad na nag-init ang gilid ng kanyang mga mata habang pigil ang sariling muling bigyan ng malutong na sampal ang binata. Kiniyumos niyang maigi ang gilid ng suot na damit at doon ibinuhos ang sama ng loob na gustong kumawala sa kanyang dibdib. “Mara!” pigil ni Estella saka hinawakan ang nanginginig niyang kamay. “P-Patawad, Mara. Hindi ko—” Nagpakawala siya ng hininga bago muling pinutol ang sasabihin ng binata.  “K-Kailan mo pa nalaman na nakabuntis ka? Kaya ka ba bumalik para tumakas sa responsibilidad mo?” Bakas sa mukha niya ang pagkadismaya nang mapalunok ito at umiwas ng tingin sa kanya. “P-Pasensya ka na, Ador. Alam kong wala akong karapatan na pagbuhatan ka ng kamay. N-Nabigla lang din ako.” Inalis niya ang pagkakahawak sa damit niya saka kinuyom nang wala sa loob ang kanyang mga kamay bago nagpakawala ng buntong-hininga. Pakiramdam niya kasi ay may humampas sa dibdib niya. Buong akala pa naman niya ay mabuting tao si Ador ngunit ang pagbalak nitong takasan ang ginawang karahasan at kasangkapanin pa siya ay talagang nakapagpa-dismiya sa kanya. Kahit paano kasi, kahit mahal na siguro niya ito, kunsensya pa rin niya ang susundin niya at hindi ang puso. “M-Mara.” Tila mauupos na kandila ang hitsura nito. “P-Panagutan mo kung sino man ang nabuntis mo. Hindi ‘yan disgrasya, Ador. Kung gusto mong itama ang mga nangyari, unahin mo ang pakasalan ang babaeng nabuntis mo,” nanginginig ang boses niyang wika. Nagsisikip ang dibdib niya na parang may kampet na tumatarak sa puso niya. Akala pa naman niya ay magiging masaya na siya dahil sa wakas ay mararanasan na niyang magkaroon ng kasintahan, ngunit kabaligtaran ang nararamdaman niya ngayon. Ibayong sakit dulot ng naantalang pag-ibig. “Mara, parang awa mo na. Lumayo tayo rito… pumunta tayo roon sa lugar na tayong dalawa lang!” Yayakapin sana siya ng binata ngunit naging maagap siya. “Wala akong balak makipag-agawan sa magiging anak mo. Harapin mo’ng responsibilidad mo. Panindigan mo ang ginawa mo. Kahit man lang ‘yon sana ay gawin mong tama,” saad niya saka tumalikod at tuluyang iniwan ang lalaking napaluhod na sa labis na pagtangis. “Mara, ikaw ang mahal ko!” Tila bata itong muling tumayo at humabol sa kanya saka siya pinigilan sa braso na agad na ipiniksi niya. “Sana inisip mo ‘yan bago ka nagpakalasing. Lasing ka lang naman, eh. Alam mo pa rin ang ginagawa mo. Iyon nga lang, wala kang kontrol sa sarili mo... pero, kagustuhan mo pa rin iyon. Kagustuhan mong may mangyari sa inyo,” mapait niyang sambit bago kinuha ang batya at naglakad palayo. “Ador, umuwi ka na, sige na,” pigil dito ni Estella nang akmang susundan siya. Narinig niya ang pagtawag nito sa kanya subalit nagmatigas siyang huwag itong lingunin. Mabilis niyang tinahak ang daan pauwi, ni ‘di alintana ang luhang namilibis sa kanyang pisngi. Dumiretso siya sa likod-bahay at walang imik na nagsampay ng nilabhang damit. Nanatili lang na nakasunod sa kanya si Estella at tahimik siyang tinulungan sa pagsasampay. Mayamaya ay lumabas si Lola Agusta mula sa kusina. Agad niyang pinahid ang basang pisngi. Inaasahan na niya ang sasabihin nito. Maliit lang ang Baryo Bahaghari at siguradong nakarating na rito ang balita tungkol kay Ador. Umupo ito sa may papag na naroroon sa labas bago nagsalita. “Kaya wala akong tiwala riyan sa Ador na iyan, eh. Aba’y hindi pa man nga nakukuha ang sagot mo, eh, nakadisgrasya na!” Pumalatak pa ito at umiling-iling. “Tumigil ka na nga muna r’yan, Agusta,” saway ni Inang Chichay na noon ay nakasunod sa kapatid saka may simpatyang tumitig sa kanya. Nanatili lang siyang tahimik hanggang sa matapos ang pagsasampay. “Aakyat na po muna ako sa itaas,” paalam niya. Hindi na niya hinintay pang sumagot ang dalawang abuela. Habang papalayo ay narinig pa niyang kinastigo ng Inang Chichay niya si Lola Agusta. Nagpaalam naman si Estella sa mga ito bago sumunod sa kanya. Pagkapasok at pagkapinid ni Estella ng pinto ng silid niya ay saka siya humagulgol. May pang-unawang lumapit sa kanya ang kaibigan at buong pagmamahal siyang niyakap.  “Sige, iiyak mo ‘yan para gumaan ang loob mo.” Marahan nitong hinimas ang likod niya. “Bakit ‘di mo ako sinabihang puwede pala akong masaktan? Na hindi lang puro saya ang mararanasan ko sakaling magpadala ako sa damdamin ko at ibigin si Ador?” paninisi niya sa kaibigan sa pagitan ng mga hikbi. “Aba, ‘wag ako’ng sisihin mo kundi ‘yang puso mo. Sino ba’ng mag-aakalang gagawin iyon ni Ador, eh, sobrang mahal ka noon?” depensa nito. “Pero tingnan mo, mas maigi na rin siguro na ngayon ito nangyari dahil kung sakaling nasagot mo siya ‘tapos natuklasan mong nakabuntis siya, aba, eh, ‘di hamak na mas masakit iyon kung nagkataon,” pakunswelo nito. Pinahid niya ang kanyang luha at umayos ng upo sa kama. Tama si Estella. Sigurado siya na ipagtutulakan niya pa rin si Ador na pakasalan ang babaeng nabuntis nito kahit pa siguro mahal na mahal niya na ito. Nakagat niya ang pamg-ibabang labi at napahawak siya sa kanyang dibdib bago muling umiyak. Para pa ring kinukurot ang dibdib niya at unti-unting hinihiwa! Ganoon ba talaga kasakit magmahal?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD