TEARS were flowing down my chin and I couldn't stop crying. Those eyes of mine were like waterfalls at habang ipinipikit ko ang mga iyon ay mas lalong bumubuhos ang mga luha ko.
"Don't leave me, dad." pagmamakaawa ko sa kanya. "Please..."
But he never looked at me. Tuloy tuloy lang ang paglalakad niya hanggang sa mawala siya sa paningin ko.
"Daddy..."
Marahas akong napabalikwas ng bangon. Pawisan akong iginala ang paningin sa loob ng aking kwarto. Madilim pa ang paligid kaya tumingin ako sa orasang nakapatong sa side table.
Ala-una palang ng madaling araw. Kaya naman napabuntong hininga akong naupo sa aking kama.
Hindi iyon ang unang beses na mapanaginipan ko si daddy. Halos gabi-gabi akong binabangungot ng dahil sa pag-abandona niya sa amin ni mommy noong 7 years old palang ako.
Dahil sa murang edad ay hindi ko naintindihan ang dahilan ng pag-alis niya. Maging sa paglaki ko ay hindi ko nalaman ang totoo dahil pati si mommy ay tikom ang bibig tungkol doon.
Nagpasya akong lumabas ng aking kwarto at nagtungo sa kusina para uminom ng tubig.
Pero nadatnan ko si mommy sala na nasa mahabang sofa at halatang nakatulog sa paghihintay dahil ang mga paa niya'y nakababa sa sahig habang ang kalahati ng katawan ay nakasandal ng patagilid sa armrest ng sofa.
Napailing nalang ako at dumeretso sa kusina. Nang matapos akong uminom ay agad akong bumalik sa aking kwarto.
Bago pa man ako makapasok ay narinig ko ang pagbukas ng gate ng aming bahay. Hanggang sa gumawa ng ingay ang pagpasok ng taong iyon sa front door.
Malamang ay dumating na namang lasing ang hinihintay ni mommy.
Napabuntong hininga nalang akong isinara at ni-lock ang pinto.
Hindi na ako dinalaw ng antok kaya naisipan ko nalang mag-aral para sa quiz namin mamaya sa GenMath. Kahit walang sinabi ang teacher namin ay alam kung meron dahil ganoon ang ugali niya. Mahilig siya sa surprise quiz at recitation.
Hindi ako matalino, pero pinipilit kong mag-aral hanggang makatapos ako at makapagtrabaho para makaalis sa bahay na ito.
Pagkaraan ng alas-singko, agad akong nagprepare sa pagpasok. Palagi akong maagang umaalis ng bahay para hindi ko makita ang step-father ko.
Pangatlong asawa siya ng mommy ko. Ang una ay ang daddy ko, pangalawa ay isang babaero kaya hindi rin sila nagtagal, at ang pangatlo ay si Rico. Hindi ko siya magawang tawaging daddy o kahit na tito dahil sa ugali niya. Hindi lingid sa kaalaman kong sinasaktan niya palagi si mommy, sabagay kahit sa harap ko ay ginagawa niya iyon. At kahit ako ay napagbuhatan niya narin ng kamay noong dalagita pa ako.
Dahil sa maling desisyon ni mommy ay naging mailap ako sa kanya. Hindi kami masyadong nag-uusap. Kung may kailangan lang ako katulad ng baon ay saka lang kami nakakapag-usap.
Pero kahit ganoon ang step-father ko, hindi naman niya ako ginugutom. Hindi kami mayaman pero hindi rin naman kami sobrang hirap.
Nagagawa ko ang gusto ko at hindi nila 'yon pinakikialaman.
KATULAD ng dati, palaging ako palang ang nasa school maliban sa mga janitor na naglilinis doon.
"Oops!" Natigil ako sa paglalakad nang may humarang na braso sa harap ko. "Hindi ka pwedeng dumaan dito." aniyang ininguso pa ang basang hallway.
Hindi naman ako nagsalita at napabuntong hininga nalang ako at nag-iba ng dadaanan.
"Aga-aga, nakasimangot."
Salubong ang kilay kong nilingon siya.
Nagkunwari pa itong busy sa pagma-mop ng sahig kaya inis akong naglakad pabalik doon at sinadyang lakaran ang basang hallway.
"Samarra!!!" gigil na sigaw niya na tinawanan ko lang at nilampasan.
Dali-dali akong pumunta sa canteen at doon nag-almusal.
Pagkatapos kong kumain ng sandwich ay dumeretso muna ako sa gazebo at doon tumambay.
Inilabas ko ang libro, notebook at ballpen at doon nag-aral habang hinihintay na dumami ang mga estudyante.
"Pakopya ako sa Science!"
Napapikit ako sa inis nang bulabugin ni Pip ang pwesto ko.
"May gawa ka na?" pagkukulit pa niya nang hindi ko siya pinansin. "Huy!"
I threw my notebook at him with an annoyed look. Siyempre, nasambot niya iyon nang hindi natatamaan sa mukha.
He then chuckled while sitting next in front of me, at inilabas din ang mga gamit sa kanyang bag.
"Hoy, Pilipe. Wag mong kopyahin lahat!" angil ko sa kanya nang mapansing panay copy-paste lang ito sa notebook niya. "Iparaphrase mo naman."
Kakamot-kamot naman siyang sinunod ako.
"Nagmamadali ako. Wala pa kong tulog."
Natigilan ako sa sinabi niya. Napabuntong hininga ako nang makaramdam ng awa at guilt sa kanya.
"Nagdagdag ka ng raket?" tanong ko at tumango naman siya nang hindi ako nililingon.
"Sa Jabilee, natanggal si papa sa trabaho eh kaya kailangan kong dagdagan kita ko."
Napatitig ako sa kanya. Kung titingnan mo siya ay hindi mo aakalaing may pasan siyang problema. Panay kasi ang pagpapatawa niya samin sa klase at masayahin palagi siya.
Siya si Philipp Finn Alfonzo, matagal ko na siyang kaklase at kakilala. Palibhasa palagi kaming maagang pumapasok pareho dahil working student siya ng school namin, at alam iyon ng mga kaklase namin, kaya kami naging close.
Si Pip ang panganay sa magkakapatid at hindi ganun kaganda ang financial situation ng kanilang pamilya kaya naman ganun siya kapursiging mag-aral at magtrabaho ng sabay.
Pero hindi kami ang tunay na magkaibigan. Mayroon akong mga kaibigan, sina Reign at Sky. Siya naman ay sina Huck, Ish at Caleb.
Kinuha ko sa bag ko ang isang sandwich na binili ko kanina sa canteen. Sinadya ko iyon para ibigay ko sa kanya dahil palaging walang laman ang tiyan niya tuwing umaga.
"Oh." inihagis ko sa kanya iyon at nasalo na naman niya, ganon siya kabilis. O sabihin na natin na sanay na siya sakin.
Nilingon niya ako at malapad na ngumiti.
"Tenchuu!!" sabi niya saka ginulo ang buhok ko. "Kahit masungit ang beshy ko, mabait parin."
Sinamaan ko lang siya ng tingin at pabuntong-hiningang pinagpatuloy ang pag-aaral.
"Bilisan mo nang kumain diyan, para makatulog ka."
"Hindi pa ko tapos eh." nakangusong reklamo nito.
"Akina, ako bahala." sabi ko at inagaw ang notebook niya.
Lumapad muli ang ngiti niya at kinurot ng marahan ang pisngi ko.
"Tenchuu ulit!" anito saka sinimulang kainin ang sandwich niya. Nakakainis dahil ang ingay kumain.
Nang tingnan ko ang notebook niya ay umikot ang mga mata ko. Hindi parin talaga ako sanay sa sulat niyang parang kinalahig ng manok.
Wala akong nagawa kundi ang gayahin ang sulat niya kahit hirap akong gawin iyon.
Maya maya ay tumahimik ang paligid kaya nilingon ko siya.
Kaya naman pala, dahil nakahiga na siya at pinagkasya ang sarili sa upuang semento sa tapat ko at natutulog na.
Ilang segundo lang ay naririnig ko na ang hilik niya kaya naman sa halip na mainis ay napangiti ako.
Doon ay namalayan kong pinagmamasdan ko siya.
Naka-tshirt lang ito dahil sinadya nitong hubarin ang polo at isinampay sa sandalan ng upuan doon. Nakahubad rin ang sapatos niya at naiwan ang itim na medyas sa mga paa nito.
Napabuntong hininga ako nang dumako ang paningin ko sa maamo niyang mukha.
Bilib ako sa pagkatao ni Pip. Dahil hindi niya ipinapakitang mahina siya at malungkot. Hindi tulad ko, kapag malungkot ako at galit ay talagang makikita mo sa mukha ko.
At si Pip ang palaging gumagawa ng paraan para ngumiti ako.
Napangiti akong panoorin ang bawat pagbuka ng labi niya sa tuwing humihinga siya.
Kahit ilang beses ko nang natitigan ang mukha niya ay hindi ako nagsasawa roon at hindi ko alam kung bakit.
Hindi man siya ang pinakagwapo sa room namin pero malakas naman ang appeal niya kaya may mga babae rin namang nagkakagusto sa kanya.
Kabilang na siguro ako.
Hindi ko masabi sa sarili ko kung gusto ko ba siya. Dahil hindi pa naman ako nagkagusto sa isang tao.
Ang mukha ni Pip ay maihahalintulad ko kay Jeremiah Lisbo. Katamtaman lang ang hulma ng kanyang mata, ilong at labi. Ang kilay niya ang nagdadagdag sa kagwapohan niya dahil medyo makapal iyon at kapag nakakunot ang noo niya ay nagdidikit ang mga iyon. Bukod doon ay may dimple siya sa kanang pisngi at nakikita lang iyon kapag siya ay ngumingiti at tumatawa.
Bagay sa pangalan niya ang kanyang balat na kayumanggi at ang katawan niya ay talagang lalaking-lalaki dahil narin sa mga trabaho nito sa murang edad nito hanggang ngayon.
"Matutunaw ako niyan."
Nanlaki ang mata kong makita siyang nakadilat ang mga mata at deretsong nakatingin sa akin.
Ba't ba hindi ko napansin yon. Oo nga pala, nalimutan kong malakas nga pala ang pakiramdam niya!

***