Chapter 4: Intended

1807 Words
Zairus "Congrats, Dude!" "Woah!" "Congrats!" "We're so happy for you, congrats sa nalalapit mong kasal." "Congrats, Bro!" "Cheers!" Kasabay ng maingay na tugtugan ay ang masayang pagbati nila kay Manuel. "Let's start the party! Woah!" sigaw ni Rodnie saka niya tinungga ang isang bote ng El Charro Tequila. Ilang sandali pa ay napahiga na siya dahil sa sobrang kalasingan. "Bagsak na agad si Rodnie!" natatawang sabi ni Ethan. "Ganyan naman lagi 'yan, siya lagi ang nauunang bumagsak sa atin," dagdag naman ni Josh—ang pinaka bata sa amin. "Buhatin niyo siya mamaya pabalik sa sasakyan," sabat naman ni Manuel. Isang linggo na lang bago ang kasal nila ni Lory, kaya ito at nagkayayaan ang barkada na gumimik. Kapag kasal na raw kasi si Manuel ay hindi na ito makakasama lagi sa amin dahil magiging busy na ito sa magiging pamilya niya. Bigla naman akong nainis sa ideya na iyon. Ipinagkasundo si Lory at si Manuel ng mga magulang nila sa isa't isa. And it's all about their family businesses kaya sila magpapakasal. Wala naman iyong problema kay Lory, dahil ayon sa kanya ay matagal na raw niyang gusto si Manuel. And for now, I have no choice kundi ang patuloy na masaktan ng palihim. Siguro nga duwag ako para magtapat sa babaeng gusto ko. Duwag akong aminin sa lahat na nasasaktan at nahihirapan ako. Oo, mahal ko si Lory. Bata pa lang kami ay gusto ko na siya. Kababata ko siya at siya ang first love ko kaya masakit sa akin ang katotohanan na ikakasal na siya. Alam kong gusto ni Lory si Manuel kaya nagparaya na lang din ako kahit masakit. Kung doon naman siya sasaya ay hahayaan ko siya. Ganoon naman talaga kapag mahal mo ang isang tao 'di ba? Nakahanda kang gawin ang lahat para sa ikaliligaya niya. Mula nang ipagtapat nila sa amin ang relasyon nila at ang planong pagpapakasal ay panay ang pakikipag-date at ang pakikipag-flirt ko sa iba't ibang mga babae. Pilit kong tinatakasan 'yong sakit. Baka sakaling matanggap ko na nang tuluyan na hindi siya para sa akin. Pero kahit na anong gawin ko, ganoon pa rin. Sobrang sakit pa rin. I've never been in a serious relationship, dahil si Lory lang naman ang gusto ko.   "Isa ka pa Manuel, mukhang susundan mo sa pagbagsak si Rodnie," pabirong sabi ni Ethan habang nagsasalin ng tequila sa shot glass niya. "Ako dapat ang magpakalasing ngayon," sabat naman ni Josh. "Alam namin na broken ka, Bro," saad ko sabay akbay sa kanya. "Pero huwag ka nang dumagdag sa bubuhatin ni Ethan," pabirong sabi ko pa. "Ikaw naman kasi," natatawang sabat naman ni Ethan. "Nakipag-break ka tapos magdadrama ka ngayon diyan," pang-aasar pa nito kay Josh. "Mas okay na ito. Kaysa naman gaguhin lang ako ng paulit-ulit 'di ba?" mapaklang tugon ni Josh. "Drama mo talaga!" saad ni Ethan sabay batok kay Josh. "Aray! Masakit 'yon ah!" reklamo ni Josh kay Ethan. "Mas masakit pa sa puso mo?" pang-aasar ko naman dito. Makalipas pa ang isang oras ay tatlo sa amin ang bagsak na, si Rodnie na laging nauunang malasing, si Josh na broken hearted at ang soon to be groom na si Manuel. Kami na lang dalawa ni Ethan ang natirang matibay. Hindi talaga ako pwede malasing dahil ako ang magmamaneho ng sasakyan, at katulong ko sa paghahatid sa mga lasing na ito si Ethan. Isa-isa namin silang inakay papunta sa sasakyan. Huli naming isinakay si Manuel. "Grabe ang hihina talaga ng mga ito," natatawang sabi ni Ethan nang matagumpay naming naisakay si Manuel sa loob ng sasakyan. "Malakas lang talaga tayo, Bro," nakangising sabi ko naman dito. "You're right," pagsang-ayon niya. "Bro, jingle lang ako," paalam ni Ethan. Tumango naman ako sa kanya saka ito bumalik ulit sa loob ng bar. Nang iupo ko si Manuel sa back seat kasama nila Josh at Rodnie ay aksidenteng nalaglag ang wallet niya. Agad ko naman itong pinulot at hindi sinasadyang makita ang larawan na nandoon. "Siya?" gulat na nasambit ko. Bakit may picture si Manuel ng babaeng iyon? Anong mayroon sa kanila? Bakit picture ng iyakin na iyon ang nasa wallet niya at hindi picture ni Lory? Ang daming katanungan ang nabuo sa isipan ko, maya-maya pa'y kumilos si Manuel at nagulat ako sa narinig ko nang magsalita siya... "Mahal kita," mahinang usal niya. "Sinong mahal mo?" kunot-noo ko na tanong sa kanya. "Briana Stephen, Mahal kita. I'm sorry," saad niyang muli na siyang nagpagimbal sa akin. Sino si Briana Stephen? Tiningnan kong muli ang larawan ni iyakin sa wallet ni Manuel. Hindi kaya—siya si Briana Stephen? Kung ganoon ay... siya ang babaeng mahal ni Manuel? Bigla kong naalala noong engagement party nila Manuel at Lory, nang makita kong nagdadrama si iyakin. Hindi kaya dahil talaga iyon kay Manuel? Kasi gusto niya rin ito? O, baka naman may relasyon sila? "Damn it!" inis na sabi ko kay Manuel habang nanatiling nakapikit ito. All these years, ang buong akala ko ay talo na ako kay Lory. Tapos malalaman kong ibang babae naman pala talaga ang mahal niya? Ginagamit niya lang talaga si Lory para sa business ng pamilya nila? Paano niya nagawa iyon? Ang sama niya. Agad kong kinuha ang cellphone ni Manuel at hinanap ang number ng Briana na iyon ngunit wala akong nakita sa contacts niya. Nang tingnan ko naman ang photos sa phone niya ay puro picture ng babae na iyon ang nandoon. Mga stolen shots 'yong iba. Naikuyom ko ang kamao ko at labis ang pagpipigil ko sa aking sarili. Anong karapatan niyang gamitin si Lory at paglaruan? Gayong iba naman pala ang babaeng kanyang minamahal. Bakit niya ginagawa ito? Hindi ako makapapayag na masaktan niya lang si Lory. At hindi ko siya mapapatawad sa ginagawa niyang ito. Ang buong akala ko ay tuluyan nang mawawala sa akin si Lory. Pero hindi pa pala huli ang lahat. At gagawin ko ang lahat para maprotektahan siya. I'll make it sure na walang kasalan na magaganap sa isang linggo. ** Briana "Kamusta ang sales natin?" "Ayos naman po, Ma'am," tugon ni Nimfa. "Malakas po tayo sa mga estudyante." "Mabuti naman kung gano'n, basta ayusin niyo lagi ang pagse-serve niyo huh. Huwag din kayong magtataray sa customers," bilin ko rito. Si Nimfa ang supervisor dito sa Brightly Coffees. "Yes, Ma'am!" masayang tugon niya sabay talikod na sa akin. Ito ang pinagkakaabalahan ko. I have my own business bukod sa family business namin. This is my first coffee shop, and I'm planning to open another one. Sa loob ng shop ko na ito ay may sarili akong office, dito kasi ako naglalagi at hands on talaga ako rito. Bago ko pa matupad ang pangarap kong ito ay panay ang panunuyo ko sa parents ko. Sinikap kong maging mabuti at masunuring anak para lang payagan nila ako na mag-manage ng sarili kong coffee shop. They want me to stick with them in Canada, marami na kasi silang business doon but I don't want to stay there. Mas gusto kong dito sa Pilipinas magtayo ng sariling negosyo, at dahil only child lang ako, they can't do anything but to support me. Every other month ay bumibisita sila sa akin dito, at kahit na malayo sila sa akin, open naman ang communication ko sa kanila. And next week ay uuwi ulit sila rito, ganoon nila ako kamahal. Ang isa pa sa dahilan kung bakit ayaw kong umalis ng Pilipinas ay dahil kay Kacelyn. Hindi ko siya kayang iwanan ng mag-isa. Ako na lang ang mayroon siya kaya naman, nangako ako sa sarili ko noon na kahit na anong mangyari ay hinding-hindi ko siya iiwanan. She's like a sister to me. "Ma'am, excuse me po. May naghahanap po sa inyo." "Sino raw?" tanong ko kay Jean, isa empleyado ko. "Manuel daw po," tugon niya. Nanlaki ang mga mata ko sa narinig kong pangalan. Si Manuel? Hinahanap ako? Bakit siya nandito? "S-sigurado ka ba?" tanong kong muli. "Yes, Ma'am. Nasa table 1 po siya," tugon ni Jean. Napalunok ako kasabay ng pagkabog nang malakas ng dibdib ko. Hindi ako mapakali at parang may kung anong nagkakagulo sa loob ko. "S-sige, pupunta na ako." Kahit na kabado ay pinilit ko pa ring maging pormal sa harapan ni Jean. Umalis si Jean sa harap ko at nagbalik na sa trabaho. Agad ko namang sinuklay ang buhok ko at inayos ang sarili ko. Nang matapos na ako ay nagtungo nga ako sa kung nasaan siya. Natanaw ko ang likod niya. Bigla akong nakaramdam ng sakit. Hindi ko alam kung may sapat pa ba akong lakas para harapin siya. Ilang taon kong itinago ang nararamdaman ko para sa kanya. Ilang beses ko ring binalewala ang ibang lalaki para sa kanya. At kung kailang nagbalik na siya, hindi pa rin pala pwede ang nararamdaman kong ito. Ilang taon akong naghintay para masabi sa kanya na matagal ko na siyang gusto, kaso ganoon pa rin pala. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin pwedeng sabihin. Kasi, kahit anong gawin ko, walang magbabago. Hindi na mababago ng nararamdaman ko ang katotohanan na hanggang pangarap ko lang talaga siya. Huminga ako ng malalim at sinikap na pigilan ang kung anomang namumuong emosyon sa loob ko. Para kasing gusto ko biglang maiyak. Bumalik ako sa loob ng office ko tapos tinawag ko si Jean. "Pakisabi sa kanya na... sumama ang pakiramdam ko. Sa ibang araw na lang kamo kami magkita," utos ko rito. "Sige po, ma'am," tugon nito tapos umalis na siya. Napahilot ako sa aking sentido. Actually, hindi ko rin alam kung paano nalaman ni Manuel na nandito ako. Siguro sinabi sa kanya ni Kacelyn. Kinagat ko ang ibabang labi ko. Gusto ko siyang harapin pero para saan pa? Kahit naman mag-usap at magkita kami ngayon, hindi na no'n mababago ang katotohanan na pagmamay-ari na siya ng iba. At kahit anong gawin ko, wala na akong laban. Mas mabuti pa kung ngayon pa lang ay sisimulan ko nang kalimutan ang nararamdaman ko para sa kanya. Bagay na dapat ay matagal ko nang ginawa para hindi ako nakulong ng ganito katagal sa nararamdaman ko. Ilang sandali lang ay muling bumalik si Jean sa akin. "Ma'am Briana, hindi pa rin po siya umaalis. Ang sabi niya po, hihintayin ka niya hangga't hindi raw po kayo nagkakausap," aniya. Napakunot naman ang noo ko. Knowing him, alam kong hindi ganoon ang magiging response nito. Kaya naman nakakapagtaka. "Okay sige, ako na ang bahala. Salamat," saad ko tapos lumabas na ng office ko si Jean. Muli kong kinagat ang ibabang labi ko. Hindi ako mapakali at hindi ko maisip kung ano ang posibleng dahilan ng pagparito niya. Ilang sandali pa ay lumabas na nga rin ako ng office para harapin siya. "Manuel?" tawag ko sa kanya nang makalapit ako, pero halos matumba ako sa kinatatayuan ko nang tumambad sa akin kung sino ang lalaking nasa harapan ko. Bakit siya nandito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD