SINFUL CEOS SERIES: BOOK 5 PASSIONATE DECEPTION Doukas Damarcus Chapter 36 KUMAKAPAL ANG PAG-AATUBILI na nararamdaman ni Chantara habang papalapit siya sa kamalig kung saan niya kakatagpuin si Lance. Gabi iyon ng pageant at palihim siyang umalis sa tabi ni Nanay Luciana. Kinakabahan ma’y mas matimbang sa isip niya ang kagustuhan na makausap ang manliligaw ni Lourdes. Hindi matatahimik ang isip niya kung patuloy lang niyang iiwasan ang lalaki. Mula nang makilala niya ito ay nag-umpisa nang gumulo ang isip niya. Maraming katanungan ang idinulot nito sa kay Chantara lalo na tungkol sa pagkatao niya. Madilim ang bahaging iyon ng kamalig kung saan din niya ginamot ang anak ni Andeng kamakalawa. Malayo pa lang ay tanaw na ni Chantara ang silweta ng lalaking naghihintay sa kanya roon.

