Chapter 3

1220 Words
Labindalawang taon na ang nakalipas at ngayon ay bente anyos na siya. Kahit papaano ay nakabangon na ang mag-ina. Pagkatapos ng libing, napagdesisyunan kasi nila na sa Tagaytay na muna manirahan, sa bahay ng lolo ni Renza para mas mabilis ang makapagmove on. At tama nga ang naging desisyon nila, dahil malaki ang naitulong ng mga masayahin nilang kamag-anak para makamove on sila sa kanilang kawalan. Habang si Randy at ang kaniyang pamilya naman ang pansamantalang nakatira sa bahay nila sa Manila para maingatan ito. Pati ang photography shop ni Lawrence si Randy na din ang sumalo pansamantala para lang manatili ito bilang natatanging ala-ala nila sa kaniya. Bagama't si Annie ay designer pa rin, pero sa Tagaytay na siya nakabase at minsanan na lang siya kung pumunta sa shop nila sa Manila. Malaki na ang ipinagbago ng hitsura ni Renza. Kung dati ay bestida at sandals ang suot niya, ngayon ay simpleng t-shirt at jeans na lang. Bagama't panlalaki ang kaniyang postura hindi pa rin maikakaila ang kaniyang angking kagandahan. Balingkinitan, maputi at siyempre chinita. Talagang kopyang-kopya niya ang hitsura ng kaniyang nasirang ama! Siguro, ang pagkakulot lang ang namana niya sa kaniyang ina. "Sweetie, hindi ko napansing dalaga ka na pala. Parang kailan lang sinusubuan lang kita. Ngayon, gagraduate ka na!" masayang bulalas ni Annie habang inaayusan ang anak. "Thanks, mom. Hindi ko po matatapos ang kurso ko kung 'di dahil po sa inyo. Pinili ko po talaga ang BFA Major in Photography para may bubuhay sa ala-ala ni daddy." Nang mabanggit ang ama ay nakaramdam uli siya ng lungkot. Natigilan si Annie sa tinuran ng anak. "Namimiss ko na si daddy, sweetie," nagkapawala ng bumuntong-hininga si Annie saka nagpatuloy sa kaniyang pag-memake up sa anak. "Me too." Halos mangiyak-ngiyak si Renza sa panghihinayang na hindi na masasaksihan ng kaniyang ama ang pagsunod niya sa karera nito. Hindi naman nakalampas sa paningin ng kaniyang ina ang mapait na ekspresiyon ng kaniyang mukha. "Naku sweetie! Sayang ang make up. Huwag ka na munang mag-emote at malelate na tayo. Miminsan ka nga lang magmemake up eh. Bakit 'di ka nagmana sa akin? Tingnan mo ako, maganda 'di ba? Girl na girl!" Ibinaling ni Annie ang usapan baka mag-iyakan na naman sila. "Maganda naman ako ah! At guwapo si daddy! Kaya ka nga patay na patay sa kaniya eh," depensa ni Renza. "Oo nga. Maganda kung maganda. Pero 'di ka nagmana sa kasexy-han ko. Para kang lalaki kung pumorma. Kaya nga napagkakamalan tayong magkapatid eh," giit ni Toni. "Mom, ito na po ang nakasanayan ko. Ayaw ko ng makolorete. At saka, mabuti na 'yon para wala ng mangungulit na lalaki." "Bakit? Babae ba ang gusto mo?" pang-aasar ni Annie sa anak niya. "Mom, nangako ako sa'yo na aalagaan kita. Hindi na mahalaga kung sino o ano ang magugustuhan ko," paglilinaw niya. "Oo na, malelate na talaga tayo. Tara na!" Walang mapaglagyan ng kagalakan ang mga magsisipagtapos. Samot-sari ang mga kuwentong sipag at tiyaga ng mga graduates para lang magtagumpay at ito na nga ang pinakahihintay nilang araw, ang matikman ang tagumpay na kanilang pinaghihirapan. Kasama na doon si Renza sa mga nagtagumpay. Talagang pinaghuhusayan niya ang kursong ito alang-alang sa kaniya nabalong ina at namayapang ama. Sa dami ng mga graduates, inabot ng anim na oras ang seremonya. Tinapos ito sa pamamagitan ng tradisyon, ang paghahagis ng toga ng mga graduates. May umiiyak sa tuwa, naghihiyawan at nagyayakapan. Siyempre, hindi pahuhuli si Annie na kilalang dramatic at exaggerated. "Congratulations, sweetie!!!" galak na galak si Annie na yumakap sa anak niya. "Thanks, mom. Matutupad na rin ang pangarap kong trabaho," umiiyak din si Renza sa tuwa. "Let's celebrate! Tara dinner tayo sa paborito nating resto," masayang yaya ni Annie sa anak. "Daan po muna tayo sa bahay mom. Magbihis po muna ako, nakakahiya namang kumaing ganito hitsura ko." "Okay. Let's go!" wika pa ni Toni. Karakarakang nilisan nila ang lugar at dumiretso bahay ng lolo ni Renza. Pero bakit waring wala silang nadatnang tao. Nagtataka si Renza kung saan na kaya nagpunta sila. Nang pihitin ni Renza ang saradura, hindi naman nakalock ang pinto. Kinabahan siya baka kung may sinong masamang-loob na nakapasok sa tahanan nila at gumawa ng masama. Nang pumasok na siya, halos iluwa ng dibdib niya ang kaniyang puso sa sobrang kaba. "CONGRATULATIONS!!!" sabay-sabay humiyaw ang kaniyang mga kamag-anak nang iniluwa sila ng pinto. Bumungad sa mag-ina ang sorpresang handaan para kay Renza. Ang akala niya may nangyari ng masama sa pamilya niya, iyon pala ay isang nakakaantig-pusong sorpresa. Hindi maiwasang maluha ni Renza sa tuwa dahil maibiging kabaitan ng kaniyang pamilya. "Maraming salamat. H-hindi niyo po ako nakalimutan kahit busy kayong lahat," nauutal si Renza dahil naging emosyunal siya. "Ano ka ba? Kahit kailan nandito kami para sumuporta sa iyo, apo." Lumapit ito at niyakap siya ng kaniyang lolong retired judge. "Oh siya, tama na ang drama at masayang ang okasyong 'to," awat naman ng tita ni Annie na si Carry. "You're right! Mabuti pa kumain na tayo," segunda naman ng kapatid nitong si Leng. "Mabuti pa nga. We're supposed to have a dinner in our favorite restaurant but we're all here so we're not going. Tara, kain na tayo!" masayang wika ni Annie at nauna pa itong umupo sa inihandang hapag. Matagal-tagal ding hindi nagkasama ang buong pamilya at gaya ng nakagawian, masayang nagkakainan ang buong mag-anak. Nagbibiruan at nagtatawanan, na siyang pangunahing pagkakilanlan ng kanilang angkan. Hanggang sa umabot sila seryosong paksa, ang tungkol sa karera na tatahin ni Renza. Kahit kakagraduate lang nito, interesado talaga sila sa pipiliin nitong landas na tatahakin. "Apo, ano ang balak mo ngayong graduate ka na?" seryosong tanong ng lolo ni Renza. "Noon pa man, lagi kong ginagaya si daddy. Kaya nga Fine Arts Major in Photography ang kinuha ko. Kaya..." biglang naalala ni Renza ang namayapa niyang ama kaya napahinto siya sa kaniyang pagsasalita. "Kaya, ako po ang magtakeover sa shop ni daddy. Nandiyan naman si Tito Randy na aalalay sa akin eh. Iyon na lang kasi ang natitirang ala-ala namin sa kaniya," patuloy ni Renza habang halos maluha-luha ang mata. Kaya naging emosyunal din lahat ng naroon. "Well, anuman ang desisyon mo, nandito lang kaming sumusuporta sa iyo," muling wika ng lolo ni Renza. "Oh siya, nagdadrama na naman tayo. Mabuti pa magvideoke na lang tayo later!" pinutol ng tita ni Annie na si Carry ang madamdaming usapan ng pamilya baka imbes na kasiyahan ay maging iyakan pa ang eksena. Nawala man sa buhay nila ang kanilang pinakamamahal na ama at asawa, buhay naman ito sa kanilang ala-ala. Hindi naging madali para sa mag-ina ang makabangon mula sa pangyayaring iyon. Ilang taon din silang halos nawalan ng ganang mabuhay. Mabuti na lang talaga nandidiyan ang mga kapamilya nila at hindi sila pinabayaan sa emosyunal paraan. Ang masayahin nilang katangian ay nakatulong para mapagaan ang sitwasyon at makayanan ang sakit na dulot ng mawalan ng mahal sa buhay. Habang masayang kumakain sila, taimtim na sinubaybayan ni Renza ang kaniyang ina. Kahit papaano ay masaya siya na makitang unti-unti ng nabura ang masakit na ala-ala at bumabalik na ang dami nitong pagkamasayahin. Kahit papaano ay kampante na siya na iwan ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD