Lahat ng pumapasok sa main entrance ng resort ay nakikita ni Meriam mula sa kanyang puwesto sa opisina. Tulad ng pinto, yari rin sa salamin ang disenyo ng bintanang malapit sa kanyang mesa. Katabi niya lamang iyon, at tinted ang salamin kaya natatanaw niya ang labas—ngunit mula sa labas ay hindi makikita ang loob ng kanyang opisina. Nakita niya si Brandon na naglalakad papunta sa kanyang opisina. “Dumating na pala siya,” wika niya sa sarili. Noong nakaraang araw ay nagpaalam ito sa kanya na uuwi sa kanilang probinsya. Isang araw lamang daw iyon. Sinabihan pa niya itong maaari namang magbakasyon ng ilang linggo. Ngunit sinabi ni Brandon na hindi raw siya pwedeng magtagal sa probinsya dahil baka kailanganin siya ni Meriam dito sa resort. Baka raw kung ano ang mangyari sa kanya at wala si

