MY STRONG INDEPENDENT WOMAN 04
“Anak, malapit na tayong bumababa. Mag-ayos ka na ng ‘yong sarili para diretso na tayo sa pagsakay ng Bangka mamaya pagbaba natin dito.” Ani ng isang ginang sa anak na babae ng marinig ang anunsyo mula sa malaking speaker na nakasabit mula sa pader ng barko na malapit na makarating sa pier ang kanilang sinasakyan.
“Okay, ma.” Sagot ng dalagang anak nito at isa-isa nang inilagay ang kanyang mga gamit sa loob ng bag. Inayos din nito ang kanyang buhok na nakalugay bago ‘to muling tumingin sa kanyang cellphone upang ipagpatuloy ang kanyang ginagawa.
Napabuga ako ng hangin habang nakatingin sa mag-ina na kabilang upuan. Nakakamiss ang maging dalaga, ‘yong tipong pag-aaral lamang ang iyong proproblemahin at wala ng iba pa. Hindi katulad ko, bata pa naman ako pero pinipilit na ‘ko maghanap ng nobyo kahit ayaw ko.
Wala naman talaga sa isip ko ang maghanap pa ng lalaki, hindi ko sila kailangan sa totoo lang. Kaya ko din naman ang kanilang ginagawa, madali lang akong nakakakuha ng pera gamit ang pagsusulat ko at kayang buhayin ang aking sarili na kahit na walang ibang magtataguyod sa akin. Kaya hanggang ngayon ay hindi ko pa din maintindihan kung bakit—bakit kailangan ko pa maghanap ng lalaki para makasama sa pagtanda?
Isinara ko ang libro na aking hawak-hawak at saka ‘yon inilagay sa loob ng aking handbag. Wala akong ibang nararamdaman sa aking binabasa, lahat na lamang ng linya ay may pambara akong naiisip kaya para din walang silbi ang aking ginagawa.
Makalipas ang ilang minuto ay isa-isa nang naglabasan ang lahat mula sa loob, ako naman ay mas pinili na lamang muna ang magpahuli upang hindi makipagsiksikan sa lahat ng mga pasahero. At pagbaba na pagbaba ko ng pier ay malamig na simoy ng hangin ang agad na tumama sa aking mukha.
“Tama nga si Kaith, ang ganda nga ng dagat at maaliwalas sa paningin ang tanawin.” Bulong ko sa aking sarili habang nakatingin sa kumikinang na karagatan.
“Ms. Destiny?” tanong ng isang boses mula sa aking likod.
Nang tignan ko kung sino ang tumawag sa aking pangalan ay isang makisig na lalaki ang agad na sumalubong sa akin. Malaki ang ngiti nito, ang kanyang balat ay namumula pa din na din ang kanyang pisngi dahil sa mainit na sinag ng araw.
“Yes?” tanong ko sa kanya, “Ako nga ‘yon. Ikaw ba ang magsusundo sa akin?” dagdag ko pa.
Tumango-tango naman ito at inilahad ang kanyang kamay. “Magandang hapon, Miss Destiny. Ako si Sabry, ang magsusundo at magahahatid sa ‘yo hanggang sa harap ng inyong bahay, wala ngayon si Mang Bin kaya ako ang magsusundo sa ‘yo.” Paliwanag nito.
Nagtataka na nakipagkamay ako sa kanya at tumango. Nasabi nga sa ‘kin ni Kaith na hindi ang taga-bantay ng tahanan ang makakasundo sa kanya dahil may sakit ‘to pero hindi ko naman naisip o kahit sumagi lamang sa isip ko na ganito kakisig ang magsusundo sa akin.
“Naiintidihan ko, na sabi na din sa ‘kin iyan ni Kaith.” Sagot ko sa kanya, “Ano na ang sasakyan natin?” tanong ko sa kanya.
Tila napakunot naman ang kanyang noo sa sinagot ko sa kanya pero agad niya din ‘tong binawi at itinuro ang isang maliit na Bangka na kakasya lamang ang limang tao sa loob. At bukod sa akin ay may iba pang nakasakay dito na katulad kong mukhang kakalabas lamang din ng barko.
“Okay.” Maigsing sagot ko sa kanya saka akmang hihilahin na ang aking dala-dalang maleta ng kuhain niya ‘yon sa aking kamay.
“Ako na po,” pagprerepsinta niya.
Napataas na lamang ang aking kilay at tumango sa kanya. Nang makasakay na kami sa Bangka ay agad na ‘tong pinaandar na wala ng ibang hinintay pa. Ang lahat ng nakasakay ay tila sanay na sanay na sa bawat pag-alog ng Bangka dahil sa matataas na alon. Samantala, ako naman ay nakakaramdam na ng hilo sa nangyayari.
“Ayos ka lang ba, Ms. Destiny?” tanong ni Sabry sa akin.
Mukhang na pansin ang aking pamumutla ngunit umiling lamang ako sa kanya para hindi na siya mag-aalala pa. Nakatingin lamang ako sa kumikinang na karagatan, kitang-kita ang ilalim nito kung saan may naglalanguyan na mga isda dahil sa sobrang linaw ng tubig dagat.
“Mas maganda pa ata ang isla na ‘to kesa sa mga kilalang tourist spot.” Ani ko bago tumingin kay Sabry na nakatingin din sa akin.
“Oo, mas maganda nga ang isla na ‘to. Ang lahat ay may konsiderasyon sa kalikasan, mas lalo na sa mga nahuhuling isda na kanilang ginagamit para makakuha ng pera. Lahat din ay may desiplina sa pag-aalaga ng dagat kaya naman ay unti-unti na din ang nagkakaroon ng interest sa lugar na ‘to. Ang kabilang isla ay pinatayuan na nang hotel para bakasyunan.” Mahaba nitong sagot sa akin na may ngiti sa kanyang mga labi.
“Bakit parang malungkot pa ang tono ng boses mo kung unti-unti nang nakilala ang lugar na ‘to? Hindi ba at dapat nga ay maging masaya kayo dahil lalakas na ang kita niyo at mabibigyan ang ibang tao dito ng mga trabaho?” nagtataka kong tanong sa kanya.
Hindi nga nakakapagtaka na mas lalong dadami ang dadayo sa lugar na ‘to kung sakali nga na makilala ‘to at mas lalamang pa ang lugar na ‘to sa ibang mga sikat na lugar dahil sa natural na asul na tubig. Isama na din ang mga naglalakihang mga puno sa bawat isla, ang tanawin kahit na napapligiran ng tubig ay hindi pa din magsasawang tignan.
“Ang kapalit naman ng pagiging kilala ng lugar na ‘to ay ang pagkasira ng mga iniingatan nang taong nakatira dito.” Maigsi niyang sagot sa akin bago itinampisaw sa tubig ang kanyang kanang kamay, “Siguro naman ay nakapunta ka na sa mga sikat na lugar, ang bawat tao ay nag-iiwan ng mga kalat sa kung saan-saan nkaya naman nasisira ang kalikasan.” Dagdag pa nito.
“Kung sabagay ay may punto ka sa bagay na ‘yon.” Tanging nasagot ko na lamang sa kanya at hindi na muling umimik pa.
May punto siya sa bagay na ‘yon at kung ako ang papipiliin ay mas maayos na ang maliit na kita, maganda naman ang paligid ng iyong tinitirhan at may isda ka pang makukuha sa araw-araw kung talagang kinakapos na. Kung mag-uumpisa na ang pag-usbong at pagkakilala nito ay magiging puro pera na din ang iisipin ng mga tao saka makakalimutan na ang pag-aalaga sa lugar.
Dumaan muna kami sa mga kalapit na isla upang ibaba ang mga ibang pasahero at hanggang sa ako ang huling ibinababa mula sa pinakamalayong isla mula sa pier.
“Andito na tayo,” anunsyo ng nagmamaneho ng bangka.
Tumayo na ‘ko sa aking kinatatayuan ng muling lumakas ang alon at nag-umpisa akong mawalan ng balanse sa aking pagkakatayo ng may isang pares ng kamay ang mabilis na huwak sa aking siko. Si Sabry.
“Maraming salamat.” Sagot ko sa kanya bago binawi ang aking siko.
Hinubad ko ang suot ‘kong sapatos at bumababa mula sa Bangka. Malamig ang tubig dagat, sabayan pa ng malakas na hangin na umiikot sa buong lugar kaya naman ay hindi na ‘ko nag-atubili at nagpunta na sa dalampasigan. Bago tumingin kay Sabry na buhat-buhat sa kanyang balikat ang dala kong maleta upang hindi ‘to mabasa ng tubig dagat.
“Maraming salamat, boss!” pasasalamat niya sa driver ng bangka.
Marahan din akong yumuko dito upang magbigay galang. Lumapit na sa akin si Sabry at saka ngumiti, “Tara, puntahan na natin ang bahay na tutuluyan mo.” Pag-aaya niya.
Tumango ako sa kanya at nag-umpisa na maglakad papunta sa bahay na aking tinutuluyan. May kalayuan ang mga bahay mula sa dagat kaya naman ay naglakad pa kami ng mga limang minuto hanggang sa makapasok sa isang bakod.
“Sabry, siya na ba ang sinasabi ni Bin na bagong titira sa malaking bahay na ‘yon?” tanong ng isang may katandaan ng lalaki.
“Oho, siya nga po.” Sagot niya dito bago tumingin sa akin at ngumiti din.
Tumingin ako sa matanda at maliit na ngumiti dito saka bumalik sa madalas na ekspresyon nang aking mukhang. May ibang mga kumakaway sa aming mga pwesto na lahat ay nakangiti at kinikilig. Kaya naman ay napatingin ako kay Sabry.
‘Hindi na nakakapagtaka na kilala ang lalaki na ‘to dito sa isla.’ Isip-isip ko bago tumingin sa isang malaking bahay na may kalayuan sa aming pwesto.
“Tara na, gusto ko na magpahinga.” Pag-aaya ko sa kanya.
Wala akong oras na makipag-ngitian sa lahat ng mga tao na andito. Kaya lang naman ako nagpunta dito ay para mapag-isa at hindi makipagkaibigan sa lahat ng andito. Besides, I hate how the those girls stare at me. Akala naman nila ay aagawin ko ang iniidolo nila.
“Mauna na po kami,” paalam ni Sabry sa kanyang kausap.
Dahil sunod-sunod na ang mga bahay na aming madadaanan ay iba din ang tingin ng mga tao. May iba na nakangiti, may iba na nagbubulungan, at may iba naman na walang pakealam sa aking pagdating. Mas mabuti na din ang panghuli, wala din naman akong pakealam.
“Ms. Destiny, andito na po tayo.” Ani ni Sabry bago binuksan ang pinto.
Tumango ako sa kanya bago kinuha ang maleta ko na kanyang bibit. “Hindi mo na ‘ko kailangan ihatid hanggang sa loob, kaya ko na ang sarili ko.” Ani ko.
“Okay, basta kung may kailangan ka o magpapasama ka ay andyan lang ako,” sabay turo sa harap ng kinatitirikan ng tutuluyan ko, “Doon lang ang bahay ko, at kung wala naman ako dyan ay nasa dalampasigan lang ako.”
Tumango lamang ako sa kanya bago tumalikod na sa kanya. Nanang pihitin ko ang doorknob ng pinto ay muli akong tumingin sa kanya, nakatalikod na siya sa akin at nag-uumpisa na din maglakad papalyo sa aking pwesto nang tawagin ko ang kanyang pangalan. “Sabry!” tawag ko.
Napahinto naman siya agad at saka lumingon sa akin. “Ano ‘yon?” nakangiti niyang tanong.
“Salamat.” Pasasalamat ko sa kanya bago maliit na ngumiti.
Agad na akong pumasok sa loob ng bahay at ibinagsak ang aking sarili sa sofa. Malinis ang buong bahay, hindi na ‘yon nakakapagtaka dahil pinahanda na ‘to ni Kaith bago pa man ako makaratin pero ang nakaagaw ng aking pansin ay ang mga pagkain sa mesa.
Napatingin ako sa bukas na bintana at tumama ang aking paniingin sa binatang si Sabry. May kausap ‘tong babae na malaki ang ngiti sa kanyang mga labi, mukhang masayang-masaya ang dalawa sa kanilang pinag-uusapan, at bago pa maghiwalay ang dalawa ay ginulo muna ni Sabry ang buhok ng babaeng kausap.
Napaiwas na lamang ako at napailing. Kanina ay maganda din ang ngiti niya sa mga babae na kumakaway sa kanya kanina, ngayon naman ay may panibagong babae na naman siyang in-iintertain. Mga lalaki nga naman talaga, hanggang sa may malalandi ay lalandiin nila.
Habang sumusubo ay nanatili lamang akong nakatingin sa kanilang dalawa at inaabangan ang kanilang susunod na gagawin. Nang biglang lumingon sa aking pwesto si Sabry, nagtama ang aming paningin dalawa at agad na mas lumawak ang kanyang ngiti.
“ug—“ agad kong kinuha ang tubig sa aking tabi at ininom.
Patuloy ako sa aking pag-ubo hanggang sa makaramdam ako ng pagkaginhawa. Nang muli akong mapatingin sa kanilang pwesto ay bakas ang pag-aalala sa mukha ni Sabry at ang babae naman na kanyang kausap ay nakataas ang kilay na nakatingin sa aking pwesto.
Napairap na lamang ako at tumayo na sa aking pwesto. Iniligpit ko ang aking pinagkainan at saka muling bumalik sa salas upang ayusin ang mga gamit ko. Nang makarating ako sa nag-iisang kwarto ay wala ‘tong ibang laman maliban nalamang sa malaking cabinet na nakakabit sa dibdib, malaking kama sa gitna at ang isang study desk kung saan kitang-kita ang asul na asul na karagatan.
Nang matapos ko na ayusin ang lahat ay inilapag ko ang aking laptop sa lamesa bago tumingin sa karagatan. At nag-umpisang magtipa ng mga kataga ngunit agad ko din ‘tong binura.
“Bakit ba kasi romance pa ang kailangan kong isulat?” tanong ko sa aking sarili bago nahiga sa kama.
Habang nakatingin sa kisame ay tila nakikita ko ang mukha ni Sabry. Ang kanyang pangangatawan at itsura ay mahahalin tulad sa isang character sa libro, para ‘tong perpekto sa paningin ng lahat pero para sa akin?
Hindi ko alam. Nang una ko siyang makita ay masasabi kong malakas talaga ang kanyang appeal, hindi nga kapani-paniwala na isa lamang siyang simpleng mamayan sa maliit na isla na ‘to dahil mas nagmumukha siyang anak mayaman sa kanyang kutis, hubog at itsura.
Tumayo ako sa aking pwesto, kinuha ang isang bondpaper at ballpen. Isa-isa kong isinulat ang kanyang katangian, itsura pati na din ang pangangatawan.
“Pasensya ka na, Sabry. Ikaw ang gagawin kong inspirasyon sa gagawin kong libro.” Ani ko sa aking sarili bago muling ibinalik ang mga papel sa isang cabinet.