ELLYSE MARIE ROMANO
“May dalawang bagay na dapat mong palaging tandaan habang nandito ka sa mundo. Una, huwag kang mag-promise kapag sobrang saya mo at pangalawa, huwag kang magpataw nang desisyon kapag sobrang lungkot mo na.”
Napahugot ako ng hininga nang mabasa ko ang kasabihan sa newsfeed ng social media ko. Sana, nu’ng mga panahong tinawagan ko si Mommy Ji at pumayag sa kagustuhan niya, nabasa ko ang quote na ‘to. Grabe! Ba’t nga ba ako napapayag?
Ahhh! Dahil ito sa manlolokong Dominic na ‘yan! Kung hindi lang niya ako niloko at sinaktan, hindi sana ako naging padalos-dalos sa naging desisiyon ko na pumayag na sa alok ni Mommy Ji.
Ewan ko ba kung bakit parang biglang naging blangko na ang utak ko nun at wala na lang ibang naisip kundi ang mga sinabi sa akin ni Mommy Ji. Siguro kaya iyon ang nasa isip ko ay dahil bukod sa sagot na iyon sa problema ko sa pera, maybe baka matulungan rin ako ng future husband ko na makalimutan si Dominic? Para makatakas ako sa sakit at may maging hingahan ako. Hay ewan! Hindi ko talaga alam. Talagang na-blangko na talaga ang utak ko at hindi na nakapag-isip ng tama dahil sa sakit na nararamdaman ko nang malaman kong niloloko lang pala ako ni Dominic.
Bakit hindi ba mawala-wala sa mundong ginagalawan natin ang mga taong manloloko? May manloloko na nga pagdating sa pera, may manloloko pa sa pag-ibig. Hindi ba pwedeng sa pera na lang may mga manloloko at exempted na ang pag-ibig? Mas masakit kasi kapag puso ang nasaktan kaysa sa mabutas ang bulsa dahil sa naloko ng dahil sa pera.
Hay! Gustuhin ko mang umatras ngayon, hindi ko na magawa. Nakakahiya kung aatras pa ako sa pagpayag ko sa kagustuhan ni Mommy Ji na pagpapakasal sa anak niya. Siguro, ito na rin talaga ang kapalaran ko, ang maikasal sa isang lalaking never ko pang nakilala. Siguro nga hiniling ni Mama kay Lord na matupad ang hiling nila ni Mommy Ji, ‘no? Ang lakas naman yata niya kay Lord. Kunsabagay, ang bait kaya ni mama kaya malakas siya kay Lord.
“‘Yan, Beshie! Ang ganda mo na kahit simple lang ang nilagay kong muk-up sa mukha mo!” nangingiting pagpuri sa akin ni Alona. Siya ang nag-aayos sa akin ngayon dahil may pupuntahan akong isang mahalagang meeting. Ito ay ang meeting ko with my future husband. Ngayong araw na iyon mangyayari. Kinakabahan nga ako.
“Siyempre ikaw ang nag-ayos kaya dapat lang na sabihan mo akong maganda,” nangingiting sambit ko. Itinatago ko sa ngiti ko ang kaba na nararamdaman ko.
Tinawanan naman ako ng kaibigan ko.
Nandito kami ngayon sa apartment namin ni Alona. Hindi naman ganun kalaki ang apartment na tinitirhan namin pero kasya naman kaming dalawa. Hindi naman kami mga dambuhalang tao para umupa pa ng malaking bahay. Hindi rin kumpleto sa gamit ang bahay, mga basic appliances gaya ng tv, refrigerator, washing machine, kalan, sofa, kama at iba pa ang makikita rito. Wala kaming mga mamahaling appliances dahil malakas iyon sa kuryente.
“Saka dapat lang naman na maganda ako. Kung sa makapal na muk-up nga, kinakati na ang mukha ko,” sabi ko pa. Ang tintukoy ko ay ang make-up ko na inilagay niya sa aking mukha. Ayaw na ayaw ko kasi na nagme-make-up or hindi kaya ay kung ano-anong kolorete ang nilalagay sa mukha. Mas prefer ko pa ang magpulbos na lang sa mukha kaysa maglagay ng kung ano-anong kolorete dahil alam ko naman na maganda pa rin ako kahit simple lang at walang make-up.
“Tange! Kahit naman wala kang make-up, maganda ka pa rin. Kailangan nga lang natin lagyan ng make-up kahit papaano ang mukha mo para ma-impress ang lalaking papakasalan mo once na makita ang beauty mo,” aniya ni Alona. Feeling nito, siya ang fairy-god mother ko na mag-ma-magic para maging maganda ako.
Napataas ang kanang kilay ko. “Kailangan talaga na ma-impress ko siya? Hindi naman ako magpapakasal sa kanya para pa-impresin siya. Magpapakasal ako sa kanya dahil ‘yun ang kagustuhan ng mama ko at ng mommy niya at dahil na rin sa pera,” diretsahang saad ko. Wala namang ibang dahilan kundi ‘yun kaya bakit pa ako magpapaka-impokrita, ‘di ba?
“Kahit na. Malay mo, gwapo ang mapapangasawa mo so dapat lang na lumevel ang beauty mo sa kagwapuhan niya,” litanya ni Alona saka ngumuso pa ang ibabang labi. “Ito at tumingin ka sa salamin,” pakiusap pa niya at hinarap ako sa isang body mirror.
Tama nga si Alona. ang ganda ng babaeng nakikita ngayon ng aking mga mata sa salamin. Hindi ko nga nakilala ang sarili ko. Although may kanipisan ang make-up ko, lumabas pa rin ang aking beauty. Dagdagan pa na nakasuot ako ngayon ng white floral dress at three-inch high heels na malimit ko lang naman suotin. Hindi kasi ako sanay sa mga ganitong kasuotan. Puro jeans, shirt at rubber shoes ang lagi kong suot at kuntento na ako sa ganun. Nagsuot lang ako nito dahil bukod sa ito ang gustong ipasuot sa akin ni Alona, ayoko namang maging busabos na haharap kay Mommy Ji at sa anak niya na magiging asawa ko.
Hay! Thanks to ukay-ukay at may ganitong magagandang damit na makikita doon. Mura na, maganda pa compare sa mga nabibili sa mall na ang mahal na nga, hindi pa minsan maganda. Ang lamang lang naman ng mall sa ukay-ukay ay ang mall, may aircon at mga bago ang damit pero kung ikukumpara ko silang dalawa, mas gusto ko pang mamili ng damit sa ukay-ukay.
Napatingin ako sa orasan na nasa wall. May gosh! It’s eleven am na pala! Male-late ako nito sa usapan namin! Twelve-thirty pm kasi ang usapan namin nila Mommy Ji na magkikita kami sa isang mamahaling restaurant daw na matatagpuan sa pinakamalaking mall. Kailangan umalis rin ako ng bahay ng maaga dahil siguradong trapik sa daan.
“Oh? Mukhang nag-aalala ang mukha mo diyan? May problema?” nagtatakang tanong sa akin ni Alona nang mapansin niya ang mukha ko.
“Mukha kasing male-late ako sa usapan namin nila Mmmoy Ji,” sagot ko saka sumimangot. Oo nga pala, kaya Mommy Ji ang tawag ko sa kanya ay dahil ‘yun ang sinabi niyang itawag ko sa kanya.
“Edi umalis ka na! Go! Go! Go! Meet your future love!” pasigaw na pantataboy niya sa akin na ikinapanindig ng balahibo ko. Future love talaga? Hay! Wala pa nga sa isip ko ngayon ang ma-inlove ulit, eh. Matapos akong lokohin ni Dominic sa tingin niyo ba ay may gana pa akong magmahal ulit? Hay!
“Teka nga lang! Kung makatulak ka naman sa akin!” singhal ko kay Alona.
“Bilisan mo kasi!” singhal niya rin sa akin.
Halos itulak ako ni Alona palabas ng bahay. Baka nga daw malate ako. Kinuha ko ang isang maliit na hand bag na nabili rin namin sa ukay. Lalagyan ko iyon ng pera at props na rin siguro dahil partner iyon sa suot ko. At iyong nga, lumabas na ako ng bahay dahil na rin sa itinutulak na ako palabas ni Alona.
---
“Hay! Bakit ang hirap ngayon humanap ng masasakyan? Wala bang buma-byaheng jeep ngayon?” pabulong na reklamo ko. Kanina pa ako naghihintay ng jeep na aking sasakyan. Ang hirap talaga kapag commuter ka lang at walang sariling sasakyan. Kailangan ko tuloy habaan ang pasensya ko dahil bukod sa pahirapan na nga ang pagsakay, susuungin ko pa ang matinding trapik sa daan. Hay kainis!
Speaking of jeep, gusto niyo bang makarinig ng isang love story? Kung oo, hayaan niyong i-kwento ko sa inyo.
Naniniwala ba kayo na sa pagsakay lamang sa jeepney, may matatagpuan ka ng pag-ibig? Kung hindi, ako ang magpapatunay na totoo ‘yun. Dahil sa pagsakay sa jeepney, doon nagsimula ang love story namin ni Dominic.
Hindi ko nga akalain na sa pagsakay ko lamang noon sa jeep, doon ko matatagpuan ang aking unang pag-ibig. Doon ko makikita ang lalaking una kong minahal at kasama sa pagbuo ko ng mga pangarap.
Naniniwala ba kayo sa love at first sight? Kung hindi pa rin, ako ang magpapatunay na totoong nangyayari iyon dahil ako mismo, naranasan iyon.
Hindi ko nga alam kung bakit nangyari iyon. Dati din naman hindi ako naniniwala sa love at first sight na ‘yan dahil ano ‘yun, unang kita mo pa lang sa isang tao, inlove ka kaagad? Unang sulyap mo pa lang sa kanya, nahulog ka na kaagad? Parang ang babaw ng ganun, ‘di ba? Pero ‘yun ang naramdaman ko nang makita ko si Dominic na katapat ko noon sa upuang inuupuan ko sa loob ng jeep at isa rin siya sa mga pasahero.
Alam niyo ba na para pa ngang nagtwinkle-twinkle little star ang mga mata ko noon ng una ko siyang makita at siya naman ay tila ilaw na nagliliwanag sa gitna ng gabi? ‘Yung tipong siya na ang pinaka-gwapong nilalang na nakita ko sa mundong ibabaw? Grabe! Kasabay pa ng pagtwinkle-twinkle little star ng mga mata ko noon ang pagkabog ng puso ko na parang dini-drible na bola ng basketball. Hindi ko talaga akalain na ganun lang pala kadaling ma-inlove sa isang tao. Para lang nahulog sa hagdanan at tuloy-tuloy na pumlakda sa sahig. Ganun na ganun kabilis.
Pasulyap-sulyap at minsang tinginan at nginitian. Ganun ko maisasalarawan ang naging unang pagkikita namin ni Dominic. Para ngang walang ibang pasahero noon na nakasakay sa jeep na sinasakyan namin at feeling ko, kami lang ni Dominic ang nandoon. Tingin ko rin naman noon kay Dominic ay parang gusto rin naman niya ako. Ewan. Minsan kasi mahirap sa mga lalaki na makita kung ano talaga ang gusto nila, ‘di ba? Para silang invisible na mahirap makita ang kilos.
Sinasabi nila na hindi naman daw ganun ka-gwapo si Dominic. Tama naman sila. Hindi ganun ka-gwapo si Dominic. Average lang ang kagwapuhan niya. Pero napakatikas ng katawan niya dahil isa itong instructor at nagtuturo ito ng iba’t-ibang klase ng martial arts. Kaya nga naturuan niya ako noong kami pa at nagamit ko ang itinuro niya sa isang lalaking maldito na nakaaway ko sa Dangwa kamakailan lang. At isa pa, pilipinong-pilipino ang itsura niya. May pagkayumaggi ang kanyang balat at makinis naman siya at mabango.
Ewan ko ba pero kahit hindi naman siya ganun kagwapo, nabihag niya ang puso ko. Pakiramdam ko nga, ginapos niya ang puso ko at hindi niya nun hinayaang makawala. Hindi ko lang alam kung nandoon ba si Kupido ng mga panahon na ‘yun at pinana niya ang puso ko at ganun rin si Dominic. Hindi man kasi gwapo si Dominic, may iba kasi sa kanya, ang lakas ng karisma niya. Hindi na nga rin siya naalis noon sa isip ko at katulad ng ibang babaeng may crush, bumubuo rin ako ng mga pangarap na kasama siya kahit sa imaginations ko lang.
Akala ko hindi na kami noon magkikita ni Dominic, na iyon na ang huli naming pagkikita. Pero sadya yatang gumagawa ng paraan si Kupido o si tadhana o kung sino pa man para magkita kaming muli. Isang araw, muli ko siyang nasilayan nang bumili siya ng bulaklak sa aming flower shop ni Alona. Grabe! Halos mataranta ang beauty ko sa kanya ng dahil sa presensya niya. ‘Yung tipong takot ako na magkamali sa harapan niya. Ingat na ingat ako sa kilos ko dahil ayokong mapahiya sa kanya. Para ngang ang landi ko ng mga panahon na iyon dahil seventeen pa lang ako noon soon to be eighteen. Pero malandi man ako sa paningin ng iba ng mga panahon na iyon ay wala na akong pakiealam. Hindi ko maiiwasan iyon saka tao lang ako, dalagang babae. Nandun kasi si Dominic na itinuring ko ng my one true love.
Naging madalas ang pagpunta niya sa flower shop namin ni Alona. Nakakahalata man si Alona dahil halos araw-araw nandun si Dominic at kung ano-ano ang nagiging dahilan para lamang makabili ng bulaklak, hindi siya nagsalita. Hindi ko nga ba alam kung ang bulaklak ko nga ba ang pinupuntahan niya sa flower shop ko o ako mismo. Napaka-assumera ko ng mga panahon na iyon.
Doon kami nagkapalagayan ng loob ni Dominic and the rest was history. Sa mga panahon na iyon nabuo ang aming love story na akala ko’y forever na. ‘Yun ay hindi pala. Isang malaking ilusyon lang ang salitang forver! Hay! Sabi nga ng iba, sa pag-ibig hindi daw laging happy ending, minsan sad ending. Magkagayunman, huwag itapon ang buhay dahil sa naging failed ang relationship mo sa taong mahal mo bagkus gawin itong aral sa sarili mo na maaari mong magamit at baunin kung sakali mang iibig muli. Habang-buhay, may pag-ibig.
Hay! Tama na nga ang pag-reminisce ko sa love story namin ni Dominic! Wala na rin namang kwenta iyon dahil tapos na kami. Hindi na dapat alalahanin pa. Bitter ba? Hindi ko maiwasan, eh. Masakit pa rin kasi sa puso ko ang mga ginawa niya. Bwisit pa rin ako sa kanya!
Nag-wave ako ng kamay dahil may dadaan na jeep. Sa wakas, makakasakay na rin ako. Talagang tinapos pa ang pag-remininsce ko sa love story namin ni Dominic bago niya ako pasakayin ng jeep! Hanep!
---
“Mom, matagal pa ba ang babaeng iyon? fifteen minutes late na siya!” naiirita na saad ni Yuri sa kanyang Mommy Ji. Halata na sa kanyang nakabusangot na mukha ang pagkainip.
“Anak, fifteen minutes late pa lang siya kaya huwag ka ngang magreklamo. Saka huwag mo ngang tawaging babae lang ang magiging future wife mo,” kalmadong sambit ni Mommy Ji saka ngumiti.
Kasalukuyan silang nasa loob ng isang five star restaurant at nakaupo sa pang-apatang mesa. Magkaharap na nakaupo ang mag-ina.
“So tayo pa dapat ang mag-adjust para sa kanya?” naiinis pa rin na litanya ni Yuri. Ang gwapo nito sa suot na suit pero natatakpan ang kagwapuhan nito dahil sa pagsimangot.
“Malay mo na-traffic lang siya. Sabi naman niya sa text malapit na raw siya. Huwag ka ngang mainip. Halatang excited na excited kang ma-meet ang future wife mo,” nangingiting sambit ni Mommy Ji. Hindi nila kasama si Daddy Erick dahil may business trip.
“Mom! Nagpapatawa ka ba? Anong excited. Naiinis na nga ako dito. Ang ayoko sa lahat ay pinaghihintay ako lalo na ng walang kwentang tao,” naaalibadbaran na wika ni Yuri. Nag-dekwatro pa ito ng paa at nakakunot pa ang noo.
“Parating na rin siya anak kaya huwag ka nang mainip diyan,” aniya ni Mommy Ji. Mabuti na lang at mahaba ang pasensya ni Mommy Ji.
“Wala ba siyang sariling sasakyan, ha?” pagtatanong ni Yuri.
Umiling-iling si Mommy Ji. “Wala pa. Siguro ibibili ko siya soon,” saad niya. Iniisip na nga rin nito na oras na makasal sila Yuri at Ellyse, bibigyan niya ito ng sasakyan para hindi na ito mahirapan pa sa pag-cocommute.
Napairap si Yuri. “Hay! Ang tagal ng babaeng ‘yun!” reklamo na naman niya at bigla na lamang itong tumayo sa kinauupuan.
“Where are you going?” tanong ni Mommy Ji na nagulat sa biglaang pagtayo ni Yuri.
Tiningnan ni Yuri ang mommy niya. “Sa restroom,” walang kagana-gana na sagot ni Yuri at nagsimula na itong maglakad para tumungo ng restroom.
Napabuntong-hininga na lamang ng malalim si Mommy Ji na nakasunod ang tingin sa anak.
“Napakainipin talaga niya,” mahinang usal niya.
---
“Hay sa wakas nakarating din!” may kalakasang wika ko pagkababa ko ng jeep. Grabe ang trapik! Sobra!
Nasa tapat na ako ng isang five star restaurant. Ito ang ibinigay sa akin na lugar ni Mommy Ji kung saan kami magkikita. Grabe! Sa labas pa lang ng restaurant na ito ay may class na. Napatingin tuloy ako sa suot ko. Parang hindi ako bagay na pumasok sa mamahaling restaurant na ‘yan. Umatras na lang kaya ako at huwag nang pumasok? Ehhh, nakakahiya kay Mommy Ji kapag umatras ako. Alam ko na ngang late ako tapos iindyanin ko pa sila. Saka parang ang sama ko naman kung gagawin ko iyon, ‘di ba?
Napahinga na lang ako ng malalim. This is it! It’s now or never!
Tinungo ko na ang pintuan ng restaurant na gawa sa glass. Huminga muli ako ng malalim bago ko tuluyang pumasok. Nagsimula na rin ang kaba sa dibdib ko.
Bumungad sa aking paningin kung gaano kaganda at elegante ang loob ng restaurant. Grabe! Mahihiya ka talagang pumasok rito kung alam mong mahirap ka lang. Pati ang mga tao sa paligid at kumakain, halatang may sinabi sa buhay. Napakamot tuloy ako sa aking ulo. Parang bigla akong nakaramdam ng kahihiyan dahil alam ko naman sa sarili ko na wala akong sinabi sa buhay. Hay! Bakit ba biglang bumaba ang tingin ko sa sarili ko? Ganun ba talaga ang mararamdaman kapag nakapasok sa mamahaling lugar?
“Ellyse!” Narinig kong boses babae na tumawag sa aking magandang pangalan.
Kumunot ang noo ko saka lumingon-lingon ako. Nahagip ng aking mga mata si Mommy Ji na as usual, nakangiti nang matamis sa akin. Ang ganda talaga niya. Teka nga, bakit walang kasama si Mommy Ji? Siya lang ba mag-isa? Hala!
Ngumiti na lamang din ako saka lumapit kay Mommy Ji na tumayo sa kinauupuan nito. Pagkalapit ko ay bineso niya ako.
“Mabuti naman at nakarating ka,” natutuwang sabi niya sa akin.
Nag-aalangang ngumiti ako. “Sorry nga po at na-late ako ng dating. Ang traffic po kasi,” nahihiyang paghingi ko ng paumanhin kay Mommy Ji.
“It’s okay. Halika at maupo muna tayo. Hintayin lang natin si Yuri. Nasa restroom pa kasi.”
Tumango na lang ako bilang sagot. Naupo nga kaming dalawa. Kwentuhan ang nangyari habang hinihintay namin si Yuri daw, pangalan ng anak ni Mommy Ji at ang lalaking papakasalan ko. Kung ano-anong random questions lang naman ang itinanong niya sa akin.
Masayang kausap si Mommy Ji. Parang ka-edad ko nga lang ang kausap ko dahil halos alam niya rin ang mga latest trend ngayon. Siguro palabasa rin siya kaya marami siyang alam.
“Mom! Nandyan-” Boses ng lalaki ang narinig namin at bigla na lang itong napahinto sa pagsasalita.
Dahan-dahan akong lumingon ako only to find out na…
“Ikaw?!!!” Magkasabay naming sigaw ng lalaking ito. Wala na akong pakiealam kung agaw-eksena kami sa loob ng resto.
Nanlalaki ang mga mata ko na nakatingin sa lalaking ito. Ganun rin naman siya, nanlalaki rin ang mga mata niya na nakatingin sa akin. Grabe! Grabe! Gulat na gulat ako. Hindi ko talaga akalain na magkikita kaming muli ng hambog at malditong lalaking ito.
Huminto ba ang pag-ikot ng mundo? Iyon kasi ang pakiramdam ko habang nakatitig sa lalaking ito. Hindi talaga ako makapaniwala na muli ko siyang makikita.
“Magkakilala na ba kayo ha, Yuri?” nagtatakang tanong ni Mommy Ji sa aming dalawa ng lalaking ito na nakatayo pa rin at nanlalaki ang mga mata.
“Hindi!!!” Magkasabay ulit naming sigaw ng lalaking ito. Napapatingin na nga ang halos lahat ng tao na naroon rin sa loob ng restaurant na iyon.
Nagsalubong ang kilay ni Mommy Ji.
“Hindi ba talaga kayo magkakilala? Sa reaksyon ninyo ngayon, mukhang nagkita na kayo dati pa,” nanunuring saad ni Mommy Ji na may pagtataka.
“Hindi ko siya kilala Mom,” matigas na wika nitong lalaking ito at tiningnan pa talaga ako ng masama bago umupo sa upuan na katabi ng sa mommy niya. Wait a minute kapeng mainit, mommy? Yuri? So ibig sabihin…
“Ellyse, I want you to meet my son, Yuri. He is your future husband,” pagpapakilala ni Mommy Ji sa lalaking hambog na ito.
What?!!! Weh? Di nga? Siya talaga? !#@%^$&%&*^*&^%#$(! Lahat na yata ng klase ng mura ay binanggit ko sa utak ko. Hindi ako makapaniwala! Siya talaga? Siya talaga ang magiging asawa ko? Papatayin na ba ako?
Nakangiti lang si Mommy Ji. Ewan ko ba kung may nahahalata na siya sa mga ikinikilos namin ni Yuri. Kung alam lang niya ang nangyari sa una naming pagkikita ni Yuri, baka hindi niya ma-take sa sobrang intense.
“And Yuri, she’s Ellyse, your future wife,” pagpapakilala naman sa akin sa anak niya. “Ang ganda niya, ‘di ba?” tanong pa niya.
Tumaas ang kanang kilay ni Yuri at umismid pa. Normal na siya hindi kagaya kanina na gulat na gulat. Feeling ko talaga, bading ang lalaking ito. Makataas ng kilay, abot hanggang kisame at dinaig pa ako.
“Sigurado ba kayo na siya nag magiging asawa ko?” walang kagana-gana na tanong ni Yuri. Tiningnan pa niya ako mula ulo hanggang paa. Nag-smirk pa siya nang ibalik ang tingin niya sa mukha ko saka humalukipkip. “Flat-chested, walang kurba, hindi rin kagandahan at higit sa lahat… walang breeding,” napapailing na sambit pa niya. Ano? Ako? Flat-chested? Walang kurba? Hindi maganda? Walang breeding? Napatingin tuloy ako sa dibdib ko. Flat-chested daw? Hindi naman. Hindi daw ako maganda? Hindi rin daw ako sexy? Pucha! Bulag yata ang lalaking ito at puro kabaligtaran ang sinabi sa aking pang-iinsulto!
“Yuri!” pasigaw na singhal ni Mommy Ji. Babae ito kaya alam niya na insulto sa aming mga babae ang mga sinabi ng anak niya sa akin.
“I’m just stating a fact,” matigas na saad ni Yuri habang nakatitig sa akin. Tinaliman ko ang tingin sa kanya.
“Ang bastos mo alam mo ba yon?” matigas na tanong ko sa kanya. Nagsisimula na namang uminit ang ulo ko dahil sa lalaking ito na wala na yatang gagawin sa buhay ko kundi pakuluin ng todo ang dugo ko lalo na at ngayon ay magiging asawa ko pa siya. May gosh! May ginawa ba ako sa past-life ko para ibigay siya at maging bahagi ng buhay ko?
“So what?” ngumingising tanong niya at talagang pinapakulo ang dugo ko.
Pinipigilan kong magalit. Ayokong gumawa ng eksena dahil bukod sa nakakahiya sa mga taong nandito, nakakahiya kay Mommy Ji. Hindi ako pinalaking eskandalosa ni mama. Kung kailangan na kailangan lang talaga mag-eskandalo ako, gagawin ko gaya na lang ng ginawa ko sa lalaking ito sa Dangwa. Kung makatingin sa akin akala mo ako na ang pinaka-walang kwentang babaeng nakita niya.
Pero infairnes, mas gumwapo siya ngayon kaysa noong una ko siyang makita.
Erase! Erase! Ano bang pinag-iisip mo diyan Ellyse, hambog at maldito ang lalaking iyan at hindi gwapo kaya bakit mo pinupuri? Nababaliw ka na ba?
“Yuri,” kalmadong pagsaway pa ni Mommy Ji sa anak niya.
Tumingin si Yuri sa kanyang ina. Naka-dekwatro pa ang mga paa nito habang nakaupo. Bagay na bagay talaga sa mga lalaking matatangkad ang mag-dekwatro ‘no?
“Sigurado po ba kayong papakasalan ko ang babaeng ‘yan?” tanong ni Yuri. Hindi ito tumitingin sa akin.
“Yes, Yuri. Siya ang babaeng nakatakda mong pakasalan. Siya ang anak ng aking best friend na si Elisa. Alam mo ba na kamukhang-kamukha niya ang kanyang ina na maganda rin?” aniya ni Mommy Ji. Na-flatter naman ako sa sinabi niya. Mabuti pa si Mommy Ji, hindi bulag hindi katulad ng lalaking ito na nasa harapan ko. Bwisit na lalaki!
“Paano kung ayokong pakasalan siya?” pagtatanong ni Yuri. Edi kung ayaw mo akong pakasalan, edi huwag! Akala naman nito, gusto ko siyang pakasalan at makasama habang-buhay! Bwisit na lalaking ito! Akala mo kung sino! Sigurado ako na kahit ang baliw, hindi siya nanaisin makasama habang-buhay.
“Alam mo na kung anong mangyayari, ‘di ba?” balik-tanong ni Mommy Ji at nagtaas-baba pa ang kilay nito. Mukhang may usapan yata ang mag-ina na ito, ah. Tumingin naman sa akin ang malditong Yuri na ito. Masamang tingin. Parang gusto niya akong isako at itapon sa dagat.
“Mom, ayoko talagang pakasalan ang babaeng ‘yan na nanggaling sa yata sa gubat,” wika ni Yuri. Again, kumulo na naman ang dugo ko.
“Ako? Galing sa gubat?” Hindi ko napigilang sumabat. Tiningnan ko rin siya ng masama.
“Oo, galing ka sa gubat. Isa ka kasing amazona,” aniya sabay smirked. Kung sa ibang pagkakataon sana, na-cutan ako sa pag-smirked ng lalaking ito. Pero hindi. Kaaway ko sya at hindi siya cute. Oo! Hindi talaga siya cute. Period! No erase!
“Hoy Mister! First of all, hindi ako amazona at hindi rin ako galing sa gubat. Laking syudad kaya ako!” singhal ko kay Yuri. Gusto ko ngang sabihin na hindi naman lalabas ang pagka-amazona ko kung hindi lang rin dahil sa kahambugan niya.
“Wala akong pakiealam kung sa ibang planeta ka pa galing,” ngumingising saad ni Yuri.
“Tumigil nga kayong dalawa. Magiging mag-asawa kayo tapos una niyo pa lang pagkikita, para na kayong aso’t-pusa,” pagsaway sa amin ni Mommy Ji.
“Edi huwag niyo na kaming ipakasal sa isa’t-isa. Baka magkalmutan at magkagatan lang kami kapag nagsama na kaming dalawa,” pagpaparinig ni Yuri. “Ayaw niyo naman sigurong gumastos ng malaki sa ospital, ‘di ba?” tanong pa niya.
“Kayang-kaya kong gastusan ang pagpapa-ospital niyong dalawa basta makasal lang kayo,” wika ni mommy Ji. Gusto kong matawa sa sinabi niya pero pinigilan ko ang sarili ko.
Umismid na lang si Yuri. Napairap naman ako.
“Whether you like it or not, ikakasal kayo. Tapos. Handa na nga ang lahat, mula sa simbahan, reception pati ang honeymoon-”
“Mom! Anong handa na ang lahat na pinagsasasabi mo?” gulat na gulat tanong ni Yuri sa kanyang mommy. Pati ako nagulat. Handa na ang lahat? Grabe naman!
Ngumiti nang matamis si Mommy Ji.
“Yes, My dear! Handa na ang lahat. Kayong dalawa na nga lang ang kulang kaya as soon as possible, magaganap na ang pinakamalaking wedding ng taon,” natutuwang sambit niya at lalong ngumiti. Halatang napakasaya nito sa mangayayaring kasalan. Ako? Nakangiwi lang.
Napailing-iling na lang si Yuri. “Iba ka talaga, Mom! Iba ka!” sarcastic na wika pa niya saka iniwas ang tingin. Nakasimangot ang mukha niya.
Gusto ko mang mag-back-out at huwag ng pakasalan si Yuri pero wala na akong magagawa pa para umatras. Nadito na ako. Kung nalaman ko nga lang ng maaga na ito palang lalaking ito ang pakakasalan ko, natural baka hindi na ako sumipot ngayon pa lang.
Kung magtago na lang kaya ako para hindi na nila ako makita? Haaay! Siguradong mahihirapan akong gawin iyon. Kainis naman! Bakit ba ako napunta sa ganitong sitwasyon?
Siguro, go with the flow na lang ang drama ko. Mukhang kaya ko rin naman ang kagaspangan ng ugali ng lalaking ito. Saka handa na rin daw ang lahat pati ang honeymoon… wait… honeymoon?!!!
May biglang sumagi na tanong sa isip ko. Isang tanong na alam kong kaiinisan ni Yuri.
“Uhm… may tanong lang po ako,” tanong ko kay Mommy Ji.
“Yes hija, ano iyon?” nakangiting tanong ni mommy Ji.
Ngumiti ako ng maliit. “Uhm, itatanong ko lang po kung kanino po sa inyong dalawa ng asawa ninyo nagmana si Yuri?” tanong ko. Nakita ko naman na napataas ng kilay si Yuri.
Natawa naman si Mommy Ji sa tanong ko. “Bakit mo naman ‘yan natanong.”
‘Kasi po… napakagaspang, napakahambog at napakamaldito ng ugali ng anak ninyo. Hindi naman po kayo ganun.’ ‘Yan sana ang gusto kong sabihin kay Mommy Ji.
Ngumiti ako ng pilit. “Uh… wala po. Naitanong ko lang po,” magalang na wika ko.
“Mukhang alam ko na kung bakit mo ‘yan naitanong,” nangingiting sabi ni Mommy Ji. Natawa pa ito ng matagal.
Si Yuri naman, parang hindi pa ma-gets kung bakit ko iyon naitanong sa Mommy niya? Slow? O hindi lang talaga niya alam na iba ang ugali niya sa mommy at daddy niya na pawang mababait na tao.
“Hay! You made me laugh, Ellyse. Anyway, kumain na muna tayo at pag-usapan ang mga iba pang details para sa kasal ninyong dalawa ng anak ko.”
Tumango-tango na lamang ako att iyon nga, kumain na kami at pinag-usapan ang iba pang detalye sa kasal. Sa kwento pa lang ni Mommy Ji, mukhang engrande ang magiging kasal namin ng lalaking ito na ngayon ay nakatitig ng matalim sa akin. Ginantihan ko rin siya ng masamang titig. Kung nakakahiwa lang ang titig, malamang, isa na kami sa mga karneng itinitinda sa palengke dahil tadtad na kaming dalawa.
Hay! Ngayon pa lang, hindi ko na ma-take pakisamahan ang lalaking ito! Paano pa kung kasal na kami at ganap ng mag-asawa?! Makakaya ko ba siyang samahan sa iisang bahay? Ano kayang mangyayari sa oras na magsama na kami?
Hay! Ano ba talaga itong napasok ko! Hay! Ano ba ‘yan, paulit-ulit na lang ako sa pag hay! May katapusan pa ba ang pag-hay ko?! Haaay!