FIRST TIME NI AIME NA umattend sa isang Thanks Giving Party kaya medyo naiilang pa siya sa paligid. Pero pagdating nila ni Danica sa venue ay kaagad na silang inintertain nila Samuel at Christine. Hindi naman gaanong nakakatakot ang place kahit pa kilala itong hunted mansion sa kanilang lugar. O dahil lang siguro sadyang masaya lang ang buong paligid dahil sa malalakas na tugtugin.
Maingay.
Magulo.
Ang lahat ay nagkakasiyahan.
Hindi rin naman pala ganoon kahirap pakisamahan ang grupo nila Samuel. Habang tumatagal ay nagagawa na rin ni Aimee na makisakay sa mga trip ng mga ito.
"Hey, Aimee! Gusto mong sumali sa laro? Truth or Dare lang naman!" aya ni Samuel.
"Sige ba!" nakangiting tumango siya. At saka siya nag-indian sit kasama ng grupo nito. At kasama rin si Danica.
Si Samuel ang unang nagpa-ikot ng bote. At huminto ang nguso ng bote mismo kay Aimee.
"Truth or Dare?" tanong sa kanya ni Samuel.
"Dare!" confident niyang tugon.
Saka naman nagreact ang ilang kasali sa laro.
"Straight mo nga itong inumin!" mapanghamon na nilapag ni Samuel ang isang bote ng beer sa gitna nila.
Nag-aalinlangan pang tumingin si Aimee kay Danica. Pero hindi rin nagtagal ay dinampot rin niya ang naturang bote. Nakita niya ang gulat sa mga mukha ng lahat nang sinimulan na niyang tunggain ito. At kahit first time niyang uminom ay hindi naman siya nagpatalo sa mga ito. Ayaw rin talaga niyang lumabas na killjoy sa harapan ng mga ito ganoong kitang-kita niyang nagkakasayahan ang lahat. Hindi na rin nakawala sa paningin niya ang pasulyap-sulyap sa kanya ni John. Parang binabantayan nito ang bawat kilos niya. At napapansin na rin niya ang paniningkit ng mga mata nito nang magawa niyang ubusin iyon.
"Cheers! Cheers!" paanyayang sabi ni Ike habang may hawak nitong isang bote ng beer.
"Cheers!" nagkakaisang tugon ng lahat, at kanya-kanyang taas ng inumin.
Hindi nagdadalawang-isip si Aimee na tunggain ulit ang alak sa tuwing natatapat sa kanya ang nguso ng bote, at hinahamon siyang ubusin ang laman ng beer. Kitang-kita niya ang tuwa sa mga mata ng lahat. Hindi siya tumatanggi, tinatanggap niya ang hamon kahit na pakiramdam niya ay lumulutang na siya sa alapaap. Habang lumilipas ang oras ay halos hindi na niya mabilang sa kanyang daliri kung nakailang bote na ba siya.
"Kaya mo pa ba?" nag-aalalang tanong ng isang babae.
Dahil sa nakakaramdam na si Aimee na pagkahilo ay hindi na niya maaninagan kung sino ba kina Christine o Danica ba ang nagtanong sa kanya. Basta ang alam niya, isa itong babae.
"Oo naman! Hen...de...pa...ako...la...seng!" pagdeny ni Aimee. At nagawa pa niyang pisilin ang mamula-mula nitong pisngi.
"Tara, sayaw tayo!" sabay hila nito sa kanya sa gitna ng dance floor.
Game naman si Aimee. Nakipagsayaw siya kasama ang ilan nilang schoolmate na inimbitahan nila Samuel para sa party na iyon. Nasa kalagitnaan siya ng pagsasayaw nang may kung sinong bumulong sa tenga niya.
"Hey, Aimee..." anang boses.
Dahil sa lakas ng musika sa buong paligid, hindi rin nabosesan ni Aimee kung isa ba itong babae o isang lalaki? Nagpalinga-linga siya sa paligid para hanapin kung sino ang bumulong sa kanya.
"...Do you want another challenge?" mapanghamon nitong sabi, "Kaya mo bang kalimutan si James ngayong gabi? At magpakasaya sa piling ng ibang lalaki?"
"Sino ka?" tanong ni Aimee sabay lingon. Pero sa dami ng tao na naroroon ay hindi niya malaman kung sino ba sa mga ito ang bumubulong sa kanya. Sinuyod ng kanyang paningin ang mga tao kahit na pakiramdam niya ay umiikot na ang buo paligid niya. Ilang saglit pa ay biglang lumitaw sa harapan niya si John, at mabilis siya nitong hinala pabalik.
"Tama na!" awat ni John, "Lasing ka na!"
"No-No-No!" nanghihina palag ni Aimee rito, "H-hinde...pa! Hinde pa a-ako...Hik! Laseng!"
"Cheers!" muling nagtaas ng bote si Madz.
"Cheers!" kumuha ulit si Aimee ng isang bote ng beer sabay ang pagtungga.
"Andami mo nang nainom!" Saway ulit ni John, at nagawa pa nitong kunin ang boteng hawak ng dalaga.
Dahil sa ginawa ng binata ay nagsimula namang maghiyawan ang mga kabarkada nito. Halos sinakop ng pangangantiyaw kay John ang buong paligid. Binansagan pa itong 'Killjoy'.
"Look," nagkakaduling-duling na ang mga mata ni Aimee nang harapin niya ang binata, "Hindi porquet anak ka ng amo ko, ikaw na ang masusunod. Wala tayo sa teritoryo n'yo, Mr. Ramos! At mas matanda pa rin ako sa'yo ng isang taon. Kaya ako ang dapat na sundin mo ngayon! O-Okay?"
Muling umugong ang hiyawan sa buong paligid. Halos malakas pa iyon kesa sa sound system. Hindi na rin nakawala sa paningin ni Aimee ang pamumula ng mukha ni John. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa mga sinabi niya, o dahil sa espiritu ng alak. At dahil sa pagiging over-protective ni John sa kanya, hindi tuloy niya maiwasan na makita ang imahen ni James sa pagmumukha nito kaya lalo lang siyang nakakaramdam ng pagkalungkot at pagkainis.
"Sayawan mo kaya, Aimee! Sayawan mo!" kantiyaw naman ni Christine, "Huwag kang magpapatalo sa kanya!"
"Sayaw, Aimee! Sayaw!" segunda na ni Madz sabay ang paglabas ng phone nito.
Malakas na talaga ang tama ng alak sa utak ni Aimee. Hindi niya akalain na ganoon pala ang pakiramdam ng mga taong nakakainom. Pakiramdam niya ay nag-iinit na ang buong katawan niya, at lumulutang na siya sa alapaap. Halos wala na rin siyang pakealam. Pakiramdam niya, kayang-kaya niyang gawin ang lahat ng mga sinasabi ng mga tao sa paligid niya.
“Sayaw, Aimee! Sayaw!” sigaw ng lahat.
Nagawang sayawan ni Aimee si John. Parang musika naman sa pandinig niya ang hiyawan ng mga taong naroroon. For the first time, ngayon lang siya naging center of attraction ng lahat. Nagawa niyang ilapit ang mukha niya sa mukha ni John. Naamoy pa niya ang espiritu ng alak sa bawat paghinga nito. Pakiramdam niya, may apoy sa loob ng katawan niya na gustong magliyab sa tuwing mararamdaman niya ang pagkiskis ng balat niya sa balat ng binata.
“Kaya mo bang kalimutan si James ngayong gabi? At magpakasaya sa piling ng ibang lalaki?” Tila umaalingawngaw sa isipan ni Aimee ang mga katagang iyon. At dahil sa init na rin ng kanyang nararamdaman, hindi na siya nagdalawang-isip pa na halikan si John sa harap ng mga barkada nito. Senyales na tinatanggap niya ang challenge ng kung sinumang taong humamon sa kanya kanina.
Muling na namang umugong ang hiyawan ng lahat.