That's the time na naging magkaibigan kami. Sobrang saya ko no'n, kaya maaga na palagi ako pumapasok sa school upang makasulyap at kung suswertehin ay makausap si Pat.
Hindi ako tumigil magbigay ng mga gawa kong tula sa kan'ya. Umaasang sa pamamagitan nito ay maging malapit kami sa isa't-isa.
"Hi, Pat! Sino pala ang kasabay mo pauwi?" Tanong ko sa kan'ya nang makita itong lumabas sa building nila.
"Oy Dos, ikaw pala! Wala nga e, sabay tayo?" Sagot n'ya.
"Ah sige, saan kaba umuuwi?"
Hindi ko inaasahan no'n na aayain niya ko sumabay sa kanya pag-uwi kaya naman bahagya akong nagulat.
"Dito lang banda sa Sta. Mesa," sagot nito sa'kin.
"Sakto lang, taga-doon lang din ako banda," ani ko.
Naglakad kami sa kahabaan ng Pureza. Nagpalitan ng mga kwento at karanasan sa buhay. Noon ko rin nalaman na may espesyal siya na karamdaman.
Hyperthymesia. In other words, Highly Superior Autobiographical Memory. In other words pa ulit, hindi nakakalimot ng mga detalye ng bawat pangyayari sa buhay niya, mga alaala. Meaning, lahat ng bagay at nangyari sa araw niya ay tandang-tanda niya.
Pati nga raw mga alaala no’ng bata pa siya ay malinaw pa rin sa kanya hanggang ngayon, lalo na no’ng batang-bata pa ang edad. Kung normal na tao lang at walang Hyperthymesia ay baka wala ka nang ibang matandaan sa gano’n kundi ‘yong pag-iyak mo lang kapag hindi nabibilhan ng laruan.
“Kaya pala ang galing mo rin sa mga quiz natin na puro memorization,” natatawang sabi ko.
Nagulat din ako kasi nagkukuwentuhan kami kanina patungkol sa first day ng school kung kailan kami unang nagkakilala, tandang-tanda niya pa bawat detalye no’ng araw na ‘yon.
“Akala ko nga matandain ka lang,” dugtong ko pa.
“Minsan positive naman ang epekto sa buhay ko pero madalas talaga ay hindi. Lalo na kapag ‘yung memories na negative, ‘yung mga nakakahiya, lalo na ‘yon! Paulit-ulit talaga sa isip ko, kaya nahihirapan ako minsan mag-focus sa isang bagay.” Paliwanag niya pa. “Mas madalas ko pa naman maalala ‘yung mga negative kaysa positive,” natatawang dagdag niya.
Mas lalong dumami ang napagkuwentuhan naming dalawa, nagtanong ako nang nagtanong patungkol sa karamdaman niyang ‘yon dahil sa curiosity.
Hindi na nga rin namin halos namalayan ang dinadaanan. Kapag kausap ko talaga siya pakiramdam ko nawawalan na ‘ko ng atensyon sa paligid.
"Ang layo na pala ng nalalakad natin," ani ko sabay tawa.
Patuloy kaming naglakad, hanggang makarating kami sa tapat ng bahay nila. Ilang kanto lang pala ang layo nito mula sa bahay namin.
"O pa'no ba Dos, dito na ang bahay ko,"
"Osige na, dito na rin ako,"
"Salamat sa paghatid, Dos! Sa uulitin!" sabay bukas ng gate nila.
"Ay Pat, wait lang pala!" pigil ko at abot ng kapirasong yellow paper galing sa aking bulsa.
"Ano 'to?" tanong nito sa akin. “Ay parang alam ko na,” ngumiti siya sa ‘kin.
"Basta! Buksan mo nalang pagpasok mo sa inyo. Bye, bukas ulit!" Sabay lakad palayo sa bahay nila.
Pangalawang tula
June 23, 2016
Madaling araw, gising pa ang diwa ko, baka siguro nagkikita tayo sa alapaap, o sa lugar na mapuno, o pwede ring sa ibang mundo - mundong para sa nagmumuni't nag-iisip na tao. Doon maaring magpalitan tayo ng kuwento, at maghintay kung sino ang unang dadalawin ng antok at makakabalik sa mundong nakakapagod.
Baka nga pareho tayo,
Kaya't sumulat ako para sa'yo.
Masaya akong naglakad pauwi sa aming bahay. Hindi mawala ang ngiti na kanina pa naka-marka sa aking labi.
Pagkauwi ay kumain at nahiga agad sa aking kama, inaasahan ang magandang hatid ng bagong umaga.
Kinabukasan ay maaga ulit akong nagising. Nakita ko si Mama Gina na naghahanda ng pagkain sa lamesa.
"Dos, ang aga mo ah? Mabuti naman at bagong buhay ang pogi kong anak," bungad nito sa'kin habang ako'y pababa ng hagdan.
"Ano ka ba ma, ako lang 'to," tugon ko rito sabay nagtawanan kami.
Napaka-close namin ni Mama Gina. Para kaming magkapatid. Palagi kaming nag-uusap sa buhay-buhay kapag may free time kami. Basang-basa na ni Mama Gina ang galawan ko.
"Ma, nasaan pala 'yung Kojic Soap?" Tanong ko habang naliligo sa palikuran.
"Aba nag-kokojic ka na ah. May pinopormahan ka ano?" Pang-aasar nito sa'kin.
"Nandiyan sa tabi ng shampoo," dagdag pa nito sa'kin.
Nagbihis na ako at kumain na rin upang pumasok. Espesyal 'tong araw na 'to dahil mayroon kaming activity sa P.E.
Pagdating ko sa room ay nando'n na rin si Pat. Kumaway ito sa akin at nginitian ko ito pabalik. Bigla akong hinila ng mga kolokoy.
"Dos, may activity sa P.E. ah," wika ni Aldrin.
"Oo nga pre," pagsang-ayon pa ni Von.
"Ayon ba 'yung Ballroom Dancing?" Tanong ko pa sa mga kolokoy na 'to.
"Oo pre, by partner nga e," tugon ni Von.
"May partner na ba kayong dalawa?" Tanong sa aming dalawa ni Aldrin.
"Oo, nagbigay ng list of partners si Mr. Rodrigo nung last meeting," tugon ni Von.
49 lang kami sa klase. Talaga namang may magso-solo sa activity na isang tao. Hindi ko akalain na si Pat 'yon, wala s'yang partner kaya ang siste ay solo s'ya.
Transferee kasi si Pat, kaya naman wala pa s'ya gaanong kaibigan at kakilala. Hindi rin s'ya gano'ng kadaldal at pala kwento. Pero walang duda na matalino s'ya and she participates in every school activity very well.
Nag-explain ng gagawin ang professor namin sa P.E, practice day pa lang naman ngayon kaya naman nakakatamad. Hinanap ko na ang ka-partner ko para matapos na ang gagawin pero ang sabi ng iba ay absent daw ito.
“Absent siya eh, pumasok siya sa major subject kanina pero hindi yata papasok ngayon.” Pagbalita sa ‘kin ng isa pa naming kaklase na kaibigan niya.
Napakamot-ulo tuloy ako.
Ayoko naman magsayaw mag-isa, magmumukha akong tanga non sa harapan.
Hanggang sa nalingunan ko si Pat na tahimik na nakaupo sa isang tabi, napangiti ako nang maisip na wala rin pala siyang partner dito.
Itutuloy...