Gabi..
Malakas ang ulan. Habang kami'y magkahawak kamay ng isang lalaking matipuno, matangkad, maputi, madalas nakasimangot at malakas ang pangangatawan. Pero hindi si Adonis ang kasama ko ah, hindi naman kasi ako dyosa.
Tumatakbo kami ng mabilis, sinusuong namin ang malakas na ulan sa kahabaan ng kalsada ng Teresa sa Sta. Mesa. Mahigpit niya akong hawak at dali-daling hinihila patakbo, papalayo sa lugar na aming pinanggalinggan.
Basa na ang buong katawan namin ng ulan, sa pagmamadali pa nga, naiwan ko ang isang tsinelas ko at payong panangga sana.
Kahit may mga tao na nasa daanan namin, malakas niya lang itong tinatabig at hinahawi na parang kurtina lang, sabay galit pang sinasabing "Alis! Umalis kayo dyan! Padaanin niyo kami!" At kapag tumatabi ang mga tao, syempre galit ang mga ito at masama ang tingin sa amin. Sasabihin ko nalang na "Excuse us po" "Pasensya na po." at "Sorry". Nakayuko na ako sa hiya at nagpapakumbaba.
Medyo madulas ang daan at matubig na ang kalsada, masakit na rin ang isang paa ko, lalo kapag nakakaapak ng bato-bato. Pero mukhang wala siyang pakialam, basta lang makalayo kami.
Kahit siguro pakaladkad na niya akong bitbitin, gagawin niya. Makalayo lang talaga kami.
Ewan ko ba kung bakit niya pa ako kailangang idamay sa gulong pinapasok niya. Nananahimik akong nagaaral tapos tinabig niya ako, at ngayo'y sabay kaming tumatakbo sa ulanan na.
Madalas siyang napapasok sa away at alitan, siguro dahil sa magasapang niyang ugali at taklesang pananalita kaya maraming may ayaw sa kanya. Matalino naman siya, tamad nga lang. Ayaw niyang may nakikialam sa ginagawa niya. Maliban nalang siguro sa akin.
Naliligo siya ng sermon sa akin pero tahimik lang siya at hindi nagsasalita. Para tuloy akong nakikipagusap sa hangin.
Napakabasagulero, g**o at tarantado ng isang ito. Napakagulo at napakasakit sa ulo ng napasok kong buhay sa kanya. Wala na yata siyang alam kundi makipagbasag bungo at buto!
Minsan lang siya nagaaral, kapag finals lang ng exams, pero ang nakakapagtaka ay nakakapasa pa rin siya.
Hindi ko alam kung gumagamit ba siya ng anting-anting sa exam pero kung meron man, hihingi ako!
Pero isa sa kinabibiliban ko sa kanya ay wala siyang masamang bisyo gaya ng alak, sigarilyo o droga man. Galit siya roon. Ewan ko lang kung bakit. Concern din yata siya sa future health niya.
Mahilig siyang kumain ng mga maaanghang na pagkain at yung maraming-maraming-maraming sibuyas. Tapos minsan pa hindi siya magsisipilyo. Grabe! Sarap sipain ng pagmumukha sa baho ng hininga niya!
Kapag ako naman ay nagagalit sa kanya, pagkatapos ng pagkahaba-haba kong misa sa kanya, ang isasagot niya lang ay "K".
Kapag narinig ko na yun, alam kong naririndi na siya sa ingay at daldal ko. Pero mas galit ako!
Tapos ngingiti siya at tatawa, nangiinis pa ba? At bigla niya akong yayakapin ng pagkahigpit-hipit. Kahit pa magpumiglas ako, balewala eh, mas malaki at malakas siya sa akin.
Kapag nakayakap na siya sa akin, sasabihin niyang "Tapos ka na? Bati na tayo ah?" Sabay halik sa noo ko at yakap ulit ng mas mahigpit hanggang sa mapadikit na ang ulo ko sa dibdib niya.
Sa tingin ng iba, napakawalang kwenta man niyang tao at mukhang walang kapanga-pangarap sa buhay at mararating, siya pa rin sa akin ang napakatapang at pinakamahalagang tao na gusto kong makasama.
Tingin man nila na tanga o martyr ako, wala akong pakialam. Basta mahal ko siya.
Kahit anong g**o ay sasamahan ko siyang makipag-upakan at tatakbo ng kahit gaano kalayo makatakas lang. Basta kasama ko siya, gagawin kong lahat.
Kaya ito, pagkatapos naming kumain, ay hindi! Kahit kami'y kumakain pa kanina, hinatak niya kaagad ako patayo at tumakbo papalayo sa karinderyang kinakainan namin. Mabuti't Pay as you order yun, kaya hindi kami magkakautang sa karinderyang yun.
Papasubo na sana ako sa kutsara ko, aktong nakanganga pa, bigla ko nalang ito nabitawan. At nabitin ang paglamon ko!
Hinahabol siya ng mga nakaalitan niyang tambay na nambastos sa akin noong nakaraang araw.. Akala yata ng mga tambay na yun na hindi kami magkasama. Nauuna kasi siyang maglakad sa akin na medyo may kalayuan ang pagitan. Hindi akalain ng tambay na yun na iyon na pala ang huling pagsutsot at pagtawag sa akin ng "Idol" ng mga tukmol.
Tapos mga wagas pang makatingin, ay hindi, titig pala. Na parang ang gwapo nilang ngumiti. Sarap talagang upakan.
Maga ang nguso at mata nila. Maligo ba naman ng suntok sa kanya eh. Hindi na tuloy sila makadilat at makapagsalita.
Kung may magagawa lang ako para awatin siya, ginawa ko na. Kaso baka sabihin pa niyang pinagtatanggol ko pa yung tambay, at lalo pa niyang makakawawa, or worse, mapatay.
Hindi ito ang unang beses na tumatakas kami sa g**o at nangbumbog ng mga tao. Tinitiyempuhan yata ng mga kaaway niya na kasama ako para hindi siya makapalag kaagad kasi alam nilang kapag marami sila, iiwas niya ako kaya tumatakbo kami.
Pero kapag naman nakahanap na kami ng pagtataguan ko, tsaka niya haharapin ang mga gunggong na humahabol sa amin. Para siyang si Batman, ay hindi, si Superman. Kahit gaano karami ang kalaban niya, kayang kaya niya. Kumbaga, sa akin lang talaga siya hindi umuubra.
Ang unang beses ko siyang nasaksihang ganyan ay noong naging magkaklase kami sa isang subject. Kinita niya ako dahil gusto niya raw hiramin ang notes ko para makapag-review. Nagduda na ako noong sinabi niyang gusto niyang mag-review, pero binalewala ko yun dahil gusto ko rin siyang tulungan gawa nga'y bagong transfer lang siya sa school.
Pero kalaunan ay nalaman kong dahilan lang pala niya yun para kitain lang ako at makapagusap ng kaming dalawa lang. Inaya niya ako sa mall at pumayag akong doon makipagkita noong pauwi na kami. Nalaman kong sa magkalapit lang pala kami ng tinutuluyang apartment.
Noong papauwi na ako habang hinahatid niya, may nadaanan kaming mga nag-iinuman. Nauuna ako sa paglalakad sa kanya dahil baka may makakita pa sa aming magkasama at kung ano pang isipin. Nakasunod lang naman din siya sa akin.
Nung mapadaan ako sa lima o anim yatang mga lasinggero, bigla akong binulyawang "Boom! Dumaan na ang pulutan mga pre!" Nagpintig ang tainga ko pero patay malisya nalang ako at dire-diretso sa paglalakad palampas sa kanila.
Hindi rin nila akalaing yun na din pala ang huling pagtambay at pagiinom nila sa kalsada.
Kinuwelyuhan niya ang lalaking bumulyaw sa akin at sabay sabing "Anong sabi mo sa GIRLFRIEND ko?!" Napalingon ako sa kanila hindi dahil alam kong magkakagulo na, kundi dahil sa pagsigaw niya ng 'Girlfriend' daw niya ako!
Oo. Agad-agad niya nga akong nakuha. Hindi ko alam kung pagbabanta yun o pagtatanggol. Hindi na raw ako pwedeng maglakad at umuwi mag-isa. Kaya kailangan ko daw siya as my 'Boyfriend' na.
Oo! Agad-agad nung gabi ding yun! Mabilis niyang napagkalat sa school na girlfriend niya ako. Syempre, si ako, kapag tinatanong nila, tumatanggi ako to the eleventh power!
Tapos bigla siyang darating at tatawagin ako ng "Asawa ko! Miss mo na ba ako kaagad?!" Sabay akbay sa akin sa harap ng maraming tao at mga kaklase ko.
Todo tanggi ako noon, todo iwas sa kanya, pero may radar nga yata ang unggoy na yun. Ramdam kung nasaan ako.
Kapag may kaaway siya, ako kaagad ang unang pinupuntahan o tinatawag ng mga tao sa school. "Huy, yung boyfriend mo, may kaaway na naman!" At si ako naman, "Hindi ko nga boyfriend yun noh!!!"
Palagi nalang ganun. Kahit nasa klase ako, may sumasadya pa sa room ko para lang masabihan ako na may kaaway na naman siya!
"You may excuse."
Yan lang siguro ang magandang naidudulot ng tinatawag nila ako kapag may kaaway siya. Excuse ako sa klase.
Pati siguro mga guro kilalang-kilala siya sa kabalastugan. Ano ako dun kapag pumunta ako sa away niya?! Taga-awat ng mga nagsasalpukang tsonggo?! Oo! Ganun na nga!
Maraming beses na yun na nangyari, nagsawa nalang ako na tumanggi sa kanila na hindi ko siya boyfriend. Parang understood na si Siga ay ang jowa ko. Period. No erase!
Wala na ngang makalapit sa aking ibang lalaki. Papaano, natatakot maospital. Yung mga kaibigan ko namang babae, umiiwas kaagad sa akin kapag paparating na siya. Wala na nga akong matatawag na kaibigan talaga.
Isa lang naman ang nagagawa ko kapag naaabutan ko siyang nakikipagaway, taga-sigaw ng mga "Nandyan na ang guidance!" o di kaya, "May security!" at "May pulis na!!!". Tapos parang magic na nagkukulapasan sila papalayo. Parang mga timang nga eh, ang tatapang makipagaway tapos takot mahuli.
Tapos bago pa ako makaalis, lalapitan na niya ako at aakbayan, sabay sabing "Galing talaga ng mahal ko ah?!" sabay halik sa pisngi ko.
Ilang buwan nang nakalipas, napapadalas siyang napapaaway. Dumadami rin ang mga gasgas na natatamo niya. Sinasabihan ko siya na kapag hindi siya tumigil sa pakikipagaway niya, break na kami! Huh!
Kaso, tumawa lang siya at sinabing "Ambisyosa ka!"
Argh! Sobrang napahiya ako nun, sabay talikod at alis na sana ako. Pero papalabas palang ako ng apartment niya, hinatak niya ako at niyakap ng dalawang makikisig niyang braso kaya napaharap ako sa kanya.
Nilapit niya ang ang matapang pero gwapong mukha niya sa akin. Sabay sabing "Ngayon mo nga sabihing hindi mo ako gusto?" Ngumiti siya at tila natutulala ako. Dahil doon ko lang nakita ang ganoong kaamong mukha na taglay pala niya.
Hindi ako makapagsalita at maka-react man lang sa sinabi niya. Pinilit kong sabihing 'hindi kita gusto' pero, bago ko pa man matapos ang mga salitang yun, hinalikan na niya ako sa labi at hindi ako inaalis sa mga bisig niya.
Aminado akong nagustuhan ko ang ginawa niyang yun. Kaya nga hindi ako nagpumiglag eh. Hindi ko na nga matandaan kung gaano katagal ang halik na yun. Basta ang alam ko umabot na kami sa kwarto niya at nangyari ang hindi pa sana dapat pa mangyari. Inabot pa nga ako ng curfew.
Sa bawat pagtakbo, pag-iwas at pag-awat ko sa kanya, lalo akong napapalapit sa kagaya niya. Kaya naipangako ko sa sarili kong sasamahan ko siya. Kuyog man ang mga kalaban niya.
Minsan naisip ko, may peace of mind pa kaya ang taong ito?
Isang araw, binulong niya sa akin, kapag kasama niya raw ako, doon lang siya nagkakaroon ng peace of mind. Tapos ako, dun ko naman nararamdaman ang pagiging safe.
Marami na siyang nagawa para sa akin, at sa tingin ko, kahit hindi niya araw-araw sabihing "I love you" sa akin, ramdam ko yun sa pagiging over protective niya. At yun ang pinakanagustuhan at minahal ko sa kanya.
Mahal na mahal ko siya kahit sa maiksing panahon naming magkasama. Minahal ko siya kahit puro kunsumisyon ang dulot niya. Minahal ko siya kahit sino o ano pa ang pagkatao niya. At minahal ko siya dahil alam kong mahal na mahal din niya ako.
Kung siya man ang lalaking para sa akin na makakasama ko habang buhay, inihahanda ko na ang sarili ko sa buhay na papasukin ko kasama siya.
Sa buhay na alam kong kahit puno ng panganib at kaguluhan, yun ang buhay na pipiliin ko kasi alam kong kasama ko siya.
Hindi man na kami makatakbo ng mabilis kagaya ngayon, magkahawak kamay pa rin naman kami at kasamang susuungin ang magulong mundong ito.
All rights reserved 2015
Irah Punzalan (Koolkaticles)