12. IN YOUR ANONYMITY

3382 Words
PUERTO PRINCESA CITY, PALAWAN NOVEMBER, 2016 15:00 SARINA’S POV “SARINA, JUMP!” galit na utos sa akin ng kaibigan kong si Jinny, habang pilit akong itinutulak palabas ng chopper na sinasakyan namin. Pagewang-gewang iyon at anumang oras ay tila babagsak na! Hindi na rin malaman ng piloto kung paanong kontrol ang gagawin. “No! P-paano ka? H-hindi kita kayang iwan dito!” umiiyak kong sambit, mahigpit na nakakapit sa mga braso niya. Hindi namin inaasahang iisa lamang ang parachute na naroon, at pinili niyang sa akin iyon ibigay. Mariin siyang umiling. “Listen! Kailangan mong mabuhay, naiintindihan mo ba ako? Isipin mo ang kalagayan ni Tita Marie kapag nalaman niyang may nangyari sa ’yong masama! Alam mong bibigay ang puso niya kapag napahamak ka! May sakit na siya! Pati siya ay malalagay sa peligro!” Sa sinabing iyon ni Jinny ay napaiyak na lang ako, na para bang hindi niya ako binigyan ng choice sa kung ano ang dapat na gawin. Ayaw kong pati si Mommy ay mapahamak. Hindi ko kakayanin. “P-paano ka?” garalgal ang tinig kong tanong. Pilit siyang ngumiti at umiling . . . “Huwag mo akong isipin. Magiging ayos lang ako.” Kahit na alam kong imposible, unti-unti kong binitawan ang braso niya. “P-please, Jinny . . . be safe . . . ” sambit ko, bago nagpatihulog sa himpapawid. Ngunit habang papalayo, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang mala-demonyong ngisi ni Jinny, na tila isang masamang balak ang tagumpay na naisagawa nito. At napagtanto kong may mali sa mga nangyayari, nang papabagsak na ako’y hindi ko mahila ang mismong ripcord ng parachute. Nag-panic ako, pinilit kong hilahin ngunit nasira lamang iyon. Lalong nilukob ng takot ang aking dibdib, hanggang sa naramdaman ko na lamang ang pagbagsak ng aking katawan sa malamig na tubig. *** “HEY! Are you alright?” Isang baritonong tinig ang naulinigan ko, kasunod niyon ang paglapat ng mainit na bagay sa labi ko kasunod ang hangin na pumasok sa dibdib ko mula sa bibig. Naubo ako, naramdaman ko rin ang sunod-sunod na pagtapik sa aking pisngi. Pinilit kong ibukas ang aking mga mata . . . malabo. Ngunit, isang matipunong lalaki ang naaninag ko sa kabila ng namimigat kong mga talukap. Naramdaman ko na lamang na lumutang ako sa ere, at hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog. Nang magising ako ay nakahiga na ako sa isang kawayang papag na may sapin lamang na banig. Mabilis akong bumangon ngunit kaagad din natigilan at napangiwi nang biglang kumirot ang aking sintido. Sinapo ko iyon at bahagyang hinilot upang mawala ang sakit. “Gising ka na! Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong ng isang ginang na sa palagay ko ay nasa edad singkwenta anyos mahigit na. May bitbit itong isang mangkok na umuusok. “Sakto, kakaluto ko lang nitong arroz caldo. Kumain ka, at magpalakas.” Maang lamang akong nakatingin sa kaniya, hindi ko alam ang nangyayari. Parang lumilipad ang isip ko sa kung saan. “Iha?” untag nito, kumaway pa sa mukha ko para patirin ang aking pagkatulala. “Okay ka lang ba?” tanong pa nito. “S-sino ka?” sa wakas ay nabigkas ko, kahit nangangatal ang aking labi. “Ako si Asuncion, tawagin mo na lang akong Asun. Nakita ka ng anak kong si Patrick kanina na nalulunod sa dagat. Siya ang nagligtas sa ’yo at dinala ka rito. Natatandaan mo ba kung ano ang nangyari sa ’yo ba’t ka napadpad sa gitna ng laot?” malumanay niyang tanong bago umupo sa kahoy na upuan na nasa gilid ng aking kinahihigaan. Kagyat akong nag-isip, ngunit makalipas ang isang minuto ay mahigpit akong napasabunot sa aking buhok, at napaiyak nang malakas. “W-wala akong maalala! A-anong ginagawa ko sa lugar na ito? S-sino ako?!” Para akong mababaliw. Para akong isang nilalang na napadpad sa kawalan, hindi batid ang pagkakakilanlan. “Iha . . . ” Bumalatay sa mukha ni Aling Asun ang pakikisimpatya. Hinawakan niya ako sa dalawang kamay, marahang hinaplos-haplos iyon para pakalmahin ako. “Huwag kang mag-alala, sasabihin ko kay Patrick na patingnan ka sa doktor kung ano ang nangyari. Wala naman akong nakikitang kahit na anong malalang sugat o bukol sa ulo mo. Paanong mawawalan ka ng memorya?” Hinaplos-haplos niyang muli ang aking ulo ngunit bigong makahanap ng sagot. Tanging maliliit na bangas lamang sa buong katawan ko ang naroong bakas. Nang huminahon, pinilit ni Aling Asun na pakainin ako ng niluto niyang arroz caldo. Dahil sa kumukulo na rin ang aking tiyan ay hindi ko na pinigilan ang aking sarili. Hindi ako maaaring mamatay sa gutom. Kailangan kong malaman kung sino ako, at kung bakit ako naroon sa lugar na iyon. “Maaari mong gamitin ang banyo pagkatapos mong kumain. May inihanda akong pamalit mo. Pagpasensyahan mo na lamang dahil ako lamang ang babae dito, at pawang mga pangmatandang bestida lamang ang maipasusuot ko sa ’yong damit.” Bilib ako kay Aling Asun. Kahit na hindi niya ako kilala ay hindi siya nag-atubili na tulungan ako. Siya at ang kaniyang anak. “N-nasaan po pala ang anak ninyo?” Pag-iiba ko ng usapan habang kinakain ang kaniyang handa. Ngumiti ito at umiling. “Naroon siya sa kampo kasama ang ilan pang mga sundalo. Doon sila nag-eensayo bilang paghahanda sa pakikidigma, kung may magaganap man.” Bumilog na parang letter O ang bibig ko. Kung gayon ay isang sundalo pala ang nagligtas sa aking buhay. Lihim akong napangiti. “Nais ko po siyang personal na pasalamatan,” sabi ko. Tumango ang ginang. “Sige, ngunit ipagpabukas mo na. Masiyado nang gabi. Magpahinga ka na lang muna at magpalakas.” Sinunod ko ang nais ni Aling Asun. *** NANG sumunod na araw, maaga akong gumising. Sinamahan ako ni Aling Asun patungo sa kampo ng mga sundalo na tinutukoy nito. Nang makarating, laglag ang panga ko sa aking natunghayan. “Holy sh*t!” bulalas ko habang nakatanga sa nakahilerang pandesal na nasa tiyan ng mga sundalong topless, kasalukuyang nag-j-jogging bilang boot camp drill ngayong umaga. “Stop!” sigaw ng isang pamilyar na baritonong boses. Tumigil ang lahat sa pagtakbo. Sunod na sinabi nito ay, “Dismissed!” Napa-tsk na lamang ako at napailing. In-enjoy ko pa naman sana ang kaaya-ayang tanawin na iyon. Ilang saglit pa ay lumakad patungo sa kinaroroonan namin ang isang matangkad, moreno, at matipunong lalaki, na halos tingalain ko na dahil sa tangkad. Ang kaniyang kulay tsokolate na mga mata na binagayan ng itim na itim at makapal na kilay ay nakadagdag sa malakas na dating nito. “Nay? Anong ginagawa niyo rito?” kunot-noong tanong nito. “At sinama niyo pa talaga siya,” sabay sulyap sa akin. Pakiramdam ko ay tila isa akong natutunaw na ice cream habang hinahagod niya ng tingin mula ulo hanggang paa. “Eh, nais ka raw niya makausap, anak. At saka, may problema . . . ” panimula ni Aling Asun. Lalong lumalim ang gatla sa noo ng guwapong nilalang. Ngayon lamang ako nakakita ng ganoon kaguwapo. Malamang, dahil wala kang maalala! basag ng isip ko. Ngunit totoong pambihira ang kaguwapuhan nito, angat sa lahat ng sundalong naroon. “Ano naman pong problema?” anito. “A-ang kaso, anak . . . Walang maalala ang dalagang ito. Hindi niya alam maski ang pangalan niya.” Ang kunot na noo ay napalitan ng bahagyang pagkagulat, ngunit saglit lamang iyon. “Bukas ay dadalahin kita sa bayan upang ipasuri. Huwag kang mag-alala, malalaman natin kung ano ang problema.” Isang marahang tango lamang ang naitugon ko. Ang dami kong nais sabihin, ngunit ang walang hiya kong dila, ayaw sumambit ng kahit na anong kataga. “Huwag mong sabihing pati dila mo ay nawala, kasabay ng pagkawala ng memorya mo,” sarkastikong sabi nito na nagpaangat ng aking kilay. “May sasabihin sana ako, pero nagbago na ang isip ko,” mataray kong sagot sabay talikod sa kaniya. Yamot at malalaki ang hakbang na bumalik ako sa bahay ni Aling Asun. “Mayabang pala!” himutok ko. Habang nakaupo sa upuang kahoy, inilibot ko ang aking mga mata sa kalooban ng bahay. Yari ito sa kahoy at anahaw. Maliit iyon, ngunit malinis kaya naman komportable ako kahit na papaano. Presko rin kaya di na kailangan ng aircon. “Hanggang kailan kaya ako mananatili rito,” sabi ko, sabay buntonghininga. *** KINABUKASAN, hindi ako binigo ni Patrick. Tumawid kami sa kabilang isla na kung tawagin ay bayan. Mas higit na moderno iyon kaysa sa islang tinutuluyan ng mga ito. Inabot ng tatlong oras ang aming biyahe. “She’s suffering from traumatic amnesia,” panimula ng doktor na siyang nagsuri sa kalagayan ko. Seryoso lang naman na nakikinig si Patrick sa mga sinasabi nito. “Traumatic amnesia? Can you provide more information about it, Doc?” tanong ko na hindi ko inaasahan. Nagulat ako na marunong pala akong mag-English, tiningnan ko si Patrick at parang nagulat din ito. Titig na titig kasi siya sa akin. “Wala naman akong makitang injury sa ulo mo. Sa case mo, maybe nakaranas ka ng emotional overwhelm na hindi kinaya ng utak mo. Sabi mo nga, natagpuan ka ay sa gitna ng dagat. Maybe nakaramdam ka ng matinding fear of drowning or death, or shock and panic na nag-cause ng iyong traumatic amnesia,” mahabang paliwanag nito. Bigla akong nanghina. Pakiramdam ko ay wala akong kakampi sa mga oras na ito. “Ano ang kailangang gawin para bumalik ang alaala niya,” tanong ni Patrick. “There is no such cure sa ganiyang karamdaman,” tugon ng doktor na lalo kong ikinapanghina. “But don’t worry, I think it’s just temporary. Hindi naman fatal ang sitwasyon mo. I am sure a week, or a month from now, babalik na ang memory mo. All you need is therapy, and emotional support.” Nagkaroon ako ng pag-asa. “Maraming salamat po, Doc,” paalam ko matapos ang mahaba-habang check up. Tumango ito at ngumiti, “It's my job, hija. Please, bumalik kayo rito for follow up check up.” “Yes, Doc. Makaaasa po kayo.” Bumalik kami sa isla, dala pa rin ang isiping iyon. “Huwag mo nang alalahanin iyon. Malaki ang tiyansa na makaalala ka agad. Makauuwi ka rin sa inyo,” sabi ni Patrick, ang mga mata ay nakatunghay sa papalubog na araw. Napakaganda ng araw, kulay kahel. At lalo pang pinaganda iyon, dahil sa lalaking nasa aking harapan. Kaysarap kuhaan ng litrato, tila isa itong modelo. Nakaaakit kahit wala namang ginagawa. “Guwapo ba?” biglang tanong nito. “Ha?” maang ko namang tanong. “Sabi ko kung guwapo ba ako? Kanina ka pa titig nang titig,” ulit nito. Mapakla akong tumawa para itago ang pagkapahiya, “Yabang mo talaga! F.Y.I. mas guwapo pa sa iyo si Julius!” pagtatanggol ko sa aking sarili. He smirked na parang nakaloloko, “For God sake, woman, ang bata pa niya para sa ’yo! Hindi kayo bagay! Ano ka, sugar mommy?” kalmado iyon, ngunit damang-dama ko ang inis. Ganoon na ba talaga ako katanda na tingnan? Maganda naman ako! Chinita, matangos ang ilong, kissable lips, maputi, at sexy! “Paano mo naman nalaman na mas matanda ako sa kaniya, ha? May proof ka ba? Ni hindi mo nga alam kung ilang taon na ako!” Ayaw kong magpatalo. Seryosong tumingin sa akin, kasunod niyon ay ang pagsulyap sa maumbok kong dibdib na para bang nandoon ang sagot, pagkatapos ay umiling ito. “Nevermind,” sambit niya na lalo kong ikinainis. “Manyak!” pabulong kong asik sabay pinagkrus ang aking mga braso sa tapat ng aking dibdib, ngunit hindi na siya sumagot pa. *** “IKAW na muna ang bahala rito sa bahay, Iha. Kailangan kong tumungo sa Maynila para alagaan ang anak kong naroon. Kagagaling lang niya kasi sa panganganak,” sabi ni Aling Asun. Nakaramdam ako ng takot at lungkot. Siya na nga lang ang palagi kong kasama rito ay iiwan pa niya ako. Ngunit ano ang magagawa ko? Ang tunay na anak niya ang nangangailangan ng presensya niya. “Sige po, Aling Asun. Bumalik po kayo kaagad, ha? Mag-iingat po kayo roon.” Pinabaunan ko siya ng isang mahigpit na yakap bago siya umalis. “Ikaw rin, Iha. Habaan mo na lang ang pasensya sa kasungitan ng anak ko, ha?” Tumango na lamang ako kahit labag sa loob ko. Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay nang umalis si Aling Asun. “Ouch! Sh*t!” palahaw ko nang matalsikan ako ng mantika habang nagpriprito ng itlog. Saktong pumasok naman si Patrick, naabutan nitong lumiliyab na ang ibabaw ng kawali habang ako ay hindi na alam ang gagawin. “Anong ginagawa mo?” mariin nitong tanong. Hinila niya ako papalayo sa lumiliyab na kawali. Tinanggal nito iyon sa stove na aking pinaglulutuan, at saka pinatay ang apoy. Kasunod niyon ay kinuha nito ang aking magkabilang braso. “Stup*d!” angil nito. Hindi ako nakapag-react agad. Tinawag niya akong tang* ngunit bakit parang kinikilig pa ako sa act of service na ginagawa niya. Mabilis lang naman niyang dinala ang kamay ko sa sink, at pinadaluyan ng malamig na tubig ang maliit na paso roon. “Next time, tell me kung may gusto kang kainin. Baka pati itong bahay ay mailuto mo,” sermon iyon, ngunit tila bakit ang lambing niyon sa aking pandinig. “S-sorry na. A-ayaw ko lang naman na makaabala sa iyo,” nakanguso kong paliwanag. “Puwede mo akong abalahin, mahal na reyna. Kaysa naman bumalik ang nanay na wala na siyang bahay,” sabi niya sa pang-aasar na tono, na pinakadiinan pa ang salitang mahal na reyna. Matapos ibabad sa tubig, nilapatan niya ng ointment ang paso ko. Pakiramdam ko tuloy, isa nga akong reyna. Reyna na ayaw niyang nasasaktan kahit na kaunti. “Dito na ako maglalagi para may nakakasama ka. Nagbilin na ako sa aking mga kasamahan na sila muna ang bahala sa kampo.” “P-pero, paano ang training mo?” alanganin kong tanong. “’Wag mo na ’yong problemahin.” Hindi ko alam kung saan nagsimula, ngunit mula noon ay naging mas malapit kami ni Patrick sa isa’t isa. *** LUMIPAS ang tatlong buwan, mas lumalim ang aming pagsasama. Dumating sa puntong ayaw ko nang makaalaala pa. “Mahal kita,” pag-amin niya sa akin habang naglalakad kami sa tabing dalampasigan. Naghalo-halo ang aking nararamdaman . . . Saya, takot, at pag-aalinlangan. Hindi ako makasagot, kaya kaagad niyang ikinulong ang aking mukha sa dalawa niyang kamay. “Mahal mo naman ako, ’di ba? Ramdam ko na mahal mo rin ako.” Nangungusap ang kaniyang kulay tsokolate niyang mga mata na lalong nagpabaliw sa akin. Paano ko ba iyon matatanggihan? “M-mahal rin kita . . . P-pero– ” “May humahadlang ba sa ’yo?” tanong niya ulit. Bumuntonghininga ako. “Natatakot lang ako na baka may pangit akong nakaraan, o ’di kaya ay responsibilidad na dapat unahin. Hindi mo pa ako lubusang kilala, Patrick. Natatakot ako na masaktan kita, at kamuhian mo ako nang husto.” “No, my queen. Dumating man ang oras na kailangan kong lumayo dahil sa isang matinding dahilan mula sa iyong nakaraan, I will choose to love you . . . I will choose to love you harder even on the days we are hating each other, on the days that we fail to see the best in each other, on the days we can’t understand each other. Hihintayin ko ang tamang panahon, hanggang sa puwede na.” Naiyak na lang ako sa mga sinabi niya. “Thank you, Patrick. I love you so much.” *** ISOLATED ISLAND, PH MAY 2017 21:00 DUMATING ang isa sa mga bagay na kinatatakutan ko. “Kailangan kong umalis. Kailangan naming ayusin ang kaguluhan at gyera sa Marawi.” Ramdam ko ang lungkot at pagtutol sa tinig niya, ngunit iyon ang kaniyang sinumpaang tungkulin kaya batid kong tutuloy siya, subukan ko mang pigilan siya. Kasalukuyan kaming nakaupo sa buhanginan, nakatanaw sa dagat sa kailaliman ng gabi. “K-kailan kayo aalis?” naiiyak kong tanong. Nilukob ng matinding takot ang puso ko sa kahihinatnan ng misyon niya. “Sa susunod na linggo na. Nais kong sulitin ang bawat oras na kasama kita na parang ito na ang huli,” aniya na ikinaiyak ko na. Sinuntok ko siya sa dibdib bago sumubsob doon para ibuhos ang aking mga luha na kanina ko pa pinipigil. “H-huwag kang magsalita ng ganiyan! Ipangako mo na babalik ka! Babalikan mo ako!” Inangat niya ang aking mukha, nagtama ang aming mga mata. Hindi siya tumugon, bagkus ay unti-unti niyang inilapit ang kaniyang mukha sa akin. Kusang bumagsak ang talukap ng aking mga mata, kasunod niyon ay ang pagnamnam ko sa matamis niyang halik. “Mahal na mahal kita, mahal na reyna,” bulong niya. Naging saksi ang bilog na bilog at maliwanag na buwan, maging ang mga bituing nagkalat sa kalawakan, at malawak na dagat sa pag-ibig naming pinagsaluhan. Isang linggo ang mabilis na lumipas. “Mag-iingat ka roon,” bilin ko, mabigat pa rin ang aking loob. Ngumiti siya sa akin kasunod ang pagdampi ng kaniyang labi sa aking noo. “Opo. Utos ba naman ng aking reyna, bakit hindi ko gagawin? Mag-iingat ka rin palagi.” Isa pang halik sa noo ang natanggap ko mula sa kaniya bago siya lumisan lulan ng isang barko kasama ang iba pang mga sundalo. *** ILANG buwan akong naghintay. Hanggang sa . . . “Patawad. Hindi na namin nakuha ang kaniyang bangkay. Masiyadong delikado ang naging sitwasyon,” nakapanlulumong balitang hatid ni Julius, kasamahan niya sa misyon. Napaluhod ako, napaiyak. Ang bigat-bigat. Bakit? “H-hindi ako naniniwalang wala na siya! Ibalik niyo siya rito!” palahaw ko habang walang tigil na sinusuntok ang buhangin na aking kinasasadlakan. “Isa siyang bayani na isinugal ang kaniyang buhay mailigtas lamang ang bayan natin.” Para akong mamamatay. Kasabay ng pagdadalamhati na iyon ay ang pagbabalik ng lahat ng aking alaala. Sa kabila noon, hinintay ko siya . . . Isa, dalawa, tatlong buwan, hanggang umabot ng taon. “Sarina, kailangan mo nang umuwi sa sarili mong pamilya. Tanggapin mo na na wala na ang anak ko. Kailangan mong bumangon, anak . . . ” lumuluhang sabi ni Nanay Asun sa akin. “A-ang hirap mag-umpisa, nay . . . P-pakiramdam ko, para na rin akong namatay.” Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko. “Anak . . . Alam mong hindi gusto ni Patrick na makita kang ganiyan. Pakiusap, anak . . . Ayusin mo ang buhay mo. Sumama ka na sa akin sa Maynila. Doon na rin ako maninirahan kasama ng isa ko pang anak.” Sinunod ko ang nais ni Nanay Asun. Pagbalik ko sa sarili kong pamilya, halos hindi makapaniwala ang aking ama at ina. Napag-alaman ko rin na planado ni Jinny ang lahat ng nangyari sa akin, kasabwat ang piloto ng chopper. Pinalabas nila na nagpatihulog akong sadya, tinangka ring pagnakawan ng ari-arian ang aking pamilya na matagal na pala nilang planado. Ngunit, nadakip ang mga ito at kasalukuyan nang nakakulong. *** QUEZON CITY, MANILA JANUARY 21, 2020 07:00 “MOM! Dad! I told you already na hindi ko kailangan ng bodyguard! Ano ba ang tingin niyo sa akin? Bata?!” inis na sermon ko sa aking mga magulang mula sa telepono. Paano ba’y nag-hire ng bodyguard, nag-o-overthink na mangyari ulit ang nangyari sa akin dati. “Anak, para sa iyo rin naman ’yan! Hayaan mo na kami! It is our way to protect you!” giit ni mommy, na ikinaikot ng mata ko. “No! I’ll fire– ” “Good morning,” putol ng isang boses sa sasabihin ko. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan. Hindi ako makahinga. Ang lalaking nasa harapan ko, ay ang multo ng aking nakaraan. Multo, ngunit ang puso ko ay nilulunod ng labis na kasiyahan. Hindi ko napigil ang mga luhang nag-unahan sa paglandas sa aking pisngi. “P-Patrick . . . ” pigil hininga kong tawag sa pangalan niya. “Yes, my queen . . . It’s me. I am your new bodyguard. Will you still fire me?” Hindi na ako sumagot. Sinalubong ko siya ng isang mahigpit na yakap. “Buhay ka!” —WAKAS—
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD