Patuyang ngumiti ang piratang bumaklas sa lubid na nakatali sa akin. Halos hindi ako makahinga sa masangsang nilang amoy. Natitiis ko pa noong medyo malayo sila sa akin ngunit ngayong napakalapit na ng isa sa akin, pilit kong iniiwas ang pagdikit ng balat sa kaniya.
“Ihanda mo na ang sarili mo,” aniya sa nang-aasar na boses. Siya na lang ang mag-isa ngayon at ang mga kasamahan niya ay nasa loob, nag-iinuman. Kitang kita kasi sila mula sa bintana nila. Nagsasalo-salo sa isang lamesa at kung magtunggaan ay animo'y may bagay na napagtagumpayan.
Dito nag-sink-in sa akin ang lahat. Na ito ang layunin nila kung bakit tumungo sila sa Isla Agunaya, na dumakip ng maraming babae at aalamin kung sino ang pinakamatibay. Pero higit pa ro’n, hindi ko pa rin maunaawaan kung bakit parang ang dali-dali lang sa kanila ang pumatay. Wala ba silang konsensya? Hindi ba nila naisip na may pamilya rin ang mga hinuhuli nila?
Wala ba silang mga pamilya?
Pigil ang hininga ko dahil sa hindi kaaya-ayang amoy. Pagkatapos akong tanggalin sa pagkakatali sa poste, ay saka ako muling tinalian nang hindi na naka-angkla sa kung ano mang konkreto. Kadalasan, sa mga palabas na napapanood ko, malaki ang tyansa na makatakas kapag ganitong mag-isa lang ang umaalalay at nakabantay. Ngunit paano ako makakatakas kung nasa gitna kami ng karagatan? Paano gayong mahigpit ang tali? Paano gayong hindi ako marunong lumangoy? Makahanap man ako ng tiyempo at makawala sa kanilang tanikala, dagat ang susunod kong kalaban.
Dito ko napatunayan kung gaano kalupit ang tadhana, lalo na sa parte ko na ang tanging hangad lang naman ay tuparin ang simple kong pangarap na makaligo sa dagat. Para akong inilublob sa malalim na katawan ng bangungot. Simpleng simple lang naman ang intensyon ko pero naglahong bula ang lahat ng dahil sa kagustuhan ko.
Ngayon, paano ako makakapagpaliwanag sa mga magulang ni Yolia? Paano ko sila mapapaniwala sa sarili kong mga testimonya sakali mang makaalis ako rito nang buhay? Hindi na mababalik ang buhay ng nag-iisa nilang anak. Gusto ko na lang maiyak ngunit kailangan ko magpakatatag.
“S-saan mo ako dadalhin?” nauutal kong tanong nang magsimula na kaming maglakad patungo sa direksyon ng kanilang kuta. Pinipilit kong hindi manaig ang takot sa aking sistema dahil mas delikado pa pala ako ngayon. Mas delikado dahil mas mapagtutuunan nila ako ng atensyon.
“Sa’n pa ba? Eh `di kakain. Bakit, ayaw mo ba?”
Napalunok ako habang mas nalalapit ang pagdating namin sa bungad. Bahagyang gumalaw ang barko dahil sa alon kaya muntik na kaming mabuwal. Good thing dahil hindi ako napakapit sa kaniya. God. Tinitiis ko na lang talaga ang amoy.
“Gusto ko naman kumain…” mahina kong sagot. Pinanatili ko ang tila malamig kong ekspresyon upang mas mapatunayang hindi ako naaapektuhan sa mga pinaggagagawa nila.
Pagkapasok namin sa kanilang deck, halos masuka ako sa amoy ng parteng ito ng barko. Kung kanina ay hindi ko matiis mula sa isang pirata, ngayon ay parang hindi ko na makakayanan pa. Amoy lalaki. Amoy barako. Amoy pawis na amoy alimuom. Hindi ba naliligo ang mga `to? Hindi ba uso sa kanila ang paglilinis ng mga pinaggamitan nila? Seeing the dirt and stains around, mula sa damit hanggang sa kanilang mga gamit, ako ang nanggigigil na sana lumubog ang barkong ito nang makaranas naman sila ng tubig.
Muntik na akong maduwal nang dumiretso kami sa hapag. Ganoon na lang ang pamimilog ng mga mata ko nang makita kung ano ang kanilang kinakain. Gusto ko na lang mapamura nang pagkalakas-lakas dahil buhay na buhay pa ang malaking pugita na pinaghahati-hatian nila. Gumagalaw-galaw pa ang galamay at naglalabas ng maiitim na tinta!
Seryoso? Kung dinala ako rito upang kumain, mas gugustuhin ko na lang magutom!
Umusog ang dalawa sa kanila upang magkaroon ng bakante kung saan ako uupo. Naisin ko mang umangal ay natameme na lamang ako. I cannot help but endure and adapt to how they live because if not, my life will sink in the brink of death.
Nang tuluyan na akong umupo, hindi ko na inasahan pang tatanggalin nila ang pagkakatali ng mga kamay ko. Sa puntong ito, nakita ko na hinati ng isang pirata ang ulo ng pugita nang hindi gumagamit ng kutsilyo o kahit na ano mang patalim— tanging kamay niya lang ang gamit at halatang hindi pa nahuhugasan!
“Oh ito, para sa’yo. Nganga,” utos niya sabay lahad ng ulong parte ng pugita sa aking bibig. Halos maduling ako kakatitig nito at kahit sa tinitingnan ko pa lang ay nasusuka na talaga ako.
Nang maamoy ang pagkalansa-lansa nitong baho, hindi ko na talaga nakontrol pa ang sarili ko. Napabaling ako sa gilid at naduwal.
“Tang ina. Ano, kakainin mo ba o hindi? Puta, ang arte mo ah!”
“S-sorry,” ang nasabi ko na lang nang kumukurap-kurap. Tumingala ako sa mismong pirata na naglahad sa akin ng kakainin ko at nakita kung gaano na kabagsik ang kaniyang mga mata. “Hindi kasi ako sanay kumain ng hilaw na pagkain—”
“Puwes kailangan mong masanay! Ganito ang buhay-pirata. Paano ka mabubuhay kung paiiralin mo `yang kaartehan mo?”
“Pero kasi—”
Hindi ko na nagawa pang tapusin ang sinasabi nang biglang hugutin ng katabi nito ang itak na nakatanim sa kaniyang suot. Na-estatwa ako at natahimik nang matagal.
“Simple lang ang pamimilian mo. Kakain ka o mamamatay?” Mas lalo nitong iminuwestra kung gaano kakinang ang hawak nitong patalim. Tila ba handa na namang kumitil ng buhay sa kahit na anong segundo.
Kung wala lang talaga akong pangarap sa pamilya ko, kung wala lang akong ambisyon na nais marating ay nanaisin ko na lang ang mamatay. Mas gugustuhin ko na lang matapos itong buhay ko kaysa naman maranasan pa ang mas malalang parte na kahaharapin ko sa kamay ng mga piratang ito. But like I said, ako na lang ang tanging pag-asa upang maiahon ko sa kahirapan si Nanay. Kung mawawala ako nang basta-basta, paano ang layunin kong maging daan upang mabigyan ng magandang hinaharap ang natitira kong mahal sa buhay?
Saktong sa pagtulo ng aking mga luha, biglang na-alarma ang mga pirata dahil may ingay na umalingawngaw mula sa labas, lahat sila ay nagsilabasan. Iyong isa ay natira, umupo sa aking tapat, at ipinaalam sa akin kung ano ang nangyayari.
“Tunog iyon ng barko ni Kapitan kaya nakasisiguro ako na malilipat ka na ngayon sa kaniya.”
Mabilis akong napapalis sa aking luha. Kaagad na natigil ang pag-iyak ko dahil pati ako ay naalarma.
“Sinong kapitan? Hindi niyo ba kapitan iyong susubo sana ng pugita sa`kin?”
Umiling siya. “Walang kapitan sa mga nakita mo ngayon dahil utusan lang din ang tinutukoy mo. Si Kap Rael Viendijo ang sinasabi kong kapitan at sa kaniya ka namin ililipat. Anak siya ng Mexicanong pirata na nagbibigay sa amin ng komisyon kaya utang na loob, huwag na huwag mo kaming bibiguin. Kami ang malilintikan kung papalpak ka sa mga ipagagawa niya.”
Paulit-ulit na umalingawngaw ang pangalan ng kapitan na siyang aalipin sa akin mayamaya lang. Bakit ganoon? Kahit pangalan pa lang niya ay nagimbal na ako. Hindi ko pa man siya nakikita ngunit pakiramdam ko ay ito na ang pinakanakakatakot na taong matatagpuan ko sa tanang buhay ko!