PUMARADA ang magarang sasakyan ni Miguel sa garahe na nasa harap ng kanyang penthouse. Matapos ma-i-park ng maayos ang sasakyan sa garahe ay nilingon niya ang walang malay na si Dy sa tabi ng drivers seat. Malalim siyang napabuntong-hininga ng mapagmasdan ito habang tulog na tulog.
“What am I gonna do with you?” tanong niya habang hindi ito hinihiwalayan ng tingin. Muli siyang bumuntong-hininga.
Ano ba ang gagawin niya sa babaeng ito? Hindi niya alam ang gagawin dito. Nang mawalan ito ng malay kanina ay hindi niya alam kung saan ito dadalhin hanggang sa makarating nalang sila sa sasakyan niya. Nang nasa loob na sila ng kotse ay pinangahasan na niyang galawin ang backpack nitong dala. Tiningnan niya ang laman niyon. Cellphone, charger, powerbank, at malaking purse lang ang laman niyon at isang maliit na purse na naglalaman ng toiletries nito. Wala siyang nakita kahit isang ID na maaring pagkakilanlan man lang nito.
Napailing-iling siya at bahagyang nakaramdam ng inis. Hindi niya alam kung dahil sa kinasuungan o dahil sa wala man lang dalang ID ang babaeng kasama. Hindi ba nito naisip na maari itong mapahamak? Papaano kung nagkataong sira ulo siyang tao? Papaano kung hindi siya ang nakausap nito kanina at nakainuman? Papaano kung may sira ulong magtangkang gawan ito ng masama? Napatiim-bagang siya. Bigla ay nagkaroon siya ng alaga.
Ilang buwan na simula ng huli siyang lumabas. Ang gabing iyon ang unang beses na lumabas siya pagkatapos ng isang mahabang bakasyon.
Miguel was about to marry months ago. Ito ay sa kanyang longtime girlfriend na si Elise. Bukod sa pagiging mayaman niya at hindi sa pagtataas ng sariling bangko ay ubod siya ng guwapo. Sa socialite world, kundi man ang pinaka ay isa siya sa hinangahaan at pinapangarap ng mga kababaihan. Perpekto ang tingin ng mga taong nakapaligid sa kanya lalo na ng maging kasintahan niya si Elise. Isang magandang dalaga, mahinhin, mabait, matalino at mayamang kagaya niya. Niligawan niya ito pagkagraduate nito sa kolehiyo.
Kaya nang kumalat ang balitang ikakasal na siya sa kasintahan ay labis ang panlulumo ng mga kababaihang nakapaligid sa kanya. Walong taon niyang naging kasintahan si Elise bago niya ito inalok ng kasal. Bente singko siya noon at bente anyos naman ito at katatapos ng kolehiyo ng ligawan niya. Para sa kanya ay perpekto ang dalaga kung ito ang magiging kasintahan niya. Kilala na niya ang dalaga bilang anak ng kaibigan ng pamilya nila. Hindi man sila malapit ay madalas na niya itong nakakausap at ireto ng mga magulang hanggang sa ligawan niya ito.
Anim na buwan ang lumipas saka siya nito sinagot. Marami ang natuwa pero marami din ang nalungkot. Maayos ang naging relasyon nila bagamat may kaunting tampuhan na madali ring naayos. Isa itong mabuting nobya at kailanman ay hindi siya nagreklamo rito o nagduda na maari itong magkagusto sa iba. Bilang ganti ay naging tapat din siya rito. Iginalang niya ito at nirespeto. Marami ang hindi maniniwala kung sasabihin niyang hindi niya nagalaw ang dalaga. Gusto niya itong maging virgin bride. Higit sa magkasintahan ay naging malapit din silang magkaibigan. Sa kanya ito nagsasabi ng mga hinaing nito sa buhay at nasanay itong naroroon siya sa mga pagkakataong mayroon itong sakit. Maalaga siya rito at madami ang nagsasabing suwerte sila sa isa’t-isa.
At dahil pareho pa silang bata ay hindi muna nila inisip ang pagpapakasal. Hanggang sa lumipas ang mga taon ay maayos ang kanilang naging relasyon. Pareho silang naging abala sa kanya-kanyang negosyo ng kanilang pamilya pero sinigurado nilang mayroon silang oras sa isa’t-isa. At sa ikawalong-taong anibersayo nila bilang magkasintahan ay inalok niya ito ng kasal. Mabilis itong pumayag at itinakda ang kasal nila apat na buwan mula noon. Subalit ang kasalang matagal na hinihintay ng lahat ay hindi nangyari.
Tatlong araw bago ang mismong araw ng kasal ay isang lalaki ang lumapit sa kanya at nagpakilalang Samuel. Buntis daw si Elise ng isang buwan at ito ang ama. Natural ay hindi siya naniwala pero ang isip niya ay nagkaroon ng agam-agam. Kinompronta niya ang kasintahan at ni hindi nito nagawang tumanggi. Inamin nito ang pagbubuntis na malamang ay hindi sa kanya dahil kailanman ay hindi niya ito ginalaw.
Dahil sa nalaman ay nagalit siya ng sobra. Pakiramdam niya ay masyadong natapakan ang kanyang pride. Sumama ang loob niya. Mahal niya ang nobya. Iginalang niya ito, nirespeto at inalagaan. Pero hindi pala ganoon ang sitwasyon ng dalaga. Nang tanungin niya ito kung bakit nito nagawa ang bagay na iyon ay hindi ito kaagad nakasagot. Iyak ito ng iyak pero sa mga oras na iyon ay hindi niya nagawang maawa dito. Bagkus ay labis ang naging galit niya pero kailangan niyang malaman ang dahilan kung bakit siya nagawang pagtaksilan ng dalaga. Hanggang sa ito na ang kusang nagsabi.
Isang pagkakamali lang daw ang nangyari. Isang college friend si Samuel na muli raw nitong nakatagpo ng minsang mag-bar ito kasama ang mga kaibigan. Dahil sa kalasingan ay may nangyari sa dalawa. Ang dapat na isang gabi para sa pangyayaring iyon ay nasundan ng nasundan ng parehong magkagustuhan ang dalawa. Nakunsensiya raw ito pero dahil nadala ito ng mga salita at kasiyahan sa piling ni Samuel ay tinangka nitong sabihin sa kanya ang lahat. Pero ayaw daw siya nitong masaktan kaya hindi nito masabi-sabi na wala na itong pagmamahal sa kanya.
Hindi rin daw nito inaasahan ang pagbubuntis. At nalaman niyang anim na buwan na siya nitong pinagtataksilan.
Hindi natuloy ang kasal at naging usap-usapan iyon sa mga taong nakapaligid sa kanila. Ang mga kapamilya niya at kaibigan ay ipinayong magbakasyon muna siya subalit nagtrabaho siya. Itinuon niya ang isip at sarili sa trabaho na halos hindi na siya nagpapahinga. Pag-uwi ay alak ang haharapin niya dahil gusto niyang makatulog kaagad. Ayaw niyang makaalala o sumagi man lang sa isip niya ang lahat ng nangyari at sakit na pinagdaraanan. Ilang linggo na siyang nagtatrabaho ng walang pahinga ng ang katawan na niya ang mismong sumuko.
Isang umaga ay bigla nalang siyang bumagsak sa loob ng kanyang opisina. Mabilis siyang isinugod sa ospital. Sinabi ng doktor na labis ang depresyon niya, stress, at walang pahinga. Kinulang din daw ng hangin ang utak niya dahil sa hindi masyadong pagkakain at walang tulog. Kinailangan niyang manatili sa ospital at bago pa siya lumabas ay kinausap na siya ng mga magulang na hindi muna siya maaring bumalik sa trabaho. Hindi rin niya tinangkang makipagbalikan kay Elise dahil nasaktan siya ng sobra. Hindi na rin nito ipinilit pa ang sarili sa kanya at ang huling balita niya ay magkasama na ito kasama ang ama ng ipinagbubuntis nito.
Hindi na siya kumontra pa. Sa isang island beach resort na pag-aari ng kanyang pamilya siya nagpunta. Doon ay naglagi siya ng ilang buwan. Bagamat nabawasan ang pag-iinom niya dahil sa bilin ng doktor ay hindi pa rin niya maiwasang uminom ng alak sa tuwing maiisip ang lahat ng nangyari. Ang panloloko sa kanya ni Elise. Ang pagbubuntis nito na hindi siya ang ama. Ang pagmamahal niya dito. Ang pagtitiis niyang hindi ito galawin dahil sa sobrang pagrerespeto niya sa dalaga. Doon niya napagtanto na hindi aalis ang lahat ng iyon nang kusa. Hindi iyon madaling makalimutan agad-agad kagaya ng gusto niyang mangyari. Kailangan niyang dumaan sa mga bagay-bagay para siya makamove on. Kailangan ng proseso at hindi maaring ipilit ang prosesong iyon.
Sa bakasyon niyang iyon ay may mga nakilala siyang tao na nagpakita sa kanya kung papaano mag-move on. Na puwede pang maging masaya sa kabila ng sakit at lungkot na nararamdaman niya. Nakausap niya ang mga taong may kanya-kanyang ekspiryensa sa buhay at doon niya natuklasan na hindi lang pala siya ang nasasaktan. Na sa ganoong edad niya at sa tinatamasa niyang ganda ng buhay ay madami pa pala siyang bagay na kailangang tuklasin at malaman. Na sa talino niyang iyon ay hindi pala niyon nasasakop ang lahat. Sa pakikipag-usap at pakikisalamuha niya sa iba’t-ibang uri ng tao ay gumaan-gaan ang kanyang pakiramdam. Unti-unti niyang natuklasan ang pagtanggap lalo na sa mga bagay na hindi nakalaan para sa isang tao. Bagamat naroon pa rin sa isip niya si Elise at pasulpot-sulpot at naroroon pa rin ang mumunting sakit ay masasabi niyang napakalaking gaan sa kanyang dibdib ang bakasyon niyang iyon.
Eksaktong limang buwan mula ng magbakasyon siya ay nagtungo siya sa ibang bansa para mag-ikot-ikot. Hindi niya nagawa iyon dahil sa sobrang abala niya sa trabaho. At doon niya naalala na ni minsan ay hindi nila nagawa ni Elise na mangibang bansa para sa isang tunay na bakasyon. Nagpupunta sila doon para lamang magtrabaho. At sa pamamasyal niyang iyon ay lalong gumaan ang kanyang kalooban. Naging masaya siya at napagtanto na hindi naman pala masamang libangin at pasayahin ang sarili. Na hindi porke sa kanya nakaatang ang pinakamabigat na responsibiladad sa kanilang kumpanya ay hindi na siya maaring maging masaya.
Isang buwan siyang nagpalipat-lipat ng bansa hanggang sa mapagpasyahan niyang bumalik na nang Pilipinas. Gulat na gulat ang kanyang pamilya ng makita siya. Iba raw ang itsura niya. Napakalayo sa Miguel na nakita ng mga ito bago siya magbakasyon ilang buwan na ang nakakalipas. Ngayon ay preskong-presko raw ang aura niya. Komento ng kanyang ina ay lalo siyang gumuwapo dahil nawala ang ilang guhit sa noo niya na itinawa niya. Sinabi niyang babalik na siya sa trabaho sa susunod na linggo at hindi na iyon tinutulan pa ng kanyang pamilya.
Tumuloy siya sa kanyang penthouse na mahigpit niyang ibinilin na huwag galawin kaya pagbalik niya ay hindi iyon malinis. Isang araw lang siyang nagpahinga nang maisip niyang gusto niyang lumabas ng gabing iyon. The usual club na madalas niyang puntahan kapag stress siya sa trabaho ang bar na pinuntahan niya. Hindi niya balak magtagal doon dahil gusto lang niyang uminom ng kaunti pero nakita niya si Dy.
Papalapit si Dy kanina sa bar ng makita niya ito. Nasa sariling mesa niya siya nakapuwesto hindi kalayuan sa bar. Sa una ay napatingin lang siya rito dahil sa kakaibang itsura nito para sa lugar na iyon. Hindi niya mapigilang mapangiti at mapailing. Wala siyang intensiyong tingnan ito ng matagal subalit namalayan nalang niyang pinagmamasdan ito. Mula sa pagkikipag-usap nito sa barista na kitang-kita pa niya kung papaano ito nagulat sa pagbibiro ni Troy – ang barista na umasiste kay Dy – hanggang sa maka-order ito at magmasid sa paligid habang sumisimsim ng inumin nito.
Ilang beses na nagsalubong ang mga kilay niya dahil sa ‘kakaibang’ pagkilos nito sa loob ng bar. Idagdag pang hindi pangkaraniwan ang suot nito sa lugar na iyon. Mukhang naligaw lang ito sa kung saan at napadaan doon para lang sa kung ano. Bahagya lang itong sumasayaw kahit nakaupo habang nagmamasid sa paligid pero mukhang wala itong balak sumayaw sa gitna. Hindi rin naging lingid sa kanya ang mga taong napapatingin dito at ilan sa mga iyon ay pinag-uusapan ang babae. May mga lalaki ring nagkomento na bago doon ang babae at ang mga babae naman ay hindi maiwasang magtaas ng kilay. Nagkanya-kanyang komento ang ilang mga naroon tungkol sa babae. At habang tumatagal ang oras na nakatingin siya rito ay hindi niya namalayang nakuha na nito ang buo niyang atensiyon. Namalayan nalang niya ang sariling lumalapit sa puwesto nito.
Naupo siya sa bakanteng stool na katabi ng kinauupuan nito. Mula roon ay napagmasdan niya ng malapitan ang babae. Lalo na ang mukha nitong bagamat hindi niya masyadong makita ang buong mukha dahil sa suot nitong sombrero ay maganda ito. Napatingin ito sa kanya at nagtama ang kanilang mga mata pero mabilis din itong nag-iwas ng tingin saka muling ibinalik ang tingin sa kanya. Tumaas ang isang sulok ng labi niya. Bago pa siya makapag-isip ay nilapitan na niya ang babae.
Aware siya sa pagkabigla nito ng lapitan niya. Dala ng matinding kuryosidad ay namalayan nalang niyang kinakausap ito. Si Dy ay bago lang sa kanyang paningin at mukhang pa-mysterious effect pa lalo na nang hindi nito direktang sabihin ang pangalan sa kanya.
Hanggang sa maramdaman niyang gusto pa niya itong makausap ng makausap. Kaya nagmungkahi siyang pumunta sila sa ibang lugar. Nagulat siya ng mabilis itong pumayag. Ayaw niyang mag-isip ng hindi maganda tungkol dito o ugali nitong sumasama sa kung sino ang magyaya dito. Pero may pakiramdam siyang hindi ugali iyon ng babae. May pakiramdam siyang matino ito at hindi kagaya ng ibang babaeng kilala niya sa mundo. Hindi lang niya alam kung ano ang trip nito at naroon ito sa lugar na iyon.
Nakadagdag iyon sa mga gusto niyang malaman dito. Tuluyan nitong nakuha ang atensiyon niya. Hanggang sa makarating sila sa isang maayos at mas matihimik na kainan ay naging limitado ang sinasabi nito tungkol sa sarili. Hindi ito kagaya ng ibang babaeng halos ilantad na ang sarili sa isang lalake. Magkagayon ay hindi siya nakaramdam na nabagot siya sa durasyon na kasama ito.
Napansin niyang medyo lasing na ito nang magpaalam para magsi-CR. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang inis kasabay niyon ang pag-aalala para dito. Hindi rin niya alam kung nagbibiro ito o nagsasabi ng totoo na sa probinsiya pa ito uuwi. Kaya ng mawalan ito ng malay hindi niya alam kung saan ito dadalhin. Hindi naman niya ito maaring iwan sa bar. Pinanindigan na niya ang pagiging good citizen.
Ngayon ay nasa harap na sila ng penthouse niya. Tulog na tulog pa rin ang babae. Nang wala siyang makuhang impormasyon sa bag nito ay muli niyang ibinalik ang mga laman sa loob. Kumilos siya at lumabas ng kotse. Wala siyang choice kundi ang ipasok ang babae sa loob ng kanyang penthouse at pansamantalang panatilihin doon. Hanggang sa magkamalay na ito…