Bella’s Point of View
Yes, that was me— noong high school. Matangkad, payat, mahaba ang buhok, at naka-braces. Ito ‘yong panahon na ang pimples mo ay nagkakaisa at sabay-sabay silang nagpa-party sa mukha. Kapag hindi nakuntento sa mukha, lumilipat ‘yan sa likod. Parang nagba-bar hopping lang sila.
Ang sabi nila, masaya raw ang high school. Parang hindi naman. Ito ‘yong time na isinusumpa ko. Kapag nakikita ko ang naging transformation ko, laking pasasalamat ko sa papaya soap.
Akala ko noon maganda na ako kaya binoto akong muse ng mga classmates ko. Iyon pala pinagkaisahan lang ako ng mga gago. Ako naman si excited, nagpa-parlor pa kami ni Mama. Tinakpan ng foundation ang mga galit na pimples. Hinawi sa gilid ang bangs ko at pinaka-plantsa ng baklang beautician ang buhok ko. Gandang-ganda na ako sa sarili ko noon.
Pinagsuot pa ako ng bra na may pads ni Mama. Kasi sa hindi maipaliwanag na dahilan, late nang tumubo ang boobs ko.
Ito na, sa araw ng parade— wala ni isa sa mga classmate ko ang dumating. Hiyang-hiya ako noon. Ako lang ang muse na walang support sa parade. Walang escort. Gusto ko noon na umuwi na lang kaya lang nakita na ako ng teacher naming bakla sa PE, kaya pinapila na ako.
Katirikan ng araw, walang humawak ng payong ko. Walang nagpaypay. Iyong foundation ko humulas, ang eyeliner ko kumalat. Mukha akong adik na panda noong rumarampa sa stage.
Mangiyak-ngiyak na ako noon. Pero kung iiyak ako, lalong kakalat ang eyeliner kaya pinigilan ko na lang. Nang dumating si Mama, inayos niya ang make up ko. Saka niya nalaman ang ginawa ng mga classmates ko.
“Ipakita mo sa kanila na kaya mo kahit wala sila,” sabi ni Mama. Dahil doon lumakas ang loob ko.
“Hi, I am Maria Ysabella Isidro, representing 3-Sagittarius,” I proudly said. Kahit si Mama lang ang pumapalakpak, okay na ako.
Third year ako nang mangyari ‘yon. Pinilit ko talagang lumaban pero wala e. Ano naman ang laban ko sa mga fourth year? Ano ang laban ko kung mayroong audience impact na ten percent? Talo na kaagad ako doon.
Iyon na ang huling tapak ko sa JRI. Hindi na ako pumasok after ng incident na ‘yon. Nagpunta na kami ng Canada nila Mama. And as much as possible, hindi ako nag-aaccept ng friends sa f*******: from JRI.
Masakit, bes. Masakit mapagkaisahan.
So back to reality tayo. Ito ang kasalukuyang nangyayari kaya naalala ko ang nakaraan.
“Bella, you have to tell us what’s bothering you. Saan nagmumula ang insecurities mo?” tanong ni Trisha habang nagpa-practice kami ng pasarela.
One minute okay ako, the next thing I knew, nanginginig ang tuhod ko. So ’yon, sinabi ko sa kanila ang nangyari noong high school.
“That’s cruel,” Trisha commented.
“Make this your come back, girl. Hindi biro ang competition ng Binibining Pilipinas. Nakapasa ka na sa first screening. Focus lang tayo, Bella. Don’t let your past destroy your inner peace,” sabi ni Manay Lovely.
“Back to our catwalk. Front legs over the left papalagi. Hindi pwedeng mauuna ang left. Mawawala ka sa bilang,” sabi nito. Nagpa-practice kami with eight inches heels on thread mill. My God. Mukha akong kapre sa tangkad.
Hindi ko alam na ganito kahirap. Pinaubaya ko muna kay Merjie at Yumi ang Sweet Bells.
Kaya ko ‘to. Kapag nagkita kita ulit tayo… hindi na ako si Isay— ako na si Bella. Bella Isidro.
With that in mind, nag-practice ako ng catwalk, wearing eight inches heels and my head held high.
Wait lang kayo. Babawi ako.