KAKAIBA ANG gaan ng kilos ni Art habang nasa presidential suite siya ng isa sa mga primera klaseng hotel sa Baguio. Kahapon pa niya kinontak ang manager ng hotel na iyon para ipa-reserve ang suite. Isang malaking sorpresa ang balak niyang ibigay kay Nicole.
“Sir, okay na po ba ang pagkakaayos ng bulaklak?” tanong ng staff na binigyan niya ng instruction kung paano aayusan nang espesyal ang kuwarto.
Iginala niya ang paningin. Libong fresh roses ang naka-decorate sa paligid. Eksaherado ang dami ng mga flower vases na puno ng iba-ibang kulay na rosas. Sa sahig ay nagmistulang makapal na almpombra ang mapupulang petals ng naturang bulaklak. May mga scented candles din na sadyang iniayos sa bawat lugar pero ang mas nagbibigay-bango sa buong silid ay ang mismong mga bulaklak.
The satin sheet was immaculately white. Katerno rin niyon ang mga punda ng mga unan na hindi lang sa kama nakakalat kundi maging sa iba’t ibang panig ng silid. Sa ibabaw ng kama, mayroon ding mga talulot ng rosas na inihugis puso.
“`Yong bathroom, gusto ko ring makita,” sabi ni Art, nasa tinig ang kasiyahan.
“Yes, Sir.”
May nakapuwesto na ring mumunting kandila sa bureau ng banyo. Ang bathtub ay nakahanda na. Mayroon ding mga talulot ng rosas na nakalutang doon. At nanunuot sa ilong ang mabining samyo ng rose oils na nakahalo sa tubig.
“Perfect.” Nilinga niya ang staff. “Babalik kami rito mga isang oras mula ngayon. Susunduin ko lang siya. We are going to have dinner at the restaurant in the lobby. I hope to see you around. Kapag matatapos na kaming kumain, iakyat mo na rin dito ang wine. And wait for my signal para sindihan ang mga kandila rito.”
“Okay, Sir,” may kasama pang tango na sagot ng staff.
“Here.” Isang envelop ang iniabot niya dito para sa tip.
“Thank you, sir.”
“Welcome. See you later.”
Pagkaalis ng hotel ay dumiretso na si Art kay Tricia. Nakaabang na sa kanya ang kapatid at pati na rin ang kanyang mama na ikinagulat niya. Ang alam niya, nasa Manila na ang kanyang ina.
“Dumaldal ka na naman,” malambing na sumbat niya kay Tricia.
“Well, ano ba ang magagawa ko? After all, sino ba ang designer ng damit na ipina-rush mo? Hindi ba’t amiga ni Mama? Ang kulit kaya ni Mama kaya paano pa ako magsi-sikreto.”
“At amiga ko rin ang alaherang kinuhanan mo ng singsing, hijo,” buong kasiyahang sabi ng kanyang mama.
“Nasaan na?” baling ni Art kay Tricia at kunwari ay hindi niya pinansin ang pailalim na kahulugan ng sinabi ng kanyang mama.
“Nandiyan sa kahon pati katernong bag at sapatos. Grabe, Kuya, kinikilig ako! Naaalala ko tuloy noong mag-propose sa akin ang asawa ko. Pero, Kuya, ibang klase ang singsing, ha. Ang taray ng diamond! Hulaan ko kung magkano iyan.” Iniabot nito ang velvet box na kinalalagyan ng engagement ring.
“Don’t bother. Baka lalo kang kiligin,” buska niya sa kapatid.
“Nicole deserves that,” sabi naman uli ng kanyang mama. “Artemis, mabuti naman at nakapag-isip-isip ka na. Natutuwa ako at nagising ka sa katotohanang malaking kahibangan ang una mong balak na magkaroon lang ng anak at hindi asawa.”
“Kuya?!” shocked na sabad ni Tricia. “Naisip mo talaga iyon? But why?”
“Ang importante ay nauntog na siya sa kalokohan niya,” agaw na sagot ng mama niya. “Sabihin mo sa akin kapag mamamanhikan ka na kay Nicole. Kasama kami ng papa mo na mamamanhikan sa kanya.”
“Magpo-propose muna ako sa kanya, Mama,” nangingiti na lang na sabi niya.
“And I’m sure, malapit na akong magkahipag sa `yo!” tuwang-tuwang sabi rin ni Tricia.
“Diyan na kayo. Kailangan ko nang bumalik kay Nicole at baka inip na inip na iyon. Nagdahilan lang ako na may business deal kunwari.”
“Good luck, Kuya.”
“Thanks.” Niyakap at hinalikan niya ang kanyang kapatid at ina, saka bitbit ang kahon ng damit na umalis na.
Alam ni Art na mukha siyang tanga habang pangiti-ngiti na nagmamaneho pabalik sa sariling bahay. But he couldn’t help it. Masyado siyang masaya para maging conscious kung mukha man siyang tanga sa pagngiti-ngiti. He was in love. At ngayon, hindi siya makapaniwala kung paano niya naisip ang isang malaking kahangalan!
Imagine dreaming for a son and not a wife? Hah! He couldn’t believe it! At kung hindi pa niya mismo ginawa, malamang na hindi rin siya maniwalang nagawa niyang alukin si Nicole ng ganoong klaseng alok.
But he did. And somehow, he wanted to believe in destiny. Na iyon ang naging dahilan para matagpuan niya ang tunay na pag-ibig... sa piling ni Nicole.
He never expected he could fall in love with any woman. Pero iba si Nicole. Ngayon niya naiisip na sa unang pagkakataon pa lang na nakita niya ito, hindi lang basta atraksiyon ang tumama sa kanya. There was something more. At ngayon lang niya na-realize iyon.
Kinapa ni Art sa bulsa ng pantalon ang cajeta ng singsing. Yes, he was a fool. Dahil itinuon niya noon ang isip sa isang bagay na baluktot. And now he was glad and thankful, dahil nagising siya mula sa isang malaking kalokohan.
Hindi niya masusukat ang kaligayahang nararamdaman niya sa kasalukuyan. He was more than excited. He felt he was in oblivion. Anhin na lang niya ay hilahin ang oras at magtatapat na siya ng pag-ibig kay Nicole.
He knew she would be surprised. He knew, it would make a lot of difference to their deal. But he also knew it was for the better. For him, for her, and for the child he longed for. Hindi ba’t tama lang ang gagawin niya? Ang maging isang ganap silang pamilya?
At handa na rin siya kung mabigla man si Nicole. Isa lang ang alam niya: kung hindi man siya tanggapin ni Nicole dahil siya mismo ang sisira sa kasunduan nila, gagawin niya ang lahat para mailagay sa ayos ang lahat.
He loved her. He couldn’t measure how much. Basta ang alam niya, hindi siya papayag na manatili pa ang kasunduan nila. Ang importante sa kanya ngayon ay mapatunayan kay Nicole na mahal niya ito.