Kahit natulog ng may tampuhan, nagluto pa rin ng umagahan si Peter. Medyo na-guilty tuloy ako dahil sa pag-aasikaso niya sa ‘kin sa kabila ng pagsusungit ko. Naabutan ko siyang nag-aayos ng lamesa, at paglapit ko rito, napasulyap ako sandali sa sala. Nandito pa rin ang mga supot na dala niya kagabi at hindi maalis ang curiosity ko rito.
“Good morning… anong binili mo kahapon?” casual na bati ko.
“Good morning—” Sinundan ni Peter ng tingin ang direksyon ng mga mata ko. Inobserbahan ko ang reaksyon niya at parang nabigla rin siya, nakalimutan ang tungkol dito. “Ah pagkain lang. Maupo ka na habang mainit ang sabaw,” sagot niya na hindi ko alam kung bakit medyo hirap akong paniwalaan. Kung pagkain kasi ito, bakit hindi pa niya inaayos sa lagayan?
Naupo naman na kami at habang pinaghihimay niya ng pritong bangus ay nagtanong pa ‘ko, “Saan ka ba galing kahapon?” Hindi ko na ito nagawang alamin kahapon kahit palaisipan ito sa ‘kin.
“Namalengke. Nagpasama ako kay Aling Dolores.”
Tumangu-tango naman ako, naalalang sabay nga silang nagpakita ni Aling Dolores kahapon. Akala ko nagkataon lang pero magkasama pala talaga sila.
“Ay sana sinama mo ako.”
“Sa susunod, sige.”
Nagsimula na kaming kumain. And I know I should have let things rest by now, pero hindi maalis sa isip ko ang pinanggalingan nila. Wala naman kaming pasok kahapon pero matagal nawala si Peter. Tapos sa palengke nagpunta pero hindi ako isinama.
Paubos na ang laman ng plato ko nang maglapag pa si Peter ng watermelon na nakahiwa na into triangles. Kumuha ako ng isa at nagsimulang kumain nito.
“Sa kabilang isla kayo galing? Parang ang tagal niyo namang namalengke. Marami bang tao?” tanong ko pa, iniiwasang maging agresibo dahil ayaw kong isipin niyang pinagdududahan ko siya.
“Oo. Medyo natagalan kami sa pag-ikot,” simpleng sagot ni Peter at nakulangan pa rin ako. Hindi ko makuha ang sagot na gusto kong marinig mula sa kanya at kung ano ito ay hindi ko rin sigurado, “Ako na lang muna ang papasok mamaya,” sabi pa, marahil gusto niyang makapagpahinga pa ‘ko pagkatapos ng nangyari kahapon. Tipid akong ngumiti at nagpasalamat.
“Hindi ba ‘ko matatanggal sa pag-absent ko?” paniniguro ko. Hindi na kasi kami pumasok kahapon.
“Ako nang bahalang magpaliwanag.” Tumango lang ako ulit kahit wala rito ang concern ko sa ngayon.
Habang kumakain ng watermelon, nagpabalik-balik pa ang tingin ko kay Peter at sa mga supot. Nang magtagpo ang mga mata namin ni Peter, saktong nakalunok ako ng buto ng pakwan! Naubo ako ng ilang beses at dito siya mabilis na tumayo para kumuha ng tubig.
Ngunit imbes na maghintay, hindi ko alam kung anong pwersa ng kalikasan ang nagtulak sa ‘kin nang tumayo at lumapit ako sa mga supot! Paghawak ko sa mga ito ay una kong napansin ang kabigatan.
Paglingon ko kay Peter, nanlaki ang mga mata ko nang magmadali siyang lapitan ako. Nilapag niya lahat ng hawak sa lamesa at patakbong lumapit sa ‘kin. Umuubo pa ako nang lumayo naman sa kanya.
“Tart, iabot mo sa ‘kin ‘yan,” may lambing at kaba ang ekspresyon ng kanyang mukha. Nagkunwari akong sisilipin ito pero tinaas niya ang isang kamay para pahintuin ako. “Please?” Hindi ko tuloy alam kung maiinis ba ako o matatawa.
Dahil mas mahaba ang braso, napasigaw ako nang subukan niyang hablutin ang supot sa akin. Mabuti at mabilis kong nailayo at iniangat ito sa ere. “Bakit? Hindi ba’t pagkain lang ‘to?” nagtaas ako ng isang kilay, sinadyang asarin siya.
“O…Oo nga, pagkain. Akin na, iaayos ko lang muna,” halos magmakaawa si Peter. Pinagdikit ko ang labi ko, nagpipigil ng tawa dahil sa reaksyon niya. Parang batang hindi makahintay.
Nang subukan niya akong lapitan, napasigaw ako at napilitang tumakbo palayo. Kung may kapitbahay lang kami, siguradong maiirita na sila sa maaga naming habulan. Nang makarating sa kwarto, wala akong choice kung hindi tumuntong sa kama dahil mas matangkad siya sa ‘kin. At bago pa niya maagaw ang supot, sinilip ko na ang laman nito.
“Peter!” tawag ko nang tumuntong din siya sa ibabaw ng kama. Kinabahan ako dahil baka makasira pa kami nito. Hinablot niya ang supot sa kamay ko pero hindi ako bumitaw at nakipagmatigasan. Natigilan na lang kami nang tuluyan itong nabutas, nahulog lahat ng laman.
Nagsalubong ang kilay ko nang makakita ng white mugs na may nakasulat na “Mr. and Mrs.”, matching towel set, at iba pang gamit pandalawang tao.
“Ano ‘to?” hindi makapaniwalang tanong ko kahit kita ko namang mga gamit ito for couples or newlyweds.
Napayuko na lang si Peter pagbaba ng kama. Sa kabila ng kanyang pagkadismaya, nang sundan ko siya ay nagawa pa niya akong alalayan.
“May plano ka bang—” natigilan ako sa pagtango niya at dito nakaramdam ng excitement. Mabilis kong hinawakan ang dalawang kamay niya kaya napalingon siya sa ‘kin. “Talaga? May plano kang mag negosyo? Magre-reselling na ba tayo? Tamang-tama, marami rin akong ideas for an online store kapag nag-expand tayo!” suporta ko.
Nalaglag ang panga ni Peter pagkatapos marinig ang mga sinabi ko. Hindi lang siya nabigla dahil ito na naman ‘yung tingin niyang tila aliw na aliw sa ‘kin. “Bakit? Ayaw mo ba?” Binukas-sara ko ang mga mata habang naghihintay ng sagot niya.
Napailing si Peter sabay hawak sa sentido. Tinapik ko tuloy siya sa braso para magseryoso lalo’t negosyo ang pinag-uusapan. “Bakit ba? Business-minded naman ako,” giit ko pa.
“Hindi ko talaga alam kung paano tumatakbo ang isip mo,” komento niya sabay pisil sa pisngi ko na nagpasingkit ng mga mata ko. Hinawakan niya ang kamay ko nang mas mahigpit, tila binibigyang-diin ang sasabihin, “Binili ko ang mga ito para sa ‘yo. Para sa atin.”
Napatitig ako sa kanya, nagtataka. “May mga mugs at towels naman na tayo. I mean, it’s not like we’re actually married for us to—” Bumilog ang bibig ko. Ibinalik ko ang tingin sa mga newlywed items sa kama. “I didn’t know you have a thing for couple things, Tart,” may pang-aasar kong saad.
Nag-iwas naman ng tingin si Peter, halatang nahihiya. “Napansin ko lang na halos puro gamit ko ang nandito. Kaya nagpasama ako kay Aling Dolores kahapon…”
Pigil ang ngiti, binawi ko ang kamay ko at humalukipkip, kunwari’y hindi kuntento. “Sus. Sana sinamahan mo na ng singsing para kumpleto na. May newlywed items pero hindi pa tayo kasal?” biro ko.
Pero mukhang si Peter ‘yung tipong seseryosohin kahit ang biro mo. Paano’y tumayo siya, lumapit sa drawer at may kinuha rito. Bumilis ang t***k ng puso ko maging ang paghinga ko. Paglapit sa ‘kin, naalala ko ang nangyari kagabi. Lumuhod na naman siya sa harapan ko na muling nagpatigil ng mundo ko.
Sa pagkakataong ito, may inilabas siyang maliit na box. Binuksan niya ito at napatakip ako ng bibig nang makita ang dalawang silver na singsing.
“Nagpagawa agad ako ng singsing noong araw na bumalik ka,” sabi ni Peter, parang may konting kaba sa boses niya. “Ginagawa pa rin ito hanggang ngayon, pero nung nabanggit mo kahapon ang tungkol sa kasal…” Huminga siya nang malalim, tapos tumingin ng diretso sa ‘kin. “Alam kong ‘di ko na kaya pang maghintay. Kaya nagpatulong ako kay Aling Dolores humanap ng singsing. Natagalan kami kasi… wala kaming mabilhan sa kabilang isla.”
Napako ang tingin ko sa mga singsing. Simple ngunit puno ng kahulugan ang disenyo—mga alon ng dagat. Sana, tulad ng alon, kahit ano mang agos ng buhay ang pagdaanan namin, palagi pa rin kaming babalik sa isa’t isa.
“Nagdadalawang-isip akong ibigay ito dahil baka makakita pa ako ng mas maganda—” Niyakap ko siya nang mahigpit at hindi na pinatapos pa.
“Ang ganda kaya nito,” bulong ko, medyo nahihiya pero ramdam ang kilig. “Salamat, Peter. Sobra na ‘to. This is more than I could ever ask for.”
Nakangiti siya nang maghiwalay kami, pero hindi nag-aksaya ng oras. Hinawakan niya ang kamay ko, dahan-dahang isinuot ang singsing sa daliri ko, sakto – para bang ginawa talaga para sa akin. Hinalikan niya ang ibabaw nito, at ramdam ko ang bawat salitang binitiwan niya, "Papalitan ko ‘to ng mas magandang singsing sa araw ng kasal natin."
Nangilid ang luha ko, hindi ko na napigilan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit, pero parang natunaw lahat ng kaba, lahat ng takot na kanina ko pa kinikimkim. "Panaginip ba ‘to?" tanong ko, pabulong, takot pa ring masaktan kapag muling umasa.
Ngumiti lang siya, saka sinapo ang pisngi ko. Ramdam ko ang init ng palad niya habang isinuklay niya ang mga daliri sa buhok ko, parang sinasabi niyang “nandito lang ako.” Napapikit ako nang maramdaman ang mga labi niya sa akin – marahan, puno ng pangako. Hindi na ako makapaghintay simulan ang future namin ng magkasama.
His lips pressed against mine in a way that felt so right, like we were meant to be here, like this. And just like all our other kisses, this one left me breathless, all over again.