Habang inililibot ko ang mga mata sa paligid, hindi ko mapigilang ikumpara ang islang ito sa Cole’s Cove. Ngayon ay nauunawaan ko na ang kagandahan ng isla namin. Na-appreciate ko rin ang desisyon ng may-ari nito na ‘wag magpapasok ng turista. Dito kasi sa isla kung nasaan kami, masyado nang crowded. Parang wala na ngang lugar para mapag-isa at magkaroon ng kapayapaan. Ilang minuto pa lang ako rito pero nai-stress na agad ako.
Inuna namin ang paghango ng mga produkto sa isla na talagang sadya namin tulad ng seafood at ilang beach essentials. Nang masiguradong secured na ang mga ito sa bangka, binigyan kami ni Mang Ambo ng halos kalahating oras para maglibot-libot.
At dahil mahirap gabihin sa dagat, hindi na kami masyadong lumayo pa ni Peter. Dinala niya ‘ko sa sikat na restaurant dito kung saan tanaw ang dagat. Gusto sana niya ‘kong pakainin pero ako na ang tumanggi. Paano’y maghihintay pa kami ng ilang minuto para magkaroon lang ng pwesto. Kuntento na ‘kong bumili ng ice cream sa apa at maglakad-lakad sa tabing-dagat.
Sa gilid ng mga mata ko’y ‘di ko mapigilan ang pagtingin kay Peter. Nasa bandang kanan ko siya, nakatayo malapit sa dagat. Tinatamaan siya ng liwanag ng papalubog na araw na tila nagbigay sa kanya ng golden hair. Napunta ang tingin ko sa kaliwang kamay niyang may hawak na ice cream.
Huminga ako nang malalim bago sinubukang bilisan ang paglalakad. Gusto ko sanang makipagpalit ng pwesto sa paraang ito pero sinabayan din niya ang bilis ko! Tuloy ay sunod naman akong nagmabagal. Palipat na ‘ko ng pwesto pero mabilis siyang nakaramdam at nakigaya.
Napabuntong-hininga ako dahil sa frustration. Gusto ko lang naman sana makipag holding hands habang naglalakad! Wala akong choice ngayon kung hindi maghintay na maubos namin ang hawak na ice cream.
“Dito ka ba nagpupunta noon kapag nawawala ka sa isla?” sinubukan ko na lang magtanong. Pagkakataon ko na kasi ito para mas magkakilala kami lalo na’t plano naming tumira ng magkasama.
“Madalas dito. Minsan sa dagat o ‘di kaya sa bundok para makapag-isip,” sagot ni Peter na nagpangiti sa ‘kin. Marami pa ‘kong bagay na hindi alam tungkol sa kanya pero nakahanda akong madiskubre ang mga ito kahit paunti-unti. Hindi naman ako nagmamadali.
“Kailangan ko rin mag-isip! Pwede na ba ‘kong sumama sa ‘yo?” pabirong tanong ko. Alam niya kasi kung gaano ako ka-bored sa kubo tuwing iniiwan niya 'ko noon.
“That’s my plan,” balik niya na nagpahinto sa ‘kin. Hindi ko kasi inasahang madali siyang papayag. Si Peter ba talaga ang kausap ko? Kasi ‘yung natatandaan ko, kaunting ungot ko lang ay nakasinghal na.
Huminto rin si Peter sa paglalakad at humarap kami sa isa’t isa. Itinapat ko ang likod ng palad ko sa kanyang noo at pinakiramdaman.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Peter. Naunahan na niya akong makaubos ng ice cream.
“Tinitingnan ko lang kung may sakit ka. Himala dahil 'di mo 'ko sinusungitan,” mapanuyang sagot ko, na bago pa matapos ay tinawanan ko na.
Binawi ko na ang kamay ko nang mabilis niya itong hinablot. Hinigit ko ang hininga ko nang hilahin niya ‘ko palapit sa kanya. Halos magbangga ang mga katawan, pinagsalikop niya ang mga kamay namin. Nag-iwas tuloy ako ng tingin sabay ngiti.
"Dito ka lang para 'di ka masilaw sa araw at mabasa ng tubig-dagat," paliwanag ni Peter nang magpatuloy kami sa paglalakad. “And if it’s okay with you, I’d like to hold your hand,” paghingi pa niya ng permiso. Bahagya ko siyang binangga sa braso dahil nakuha niya ang gusto ko sanang mangyari.
“Kung gusto mo, wala naman akong magagawa,” medyo pakipot kong balik pero humigpit naman ang hawak ko sa kamay niya.
Sandali kaming natahimik sa kabila ng maingay na paligid. At dahil hawak-hawak ko pa rin ang ice cream ko, inalok ko ito sa kanya. “Gusto mo? Hindi ko na maubos kasi matamis masyado.” Wala siyang sinabi pero kinuha niya ito sa akin nang iabot ko.
Naghintay ako ng mga ilang segundo. Nang makitang idinikit na niya ito sa kanyang bibig, mabilis akong tumayo sa harapan niya at dito nakihati. Natigilan siya, nanlaki ang mga mata habang kaunti lang ang distansya ng mukha namin. Halatang ‘di niya inasahan ang ginawa ko.
I usually shy away from public affection, but with him, it's like an adventure. I couldn't care less about what others think.
Lumayo ako sabay dila sa labi ko. "Mas tumamis pa," komento ko sa ice cream na para bang walang nangyari. I wanted to return the favor. Hindi naman pwedeng ako lang ang kinikilig sa mga oras na ‘to.
Pero mukhang ayaw patalo ni Peter. Paano’y pinadausdos niya ang kamay sa beywang ko at dito ako muling hinigit palapit sa kanya. Sinalubong niya ang labi ko ng matamis na halik. At kahit ilang segundo lang ito tumagal, nablanko ang isip ko paghiwalay niya.
“Tama ka. Matamis nga,” paggaya niya sa akin kaya tuloy ‘di ko na napigilan pa ang pagtawa. Nahawa rin si Peter dahil kita ang pag-angat ng isang dulo ng labi niya kahit sinubukan pa niya itong itago sa pagkagat ng apa ng ice cream.
Nag vibrate ang phone ko sa bulsa pero hindi ko ito pinansin. Ayaw ko kasing maputol ang moment namin ni Peter ng kahit anong bagay. “Tara na nga! Baka langgamin pa tayo rito!”
***
Gabi na nang makabalik kami sa Cole’s Cove. Mabuti na lang at may mga ilaw sa pampang kaya hindi kami nahirapan sa pagbaba ng mga gamit. Tutulong pa sana kami sa paglilipat nito pero sina Mang Ambo na raw ang bahala. Pinauna na nila kami ni Peter lalo na’t malayo-layo rin ang lalakarin pabalik sa kanyang kubo.
“Salamat ulit, Pete! Saan pala tayo bukas?” tanong ni Mang Ambo na nagpasalubong ng kilay ko.
“Ah bahay lang. Wala namang bago,” sagot ni Peter bago kami tuluyang nagpaalam.
Ayon lang ay napaisip ako sa huling pag-uusap nila ni Mang Ambo. Kaya naman nang makalayo ay tsaka ako nagtanong kay Peter, “Anong mayroon bukas?”
“Birthday ko. Pero wala lang ‘yon.”
Ah birthday niya—birthday?! Nalaglag ang panga ko sa sagot ni Peter. Paano magiging wala lang ang birthday niya?
“Kailangan mag celebrate tayo!” bulalas ko. Nagsimula agad akong mag-isip kung paano ito magagawa. Si Aling Dolores pa lang kasi ang nakita kong nag celebrate ng birthday sa isla. Bukod sa handaan ay paano pa kaya magiging espesyal ang birthday ni Peter?
“I don’t like celebrations, especially big crowd.”
“So paano ka nagse-celebrate ng birthday mo noon?”
“Wala. Tamang tambay sa dagat.”
Napabuntong-hininga ako. Parang ang lungkot naman kasi isipin na hindi nagse-celebrate ng birthday si Peter. Alam kong wala siyang kamag-anak sa islang ito pero may mga tao namang nagmamalasakit sa kanya.
Nahinto ako sa pag-iisip nang makita ang kubo nina Aling Dolores. Malalagpasan na namin ito kaya agad akong huminto. “Una na ‘ko. Kita na lang tayo bukas,” sabi ko at plano ko pang mag-isip ng last-minute birthday plans para sa kanya.
Humakbang na ‘ko palayo pero napilitan akong lingunin siya ulit. “Hindi ako makakauwi kung hawak-hawak mo pa rin ang kamay ko,” paalala ko sa kanya in case nakalimutan niyang magkasalikop pa rin ang mga kamay namin.
“Hindi dyan ang bahay mo,” balik naman ni Peter.
Natawa ako nang mahina nang maunawaan ang ibig niyang sabihin, “Nasa kubo pa nila ‘yung mga gamit ko. Tsaka ‘di pa ako nakakapagpaalam ng maayos,” paliwanag ko. Naintindihan ko kasi na gusto niya akong umuwi sa kubo niya ngayong gabi. Maisip ko pa nga lang ito ay umiinit na ang buong mukha ko.
“Sinabihan ko na sila kanina. Malamang nasa kubo ko na ang mga gamit mo,” sagot ni Peter na nagpalaki ng mga mata ko. Kung hindi ba naman siya mabilis kumilos!
Pinalis ko papalikod ang buhok at taas noong sumagot, “Okay. Uwi na tayo. Masyado ka namang excited makasama ang ganda ko,” confident kong sagot para maitago ang naghuhuromentado kong puso. Nailing na lang si Peter nang magpatuloy kami sa paglalakad.
“Bakit pala nakahiwalay ang kubo mo sa lahat?” Naisipan kong magtanong nang matanaw ang kubo niya sa malayo. Hindi ko matandaan kung napag-usapan na ba namin ito noon.
“Mas payapa,” simpleng tugon niya.
Naghintay ako pero wala na itong kasunod. Tuloy ay nakulangan ako. I was kind of hoping he’d explain his situation in detail. Pero naalala ko ang sinabi ni Nikolai. Ayaw ko namang pilitin si Peter kaya hindi ko na sinundan pa ang tanong ko.
Hindi nagtagal ay nakarating din kami sa kubo ni Peter. Pagpasok sa loob ay naging maingat ako sa pagkilos kahit pamilyar na ako sa lahat. Hindi ko kasi maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko. I've made this huge call to stay, and though I felt it was the right thing in my heart, my mind couldn't help but put up its protective barriers. Sabagay ay hindi ko rin ito masisi. Lalo na’t nasaktan na kami noon.
“Magluluto lang ako. Una ka nang maghilamos. Nasa kwarto ang mga gamit mo,” casual na saad ni Peter bago nagsimulang mag-asikaso sa kusina. Sa kanyang asta, parang gusto niyang iparamdam sa ‘kin na normal lang ang lahat.
Huminga ako nang malalim at sinunod ang kanyang sinabi. Pagdating sa loob ng kwarto, medyo nanibago pa rin ako sa ayos nito. Dumiretso ako sa aparador at pagbukas, nakita kong bukod sa mga gamit ko ay nandito rin ang kay Peter. Dati ay nakahiwalay pa ito pero ngayon ay para na talaga kaming mag-asawa!
Sandali akong naupo sa malambot na kama. Pinagmasdan ko ang paligid ng kwarto bago masayang nahiga. Na-imagine kong makakasama ko si Peter sa iisang bubong… katabi sa kama… at dito nagpapadyak sa kilig!
Nakarinig ako ng pagtikhim at dito mabilis huminto. Bumangon ako at umupo nang maayos. Dahan-dahan akong tumingin sa bukas na pinto at nakitang nakatayo si Peter dito. “Anong gusto mong inumin?” tanong niya.
“Ikaw—I mean ikaw ang bahala! Kahit tubig okay lang,” mali-maling sagot ko. Tumango naman si Peter. Patalikod na siya nang may pahabol pa ‘ko. “Anong gusto mong regalo?” May kaunting pera naman ako na pwede kong ma-access online kahit papaano. Siguro naman kahit ayaw niya ng birthday celebration, ayos lang bigyan siya ng regalo.
“Ikaw—kahit ano,” paggaya ni Peter sa pagkakamali ko sabay ngisi. Mabilis uminit ang buong mukha ko!
Kung ayaw niyang sabihin sa ‘kin ang gusto niya ay may iba pang paraan para malaman ko ito. Nilabas ko ang phone ko at nakita ang isang missed call galing kay Kyle. Imbes na pansinin ito ay nagpunta ako sa isang social media platform. Sinubukan kong hanapin ang account ni Peter para malaman ko ang interes niya.
P.E.T.E.R… Peter? Natigilan ako. My heart sank at the realization…
Hindi ko alam ang buong pangalan ni Peter!