“PETER!” sigaw ko pagdilat. Bumangon akong pawis na pawis at naghahabol ng hininga. Nang ilibot ko ang mga mata sa paligid, bahagya akong kumalma nang makumpirmang nasa kwarto lang ako. Nakakatakot naman kasi ‘yung panaginip ko. Naliligaw daw ako sa gubat. Hindi ko mahanap ang daan pabalik kaya panay ang tawag ko kay Peter. Ilang ulit ko rin siyang tinawag hanggang sa nagising na ‘nga ako sa bangungot.
Inihilamos ko ang dalawang kamay sa mukha nang bumalik na sa wisyo. Paglabas ng kwarto, hinanap ko agad si Peter para magsumbong pero wala siya sa kubo. Kaya naman pala. Paano niya ‘ko maririnig kung wala siya rito? Mukhang umalis siya pagkatapos namin mananghalian. Napasama lang yata ang pagtulog ko ng busog.
May iniwan namang note sa lamesa si Peter. Sabi niya rito, may importante lang siyang kailangang gawin at babalik din bago lumubog ang araw. Ilang beses kong binasa ang note, binaliktad ko rin para makasiguradong wala akong nakaligtaan. At wala na nga siyang ibang sinabi tungkol sa “importanteng bagay” na kailangan niyang gawin…
Napailing ako, naglagay ng tubig sa baso at sunod-sunod ang naging lagok dito. Ano naman ngayon kung hindi idinetalye ni Peter ang lakad niya? Chill lang naman ako. Hindi ko napigilan ang pagkawala ng mahinang tawa para sa sarili.
Binaba ko nang may kalakasan ang baso at napatitig sandali rito bago bumuntong-hininga. Naalala ko ang naging pag-uusap namin ni Peter sa lighthouse. Hindi na nasundan pa ang huling topic namin tungkol sa kasal at chapel dahil iniwasan ko talaga ito. Syempre, ayaw kong isipin ni Peter na big deal ito sa ‘kin kung hindi naman ganuon ang kaso nito para sa kanya.
Isa pa, kung may dapat mang maapektuhan dito – si Wendy ito na kailanman ay hindi nakatapak sa Cole’s Cove.
Mabuti na lang at naging considerate si Peter at hindi na niya ‘ko tinanong pa tungkol dito – considerate nga ba o sadyang walang pake? Binatukan ko ang sarili para tumigil.
“Briar… Briar… you’re supposed to be a changed woman now. Be cool. Be modern,” paulit-ulit kong sinabi sa sarili ang mga huling salita. Sinamahan ko pa ito ng ilang breathing exercises hanggang sa kumalma ako.
Habang tumatagal ako sa isla, pakiramdam ko napaghahalo ko na ang pagkatao ko bilang Wendy at Briar. Ngayon, napapatanong na rin ako kung sino na nga ba talaga ang napapakita ko kay Peter.
Dahil walang pasok ngayong araw, pabagsak akong bumalik sa kama at nagpaikot-ikot dito. Sinubukan kong bumalik sa pagtulog para sana paggising ko, nakauwi na si Peter. Kaya lang ay nahirapan na ‘kong bumalik sa pagtulog.
Sinubukan ko namang libangin ang sarili gamit ang cellphone – pero marahil dahil nasanay na ‘ko sa buhay na wala ito, unless for communication purposes, wala na ‘kong maramdamang excitement. Ewan ko ba. Halos isang oras pa lang ako nakapirmi sa kubo pero parang torture. Bagot na bagot na ‘ko. Samantalang dati, wala pang kahit ano rito pero parang mas kaya kong manatili.
Siguro dahil iniisip ko nang iniisip si Peter. Sandali lang siyang nawala pero nami-miss ko na siya. Hindi ko maipaliwanag ‘yung feeling na gusto ko lang siyang kasama. Wala kaming kailangang gawin o pag-usapan basta nandyan siya sa tabi ko.
Isinubsob ko ang mukha ko sa unan at bahagyang nagpapadyak sa hangin. Naa-attach na yata ako nang sobra kay Peter. Baka maging problema ito in the future kaya bumangon na ‘ko. Kailangan ko ng self-control!
Kinuha ko ang cellphone ko para lumabas nang saktong may pumasok na text message. Binasa ko agad ito nang nakangiti dahil akala ko galing kay Peter. Pero unti-unti itong naglaho nang makita ko ang numerong burado ko na sa contacts pero memoryado pa ng isip ko.
KYLE: Mahal pa rin kita.
Nabitawan ko sa kama ang cellphone. Nakatitig lang ako rito hanggang sa magdilim at mag-lock ang screen. Oo’t nasurpresa ako – hindi dahil nagparamdam ang ex ko kung hindi dahil sa mensahe niya. Nakailang missed calls na rin kasi siya nitong nakakaraan ngunit wala akong sinagot ni isa. Marahil nag sink-in na rin sa kanyang wala akong balak makipagbalikan kaya patuloy siya sa pagpaparamdam.
Hindi ko na kinuha pa ang cellphone ko. Tinalikuran ko ito at iniwan paglabas ng kubo.
Para magpalipas ng oras ay naglakad-lakad ako nang nakapaa sa tabing dagat. Sinamantala ko ang ganda ng tanawin ngayong hindi na masyadong tirik ang araw. Napapapikit ako sa malakas na ihip ng hangin. At kahit sandali nagawa kong blanko ang isip sa kabila ng maraming bagay ang gustong pumasok dito.
Dahil sa tuloy-tuloy na paglalakad, nagulat ako nang makarating sa mataong parte ng isla kung saan din kami nagpunta ni Peter kanina. May mga nakasalubong akong taga Cole’s Cove na nginitian ko. Ganuon din naman sila sa ‘kin dahil kilala na nila ‘ko. Ito rin siguro ang kainaman kapag kaunti lang ang naninirahan sa isang lugar. Simple lang ang buhay at para kayong isang malaking pamilya.
Huminto ako sa paglalakad nang matapat sa chapel. Naalala ko ang topic namin ni Peter tungkol dito kaya hindi ko napigilang pagmasdan ito. Walang misa pero may iilang taong nagdarasal sa loob.
Dahil matagal na rin noong huli akong nagsimba, nagdesisyon akong gayahin sila at naupo sa pinakalikod na row. Tumingala ako sa krus at tahimik na ibinulong sa Diyos ang mga panalangin ko.
Lord, gusto ko pong magpasalamat sa inyo dahil sa kabila ng mga pinagdaanan ko – unconventional man ang paraan – pinagtagpo niyo kami ni Peter. Hindi ko man sabihin, alam niyong totoo ang nararamdaman ko para sa kanya at sa buhay ko rito sa isla. Masaya ako dahil para akong nakalaya sa pagkatao ko noon at nabigyan ako ng pagkakataong makapagsimula ulit.
Alam ko pong nasa likod lang kita. Pero sana po sa bawat desisyon ko, makayanan ko ang mga consequences – sorry Lord, wait lang ang ingay sa labas. Thank you po ulit. Amen.
Marami pa sana akong gustong sabihin pero hindi ako makapag-concentrate dahil sa chismisan ng ilang taga isla sa labas ng chapel. Ginawa ba naman kasi nilang palengke ang chapel sa sobrang ingay nila. Tatayo na sana ako para pagsabihan sila nang marinig ko ang pangalan ni Peter. Natigilan tuloy ako dahil may nag-udyok sa ‘kin makinig kung bakit nila ito pinag-uusapan.
“Raine, nakalimutan mo yatang kasal na ang dalawa. Ala e bakit hindi ka na lang kasi maghanap ng iba?”
Naningkit ang mga mata ko nang mapagtantong involved na naman sa usapan si Lorraine. Lihim akong sumulyap at nakumpirmang tama ako. Kaharap ni Lorraine ang ilang kababaihan sa isla na nakita ko rin noon sa swimming lesson ni Peter. Diyos ko, wala ba silang kasawaan?
“Oo nga pero maghihiwalay din sila,” puno ng kumpyansang balik ni Lorraine. Nagtawanan pa sila na nagpakunot ng noo ko. “Seryoso nga. Alam naman ng lahat na si Elle ang buong buhay ni Peter. Swerte lang niya at nakasingit siya. Kaya nga kung ako dyan kay Brayar, maghahanda na ‘kong umalis sa isla. Kasi kahit anong gawin niya, habambuhay lang siyang magiging anino ng kaibigan niya.”
Nagtiim-bagang ako sa narinig at bahagyang napayuko. May kirot pa rin sa dibdib makarinig ng ganitong mga komento kahit pa alam kong ‘di dapat ako magpaapekto.
“May punto ka. Naalala niyo ba nung tumulong siya para mapaagad yung pagpapagawa ng chapel dito?”
Nagsisang-ayon sila. “Ay oo nga! Ibang klase magmahal si Peter. Kayang magtayo ng chapel para lang maikasal.”
Lalong lumukot ang noo ko. Hindi ko na napigilan pa ang paglapit sa kanila at sabay-sabay silang napaatras nang makita ako. Halatang nagulat sa pagsulpot ko, “Anong ibig niyong sabihin?” tanong ko sa tatlo dahil importante sa ‘kin malaman kung anong context ng chismis nila.
Nagkatinginan sila, halatang nag-aalangang isama ako sa usapan kahit ako naman ang topic nila. At dahil nandito si Lorraine na walang takot pagdating sa ‘kin, nakuha ko mula sa kanya ang sagot.
“Hindi ba nakwento ni Peter sa ‘yo? Dito dapat sila ikakasal ng bestfriend mo.”