Isa na namang panibagong araw ang sumalubong sa akin. Sa araw na ito, nagdesisyon akong magtungo sa parke para magmuni-muni at makalanghap ng sariwang hangin. Kakaunti lamang ang mga taong namamasyal sa mga oras na ito. Mas mabuti ito lalo na sa akin na hindi sanay sa maraming tao.
Umakyat at pumunta ako sa paborito kong lugar. Pabundok ang lugar na aking tinatahak kung kaya ito ay malubak at maputik. Mahirap din ito mapuntuhan nang dahil na rin sa lugar, kaunting galaw lang ay puwede ka na mahulog sa malalalim na bangin. Isa rin ito sa rason kung bakit iilan lang ang pumupunta rito. Ngunit, sa kabila ng lahat, maituturing itong pinakamagandang lugar sa mga taong gustong mapag-isa. Magandang lugar din ito upang gumawa ng krimen.
Nang ako ay nakaakyat, pumewesto naman ako sa may gilid ng cliff at pinagmasdan ang magandang scenery.
Sa tirik at lalim nito, sigurado akong hindi agad makikita ang bangkay mo kapag nahulog ka rito o hinulog ka rito. Sobrang malas mo kapag ang pangalawa ang nangyari sa iyo. Kung nahulog ka, may tyansa kang makatanggap ka ng agarang tulong; ngunit kung hinulog ka naman, magdasal ka na lang. Aabot ng mga lima o pitong taon(?) para mahanap ka o 'di kaya, habangbuhay na. May mga mababangis na hayop pa ang namumuhay dito kaya kung nakaligtas ka man sa iyong paghulog, 'di ka makaliligtas sa mga hayop na gutom na gutom. Kung kasing lakas mo lang si Hercules na kayang makapatay ng leyon, ayos lang, ang kaso isa lamang siyang kathang-isip.
Asul na ulap at berdeng lupain dahil sa mga nakatayong mga puno ang tangi kong nakikita, ang sarap pagmasdan. Tanging ang mga ingay lang ng hangin at mga insekto ang aking naririnig, ang sarap pakinggan.
Makalipas ang ilang minutong pagmumuni-muni, may narinig akong kaluskos. Nilingunan ko ito at may napansin akong babae(?) na may kahina-hinalang kilos, siguro mga kasing-edad ko siya o mas bata pa. Siya ay papunta sa ilalim ng sementado at abandonadong tulay.
Bago pa siya pumasok sa ilalim ay tumingin muna siya sa kaniyang paligid. Para bang sinusuri niya kung mayroon bang tao sa paligid. Bakas sa kaniyang mukha ang takot at mukhang hindi sigurado sa ginagawa niya o hindi kaya, sa kaniyang binabalak na gawin.
Nang siya ay nakapasok, doon ko na lang napansin na may dala-dala itong isang bagay na nakabalot sa isang puting tela. Nagkaroon ako ng pangit na kutob kaya naman akin siyang sinundan, sinubukan kong alamin ang binabalak niyang gawin.
Pagpasok niya sa ilalim ng maruming tulay ay saka niya ibinaba na may halong pag-iingat ang kaniyang bitbit. Pagbaba niya roon ay napansin ko ang pagtulo ng kaniyang mga luha at tuluyan na siyang umiyak. Humingi ng kapatawaran ang batang babae sa sanggol na binabalak niyang iwan.
Hindi man lamang nagising ang sanggol sa ingay na kaniyang ginagawa. Mahimbing ito natutulog at walang malay sa kung ano ang kaniyang magiging kahihinatnan.
"Hey, hindi ka ba marunong magbasa? May nakapaskil sa labas na 'Bawal magtapon dito'," banggit ko sa babae na kaniyang kinagulat.
Agad niya ako nilingunan. Pinunasan ang mga luhang pumatak sa kaniyang mga mata. Napatingin siya sa sanggol at para bang malalim ang kaniyang iniisip bago pa ito magsalita.
"A-anong ginagawa mo rito? Umalis ka! H-H-Hindi mo dapat ito makita. Hayaan mo na ako rito," banggit niya na may halong pangamba.
Hindi ko siya sinunod at nananatiling nakatayo, pinagmamasdan ang nakakaawa nilang kalagayan.
"P-Please... pabayaan mo na ako! Kung ano man ang nasa isip mo... u-umm... H-hindi mo alam ang kalagayan ko k-kaya 'wag mo ako husgahan. Wala akong choice, okay? 'W-wag mo ako tingnan ng gan'yan," taranta niyang palusot. Nagmadali naman siyang umalis sa lugar na ito pagkatapos niyang magsalita.
"Anong wala kang choice?" Agad ko siyang hinawakan sa braso at hinagis paloob. "Damputin mo iyang kalat mo at isa pa, huwag ka magbigay ng dahilan sa akin, hindi ako pulis."
"Wala ka sa lugar para pagsalitaan ako nang ganiyan! Hindi mo alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon! Nang dahil sa batang ito, iniwan ako ng boyfriend ko! Kasalanan niya ang lahat! Kung hindi siya lumitaw, hindi sana mangyayari ito sa akin!" singhal niya habang umiiyak. "Kinakahiya na rin ako nila papa, mama– mga pamilya ko! Kung ano-ano na sinasabi nila sa akin! Ayoko na makarinig pa ng ano mang panghuhusga sa iba!"
Tama naman siya. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman niya, pero alam ko ang pakiramdam ng isang taong pinabayaan.
"Ang sabi ko ay damputin mo 'yang ginawa mo at hindi magpaliwanag sa akin," sabi ko habang pinipigilan ang galit mula sa kaniya. "Bakit mo sa bata sinisisi ang mali mo? Siya ba nag-decide na makipag-s*x sa lalaki at hindi gumamit ng protection? Desisyon din ba niya na ipanganak siya sa mundo, pagkatapos ay iiwan lang siya agad-agad sa nakadidiring lugar na 'to?"
Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko. Bakit ko ba siya pinapakialaman? Wala sa bokabularyo ko na tumulong. Dahil ba nakikita ko ang sarili ko sa bata kaya ko 'to ginagawa?
Nananatiling nakatayo at hindi makapagsalita ang babae.
"Bakit hindi ka makapagsalita? Bakit hindi mo ako sagutin? Sa tingin mo, sino nag-decide na gawin ang lahat na iyon? Ah... baka naman alam mo na, pero natatakot kang umamin?" natatawang sambit ko sa kaniya. "Naduduwag kang harapin ang mga problema mo. Takot kang makarinig ng pang-iinsulto dahil nanganak ka nang maaga? Ano pa kaya kung nakapatay ka pa ng tao?
"Ano pa kaya ang mga masasakit na salita ang ibabato nila sa iyo sa oras na nalaman nila na nakapatay ka? Hmm… Iniisip ko pa lang..." Sabay iling. "Tsk, tsk, tsk..."
Nang dahil sa mga huli kong sinabi, nakita ko na bahagya siya nagulat. Hindi na makatingin sa akin nang maayos. Ang galit na mukha ay napalitan na ng takot.
"Iyong totoo, marami ka pang choice na puwede mong pagpilian, pero iyong mali pa talaga ang pinili mo? Ang lahat ng nangyayari sa iyo ay resulta ng mga desisyon mo kaya huwag na huwag mong isisisi sa bata kung bakit ka minalas— kung bakit nangyayari ang lahat na iyan sa iyo," pahabol ko at pandiriin ko sa 'huwag na huwag' na mga salita.
Mga ilang saglit ay napailing siya at agresibo siyang tumayo. "Kahit anong sabihin mo... hindi pa rin magbabago isip ko. Biktima lang ako. Kung gusto mo sa 'yo na lang siya."
Napahawak ako sa bibig at hindi makapaniwala sa sinabi niya. "Tinuring na biktima ang sarili niya? Nakakagulat. Paano magiging biktima ang isang katulad niya? Alam ba niya ibig sabihin no'n? Iyong bata pa nga ang tunay na biktima at hindi siya. Tinuring pa nga niyang bagay ang isang may buhay at basta-basta lang tinapon. May balak pa siya ibigay sa akin ang kamalian niya? Saan niya nakuha ang kakapalan ng kaniyang mukha?" isip ko.
Kung hindi ko sila nakita, paniguradong mababalitaan ko na lang sa TV na patay na ang sanggol. Hindi madaling makita ang lugar na ito dahil pabundok na ito at lubhang delikado. Siguro, baka ilang segundo lang ng bata sa lugar na ito ay patay na siya. Masuwerte kung hindi siya galawin ng mga hayop dito.
Nilapitan niya ako at pinagbantaan, "Tandang tanda ko ang mukha mo at sa oras na sinumbong mo ako..."
Bigla ako natawa sa kaniyang sinabi. "Oh, please... Anong gagawin mo sa akin?" Agad kong hinila ang buhok nito pababa sa akin.
Napahawak siya sa kaniyang buhok at nakita ko sa mukha niya na nasasaktan siya. Pilit niya inaalis ang hawak ko sa kaniya; pero bago pa niya magawa, inihagis ko siya nang malakas sa dingding. Napasandal ang babae at tiningnan niya ako nang masama.
"Iyan... Ganiyan dapat ang hitsura ng taong nagbabanta," usap ko na may ngiti sa labi. "May sasabihin ako sa iyo—sa atin lang dalawa ito, hm? Makakahanap ng magandang pamilya ang batang iyo," sabay turo sa sanggol, "at ikaw naman," sabay tingin sa aking kanan, "makakasama mo na sila."
Mula sa direksyon na aking tinitingnan, nandoon sila mama at papa na nakatayo. Patuloy nila ako pinagmamasdan at hinihintay kung ano ang susunod kong hakbang.
"Huwag kang mag-alala, makakasama mo na rin sila. Ang totoo nga niyan, sabik na sabik na sila makasama ang mga katulad nila, katulad nilang mababait na magulang." Pandiriin ko sa salitang 'mababait'.
Napasigaw sa sakit ang babae sa aking ginawa at nagmadali siyang tumakbo palabas sa tulay.
"Hindi ba niya alam na madali ko siya mahuhuli dahil maliwanag ang labas?" isip ko habang pinagmamasdan siya. "Maglalaro lang kami ng tagu-taguan, Ma, Pa. Pakibantayan na lang ang bata," bilin ko sa kanila.
Patakbo ko namang sinundan ang babae habang siya ay humihingi ng tulong.
Sa sobrang saya na aking nararamdaman sa muli kong paglaro ng tagu-taguan, nagbilang ako ng mga sampu upang makatago siya nang maayos. Ngunit hindi ko rin pinatagal dahil nangangamba ako sa sanggol na baka may mangyaring masama habang wala ako, tinapos ko na ang aming laro. Agad ko siya nahuli at, the end na.
Kung totoo man ang langit, panigurado akong hindi siya makakapunta roon... ganoon din ako.