LORIE LOVE
“Kaya natin ito self,” sabi ko sa sarili ko habang nag-aayos ako ng mga gamit ko na dadalhin ko.
Mas binilisan ko ang kilos ko dahil ayaw ko naman na maghintay sa akin ang pinsan ko. Siya kasi ang maghahatid sa akin sa bahay ng mga Zuares. After ko mag-impake ay hinintay ko na lang ang pinsan ko dito sa labas ng bahay namin.
“Lorie, nakahanda na ba ang mga gamit mo?” tanong sa akin ni tiya.
“Opo,” sagot ko sa kanya.
“Kami na lang na dalawa ng pinsan mo ang maghahatid sa ‘yo doon. May dadaanan rin kasi kami kaya tara na at umalis na tayo,” sabi niya sa akin.
Nagpaalam muna ako sa mga magulang ko na aalis na ako bago ako sumunod sa kanila. Sumakay kami sa traysikel ng tiya ko. Kahit pa medyo maayos ang buhay nila ay never kaming nanghihingi sa kanila dahil hindi nila kami obligasyon. Ayaw naming i-asa sa kanila ang mga bagay na hindi naman dapat.
May sariling buhay rin sila na kailangan buhayin. Alam ko rin na pinagkakasya lang rin nila ang kinikita nila para makapag-aral ang mga pinsan ko.
Habang nasa daan ay malamig na hangin ang dumadampi sa balat ko. Sobrang mahangin kasi ngayon. Ilang minuto rin bago kami nakarating sa may subdivision ng mg Suarez. Exclusive ang lugar na ito para lang sa kanila. Lalo na pamilya sila ng mga politiko.
Ang mayor, vice mayor, congressman at ibang mga councilor ay nagmula sa pamilya nila. Kaya naman bago makapasok sa loob ay kailangan munang tumawag ng mg guards sa bahay nila mula dito sa main gate. Ang tiyahin ko ang nakipag-usap sa kanila. At ilang sandali rin kaming naghintay.
“Susunduin ka dito, hintayin mo na lang.” sabi ng isang guard.
“Hintayin mo na lang ang sundo mo dito, Lorie. Aalis na kami,” sabi sa akin ng tiyahin ko.
“Mag-iingat po kayo, tiya.”
“Ikaw rin, ingat ka at magpakabait,” sabi niya sa akin.
“Opo, salamat po.”
Umalis na sila at naiwan ako dito sa mga guards. Mukha naman silang mga matino. Strict lang sila dahil sa trabaho nila. May sasakyan na dumaan kaya naman tumabi ako. Ilang minuto pa ang nakakaraan ay may dumating na, na e-bike kaya naman pinasakay na nila ako.
“Ilang taon ka na ba, iha?” tanong sa akin ng nagmamaneho ng e-bike.
“Eighteen po, pero malapit na rin po akong mag-nineteen,” sagot ko sa kanya.
“Ang bata mo pa pala. Ako nga pala si Osme, asawa ko ang mayordoma sa bahay ng mga Zuares,” nakangiti na sabi niya sa akin.
“Ako naman po si Lorie,” pakilala ko rin sa kanya.
“Hindi naman mahirap ang trabaho sa mansyon. Marami kang makakasama doon,” sabi niya sa akin.
“Sanay naman po ako sa mga mahihirap na trabaho.”
“Ang hirap maging mahirap, tulad mo. Ang ganda mong bata pero ipinanganak ka sa mahirap na pamilya. Huwag kang mag-alala dahil may awa ang Diyos. Alam ko na balang araw ay magiging maayos rin ang buhay mo,” sabi niya sa akin kaya napangiti ako.
“Opo, tama po kayo. Balang araw po ay maiiahon ko rin ang pamilya ko sa kahirapan,” sabi ko sa kanya.
“Ganyan dapat ang fighting spirit mo. O siya nandito na tayo,” sabi niya sa akin at pumasok kami sa isang mataas at malaking gate.
Bumaba na ako sa e-bike at may isang babae ang sumalubong sa akin. Nakangiti siya kaya napangiti na rin ako.
“Ikaw na ba si Lorie?” nakangiti na tanong niya sa akin.
“Hello po, opo, ako po.”
“Ako naman si Nanay Flor. Tara na sa loob,” sabi niya sa akin.
Sumunod naman ako sa kanya at namangha ako sa ganda at laki nitong bahay nila. Pero hindi ko na lang pinahalata kasi nahihiya rin talaga ako.
Habang naglalakad kami ay may mga sinabi siya sa house rules at sa mga kailangan kong gawin. Ang sabi niya ay paglilinis sa second floor ang gagawin ko.
May sarili rin akong room ko. Ang laki nito at kasing laki na ng bahay namin. Naalala ko tuloy ang mga magulang ko. Okay lang kaya sila ngayon?
“Iha, ang day off pala dito ay twice a month.” sabi sa akin ni Nanay Flor.
“Salamat po,” nakangiti na sabi ko sa kanya.
“Kumain ka na ba? Tara sa kusina, kumain ka muna bago ka magpahinga,” sabi niya sa akin.
“Kumain na po ako, nay.”
“Sige, maiwan na kita para makapag-pahinga ka na,” nakangiti na sabi niya sa akin.
“Good night po,” nakangiti na sabi ko sa kanya.
Nang makalabas na siya ay humiga na ako sa malambot na kama. Iba talaga kapag mayaman. Kahit sa room ng katulong ay malambot ang higaan.
Balang araw ay makakahiga rin sa ganitong higaan ang mga magulang at kapatid ko. Gagawin ko ang lahat para maiahon ko sila. Siguro hindi pa ngayon pero kapag may pagkakataon ay gagawin ko.
Pumikit na ako dahil bumibigat na ang talukap ng mga mata ko.
*****
Alas singko pa lang ng umaga ay gising na ako. Gising na rin si Nanay Flor at nagluluto siya ng agahan. Binati ko siya at nakangiti na agad siya sa akin. Ang ganda ng ngiti niya kahit pa si Tatay Osme ay ganun rin. Halatang nagmamahalan talaga silang dalawa. Nasabi rin sa akin ni tatay na matagal na sila dito. Dalaga at binata pa lang ay naninilbihan na sila dito.
“Magkape ka muna, iha. Bago ka umakyat sa taas,” sabi niya sa akin.
“Salamat po, nay.”
“May access tayo sa pagkain kaya kapag nagugutom ka ay ‘wag kang mahihiyang kumain.”
Gusto ko talaga itong si Nanay Flor. Ang hinahon niya magsalita at ang bait-bait niya. Nagtimpla ako ng gatas dahil ayaw ko magkape. Baka kasi makatulog ako agad. Gusto kong simulan ang unang araw ko dito na masaya.
After kong uminom ng gatas at kumain ng pandesal ay kinuha ko na ang gamit panlinis. Para makapag-simula na ako. Nagpaalam na ako kay nanay na aakyat na ako. Masaya akong naglilinis ng sahig. Mamaya na lang ang mga room dahil tulog pa ang mga boss ko.
“Good morning,” may bumati sa akin na gwapong lalaki.
“Good morning po,” nakayuko na bati ko sa kanya dahil nahihiya ako.
“Bago ka lang ba dito?” tanong niya sa akin.
“Opo,” sagot ko sa kanya.
“Huwag masyadong pagurin ang sarili, okay lang naman na hindi ka gaanong maging masipag,” sabi niya sa akin bago siya bumaba.
Napangiti na lang ako dahil ang bait niya naman hindi ko alam kung joke ba ang sinabi niya. Parang ang gaan lang talaga ng vibes ng bahay na ito. Mukhang mabait ang mga tao dito. Nagpatuloy ako sa paglilinis ko. Hanggang sa malapit na akong matapos ay isa-isa ng bumukas ang mga pintuan dito.
Binati ko sila isa-isa hanggang sa hindi ako makapaniwala sa huling taong nagbukas ng pintuan niya.
“N–Ninong?” wala sa sarili na bulalas ko.