HUMINGA nang malalim si Jesilyn at maingat na tumayo. Bumalik muna siya sa couch na katapat ng kinauupuan ng kanyang mga magulang bago sumagot. “Yes.” Kahit kumakabog ang dibdib sa kaba ay sinabi niya sa mga ito ang tungkol kay Ryan. Siyempre, hindi niya sinabi ang lahat. Baka sa halip na matanggap ng kanyang mama at papa ang desisyon niya ay lalo pang magalit kapag wala siyang itinagong detalye ng tungkol sa kanila ni Ryan. Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila nang matapos siyang magsalita. Ang kanyang ama ang unang nagsalita. “Naiintindihan ko na espesyal ang isa’t isa para sa inyo ng lalaking `yon. Pero, Jesilyn, hindi tama na pumasok ka agad sa isang relasyon na kahihiwalay n’yo pa lang ni Apolinario.” “Alam ko po, Papa. Ang sabi niya, hihintayin niya na maging handa ako. Isa

