Chapter 35—Between In Denial And Numbness

2965 Words
September 12, 2008 Enchanted Kingdom 6:00PM Matapos ang kanilang sama-samang panananghalian, walang sinayang na oras sina Ryan, James, Nick, Iya, kasama ng kanilang bagong kaibigan na si Claire. Agad silang naglakad-lakad at nagliwaliw sa loob ng Amusement Park, anupa’t hindi sila magkandamayaw at wari’y nagtatalu-talo pa sila kung ano ang uunahin nilang sakyan na rides nang magkakasama. Wala silang pinalampas sa mga ito, maging ang mga rides na pambata, mild at extreme. Ayaw pa sana pumayag nila Iya at Claire na sumakay sa mga extreme rides, ngunit wala rin silang magawa sa kakulitan ng mga brusko at mapang-asar nilang mga kaibigang lalaki. Sa bawat pagbaba nila sa mga rides na kanilang sinasakyan ay hindi matatawaran ang saya na kanilang ipinapakita at ipinapadama sa isa’t isa. Sina Ryan at James na likas na mga alaskador ay walang humpay sa pang-aasar kina Claire at Iya dahil halos mangilid ang kanilang mga luha dahil sa magkahalong takot at kaba, lalo na nang kanila nang sakyan ang Space Shuttle, na itinuturing na pinaka nakakatakot na rides sa Enchanted Kingdom. Kung minsan ay tumitigil sila upang magpahinga at magmiryenda, ngunit dahil limitado lang ang kanilang oras, agad din silang umaalis sa kanilang pinagpapahingahan upang masubukan ang iba pang rides at activities sa loob ng Amusement Park. Mabilis na lumipas ang oras. Alas-sais na pala nang hapon. Habang naglalakad ang magkakaibigan ay natanaw nila si Ms. Perez sa ‘di kalayuan. Patakbo silang lumapit kay Ms. Perez upang mangumusta. “Hi Ms. Perez!” sabay-sabay na pagbati ng limang magkakaibigan. “O, kayo pala ‘yan, Ryan at Claire. At kasama niyo rin pala itong sina Nick, James at pati na rin itong si Iya?” gulat na pagtatanong ni Ms. Perez. “Opo, Ma’am. Matagal na po kaming magkakakilala dahil magkakabarkada po kami.” Nakangiting pagpapaliwanag ni Ryan sa guro. “Ah, gano’n ba? Happy to hear that.” Ang mala-sarcastic na tugon ni Ms. Perez. “O, kumusta na kayo ng section niyo, Nick?” dugtong niya. “So far, okay naman po kami Ms. Perez. Mukhang lahat naman po kami ay makaka-graduate.” Magiliw na tugon ni Nick sa dati nitong guro habang akbay-akbay ang kaibigang si James. “Aba’y mabuti naman kung ganoon.” Tugon ni Ms. Perez habang bahagyang gumuguhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Pilit niya itong itinago sa harapan ng kanyang mga estudyante. Yumuko siya nang kaunti at itinuon ang paningin sa kanyang relo. Pagkatapos ay muli niyang hinarap si Ryan. “O siya, alas-sais na pala ng hapon. Malapit na tayong umuwi. Pakitawag na ang lahat ng mga kaklase niyo at sabay-sabay na kayong lahat magtungo sa designated bus ninyo.” Ang malumanay ang pag-uutos ni Ms. Perez kay Nick. “Sure, Ma’am.” Ang mabilis na sagot ni Ryan. “Gayundin ang gawin mo sa section niyo, Nick.” Patuloy na pagbibigay-utos ni Ms. Perez. “Opo. No problem po Ma’am.” Tugon ni Nick. “Pa’no, guys?Let’s go?” Pag-aaya ni Iya sa mga kaibigan kasabay ng kanyang pagtango. “Let’s go!” Ang sabay-sabay na pagsang-ayon ng lahat. Agad silang naglakad palayo kay Ms. Perez habang kinakawayan ito. Hindi pa rin maitago ng limang magkakaibigan ang kagalakang kanilang patuloy na nararamdaman habang patuloy na nilalasap ang natitirang mga sandali nila sa lugar na iyon. At katulad nga ng bilin ni Ms. Perez, kanila na ring sinimulang paalalahanan ang lahat ng kanilang mga kaklase na maghanda na para sa nalalapit nilang pag-uwi. Agad naman ding tumalima ang lahat ng estudyante sa sinabi nila. Ilang minuto lang ang nakalipas ay halos parang bulang naglaho na ang mga estudyante sa loob ng Amusement Park. Iilang mga estudyante na lang pala ang naiwan sa loob. Magkakaakbay silang naglalakad palabas ng gate. Mararahan ang kanilang mga hakbang. Tila nilalasap ang natitirang oras nila sa park na iyon nang magkakasama. Kasabay nito ay ang unti-unting paglubog ng araw at ang pagsindi ng mga naggagandahang mga pailaw sa park, anupa’t nagdagdag pa ito sa pagiging sentimental ng tagpong iyon sa magkakaibigan. “Kita mo ‘tong mga kasama nating estudyante, oh. Nauna pa sa ating lumabas ng park.” Pabirong turan ni James habang patuloy na sinasabayan ang paglakad ng kanyang mga magigiliw na mga kaibigan. “Oo nga, eh. Samantalang kanina habang sinasabihan natin sila na kailangan na nilang maghanda para sa pag-alis, sila itong parang ayaw papigil sa pagsakay sa rides at parang ayaw pang maniwala na inutusan tayo ni Ms. Perez na sabihan sila.” Pagsang-ayon ni Nick. Nilingon niya si James na nasa kabilang dulo. Nang magkatamaan sila ng mga paningin ay hindi na naman nila napigilan ang pagngisi. Si Ryan ay magiliw lang na nakikinig sa masayang usapan ng dalawa niyang kaibigan. Hindi niya namalayan na nakangiti na pala siya habang nakatanaw sa hangin. Napansin ito ni Claire na nasa kaliwa niya. Bahagya niyang diniinan ang kanyang pagkakaakbay gamit ang brasong nakapulupot pa rin sa balikat ni Ryan. “Uy, Bes, Okay ka lang ba? Bakit nakatulala ka dyan at nakangiti? May iniisip ka ba? Anong iniisip mo?” Tuloy-tuloy na pagtatanong nito. Nilingon ni Ryan si Claire. Imbes na sumagot ay mas pinag-ibayo lang nito ang kanyang pagngiti, sabay mabilis na pagkindat sa dalagita. Nang mapagmasdan ni Claire ang ginawang iyon ni Ryan ay hindi niya maipaliwanag kung bakit biglang nag-init ang kanyang mga pisngi at bumilis ang kabog ng kanyang dibdib. Ngunit kanya rin itong pilit na ikinubli dahil ayaw naman niyang mapansin ito ni Ryan at ng lahat ng kanyang mga kaibigan. Kinunot nya ang kanyang ulo at saka muling nagbato ng mga tanong sa binatilyo. “Naku, Huwag mong sabihin na naaalala mo na naman ang pagtili ko kanina habang nasa Space Shuttle tayo? Hay nako, Bes, tigil-tigilan mo na nga ‘yan!” Pagtataray nito. Hindi napigilan ni Ryan ang kanyang paghalakhak sa narinig niya mula kay Claire. Ibinuka niya ang kanyang mga bibig at ubod-lakas na pinarinig ang kanyang paghagikgik, anupa’t napukaw niya ang atensyon ng lahat ng kanyang mga kasama. Bahagyang napahinto ang lahat ng paghakbang at napatitig lang sa kanya. “Grabe ka talaga, Bes! Sa dami-rami ng puwede mong maalala, ‘yun pa talaga! Actually, nakalimutan ko na nga ‘yung tungkol du’n, e. Pero dahil binanggit mo, naalala ko na naman!” “E, ikaw naman kasi! Tinatanong ka nang maayos, tapos hindi mo ako sasagutin nang matino! Hmp!” Ang naiiritang tugon ni Claire habang patuloy pa ring ikinukubli ang hiyang kanyang nararamdaman. Yumuko siya ngunit pasimpleng sinisilip si Ryan. At nang makita niyang sige pa rin ito sa pagtawa ay mas tumindi ang kabog ng kanyang dibdib at naramdaman niyang mabilis na umaakyat ang dugo sa kanyang magkabilang pisngi. “Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Dahil ba ‘to sa kahihiyan na inabot ko kanina habang nasa rides kami? O dahil sa magiliw na pagtingin at pagngiti niya sa akin ngayon? Hay, hindi ko na talaga alam.” Sunod-sunod na tanong ni Claire sa kanyang isip. Kasabay nito ay ang kanyang pagbuntong-hininga at pagbawi ng kanyang paningin. Itinuon na lang niya ang kanyang mata sa baba. Napansin ni Ryan ang pagbabago sa mood ng kanyang matalik na kaibigan, kaya naman agad niyang hininahon ang kanyang sarili upang lubusan nang ipaliwanag ang lahat sa kanyang mga kaibigan. “Bes, hindi naman kasi tungkol doon kung bakit ako napapangiti. Puwede ba ‘wag kang praning?” Bungad na paliwanag ni Ryan sabay pisil sa balikat ni Claire. “Sobrang masaya lang talaga ako sa lahat ng pangyayari ngayong araw.” Dugtong niya. Nang marinig ito ni Claire, agad niyang iniangat ang kanyang ulo at liningon si Ryan. Pinagmasdan niya ang mga mata nito. Kitang-kita niya rito ang sincerity ng binata sa mga salitang binitawan niya. “Masaya ako dahil sa wakas, nagkaroon din ako ng pagkakataon para maipakilala kita sa mga kaibigan kong ‘to!” Pagpapatuloy ni Ryan habang nakangusong itinuturo ang mga kabarkada niyang nasa kanyang kaliwa at kanan. “At naipakilala rin kita sa kanila. Hindi lang ‘yon, nagkaroon pa tayo ng napaka-memorable na sandal dahil sa field trip na ito! Sigurado ako, isa ito sa mga ala-alang babalik-balikan natin pareho! At alam kong ganito rin ang pakiramdam ng mga kabarkada kong ito!” Dugtong pa niya. Patuloy ang kanyang pagngiti habang sinasambit ang mga katagang ito. Pagkarinig ng lahat ng tinuran ni Ryan, binawi ni Claire ang kanyang paningin sa matalik na kaibigan at agad na ibinaling ito kina Nick, James at Iya na sa mga sandaling iyon ay nakatingin din pala sa kanya. Walang nagsasalita ni isa man sa kanila, ngunit tila ba nagkakaintindihan sila at makikita sa bawat mukha nila ang pagsang-ayon sa mga bagay na kakasabi pa lang ni Ryan. Si Iya na nasa kaliwa ni Claire ay hindi na rin maitago ang tuwang kanyang nadarama sa mga eksenang kanyang patuloy na nasasaksihan sa pagitan nina Ryan at Claire. Kaya naman maging siya ay nakisali na rin sa pag-uusap ng dalawa. “Naku, Claire. Masanay ka na sa kaibigan nating ‘yan. Alam ko marami ka nang alam sa pagkatao ng lalaking ‘yan dahil naging mag-best friend kayong dalawa. Pero kung ‘di mo natatanong, sa aming apat? Siya ang pinaka-sentimental talaga pagdating sa mga bagay-bagay.” Pagsabat ni Iya. Agad namang nilingon ni Claire si Iya at unti-unting nginitian ang dalagita. “Oy, grabe ka naman, Iya. Ako ba talaga ang pinaka-sentimental?” nakangiting pagtutol ni Ryan. “Oo, pre! Ikaw nga at wala nang iba!” Pagsingit sa usapan ni Nick habang tinatapik ang kaliwang balikat ni Ryan. “Kaya nga hindi na kami nag-react kanina habang nakangiti kang nakatulala sa kawalan!” Dugtong pa niya. Pagkarinig nito ay agad namang lumingon si Ryan sa kanyang kanan at pinalo rin nang bahagya ang likuran ni Nick gamit ang kanyang kamay na nakaakbay pa rin sa kaibigan. Hindi na rin nakatiis pa si James na nasa kabilang dulo ng linya. Sumabat na rin siya sa usapan ng kanyang mga matatalik na kaibigan. “…Kasi alam namin na nilalasap mo na naman ang mga moments na ito! Gano’n ka ka-sentimental!” Patuyang turan ni James. “TAMA!” Ang sabay-sabay na sambit nina Nick, James at Iya. “Naku, napagkaisahan na naman ninyo ako.” Pa-ismid na sambit ni Ryan. “Oo na, sentimental na kung sentimental. Pero, hindi ko itatanggi na… sobrang ite-treasure ko itong moments na ito, kasama kayong lahat…at kasama ka.” Nakangiting sambit ni Ryan habang nililinga ang mga kaibigan na nakapaligid sa kanya at sa huli ay unti-unting itinutuon ang paninging muli sa matalik niyang kaibigang si Claire. Sa ginawang iyon ni Ryan ay hindi na naman malaman ni Claire ang kakaibang kabog ng kanyang dibdib at ang muling pag-angat ng dugo sa kanyang magkabilang pisngi, anupa’t bahagya niyang iniyuko ang kanyang ulo upang hindi mapagmasdan ni Ryan ang pamumula ng kanyang mukha. Gustuhin mang masilip ni Ryan ang mukha ni Claire ay hindi niya ito magawa dahil sa buhok ni Claire na humarang sa tagiliran ng kanyang mukha dulot ng pagkakayuko nito. Napansin ni Iya ang dagliang pagbabago sa ikinilos ni Claire, at kung paanong nag-react si Ryan sa mga ito. Nakangiti ngunit matalas niyang tinitigan ang dalawa at saka muling nagsalita. “Alam niyo, ang cute niyong dalawa. BAGAY KAYO.” Patuyang sambit nito. Agad na napalingon ang dalawa kay Iya. Pigil-hinga ang ginagawa ni Claire habang hinihintay kung ano ang magiging tugon ni Ryan sa pang-aasar sa kanila ni Iya. “Naku, ‘yan ka na naman Iya. Kung kani-kanino mo na naman ako nili-link, ha?” Sambit ni Ryan habang patuloy na pinagmamasdan ang sarkastikong hitsura ni Iya. “Ganito lang talaga kami ka-close nitong si Claire.’Di ba, Bes?” Dugtong ni Ryan sabay tapik nang marahan kay Claire. “O-oo,” Ang maikling tugon ni Claire. Halos mabulol pa ito sa pagsagot, sabay hawi sa mga hibla ng buhok na nahulog sa kanyang ulunan. Patuloy lang na tinitigan ni Iya ang dalawa, lalo na si Claire. Alam niyang may kakaiba itong nararamdaman para kay Ryan. Ngunit hindi lang niya matiyak kung aware ba si Ryan tungkol dito. “Hmm…Okay, sabi niyong dalawa, e.” ang sarkastikong tugon pa rin ni Iya sa dalawa. Inilihis na niya ang kanyang paningin sa dalawa, sabay bulong nang mahina, “One is in denial, the other is numb.” “Ano ‘yon, Iya?” ang marahang tanong ni Claire. Mababakas sa kanyang boses ang kaba. “A, wala, wala.” Ang mabilis na tugon ni Iya. Tumawa siya nang bahagya at muling tumingin sa malayo. Si Claire naman ay napabuntong-hininga, wari’y iniisip kung may napansin ba sa kanyang kakaiba si Iya. “Naku, Claire, mukhang kailangan mong laging sumama sa mga hangouts and get together namin. Para mas makilala mo ang personality ng isa’t isa. Nang hindi ka naman ma-culture shock sa tuwing nagse-senti itong si Ryan, at kapag bumubulong-bulong mag-isa si Iya.” Sambit ni James. Magiliw itong tinitingnan ang dalagita. “Mukha nga.” Pagsang-ayon ni Claire habang unti-unting pinapakawalan ang matamis na ngiti sa mga labi. “Teka, kung si Ryan ay sentimental, at si Iya ay mahilig kausapin ang sarili, how about you two? Ano’ng personality niyo?” Muling pagbubukas ng usapan ni Claire habang kaliwa’t kanang nilingon sina Nick at James. “We’ll get there, soon!” Ang nakakaintrigang sagot ni Nick. Muling nagtinginan ang limang magkakaibigan at kapwa ibinigay ang matatamis na ngiti sa isa’t isa. Hindi nila namalayan na ang tagal na pala nilang nakatayo lang roon at hindi na humahakbang palabas ng gate ng Amusement Park na iyon. Tuluyan na ring nilamon ng dilim ang langit. At sa ‘di kalayuan, natatanaw na nila ang pag-andar ng ilang mga bus sa labas ng gate. Nilinga-linga nila ang paligid. Wala na silang makitang ibang mga estudyante sa loob ng park. Silang lima na lang pala ang natitira sa loob. “Naku! Nagsisi-alisan na ‘yung mga bus! Baka maiwanan tayo!” Bulalas ni Iya. “Oo nga. Naku, tara na nga’t bilisan na natin ang paglabas dito at baka nga tuluyan tayong maiwan! Wala akong extra budget pang-commute!” Pabirong sambit ni James. “Tara!” Ang sabay-sabay na pagsang-ayon ng apat. Dali-dali nilang tinanggal ang mga braso nila mula sa pagkakaakbay at animo’y mga batang nag-uunahan palabas ng gate. Tumakbo sila nang napakabilis, anupa’t halos hindi na sila humihinga, makalabas lang ng parke na iyon. Ilang segundo lang ang lumipas ay kanila nang narating ang gate palabas ng Amusement Park. Halos sabay na nakarating sa gate sina Ryan, Nick at James. Habang ang dalawang babae naman na sina Claire at Iya ay bahagyang nahuli. Hingal na hingal ang limang magkakaibigan. Napakapit sa magkabilang tuhod si Claire dahil sa sobrang pagkapagod nito. Agad naman siyang inalalayan ni Ryan. Inakbayan niya ito at saka dahan-dahang iniangat sa pagkakayuko. “So, pa’no guys? Mukhang dito na matatapos ang napaka “magical” na araw na ito.” Pagbubukas ng usapan ni Nick. “I guess so.” Mabilis na tugon ni Ryan. Nakangiti itong nakatingin sa kaibigan habang tangan-tangan pa rin si Claire. Agad niyang ibinaling ang kanyang paningin sa kanyang iba pang kaibigan na sa mga sandaling iyon ay nakatingin sa kanilang dalawa ni Claire. Hinahabol pa rin nila ang kanilang hininga ngunit malinaw na makikita sa kanilang mga mata ang kislap nito. Wari’y nagpapahiwatig ng kanilang hindi matatawarang kasiyahang nararamdaman. “Ahm, guys, thank you! Thank you for making this day so memorable! And thank you dahil sa mainit na pagtanggap niyo kay Claire.” Magiliw na sambit ni Ryan. “Ano ka ba, Ryan. Of course you’re always welcome to us!” Nakangiting sagot ni James. “At saka, masaya rin naman kami, dahil finally, nakita na namin at nakilala si Claire na matagal mo nang ikinu-kuwento sa amin!” dagdag pa ni Iya. Agad namang sinuklian ni Ryan ng matatamis na ngiti ang kanyang mga kaibigan dahil sa kanyang mga narinig. “Pero siyempre, kami rin, we’re hoping na masaya si Claire sa pagkakakilala niya sa amin today.” Sambit ni Nick habang nakatingin lang sa nakayukong si Claire. Wari’y nag-aabang kung ano ang magiging tugon ni Claire sa kanyang sinabi. Nilingon ni Ryan si Claire. Gusto niya itong himukin na magbigay ng reaksyon sa narinig na mga salita mula kay Nick. Inilapit niya ang kanyang bibig sa bandang tainga nito at saka bumulong, “Bes, ano’ng masasabi mo sa kanila? Masaya ka rin ba na sa wakas ay nakilala mo sila?” Magiliw na pagtatanong nito kay Claire. Hindi sumagot si Claire. Nanatili itong nakayuko at nakapikit. Nakakapit ito nang mahigpit sa kanyang tiyan na wari’y namimilipit sa sakit. Unti-unting nagbago ang mukha ni Ryan nang makita niya ang kalagayang ito ni Claire. “B-Bes, okay ka lang ba? A-Anong nangyayari sa’yo? May masakit ba sa’yo? Ang sunod-sunod na tanong nito sa dalagita habang patuloy pa rin sa pag-alalay sa kanya. “C-Claire, is something wrong?” sambit ni Iya na sa mga sandaling iyon ay kakikitaan na rin ng pagkabahala sa mukha. Biglang napakapit nang mahigpit si Claire sa mga braso ni Ryan. Bahagya niyang iniangat ang kanyang ulo at sabay na sinubukang magsalita. “O-okay lang Ak—“ Hindi na natapos ni Claire ang kanyang mga salita nang bigla na lang siyang naduwal sa gitna nilang lahat. Bahagyang napaatras sina Nick, James at Iya. Makikita sa mga mukha nito ang bahagyang pandidiri, ngunit may halong pag-aalala sa kanilang mga mata. Ngunit si Ryan ay hindi nagawang makaalis sa kinatatayuan dahil sa mahigpit na pagkakakapit ni Claire sa kanyang mga braso. Wala ngang nagawa si Ryan kung hindi ipagpatuloy lang ang pag-alalay sa kanyang matalik na kaibigan habang si Claire naman ay patuloy pa rin sa pagsusuka. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD