“PUMUNTA ka sa Asin Road, Brian. Tingnan mo kung totoo iyong sinasabi sa akin ni Juanito na patapos na ang mga kahoy na pinauukit ko sa kanya.” Pinagtabi na ni Don Alfonso ang mga kubyertos nito, palatandaang tapos na itong mag-almusal. “Nagdududa ako sa taong iyon. Mukhang hindi nagsasabi ng totoo.” “Lolo, narinig ko pong madami kayong order. Baka naman po hindi pa nila natatapos,” sabad naman niya. Nauliningan niya noong isang araw kung gaano kadami ang mga upuang kahoy na order nito, puwera pa ang mga bulol sculptures na iba’t iba ang laki . May bagong resort na pinapagawa ang kanilang lolo at tila doon ilalagay ang mga muwebles. “Kinuha niya nang kinuha ang bayad. Ibinigay ko na ng kumpleto. Dapat lamang na mag-follow up ako kung gaano na kadami ang nagagawa niya sa mga order ko.” T

