Nadatnan ni Esperanza si Lucas na nakatayo sa gitna ng silid, madilim ang mukha. Sumulyap ito sa kaniya nang isinara niya ang pinto. Gumawa kasi nang kaunting ingay ang paglapat ng pinto sa hamba niyon. Mababakas sa mukha ni Lucas ang paghihirap ng kalooban. Hindi lang isang responsibilidad kung 'di nakababatang kapatid din ang turing nito kay Isko. "H'wag ngayon, Esperanza. Hindi kita kayang harapin ngayon." Gumuhit ang kirot sa dibdib ni Esperanza. Sinisisi ba siya nito? Kaya kahit ang presensiya niya, hindi nito kayang matagalan? "Hindi lang ikaw ang nasasaktan, Lucas, ako rin. Mas matagal nga ang pinagsamahan n'yo pero malaki rin ang bahagi ni Isko sa buhay ko. Sa palagay mo, madaling dalhin sa konsensiya ang makita s'yang gano'n?" "Mas doble ang sundot sa konsensiya ko. Malaki an

