NOT A TYPICAL OTHER WOMAN
By JOEMAR ANCHETA (PINAGPALA)
CHAPTER 10
"Ganoon ba? Ako, wala naman akong natapos kaya siguro hanggang sa bahay na lang ako. Ilang araw na rin lang iuuwi na ako ng kinakasama ko sa Davao. Baka doon na lang din kami titira." Nagbuntong-hininga siya. Alam kong pangarap niyang maging nurse at makapagtrabaho sa ibang bansa ngunit ang pangarap na iyon ay hanggang sa balintataw na lang naka-ukit.
Pagkaalis ko ay niyakap ko si Vicky at hinayaan kong umagos ang butil ng luha sa aking pisngi. Naawa ako sa kaniya ngunit wala naman akong magawa. Nang magpaalam ako ay nakita ko ang lungkot sa mukha ng bunso namin. Alam kong may gusto siyang sabihin ngunit ayaw na niyang ituloy pa iyon. Nakita ko ang pagyugyog ng kaniyang balikat. Minabuti kong tumalikod na lang dahil ayaw kong makita niyang umiiyak rin ako kagaya niya. Ayaw kong ipakita na sobrang lugmok ko na at wala man lang akong magawa para mapagaan ang buhay niya. Sana hindi ako mabibigo sa aking pangingibang-bansa.
Sumunod kong pinuntahan si Papa. Naglalakad na ako nang tumunog ang cellphone ko. Unknown number at alam ko na agad kung sino.
“Hello?”
"James, si Mandy 'to."
"Uyy, ano nang balita?" tanong ko. Alam kong naiintindihan na niya ang gusto kong tumbukin.
"Tuloy na ang flight mo bukas ha?”
“Bukas na talaga agad?”
“Oo eh. Basta ha? Kung tanungin ka ng immigration kung anong sadya mo sa ibang bansa sabihin mo lang na may nahanap kang trabaho at kung bakit business visa lang ang ibinigay sa’yo, sabihin mo na dito nila i-process ang working visa mo. Huwag kang kabahan. Honest ka lang sa pagsagot sa lahat ng tanong nila sa’yo, okey?”
“Okey. Akong bahala. Makakalusot tayo.”
“Good. Huwag mong kalimutan ang mga bilin ko sa’yo. Passport at ticket mo at copy ng business visit visa. Salubungin kita sa airport. Daan ka muna sa internet café at buksan mo yung email ko sa'yo na plain tiket mo at visa. I-print mo na lang."
"Sige. Gagawin ko. Salamat." Sobrang saya ko sa sandaling iyon. Tutuloy na nga talaga ako.
"Walang anuman, James. Basta ikaw. Pa'no sunduin na lang kita dito pagdating mo?"
“Sure. Balitaan kita agad kapag nakapasok na ako sa airport.”
Minabuti ko na munang dumaan sa internet café at nagpa-print ng tiket saka na ako tumuloy sa bahay. Parang hindi ko kayang tumuloy nang nakita kong napakalungkot na ang hitsura ng bahay. Naalala ko si Mama. Ang kanyang salubong na ngiti sa akin kapag galing ako ng school. Muli, nangilid ang aking mga luha. Alam kong hindi siya masaya ngayon sa sinapit naming ngunit gagawan ko ng paraan na ayusin ang buhay ko. Baka sakaling makabawi ako.
Pagbukas ko sa aming pintuan ay nakita ko siyang nakahiga s Papa sa suwelo. Ang dating magarbo at puno na appliances naming salas, ngayon ay halos wala ng ibang laman kundi ang isang malaking lumang sopa na lamang. Nagkalat ang mga upos ng sigarilyo at bote ng alak. Napakabaho na ng buong bahay.
"Oh, ha ha ha! Himala! Nawawala ka yata," nagulat ako sa tinurang iyon ni Papa na kung titignan ay tumanda ng dalawampung taon. Pumayat na siya at wala nang maaninag na emosyon sa kaniyang mukha.
“Pa,” binalak kong magmano ngunit iniiwas niya ang kamay niya sa akin. “Anong masamang hangin ang nagdala sa’yo rito?”
Huminga ako nang malalim. "Magpapaalam lang po sana ako, Pa."
"Magpapaalam? Kailan ka pa natutong magpaalam, torpe!" singhal niya. Halatang lasing siya samantalang alas-nwebe pa lang ng umaga.
"Pupunta na kasi ako ng Qatar." minabuti kong hindi na lamang siya salubungin sa baliko niyang tinuran.
"Wala akong pakialam. Pumunta ka kung saan mo gustong pumunta. Sanay na akong iniiwan ng lahat. Umallis kayo dahil lahat naman kayo nawala na sa akin. Pumunta lang kayo kung saan niyo gustong pumunta dahil mula pagkabata ko, sanay na akong iniiwan ako...mga diyaske kayong lahat!" Sabay hagis niya sa bote. Nabigla ako sa pagkabasag niyon kaya nataasan ko siya ng boses.
"Tang inang buhay naman ito, Papa oh... nakikipag-usap ako ng matino e. Magpapaalam lang ho ako kaya ako nandito!" naibulalas ko.
"E, putang ina mo rin. May nalalaman ka pang paa-paalam e nung mag-asawa ka nga bigla ka na lang naglayas. Umalis ka nga dito. Hindi ko kayo kailangan. Magmula nang nagsialisan kayo, tanggap ko ng wala akong anak. Pumunta ka kung saan mo gustong pumunta!"
"Papa naman! Hindi ba pwedeng makausap ko naman kayo ng matino? Pa. magpakaama naman ho kayo sa amin. Iparamdam naman ninyo na mahalaga rin naman kami sa inyo.” Tumulo ang luha ko ngunit mabilis kong pinunasan. “Ganito na nga ang buhat natin lalo niyo pa hong pinapabigat. Kahit ho anong gagawin natin, wala na si Mama ngunit buhay pa kaming mga anak mo 'Pa. Kailangan ka din naman namin. Kailangan naming maramdaman ang pagmamahal mo. Oo nga't nandito ka pa pero daig pa namin ang ulilang lubos. Nang nawala si Mama sa inyo kami kumapit, sa inyo kami umasa ngunit parang wala din ho kayo!" nangilid muli ang luha ko.
"Umalis ka na! Lumayas ka rito. Mga walang kuwenta kayong lahat! Magsama-sama kayong lahat!" singhal niya.
Minabuti kong tumahimik na lang at isinara muli ang pinto. Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib at pinakawalan ang lahat ng naipong galit. Mabigat ang mga paa kong lisanin ang bahay na napuno ng katuwaan sa aking kabataan. Nang nasa gate na ako ay muli kong nilingon ang dati'y masaya naming tahanan noong bata pa ako. Naglaho na ang lahat ng iyon. Isinama na ni Mama sa hukay niya ang lahat. Kasalan lahat ng kuya ko ito. Sana nakinig siya sa akin noon. Bago ako tuluyang makalayo sa bahay ay umupo muna ako at pinagmasdan ang kabuuan nito. Isang bahay na hindi na nagiging tahanan pa. Muli, kahit anong pigil ang gagawin ko ay hindi ko parin napahinto ang pagtulo ng aking mga luha.
Madilim ang bahay nang dumating ako. Kinabahan ako dahil wala pati mga batang naghahagikgikan at tumatakbo na sumalubong sa akin. Dumiretso ako sa lagayan ng aming mga damit at parang umikot ang mundo ko ng tanging sulat na lamang ang naabutan ko doon.
James,
Hindi lang sa pag-aabroad umaasenso ang buhay. Kilala kita. Alam kong hindi ka makatatagal na walang babae. Kung hindi ka na mapakiusapan na hindi tutuloy, uunahan na kitang aalis kasama ng mga anak ko. Hindi ko kayang makita kang lumayo. Alam ko, pagdating mo roon, may makikilala ka. Lalaki ka kagaya ng Papa ko, gagawin mo rin sa akin ang ginawa ng Papa ko sa Mama ko at iyon ang di ko kakayanin. Ngayon, kung mahal moa ko, sunduin mo ako at ng mga bata sa bahay nina Mama. Pero kung tutuloy ka pa rin, ibig sabihin mas malahaga sa’yo ang pera kaysa sa kasama mo kami. Malay ko pa ba kung may kalolokohan kang iba sa Qatar. Marami na akong nakitang nasirang pamilya dahil sa pag-aabroad at ayaw kong umasa pa na maiba ang kuwento natin. Alam kong hindi ka iba sa iba pang lalaki. Pare-pareho lang kayo kapag nalayo sa kani-kanilang asawa.
Dinala ko na ang mga bata nang hindi na nila makita pa ang pag-alis mo. Pasensiya ka na pero kung mahalaga kami sa'yo hindi ka na dapat pang umalis. Sinabihan na kita dati pa. Ngayon, inuulit ko, pinapipili kita, kung mahalaga kami sa iyo huwag mo nang ituloy ang umalis at alam mo din kung saan mo kami susundan ng mga bata. Kung hindi ka darating ay alam kong mas pinipili mong iwan kami kaysa sa magkakasama tayo dito.
Kung anuman ang magiging desisyon mo, sana mapanindigan mo. Mahal kita James kahit nagiging magulo ang ating pagsasama dahil sa salat tayo sa mga ibang bagay pero hindi ko kakayanin na ako lang ang maiwan ditong mag-isa na mag-aalaga mga anak mo.
Mag-iingat ka na lang lagi.
Cathy
Inaamin ko nagdalawang isip ako. Mahalaga sa akin ang asawa at mga anak ko. Naging masaya rin naman kami ni Cathy at nagkakagulo lang kami lagi dahil hindi sapat ang aking kinikita. Ngunit bakit ngayon na nagpupursigi ako saka naman hindi ko maramdaman ang kanyang suporta. Hindi ba’t dapat laban naming itong dalawa? Hindi ba’t anumang mangyari, dapat nasa side pa rin niya ako?
Mula nang magsama kami, tanging mga anak ko ang nasa isip ko. Ngunit itong ginawa niya ngayon na kinuha ang mga anak ko na hindi man lang ako binigyan ng pagkakataong magpaalam sa mga anak ko, iyon ang hindi ko matanggap. Nanginginig ako sa galit sa ginawa niya. Ilang oras na lang sasakay na ako ng eroplano papuntang Qatar ngunit ipinagkait pa sa akin ang nalalabing oras na makasama ko naman ang aking mga anak. Halos hindi ako makahinga sa sakit ng aking mga pinagdadaanan. Araw araw niya akong sinusumbatan sa hirap ng aming buhay at ngayon gusto ko silang iahon ay minasama pa niya at naglayas kasama ng mga anak ko. Madami daw ang nag-aabroad ang nasisira ang pamilya dahil sa pagkakalayo. Iyon lamang ang tanging nakita niya pero hindi niya nakita ang ibang pamilya o karamihang pamilya ang bumubuti ang buhay dahil sa pangingibang-bansa.
Gustuhin ko mang sundan sila ay alam kong hindi na ako aabot pa sa flight ko dahil malayo din naman ang Isabela sa Manila at ang nalalabing oras ay taman-tama na lamang sa preparasyon ko. Umaagos ang luha ko nang iniimpake ako na ang mga damit ko. Parang naririnig ko ang hagikgikan ng mga batang nagtatakbuhan sa paligid ko. Sinaid ng asawa ko ang pang-unawa ko at pagpapasensiya sa kaniya.
Bago ako umalis sa bahay ay ibinuhos ko muna ang sama ng loob sa pamamasag ng mga pinggan na naroon. Bahala na ang may ari ng inuupahan naming ayusin iyon. Gusto kong iwan dito sa Pilipinas ang mga hapdi at kirot ng buhay ko. Gusto kong mabago ang kuwento ng buhay ko. Gusto ko na ding lumigaya. Gusto ko na ding ibalik ang dating ngiti ko sa labi.